KABANATA II.

1531 Words
ABALA ako sa pag-aayos ng mga bulaklak sa maliit naming pwesto. Kasama ko ang kapatid kong si Nathan na nakaupo lang sa isang tabi at naglalaro ng crayola. "Alie..." "O, Mandy, nand'yan ka na pala," nakangiti kong salubong sa kadarating lang na si Mandy at kinuha ang mga pagkain na ipinabili ko. Hindi ko na nagagawang magluto para sa aming magkapatid dahil araw-araw akong nasa tindahan. Kaya't nagpapabili na lang ako kay Mandy ng lutong pagkain sa karinderya. "Sabayan mo na kaming kumain," saad ko habang inihahanda ang pagkain sa maliit na mesang naroroon. "Naku, hindi ko tatanggihan 'yan," at nauna na siyang naupo. "O, Tantan, kain na tayo. Good boy 'yan," nakangiting tawag niya kay Tantan. Napangiti rin ako ng makita kung paano sinunod ng kapatid ko si Mandy. Ipinanganak na may down syndrome si Tantan. Pero kahit na may gano'ng kondisyon ay naturuan ko ang kapatid ko ng ilang bagay. Salamat na lang sa maunlad na teknolohiya at abot kamay ko ang mga impormasyon na dapat kong malaman tungkol sa kondisyon niya. Wala akong kakayahan na ipasok ang kapatid ko sa paaralan ng may mga special needs kaya nagkasya na lang ako sa paminsan-minsang pagtuturo sa kanya. Pero may mga pagkakataon na hindi ko maturuan ang kapatid ko dahil nagiging bayolente ito. Natigil ako sa pag-iisip ng tumunog ang bell tanda na may kostumer. Isang matandang lalaki na naka-uniporme ang may iniabot sa aking listahan. Ito rin ang nagpunta sa akin noon para magpa-deliver ng bouquet ng Tulips sa VGC. "Ah, Manong, hindi ba pwedeng hintayin niyo na 'yung mga bulaklak?" nag-aalangan kong tanong. Hangga't maaari ay ayaw ko ng bumalik do'n dahil sa nangyari noong nakaraan sa pagitan namin ng aroganteng lalaki na 'yon. Halos maiyak ako ng makita ang bulaklak na nasira. Ang halaga no'n ay pambili na namin ng pagkain. Hindi na 'ko bumalik do'n at sinabi ko sa um-order ang tunay na nangyari. Mabuti na lang at mabait ang kostumer na um-order sa 'kin at pumayag siyang palitan ko ang bulaklak na nasira. Nagbayad pa siya ng sobra sa napag-usapan. "Pasensya na po, Ma'am, hindi ko na po mahihintay 'yan. Susunduin ko pa po si Donya Katarina, sa kompanya." nagkakamot sa ulo na saad ng matanda. Wala akong nagawa kundi tumango. Tinanggap ko ang bayad at nagpasalamat. Pagkatapos ay nakasimangot akong bumalik sa hapag. Hindi nakaligtas sa paningin ni Mandy ang itsura ko "Anong problema?" tanong niya. "Galing VGC ang natanggap kong order," saad ko na lalong sumimangot. "O, 'di jackpot ka," may pagtaas pa ng kilay na wika niya. "Anong jackpot? 'Di ba kaku-kwento ko lang sa'yo no'ng nangyari sa'kin," naiimbiyerna pa rin ako kapag naaalala ko 'yon. Dumadagdag pa ang mukha ng lalaking 'yon na nakangiti. "Hay naku, alangan naman maulit pa 'yon no?" pumipilantik ang mga daliring pakli niya. "Sa laki ng VGC imposible ng magkita pa ulit kayo." Napabuntong-hininga ako. "Ayoko lang naman na maulit 'yon," "'Wag ka nga'ng nega. Ay teka, chika mo naman sa'kin ang itsura noong papables. Gwapo ba, hot, sharap?" Parang nangangarap na tanong niya. Natawa ako ng mag-kagat labi pa siya. Saka ako napa-isip tungkol sa itsura noong Poncio Pilato na 'yon. Saka ko napagtanto na sa bihis pa lamang no'n ay halatang anak mayaman na. Sigurado akong hindi siya nagtatrabaho sa VGC. Clean and neat ang itsura nito mula sa buhok at mukha pero ang ugali? Sobrang sama! Lihim akong napaismid dahil sa naisip ko. Mas matangkad siya sa 'kin at ehem... Aaminin ko na gwapo siya kahit na saglit ko lamang siyang nasulyapan. "Wala, hindi siya gwapo, hot at mas lalong hindi masarap..." bulalas ko. "Magde-deliver na 'ko. Bantayan mo muna si Tantan, ha," dagdag ko at tumayo saka nilapitan si Tantan at halikan siya sa pisngi. Inayos ko na ang mga order na bulaklak para maisakay na sa tricycle na inarkila ko kay Emong. Kaibigan ko siya at tricycle driver siya sa lugar namin sa Barangay 465 sa Sampaloc. Wala siyang biyahe ngayon dahil may inaasikasong importante at iniwan sa 'kin ang sasakyan. "Sinungaling ka, Nathalie. Gwapo ang Poncio Pilatong 'yon!" Kastigo ko sa sarili habang papalayo sa flower shop. Kung sinabi ko kasi ang totoo kay Mandy tiyak na aasarin niya 'ko. Kaya sinarili ko na lang. Limang bouquet ng iba't-ibang klase ng bulaklak ang pinapa-deliver sa 'kin sa VGC. Pero wala namang pangalan kung kanino ibibigay. Kaya sa tingin ko ay may mahalagang okasyon sa kompanyang 'yon at limang maswerteng babae ang mabibigyan ng bulaklak. Napapa-sana all na lang ako. Malapit na ako sa palikong bahagi nang walang ano-ano ay biglang sumulpot sa kung saan ang isang itim na Mustang at muntik ko pang masagi ang gilid no'n. Mabuti na lang at mabilis kong nakabig ang manibela at dahil sa pagkabigla ay hindi sinasadyang naapakan ko rin ang preno dahilan para biglang tumigil ang tricycle. Pero muntik na 'yong tumaob at naramdaman ko na lang ang pagtama ng ulo ko sa salamin ng sasakyan pagkatapos ay unti-unting lumabo ang paligid ko. Naririnig ko pa ang komosyon ng mga tao na nakikiusyoso at ang iba ay dumungaw pa mismo sa harapan ko. Sinubukan kong ilibot ang paningin at bumangon pero umiikot ang paningin ko. "What have you done, Colton?.." Iyon ang huling mga salita na narinig ko bago mawalan ng ulirat. "Tatay... Tay, 'wag mo 'kong iwan!" 'Yon ang paulit-ulit na sinasabi ko sa harapan ng kabaong na kinahihigaan ng tatay ko. Pero kahit anong gawin ko ay ayaw na niyang gumising. Kahit anong iyak ko ay hindi na rin naman siya babangon. Hindi na niya uulitin ang mga bagay na ginagawa niya sa 'min ni Tantan noong nabubuhay pa siya. Wala ng magdadala sa amin sa karinderya tuwing almusal at sa tindahan ng suman tuwing gabi. Wala na ang taong tinitingala ko dahil nilunod niya ang sarili niya sa alak. Kaya unti-unting nasira ang internal organs niya at naging sanhi ng pagsuka niya ng dugo. Maayos naman sana ang buhay namin kung hindi lang nagsimulang magloko ang nanay ko at paglaon ay sumama pa sa lalaki nito. Alam ko kung paanong paulit-ulit siyang sinuyo ng tatay para lang bumalik siya sa 'min pero naging bato na siya na kahit kaming mga anak niya ay hindi man lang niya naisip. Galit ako sa lahat ng nangyari. Galit ako sa nanay ko na ipinagpalit kami sa ibang lalaki. Galit din ako sa tatay ko na mas piniling magpakalunod sa alak kaysa ibaling sa amin ang buong atensyon. Pero mas galit ako sa sarili ko dahil hindi ko man lang siya nagawang pigilan sa bisyo niya kaya ngayon heto ako at luhaan. Wala na kaming magulang at ibig sabihin no'n kailangan ko ng tumayo sa sarili kong mga paa. Para sa 'min ni Tantan. Pero paano ako magsisimula? Saan?Nag-aaral pa 'ko at nasa ikalawang taon palang sa highschool. Lalo akong napaiyak dahil sa sari-saring emosyon na lumulukob sa 'kin ng mga oras na 'yon. Para bang hindi na kayang iproseso ng utak ko ang mga nangyayari. Thirteen years old lang ako at ni hindi ko alam kung anong naghihintay sa 'min ni Tantan kapag inilibing na si tatay. Hangga sa mailibing si Tatay ay hindi nagpakita ang nanay namin na lalong nagpalala ng nararamdaman kong galit sa kanya. Pag-uwi sa tinitirahan namin ay naroon ang may-ari ng inuupuhan naming bahay. Malungkot ang mukha ni Aling Marife habang nakatingin sa 'kin. Saka ko naalala na ilang buwan na kaming hindi nakakabayad ng upa sa kanya. 'Yon siguro ang dahilan ng pagpunta niya roon. "A-aling Marife," kinakabahan kong tawag sa kanya pagkalapit ko. Nasa tabi siya ng nakasarang pintuan. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay palalayasin na niya kami. 'Wag naman sana... "Alam kong nagluluksa ka pa sa pagkawala ng tatay mo, Nathalie. Pero kailangan kong sabihin sa 'yo na malaki-laki na ang utang sa 'kin ni Pedring sa upa dito sa bahay at ngayong wala na siya alam kong lalo na kayong hindi makakabayad sa 'kin," aniya. "N-nakikiusap po ako sa inyo, Aling Marife, 'wag niyo po muna kaming paalisin dito. Wala na po kaming mapupuntahan ni Tantan. P-promise, promise po maghahanap po ako ng panghulog sa utang namin," sabi ko sa garalgal na tinig. "Paano? Saan? Pasensya na, Alie, pero alam kong walang naiwan sa inyo ang tatay niyo ni isang kusing at baon pa siya sa utang. Kaya hindi ko---" "I-iyong flower shop po ni Tatay! M-magtitinda po akong bulaklak para makaipon ng pambayad sa inyo. Basta ho bigyan niyo pa kami ng kaunting palugit, Aling Marife. Nakikiusap po ako sa inyo..." Umiiyak na turan ko at hinawakan pa ang kamay niya. Kung gusto niyang lumuhod ako ay gagawin ko para lang hindi kami mawalan ng masisilungan ng kapatid ko. Sandali siyang natahimik at pakiwari ko ay nag-iisip siya. Mayamaya ay nagbuntong hininga siya at mataman akong tinitigan. "Sige, bibigyan ko kayo ng isang buwan para maghanap ng pambayad. Pero kapag lumipas ang isang buwan na wala ka pa ring naibayad, pasensyahan na lang tayo, Alie. Kailangan ko rin naman kumita dahil may pinag-aaral akong anak, alam mo 'yan. O, siya, hindi na rin ako magtatagal." Sinundan ko na lang ng tanaw ang may katabaang landlady hanggang mawala siya sa paningin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD