“Sandali lang!” isang malakas na katok sa pinto ang bumulabog kay Hazel. Bakit kung kailan pa naman siya walang pasok ay may panira ng tulog niya. Ika-anim pa lamang ng umaga nang silipin niya ang alarm clock sa tabi ng higaan niya. Isang apartment ang tinitirhan niya at may tatlong kuwartong nasa itaas na palapag.
“Sandali sabi! Sino ba kasi iyan?” kukusot-kusot pa ng mga mata na hinawakan ni Hazel ang seradura ng pinto upang pagbuksan ang kung sino mang walang kaluluwang umistorbo sa kaniyang beauty rest.
“Good morning!” Pikit pa ang isang mata nang pagbuksan niya ang pinto. Halos manlumo siya nang mapagsino ang bisita.
“Anong ginagawa mo rito?” Napakamot na lamang siya sa kaniyang buhok at walang pakialam kung magulo man iyon. Ngayon lang siya makapagpapahinga nang husto ngunit heto ang lalaking nais manggulo sa masarap na yakap ng kama sa kaniya.
“Hello, neighbor!” napahinto sa paghikab ang dalaga sa narinig.
“What? Anong pinagsasasabi mong neighbor?At saka bakit nandito ka?” Tila nagising ang natutulog pa niyang diwa dahil sa sinabi nito.
“Neighbor?” sambit niya sa sarili.
“Yes! Neighbors na tayo. Kaya mag-ready ka na at may pupuntahan tayo. Bilis!” Mabilis na itinulak ni Tantan ang dalaga papasok ng bahay nito. Hindi naman na nakapalag pa ang dalaga. Sa halip ay sinunod na lamang niya ang nais nito. Papasok an siya ng banyo dala ang tuwalya niya nang mahimasmasan sa pagkabigla.
“Teka nga lang,” sabi niya rito sabay halukipkip. Prenteng nakaupo naman si Tantan sa maliit niyang sofa.
“Paano kita naging neighbor at saan tayo pupunta? Paano ka nakasisigurado na sasama ako sa’yo at bakit tayo aalis?” sunod-sunod na tanong niya sa binata na natatawa na lang sa hitsura niya. Lalo na sa magulong buhok niya.
“Maligo ka na muna. Mamaya ko na sasagutin iyan. Ang dami mong tanong. Kita mo may tuyong laway ka pa sa pisngi.” agad naman niyang sinilip ang sinasabi ni Tantan sa salamin sa pader ng apartment niya ngunit wala naman ang sinasabi nitong tuyong laway.
Nanlisik ang mga mata ni Hazel at dinampot ang tsinelas at ibinato sa lalaking napakabilis namang umilag at agad na nanakbo palabas ng apartment. “Buset ka talaga! Panira ka ng tulog!”
“Bilisan mong maligo! Maghihintay ako rito sa labas!” sambit nito sa halip na tuluyang umalis. At dahil nagising na si Hazel nang tuluyan ay naligo na lamang siya. Mga isang oras din bago siya natapos. Nang makapagbihis ay nagkape na rin siya. Naisip niya na mamalengke na lang ng tanghalian niya mamaya.
“O? Nandito ka pa?” Eksaktong paglabas niya ng pinto ay nakita niyang nakasampa ang mga kamay hanggang kilikili ni Tantan sa may balcony. Lantang gulay na hinarap nito ang dalaga.
“Ang tagal mo namang maligo. Inubos mo na yata ang isang bar ng sabon sa kakukuskos sa balat mo e.” lantang gulay may pero may energy pa para mang-asar.
“Akala ko kasi umalis ka na. Bakit hindi ka kumatok. Nakapag-almusal na ako lahat-lahat e nariyan ka pa rin,” halos maningkit ang mga mata ni Hazel sa katatawa. Bumusangot na lang si Tantan. Pero mayamaya ay muling sumigla.
“Tara na!” mabilis na hinawakan niya ang braso ni Hazel at hinila pababa ng apartment. Pagkatapos ay nagtungo sa gitnang pinto sa ibaba. Agad na ibinigay ang isang bisikletang pink sa kaniya at itim naman ang kay Tantan.
“Diyan ka nakatira?” usisa niya rito.
“Oo,” mabilis na sagot nito habang inihahanda ang bisikleta.
“Kailan pa?” napahaplos na lang sa buhok ang binata sa pagka-dismaya.
“Busy ka nga,” tanging sambit nito. Ilang linggo na nang makalipat si Tantan sa apartment na iyon. Hindi niya alam na nakatira pala si Hazel doon hanggang sa papalabas siya ng bahay at nakita niya itong papunta ng opisina. Kaya naman sinundan niya ito.
Matapos ang araw na iyon ay lagi na niyang hinihintay ang dalaga at inihahatid sa opisina. Hindi na niya ito sinabihan dahil natutuwa siyang pagmasdan ito sa likuran. Ngunit dahil naka-leave ang dalaga ngayon na eksaktong leave rin niya ay nais niya itong ipasyal. At ipaalam na rin na nakatira siya roon.
“Ano nga?” naiiling na natatawa na lamang si Tantan.
“Tara na habang maaga pa,” yaya niya kay Hazel saka nauna nang magpedal ng bisikleta. Wala namang pagtutol ang dalaga na sinundan kung saan siya dadalhin ni Tantan.
Matagal na siya sa apartment na iyon ngunit hindi pa siya nakapamasyal o nakalibot man lang doon. Naging abala kasi siya sa opisina at palagi ring overtime. Kaya naman wala siyang oras para gumala sa lugar nila.
Habang nagbibisikleta ay ngayon lamang niya napagmasdan ang paligid ng tinitirhan niya. Maraming tao na sa paligid kahit maaga pa. Kadalasan ay mga tao lang na papasok ng trabaho ang nakikita niya o napapansin. Ngunit ngayon ay pati na ang mga nakatambay sa labas ng mga bahay ng mga ito.
“Malayo pa ba tayo?” usisa niya nang halos labin-limang minuto na silang nagbibisikleta. Nais din naman niyang makita ang pupuntahan nila. Ngunit tila wala pa rin naman siyang nakikitang ano mang kaiba sa mga dinaanan na nila.
“Malapit na. Liliko lang tayo riyan,” napakunot ang noo niya nang makita niyang paliko iyon pabalik sa lugar nila.
“Saan ba kasi tayo pupunta? Pabalik na iyan sa bahay e,” dismayadong tanong niya.
“Ano ba kasi ine-expect mo?” napaisip din naman siya. Wala naman nabanggit ang binata kung ano nga ba ang pupuntahan nila pero sumama pa rin siya.
“Hindi ba may pupuntahan tayo sabi mo?” pagpapaalala niya lang sa binata.
“Mayroon nga,” sabi naman nito.
“E, saan nga?” pangungulit pa rin ni Hazel.
“Dito. Ito ang pupuntahan natin,” sambit nito nang lumiko na sila.
“Buset ka talaga! Wala talagang matino sa’yo!” agad na ibinato ni Hazel ang suot niyang tsinelas sa binata at himala namang nasalo ito ni Tantan.
“Oy, sayang iyan,” tukoy nito sa tsinelas nang masalo niya sa ikalawang pagkakataon ang isa pa nitong tsinelas. Hindi matapos-tapos ang halakhak ni Tantan nang maisahan na naman niya ang dalaga.
Halos mangalay ang mga paa ng dalaga kahahabol sa bisikleta ni Tantan. Ang buong akala niya na may pupuntahan sila ay yayayain lang pala siya nitong mag-bisikleta. Kahit papaano ay natuwa rin naman siya dahil hindi niya nagagawa ang mga ganitong bagay sa sobrang abala sa trabaho.
Tagatak ang pawis na nagpahinga sila sa tapat ng apartment ni Tantan. Napapaisip si Hazel na mukhang hindi na magiging tahimik ang buhay niya dahil sa abnormal niyang kapitbahay na ay katrabaho pa.
“Akala ko naman ay may magandang lugar kang ipakikita sa akin.” Humalakhak si Tantan sa sinabi niya.
“Wala naman akong sinabi. At isa pa ay wala akong kasama mag-biking. Buti na lang at kapitbahay kita kaya ngayon ay may makakasama na ako,” sabi pa nito.
Sa opisina naman ay maagang dumating si Greg. Agad siyang napalingon sa upuan ni Hazel nang makarating sa tapat ng pinto ng opisina niya. Pagkatapos ay pumasok na sa loob. Katulad ng usual niyang ginagawa pagpasok sa opisina ay matagal na isinasandal muna niya ang kaniyang likod sa upuan at pipikit ipang ikondisyon ang sarili bago magsimula sa trabaho.
At nang maituon na niya ang isip sa trabaho ay pinindot niya ang telepono. Magsasalita na sana siya nang mapalingon siya sa puwesto ni Hazel. Saka lamang niya naalala na wala nga pala ito. Siya ang nag-insist na mag-off ito. Tumayo siya sa kinauupuan at lumabas ng opisina saka nagtungo sa desk ng dalaga at kinuha ang sapat sana ay i-u-utos niya rito.
Pabalik na siya ng opisina niya nang mapalingon sa puwesto ni Ethaniel. Wala rin ito. Sumeryoso ang mukha niya at muling pumasok sa opisina. Maaga rin naman siyang uuwi mamaya dahil mayroon lamang siyang tatapusin kaya siya pumasok sa opisina.