NANUNUYO ang lalamunan ko ng magising ako at tumambad sa 'kin ang maliwanag na ilaw sa loob ng silid na kinaroroonan ko. Ilang beses kong ikinurap ang mga mata ko para sanayin iyon sa liwanag at ng maging maayos na ay saka naman tumambad ang mukha ng estranghero sa harapan ko. Abot tainga ang ngiti niya habang nakatitig sa 'kin at naramdaman ko na lang na hinahaplos nita ang pisngi ko. Gumanti ako ng ngiti at tinangka rin siyang hawakan pero sa isang iglap ay nagbago ang senaryo. Nakita ko ang sarili ko na nakasubsob sa manibela saka ko napagtanto ang tunay na nangyari sa 'kin.
Sukat nang maisip ang nangyari ay mulagat kong naimulat ang mga mata at ramdam ko ang malamig na pawis na gumigiti sa noo ko. Inilibot ko ang paningin sa kulay puting silid na kinaroroonan at tumigil 'yon sa baklang kaibigan ko na abalang kinakalikot ang cellphone.
"M-Mandy," tawag ko sa paos na tinig.
Gulat na agad na tumalima siya at lumapit sa 'kin.
"Jusko, Nathalie, buti naman gising ka na! Tatawagin ko ang doktor," puno ng pag-aalalang wika niya at nagmamadaling lumabas ng silid.
Sinubukan kong bumangon pero hindi kinaya ng katawan ko at muli akong bumalik sa pagkakahiga. May brace ang leeg ko at naka-semento ang isang kamay at paa ko. Wala akong maramdaman sa mga bahaging 'yon bukod sa ulo ko na kumikirot. Pero kahit na gano'n ay hindi ko pa rin maiwasang mag-alala lalo na nang mapagtanto ko ang kalagayan ko.
Walang ano-ano ay naramdaman ko na lang ang pagtulo ng mga luha ko. Ano bang kamalasan 'tong nangyayari sa 'kin? Paano na lang kami ni Tantan? Hindi ako pwedeng tumigil sa pagtitinda kahit isang araw dahil siguradong wala din kaming kakainin. Aburido kong ginulo ang buhok ko at marahas na pinunasan ang luha.
"Ano bang iniiyak-iyak mo, Nathalie?! Wala din naman mangyayari kung magmumukmok ka at kakaawaan ang sarili mo!" Kastigo ng isang bahagi ng isip ko.
May hikbi na kumawala sa bibig ko na agad kong pinigilan kasabay no'n ay ang pagsulpot ng doktor. Iniiwas ko ang mukha sa gawi nila at agad kong tinuyo ang luha sa mata at pisngi ko. Pagkatapos ay saka ko sila muling hinarap.
"Kumusta ang pakiramdam mo, hija?" Anang doktor habang ini-eksamin ako.
"M-maayos na ho ako, Dok. Pwede na ho akong lumabas at pakitanggal na ho itong nasa binti at braso ko," sabi ko at alanganing nginitian ang lalaking doktor. Sa tingin ko ay nasa late 50's na siya base sa dami ng mga puting buhok na visible sa ulo niya.
"Sumasakit ba ang ulo mo?" tanong ng dokor na hindi inintindi ang sinabi ko.
Napaisip ako sa isasagot. Kapag itinanggi kong wala na 'kong nararamdaman ay maaaring pumayag siya na lumabas ako. Pero kapag sinabi ko naman ang totoo ay maaaring humaba pa ang pagtigil ko roon.
Bahagya akong ngumiti at marahang umiling. "H-hindi na po. Wala na 'kong nararamdamang kahit ano."
"Alie, nagsisinungaling ka," sabi ni Mandy na nasa likuran ng doktor. Nanlaki ang mata ko at pasimple ko siyang sinamaan ng tingin.
Nang ibaling ng doktor sa mukha ko ang tingin ay bigla akong ngumiti. "Huwag niyo pong pakinggan ang kaibigan ko," turan ko.
Hindi siya nagsalita at seryoso akong tinitigan pagkaraan ay inayos ang sthethoscope at isinabit sa batok nito. "Bueno, hindi muna kita pwedeng payagan na lumabas dahil kailangan nating ulitin ang CT-scan mo at ang ibang lab tests. Sa nakikita ko may malaki kang bukol sa noo at kailangan nating makasiguro na hindi 'yan delikado,"
"H-ho? I-ilang araw naman ho akong mananatili rito? Wala ho akong pambayad sa lab tests at lalong-lalo na kailangan ko pong balikan ang kapatid at ang shop ko," protesta ko pagkaraan ay binalingan si Mandy animo humihingi ng tulong sa kanya. Pero nag-iwas lang siya ng tingin. Nagkaroon ng bikig sa lalamunan ko dahil pakiramdam ko ay pinagkakaisahan nila ako.
Nang umalis ang doktor ay tinalikuran ko si Mandy. Naiinis ako sa kanya. Akala ko pa naman ay kakampi ko siya pero hindi pala.
"Alie, may mga bisita ka," pagbibigay alam niya.
"Sabihin mo pagod ako," balewalang tugon ko.
"We are here to settle everything, Miss Gomez," sabi ng baritonong tinig.
Hindi ko alam pero parang may pwersa na humatak sa 'kin para lingunin ang pinanggalingan ng tinig na 'yon. Pero bago ko pa siya tuluyang makita ay humarang na si Mandy para tulungan akong bumangon at umupo.
Parang sinisilihan ang puwet ng baklita sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Kumunot ang noo ko lalo na ng malandi niya 'kong kindatan. Nang umalis siya sa harapan ko ay saka ko nakita ang dalawang lalaki na nakatayo sa may pintuan. Pakiramdam ko ay namamalikmata ako at nagdo-doble ang paningin dahil magkamukhang-magkamukha sila pero nang lumipas ang ilang segundo ay saka ko nasiguro na dalawang tao nga sila. Apologetic na ngumiti sa 'kin ang isang lalaki samantalang ang isa ay seryoso lang.
"We will cover all the expenses while you are here, Miss Gomez, but in exchange you will not press charges against us," napalingon ako sa isang bahagi ng silid at saka ko nakita ang lalaking nakasandal sa dingding. Diretso siyang nakatitig sa 'kin. Ang maiitim niyang mata na matiim kung tumitig at binagayan ng may kakapalan na kilay.
"I-ikaw na naman?! Ikaw ba ang nakabangga sa 'kin?!" Singhal ko at akmang bababa ng kama nang bigla kong maramdaman ang sakit sa iba't ibang bahagi ng katawan ko kaya napatigil ako. Bumalik ako sa pagkakasandal sa unan habang mariing nakapikit at pilit iniinda ang sakit.
Nang maka-recover ay muli kong ibinalik ang tingin sa Poncio Pilatong nasa harapan ko. Pero wala na ang tapang doon kundi panghihina na lang. Sa kabila ng nararamdaman ay hindi pa rin mawala ang paninikip ng dibdib ko dahil sa inis sa kanya. Sinusubukan na naman niyang gamitin ang kapangyarihan ng pera niya. Oo nga naman barya lang sa kanya ang mga gastusin ko sa ospital.
"Umalis na kayo dito!" Sigaw ko habang nakaturo sa pintuan. Nanlaki ang mata ng isa sa kambal habang ang isa ay ni hindi man lang natinag. Cool pa siyang tumayo at inayos ang suot na suit pagkatapos ay lumabas.
"Pasensya na talaga, Miss," sabi ng isa at umalis na rin.
"Umalis ka na..." Baling ko sa kanya. Ilang segundo niya 'kong tinitigan pagkaraan ay dire-diretsong lumabas ng pintuan.
Nang makaalis ang mga ito ay impit na napatili si Mandy at niyugyog ako. Napangiwi ako sa sakit kaya tinigilan niya ang ginagawa. Pero hindi pa rin nawawala ang kilig sa mukha niya.
"Jusko, Alie, ang mga Vallejo ang nagdala sa 'yo dito sa hospital," namimilipit at animo bulate na wika niya. Hindi ako nagsalita at bumalik na sa pagkakahiga.
"Si Colton at Connore, baby ang nag-asikaso ng lahat ng kailangan mo. At alam mo ba narinig ko sa mga nurse, si my loves Uno ang nag-buhat at nagsugod sa 'yo ditey," patuloy pa niya. So kilala na pala niya ang mga lalaking 'yon?
"Kasalanan niya 'to," mahinang sabi ko at pasimpleng pinunasan ang luha na tumulo sa pisngi ko. Bwisit na luha 'to ang bilis tumulo. Kahit pigilan ko ay lumalabas pa rin.
"Oo, sila nga daw ang may kasalanan kung bakit ka naaksidente. Pero hindi siya ang nagmamaneho kundi si Colton. 'Yong humingi ng pasensya sa 'yo kanina, si Colton 'yon. Si Connore 'yong isa at si Erwann 'yong isa o Uno kung tawagin ng iba," kagat-kagat ang daliri na sabi niya.
Buo na sa isip ko na siya ang may kasalanan at dapat sisihin. Dahil sa tuwing magku-krus ang landas namin ay minamalas ako.
Kapwa kami napalingon ng may kumatok sa pintuan. Agad na lumapit si Mandy sa pintuan at binuksan 'yon.
"B-bakit kayo bumalik? May kailangan pa ba kayo?" gulat na tanong ni Mandy nang buksan ang pintuan. Pero halata ko naman sa kanya na gustong-gusto niyang makita ang mga ito.
"Ano pang ginagawa niyo dito?" tanong ko sa kanila partikular kay Erwann o Uno kung ano man ang pangalan niya.
"Miss Gomez, we are here to settle everything. It's not Uno's fault," wika ng isa sa kambal. Kung hindi ako nagkakamali siya si Colton.
"Dapat lang na sagutin niyo lahat dahil kung hindi ide-demanda ko kayo. Lalo ka na," baling ko kay Erwann Vallejo.
"Look, Miss, hindi ako ang may kasalanan sa nangyari---"
"Kahit na! Bakit kapag nagkikita tayo minamalas ako? May kamalasan ka yatang dala," sarkastikong turan ko.
"Magkakilala kayo?" sabay-sabay na tanong no'ng tatlo at tiningnan kami ng may pagtataka.
Tumawa siya pero para bang insulto ang dating ng boses niya sa pandinig ko. "Miss Gomez, baka naman ikaw ang may dalang KAMALASAN? Kasi sa pagkakatanda ko wala pa 'kong nakakasama na minamalas. Sa katunayan, sinuswerte pa nga sila," puno ng kumpiyansa na turan niya na ikinainit ng ulo ko. Pero pinigil ko na ang sarili ko dahil baka kung anong masabi ko sa kanya.
"Let's go Uno," anang kambal at inakbayan siya. May ilang segundo pa niyang sinalubong ang titig ko at nang makita niyang wala akong balak magpatinag ay saka siya lumabas ng silid ko. Alanganin akong tiningnan ni Mandy pagkatapos ay sumunod sa magpi-pinsang Vallejo.