Kabanata 3
K I A R A
“Sinuko mo ang bandera ng kababaihan sa lalaking nakilala mo lang kagabi at nagpakangkang ka sa sasakyan niya ng walang proteksyon? My god, Kiara Elena Lopez! Saan napunta ang utak mo?” My best friend exclaimed in disbelief after I told her what happened last night. Agad kong tinabunan ang bibig niya dahil medyo napapalakas ang boses niya at natatakot akong may ibang makarinig sa pinag-uusapan namin. Nakakahiya sa mga co-teacher namin kung malalaman nila ang kagagahan ko. Kung kailan ako tumanda saka pa ako nagkaroon ng ganitong problema.
“Sinong nagturo sa’yo nyan, ah? Hindi ganyan ang turo ko! Sinabi ko na sa’yo kung lalandi ka lang din– landi responsibly! Para naman tayong teenager nyan!” Sermon niya. Kinagat ko ang labi ko at hindi makapagsalita. Paano ko pa dedepensahan ang sarili ko, eh, totoo naman talaga ang sinasabi ni Julia. Matanda na kami masyado para sa ganitong problema. Isa pa, teacher ako. Dapat alam ko ang mga bagay na ito. Lalo pa at dumadami ngayon ang bilang ng mga nagkakasakit dahil sa unprotected s*x. Hindi lang iyon. Marami rin ang nabubuntis ng hindi planado! Buong buhay ko pinangako ko sa sarili ko na hindi kailanman mangyayari sa akin iyon. Na hindi ako magbubuntis ng hindi handa at hindi planado. Pero anong nangyari ngayon? Bakit ako nauwi sa ganitong sitwasyon? Higit sa lahat, bakit ako pumatol sa hindi ko kilala?
“Tapos ano? Anong nangyari pagkatapos? Naramdaman mo bang pinutok niya sa mahiwagang perlas ng silanganan ang katas ng kalandian ninyong dalawa?” tanong niya na masyadong bulgar para sa pandinig ko. Inirapan ko siya. Sanay naman ako sa bibig niyang ganito pero hindi ako sanay na ako mismo ang pinag-uusapan at ganito pa ang paksa.
“Ano? Sumagot ka! Huwag mo akong artehan dyan! Malandi ka!”
Sumimangot ako bago sumagot. “Aray ko naman! Isang gabi lang naman iyon at isang beses lang. Hindi naman siguro ako mabubuntis agad-agad.”
“Are you kidding me? So, anong ibig mong sabihin nyan? Nagpakangkang ka na nga sa sasakyan ng walang proteksyon, pinag-happy-new-year mo pa si Junjun. Ayos ah! Jackpot si gago!”
Bumuntong hininga ako. Kitang-kita na naiirita si Julia sa kagagahan ko at hindi ko siya masisisi dahil miski ako ay iritadong-iritado din sa sarili ko. Bakit ko ba nagawa iyon?
“Ang tanga naman, Kiara! Saan napunta ang utak mo kagabi? Ano? Sobrang gwapo ba non at hindi ka na nakapag-isip ng matino? Ang tanga lang!”
“Ang sakit mo naman magsalita. Kaya nga ako nagkwento sa’yo dahil alam kong ikaw lang ang makakatulong sa akin at saka alam ko na ikaw lang ang makakaintindi sa akin,” sabi ko sabay hawak ng kamay niya. Agad naman niyang inilayo ang kanyang kamay mula sa akin na para bang may nakakahawa akong sakit sa paningin niya.
“Anong pinagsasabi mo dyan? Anong tulong pinagsasabi mo? Paano kita matutulungan dyan? Anong gusto mong gawin ko? Tahiin ‘yang perlas mo para maibalik ang pagiging birhen mo? At tumigil ka nga dyan! Hinding-hindi kita maiintindihan dyan dahil never akong nakalimot magpasuot ng kapote kahit lasing na lasing na ako. Minsan ako pa ang may baon na kapote para kung sabihin niyang wala siya, nakahanda ako. Hindi ako papakangkang ng walang proteksyon, ‘no! Never!” aniya may pagtaas pa ng isang kamay. “Pwera na lang kung si Papa P ‘yan! Ay go!” habol niya.
“Paano kung sabihin ko sa’yong mas pogi pa kay Papa P iyong naka-una sa akin?”
Mabilis siyang napabaling sa akin, awang ang mga labi at kumikinang ang mga mata. “Are you kidding me?”
Umiling ako. Ayoko mang aminin pero gwapo talaga iyong Almodovar na iyon. Sobrang gwapo. Mas gwapo pa sa mga artistang napapanood ko lang sa mga pelikula. Pero dahil lang ba sa physical niyang anyo kaya ko nagawa iyon? Napakarupok ko naman kung ganoon. Hindi ko alam na ang bilis ko palang bumigay sa mga pogi.
“That’s impossible!” Bulalas niya.
“Nagsasabi ako ng totoo. Ano pa bang ipagsisinungaling ko sa’yo?”
“Patunayan mo kung ganoon! Patunayan mo na mas gwapo pa kay Papa P ‘yang lalaking ‘yan!”
Umirap ako. “Paano? Wala akong picture niya!”
“Social media! Duh! Sa panahon ngayon imposibleng walang social media ‘yan!”
Hindi ko pa nasasabi sa kanya na estudyante ko iyong lalaking nakasama ko kagabi dahil hindi pa ako tapos magkwento at ganito na agad ang reaksyon niya kaya paano ko pa maisisingit ikwento sa kanya ang nangyari kanina sa klase ko?
“Don’t tell me, hindi mo man lang nakuha ang pangalan ng lalaking ‘yon?” Napasapo siya sa kanyang noo. “Jusko, Kiara! Ano bang nangyari sa’yo kagabi? Naging bobo bigla? Hindi na nakapag-isip? Sarap na sarap ba at hindi mo na nagamit ‘yang kokote mo? Paano pala kung mabuntis ka nyan? Anong gagawin mo, huh?”
Bumuntong hininga ako at kinuha na lang ang phone ko para i-search ang pangalan niya sa social media ko. Agad na lumabas ang pangalan niya sa suggestion kaya agad ko itong pinindot. Nakaprivate ang account niya pero kita naman ang profile picture niya kaya siguro ayos na iyon. Ipinakita ko iyon kay Julia. Sandali siyang natahimik habang pinagmamasdan ang litrato ni Almodovar. Salubong ang kilay niya habang pinagmamasdan iyon na tila ba sinusuri niyang maigi.
“Ito ‘yon?” tanong niya. Binawi ko na ang phone ko at pinatay ang screen nito.
“Pinagloloko mo ba ako, Kiara? Paano mo nabingwit ang isang ‘yon?” Tanong niya na tila ba hindi makapaniwala.
“Excuse me, hindi ako ang lumapit doon. Siya ang kusang lumapit sa akin. At bakit parang gulat na gulat ka? Panget ba ako? Maganda naman ako, ah?”
Ngumisi siya. Biglang nagbago ang awra niya sa hindi ko maintindihang dahilan. “Maganda ka nga pero sinong mag-aakala na makakabihag ka ng ganoon? Anong ginawa mo doon? Sinayawan mo lang? Paano ‘yang sayaw na ‘yan, patingin nga at ng magaya! Jusko, Kiara! Ang gwapo naman non at mukhang ang sarap pa!”
Hindi makapaniwalang tiningnan ko ang kaibigan ko. Nakita niya lang ang mukha ni Almodovar ay nagbago na agad ang isip niya. Kanina lang kung pagsalitaan niya ako parang ang dumi-dumi kong tao at bobong-bobo siya sa akin. Tapos nakita niya lang ng picture ng Almodovar na ‘yon nagbago agad ang mood niya. Hindi ko na talaga alam minsan kung paano ko naging kaibigan ang isang ito.
“So kung ganyan naman pala kagwapo ang naka-first-blood sa’yo. Ano pang inaalala mo? Natatakot kang mabuntis? Halika at bibili tayo ng emergency pills para mawala ‘yang kinakatakot mo.” Kinuha niya ang kamay ko upang hilahin patayo pero agad kong binawi iyon.
“Hindi naman kasi ‘yan ang inaalala ko.” Bumuntong hininga ako. Natigilan siya at muling bumalik sa pagkakaupo sa tabi ko.
“Eh, ano pala?”
Luminga ako sa paligid upang makasiguro na walang makakarinig sa pag-uusapan namin. Nang nakasigurong abala naman ang mga kasamahan namin ay sinabi ko na kay Julia ang nangyari kanina sa klase ko. First class ko pa naman iyon. Hindi ko na tuloy alam ngayon kung paano ako nito makakapag-focus sa sunod kong subject. Pagkatapos kong sabihin kay Julia na estudyante ko iyong lalaki kagabi ay hindi niya naiwasang mapasigaw. Agad kong tinakpan ang bibig niya. Napalingon sa amin ang ibang teacher na nasa faculty room din. Nginitian ko na lamang ang mga ito at agad na tiningnan ng masama ang kaibigan.
“Huwag ka ngang maingay d’yan,” iritadong bulong ko.
“OMG! Paano nangyari ‘yon? Student mo siya? Sigurado ka ba d’yan? Baka naman kamukha lang niya?”
Umiling ako. “Imposibleng kamukha niya lang. Hindi ako pwedeng magkamali, ano! Nakainom ako kagabi pero tanda ko pa ang mukha ng lalaking nakauna sa akin. Pareho din sila ng pangalan.”
Muli siyang napahawak sa bibig niya sa pagkagulat na tila ba hindi niya lubos mapaniwalaan ang mga sinasabi ko. “Amazing!” aniya pa, tila wala ng ibang masabi. Napabuntong hininga muli ako. Mukhang hindi ako matutulungan nitong kaibigan ko sa problema ko. Kung sa bagay ano nga ba naman ang maitutulong niya sa akin, di ba? Well, kahit piece of advice man lang sana.
“Ano nang gagawin ko nito, Julia?” Yumuko ako sa lamesa ko at isinubsob ang mukha.
“Hayaan mo na. Akala ko naman sobrang laki ng problema mo. Ang mahalaga ay hindi ka mabuntis o mahawahan ng sakit ng lalaking iyon. Huwag mong intindihin kung estudyante mo siya. Dedmahin mo na lang. Huwag mong ipahalatang apektado ka sa nangyari sa inyo kagabi,” aniya, sandaling natigilan. “Pero alam mo parang ang hirap ngang gawin no’n.”
Nilingon ko siya habang nakasubsob pa din ang mukha sa lamesa. Ngumuso ako at kahit papano’y natuwa na naiintindihan niya din ako.
“Kasi sa gwapo no’n parang ang hirap namang hindi magpaapekto. For sure kapag makikita mo siya maalala mo iyong mainit na sandaling pinagsaluhan ninyong dalawa sa sasakyan niya. Oh my gosh! Paano na ‘yan? Paano ka magtuturo kung ganoon?” aniya na para bang na-i-imagine niyang sa kanya nangyayari ito.
Napabuntong hininga na lang tuloy ulit ako. Umupo na ako ng tuwid at hinanda na ang mga gamit ko. Tapos na ang break. May klase pa akong kailangang pasukan. Kahit parang wala na ako sa mood magtrabaho ay wala akong choice. Kailangan kong kumayod para sa pamilya ko. Isa pa, matagal kong pinangarap na makapasok sa eskwelahang ito. Hindi ako pwedeng basta na lamang mag-resign dahil dito. Hindi ako pwedeng sumuko sa trabaho.
Nang nakita ako ni Julia na nagliligpit ng mga gamit ko ay ngumisi siya. “Tama iyan. Magtrabaho tayo. Laban lang! Walang susuko! Walang aayaw! Virginity lang ang isusuko, hindi ang trabaho.”
Matalim ko siyang binalingan nang sabihin niya iyon. Wala na talagang magandang salita ang lumabas sa bunganga ng babaeng ito. Napapailing na lamang ako nang tumayo na para pumasok sa sunod na klase. Hindi ko alam kung paano siya naging teacher kung ganito ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. Pero sa totoo lang, ganito lang naman itong si Julia sa labas ng klase pero kapag nagtuturo na ‘yan nagiging seryoso din naman. Idol ko nga ‘yan magturo, eh. Mas strict pa siya sa akin sa klase at inaamin ko naman na mas matalino siya sa akin. Maloko lang talaga lalo na sa mga taong malapit sa kanya.
“Good morning, Mr. Zamora!” bati ko nang makasalubong ko ang isa sa mga hinahangaan kong professor dito sa school. Ang lawak ng ngiti ko bigla animo’y walang problemang kinakaharap.
Sa totoo lang, crush ko nga itong si Clyden. Hindi lang ito basta gwapo at matalino. Mabuting tao din itong si Clyden. Saksi ako doon dahil noong bago pa lang ako sa school na ito ay isa siya sa mga tumulong sa aking mag-adjust. Kaya nga crush na crush ko talaga ito, eh. Sayang lang at balita ko ikakasal na daw ito. Hindi ko lang alam kung kanino dahil sobrang pribado ng buhay nitong lalaking ito. Ni minsan ay hindi ko nakitang may pinost siyang babae sa social media niya kaya nagulat na lang ako nang mabalitaan kong malapit na siyang ikasal. Ang swerte siguro noong babaeng pakakasalan niya. Naisip ko tuloy ang sarili ko. Makakapag-asawa pa kaya ako? Thirty na ako pero hindi man lang ako nagkaroon ng boyfriend.
“Good morning, Ms. Lopez,” sa mababang boses na bati pabalik sa akin ni Clyden.
“Parang nagmamadali tayo, ah? Saan ang next class mo?” tanong ko habang sinasabayan ang lakad niya.
Sinabi niya kung saan ang next class niya at nagkataon naman na malapit lang din doon ang sunod kong klase kaya tuluyan na akong sumabay sa kanya. Habang papunta kami sa kanya-kanya naming klase ay hindi ko maiwasang kumustahin siya. Medyo matagal-tagal din kasi kaming hindi nakapag-usap dahil napaka-busy na tao nitong si Clyden. Lahat naman kami busy pero mas abala itong taong ito dahil bukod sa pagtuturo ay may business din itong pinapatakbo.
Nakangiti pa ako habang pinapakinggan ang sinasabi niya nang mapadaan kami sa isang classroom. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang lalaking nakasandal sa labas ng silid na iyon. His piercing eyes were fixed on me. Malayo pa lang kami ay natatanaw ko na siyang nakatitig sa akin. Nagtama ang tingin namin ng ilang segundo nang madaanan namin siya ni Clyden pero agad din akong nag-iwas. Muntik pang mawala ang ngiti ko pagkakita sa kanya pero agad ko din namang naayos ang ekspresyon ko. Hindi ko pwedeng ipahalata sa kanya na apektado ako sa presensya niya.