Umaagos ang luhang napabalikwas ang binata mula sa pagkakahimbing. Agad niyang pinahid ang mga ito ngunit tila wala itong katapusan. Matagal-tagal na nang muli niyang maranasang mamasa ang mga mata niya.
“Boss, okay ka lang ba?” Tumingala siya sa kung saan nagmula ang malalim na boses. Ngayon niya lamang napagtanto na nasa bar pa pala siya. Kaya pala hindi niya maimulat nang maayos ang mga mata sa kumikislap na mga ilaw. At halos mabasag ang katahimikan niya sa tugtog na tila yumayanig sa paligid ng bar.
Tumango lang siya sa lalaking nagtanong sa kaniya at muling iniyuko ang ulo. Naalala niya ang huling katagang sinambit ng babaeng kahit pangalan ay ayaw na niyang maalala pa. Ang babaeng hindi niya alam kung mapapatawad pa niya.
“Patawarin mo ako…” sambit ng babaeng tila hirap na hirap huminga. May tama ito ng baril at sinasambit ang mga katagang humihingi ng tawad sa kaniya.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa baso na may lamang alak na animo’y mababasag na ito sa palad niya. Matalim ang tingin sa kawalan na pilit inaalis sa isip ang napanaginipan. Ngunit sa bawat pagpilit sa sarili ay siyang pagsusumiksik naman sa kaniyang isipan ng babae na nasa panaginip niya.
“Lumabayan mo’ko!” umalingawngaw ang sigaw ng binata kasabay ng pagkabasag ng baso ng alak sa sahig kung saan niya iyon itinapon. Sa lakas ng tugtog ay hindi siya nakaagaw ng malaking atensiyon. Tanging ang mga kalapit lamang niya ang napatingin sa kaniya at ang bar tender.
“Boss, lasing na ho kayo, makapagmamaneho ho ba kayo? Ipapahatid ko na kayo,” pag-aalalang sambit ng bar tender. Regular ang binata sa bar na iyon at kilala na siya ng mga tao roon. Ngunit ito pa lamang ang unang beses na nagbasag siya ng baso roon.
“Kaya ko na,” sabi ng binata na inakto pa ang kamay nito na tila pinigilan ang bar tender na lapitan siya. Ngunit nang tatayo na siya ay nawalan siya ng panimbang at nahulog sa sahig mula sa kinauupuan niya.
“Boss!” Mabilis na sumaklolo ang lalaki at inalalayan siya.
Pinaupo sa gitnang sofa upang makapagpahinga. Tinawagan na rin nito ang driver ng binata upang masundo ito. Noong nalasing ito nang todo ay tinawagan ng bar tender ang numero na nakasave sa phone nito randomly. Eksakto namang ang kasambahay nito ang nakasagot.
Ipinasundo ng matandang kasambahay ang binata sa driver kaya naman may numero na ang bar ng driver nito. Ibinigay niyon ang numero niya sakaling magawing muli ang amo niya roon at mangailangan ng susundo.
Halos magkakalahating oras din ang nakalipas bago nakarating ang driver nito. Araw-araw ay nag-aalala ang mga ito kung makauuwi ba ng safe ang amo nila dahil sa kalagayan nito. Saksi sila sa pagbabago ng amo nila simula nang mawala ang asawa nito.
“Bossing, salamat sa pagtawag.” Sumaludo pa ang driver sa bar tender bago inalalayan ang boss niya na makalabas ng bar at makauwi ng bahay.
“Sabi ko naman sa’yo. Mag-iingat kang lagi,” sambit ng matandang kasambahay habang pinupunasan ng basang towel ang binata sa braso nito. Hindi pa rin siya masanay-sanay na umuuwi itong lasing. Pagkatapos ay parang walang nangyari pagkagising nito at muling papasok sa opisina.
“Kailan mo ba matatanggap na wala na siya?” tukoy ng matanda sa yumaong asawa nito. Naiiling pa ang matanda dahil naaawa siya sa binata. Saksi siya sa pagsisimula ng relasyon ng mag-asawa at alam niyang mahal na mahal nito ang asawa. Ngunit nagtaka na lamang siya nang tila nagbago ito nang mamatay ang kapatid nito.
Lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na dahilan ng pagbabago ng binata. Ang alam niya ay hindi nito matanggap ang pagkamatay ng asawa nito. Muling piniga ng matanda ang tuwalya at ipinunas naman sa mga kamay nito. Matapos mapunasan ay iniwan na nito ang binata sa kuwarto.
Halos ganito ang sitwasyon nila araw-araw. Uuwi itong lasing o hindi kaya ay susunduin ito ng driver nila. Naaalala pa ng kasambahay noong unang uwi nito ng lasing ito. Halos hindi na makalakad sa kalasingan. Pinilit ng matanda ma makatulog upang magising ng maaga kinabukasan at makapaghanda ng almusal ng ano niya.
“Nakaaawa iyong regular na customer namin,” sambit ni Allen sa dalagang kausap. Madaling araw na ay hindi pa rin nakatutulog si Hazel. Kanina ay kausap niya si Tantan pero inantok na ito kaya naman naiwan na siya.
Habang hinahanap niya ang antok ay tumambay siya sa harapan ng pinto ng apartment niya. Eksaktong dumating naman si Allen galing sa trabaho. Nauna ito sa lugar nila kaya matagal na itong nakatira sa apartment na iyon.
“Bakit naman?” usisa ni Hazel. Kapag nagpapang-abot sila nito ay kinukuwentuhan siya nito ng mga kaganapan sa bar kahit na hindi naman niya kilala ang mga taong topic nila. Pampalipas oras lang nila at pampaantok.
“E kasi lasing na lasing na naman. Araw-araw sa bar ‘yon. Hindi yata maka-move on sa namatay na asawa.” Tatango-tango lang naman si Hazel.
“Mahirap nga ang ganoon. Hindi naman din kasi nauutusan ang puso. Kahit si ampalaya e. Hindi rin maka-move on sa asawa niya. Ampait ng buhay. Hindi pa rin pinapansin ang beauty ko,” natawa naman si Allen at talagang naisingit pa ni Hazel ang crush nitong boss niya.
Kilala na rin ni Allen ang boss niya dahil madalas niya itong ikuwento. Ito ang topic nila kapag walang kuwento si Allen ng tungkol sa mga tao sa bar. Matatag din itong si Hazel dahil kahit na sinusungitan siya ng boss niya ay hindi nawawala ang paghanga nito roon.
“Kung sabagay. Sana lang maka-move on na siya. Pero kapag nangyari iyon e baka mabawasan ang regular sa bar namin,” napakagat pa ito sa ibabang labi pagkasambit niyon.
“Iyon pa talaga ang naisip mo. Ibang klase ka rin talaga,” natatawang sabi ni Hazel.
“O sige na. Tulog na tayo. Baka gusto mo na rin magpahinga. Maaga rin ako bukas.” paalam ni Hazel. Sabay silang pumasok sa kani-kanilang apartment.
Hindi maiwasan ni Hazel na maisip si Greg—ang boss niya. Iniisip niya kung kailan ba siya nito makikita bilang babae at hindi bilang isang sekretarya lamang. Nasa ganoong isipin siya nang nakawin ng antok ang mga mata niya.
“Magandang lalaki ako!” Halos mapalundag sa gulat si Hazel habang nagsasara ng pinto ng apartment nang dahil sa makulit na binatang maganda yata ang tulog kaya alive na alive na naman.
“Alam mo? Kaunti na lang e magkakasakit na ako sa puso,” sambit niya rito na agad na hinampas ang braso nito. Hindi na ito nakailag dahil sa bilis ng pag-indayog ng kamay ng dalaga.
“Aray naman. Kaunti na lang din e mawawalan na ako ng braso kapag nagtuloy-tuloy ang hampas mo sa akin,” sabi nito na hahaplos-haplos pa sa brasong hinampas ng dalaga.
“Ewan ko sa’yo.” Mabilis na naglakad ang dalaga pababa ng hagdan. Dahil magkapit-bahay na sila ni Tantan ay magkasabay silang pumasok sa opisina sa ayaw at sa gusto niya.
“Humawak ka nang mahigpit baka mahulog ka.” naiilang na kumapit si Hazel sa likod ng motor na may hawakan.
Ngunit hinawakan ni Tantan ang kamay niya at iniyapos ito sa baywang nito. Tangkang aalisin niya ang pagkakakapit dito nang biglang paandarin nito ang motor. Wala siyang nagawa kung hindi ay mas higpitan pa ang kapit sa binata.
“Magpapakamatay ka ba?” angil ni Hazel nang huminto ang motor sa tapat ng lobby ng opisina. Humagalpak naman sa tawa ang binata sa halip na maawa sa kaniya.
“May nakakatawa ba?” Hindi rin naman malaman ni Hazel kung bakit nakatatagal siya sa lalaking ito.
“May suklay ka ba? Ang buhok mo kasi,” natatawa pa ring sabi nito. Kaagad na sinilip niya sa salamin ng motor ang buhok niya at gusot-gusot nga ito. Inayos niya ito ng kamay niya dahil wala siyang mahagilap na suklay sa bag niya.
“Ako na nga,” sambit ni Ethaniel at iniayos ang nakatayong buhok niya. Saglit na tila natulala si Hazel. Pigil ang paghinga sa halos ilang pulgada na lamang na distansiya niya sa binata. Langhap niya pa ang halimuyak ng hininga nito.
“Ayan. Okay na,” sambit ni Ethan saka lumayo nang bahagya.
“S-sige. Una na ako. See you sa taas,” naiilang na sabi niya rito saka nagmamadaling pumasok sa lobby. Dumiretso naman si Ethan sa parking area ng mga motor. Kasabay ng pagpasok ni Hazel sa elevator ay siyang pagpasok naman ni Greg doon.
“Good morning, S-sir,” nauutal niyang sabi. Hindi siya ready nang pumasok ito sa elevator kaya nataranta siya. Pero bigla ring nawala ang pag-aalala niya. As usual at hindi pa rin naman siya pinansin nito. Kahit tanguan o lingunin man lang ay hindi nito ginawa.
“Suplado talaga,” nakangusong bulong ng isip niya. Nang lingunin niya ang binata ay seryoso pa rin ito. Nakatitig ito nang matalim sa kawalan.
“Ang pait!” naiirita niyang sabi na sinadya niyang lakasan ngunit deadma pa rin ang binata sa kaniya. As usual, deadma ang beauty niya. Mananalo nga yata ito sa contest kung deadmahan ang labanan.