Tumingin siya kay Gio na nakasandal sa gilid ng pintuan. Nagtatanong ang tingin niya kung nasaan si Valeria. Nangunot ang noo ni Gio saka tumingin sa labas ng pintuan. Hindi na nag-aksaya ng oras si Alkan at mabilis siyang humakbang palabas ng mansiyon. Abala ang lahat kaya hindi na siya napansin ng mga ito.
"Nasa'n siya?" tanong niya sa mababang boses.
Nakasunod lang sa kaniya si Gio at nang mapunta sila sa hindi na mataong lugar ay sumagot ito. "Sabi ni Tura na nasa hardin si Valeria. Pero hindi niya mahanap ang eksaktong lokasyon."
Nangunot ang noo niya. "Hindi mahanap ang eksaktong lokasyon?"
"Mukhang may nagtago ng presensiya niya. Walang ibang uri ang kayang gumawa noon kung hindi ang mga itim na sawikin lang."
Natahimik siya saglit saka naningkit ang mga mata. "Itim na sawikin?" Naisip niya ang itim na sawikin na bumisita sa bahay niya. Napamura siya. "Wag lang siyang magkamaling humarap sa akin at iihawin ko ang ibong 'yon!"
Nag-iwas ng tingin si Gio. Hindi maipinta ang mukha nito. Kasi naman, isa sa ayaw ng mga sawikin ay iihawin na gaya ng isang ibon.
Mabilis namang naabot ni Alkan ang fountain sa dulong bahagi ng hardin. Wala si Valeria pero may nakita siyang dalawang itim na balahibo sa damuhan. Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya.
"Mukhang kinuha ng itim na sawikin ang babae mo," sabi ni Gio na sumunod sa kaniya.
Tiningala niya ang kalangitan. Bilog ang buwan sa gabing 'yon. Marahang umihip ang malamig na hangin at hindi niya mawari kung anong dapat gawin.
"Anong kailangan niya kay Valeria?" paos niyang tanong sa hangin.
Tumingin sa kaniya si Gio, saka tumingin sa malayo. "Hindi ako sigurado. Pero mukhang espesyal ang babae mo."
"Alam ba ng tribo nila na binabantayan niyo ako?"
Ilang minutong natahimik si Gio. "Mukhang gano'n na nga." Bumuntong-hinga ang sawikin. "Kung tama ang hula ko, gagamitin nila si Valeria para maging pain."
Mas lalo lang nangunot ang noo ni Alkan. "Hahanapin ko ang lungga ng mga walang 'ya," aniya.
"Hindi maari!" agarang saway ni Gio. "Hindi ka pa handa para harapin ang tribo nila. Kung ganiyang gagamitin nilang pain ang babae, tiyak kong hindi nila sasaktan si Valeria. May tiyansa pang makuha ang babae. Kailangan mong hintayin ang susunod na hakbang ng tribo na 'yon."
"Pero ---"
"Hindi sasaktan ng tribo si Valeria hangga't hindi ka nila nakukuha. Naintindihan mo ba?"
Pero nanatili pa ring nakakunot ang noo ni Alkan. Napabuntong-hinga ang sawikin. "Isipin mo lang na kung may masama man silang balak kay Valeria, matagal na nilang pinatay ang babae. Pero hindi sila kumilos laban sa babae. Ang maari mo lang gawin sa ngayon ay maghintay."
Kumuyom ang kamao ni Alkan. Akmang magsasalita siya nang mula sa gilid ng mata ay may nakita siyang anino. Pagtingin niya sa gawing iyon ay natuod siya sa kinatatayuan. May itim na sawikin doon. Nakatayo ito sa gilid ng mga halaman at nakatingin sa kaniya. Nakakubli ito sa dilim kaya hindi niya napansin noong una, pero habang nakatingin siya sa gawi nito ay nakita niya kung paano lumiwanag pa nang husto ang kulay pula nitong mga mata.
Nahigit niya ang hininga. Nanlambot ang tuhod niya sa takot.
Napatingin naman si Gio sa tinitingnan niya at napatayo ito nang tuwid. Kagaya ni Alkan, hindi rin nito napansin ang presensya ng itim na sawikin. Nangunot ang noo ni Gio. Mukhang may ginagamit ang itim na tribo para ikubli ang presensya nila. Hindi magandang sinyales ito.
"Sa'n niyo siya d-dinala?" tanong ni Alkan. Kahit pa nanginginig ang kalamnan niya ay pinilit niya ang sariling magtanong alang-alang kay Valeria.
Ilang minuto itong tahimik bago humakbang tungo sa ilalim ng sinag ng buwan. Nakabuka ang magkabila nitong itim na mga pakpak, at may ngiting naglalaro sa mga labi nito habang nakatingin sa kaniya. Napalunok siya. "Sagutin mo a-ako!"
Humagikgik ang itim na sawikin. "Mukhang tamang babae ang dinala ni Pinuno."
Nagtagis ang bagang ni Alkan at napakuyom siya ng kamao. "Anong kailangan niyo sa kaniya?!" tanong niya, magkalapat ang mga ngipin sa galit.
"Kailangan?" Hinawakan ng itim na sawikin ang sariling baba at pinaningkitan siya ng mga mata. "Wala naman. May gusto lang yatang tingnan ang Pinuno sa babae."
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang katawan niya sa mga salita nito. Mas lalong tumalim ang tingin niya sa itim na sawikin. "Wag na wag kayong magkakamaling hawakan ni isang hibla ng buhok niya at papatayin ko kayong lahat!"
Humalakhak ang sawikin at umiling-iling. "Alkan Buena, 'wag kang magsalita ng tapos at baka pagsisihan mo ang sinabi mo ngayon!" anito bago lumipad sa himpapawid.
Nanginig ang katawan ni Alkan sa pagpipigil ng galit. Matalim ang tingin niyang nakasunod sa itim na sawikin hanggang sa mawala ito sa paningin. Ilang minutong katahimikan ang nanaig sa paligid.
"Sundan mo siya," bulong niya.
Napakurap si Gio. "Ano?"
"Sundan mo siya. Bilisan mo! 'Wag mong hayaang makalayo ang lintik na 'yon!"
Pero nanatiling nakatayo sa likuran niya si Gio. Nahigit ni Alkan ang hininga at tumalikod para humarap kay Gio. "Ano? Hindi mo ba susundan?"
Nangunot nag noo ni Gio at napatingin sa kalangitan. "Hindi pa ito ang tamang panahon para sa 'yo."
Napamura na naman si Alkan. "Anong tamang oras? Narinig mo ba ang sinabi niya? Kung hindi ko ililigtas si Valeria, baka kung anong gawin sa kaniya ng mga lintik na 'yon!"
"Huminahon ka, Alkan."
Paulit-ulit siyang nagmura at sinabunutan ang sarili. Mabilis siyang umalis ng hardin at hinanap ang mga guwardiya na nagbabantay sa may entrada ng mansiyon.
"Ba't niyo hinayaang lumabas!" sigaw niya sa mga ito matapos niyang sinabi ang tungkol sa pagkawala ni Valeria. "Mga lintik! Sinamahan niyo sana! Babae 'yon, hindi niya alam ang pasikot-sikot sa lugar na 'to at hinayaan niyo lang na maglakwatsa?" Nagmura siya. "Kung may masamang mangyari sa asawa ko, magtago na kayo sa lungga niyo dahil hahanapin ko kayo't pagpira-pirasohin!"
Sukat noon ay lumabas mula sa mansiyon ang mayor. Nakasunod naman dito ang ilang bisita na narinig ang pagsisigaw niya sa entrada.
"Anong nangyayari dito?" kunot-noo nitong tanong sa mga guwardiya at napatingin sa kaniya. "Anong nangyari, Alkan?"
Pumikit siya nang mariin at huminga nang malalim. Pero kahit na anong pilit niya ay hindi niya kayang huminahon. Humarap na lang siya sa gilid at sinipa ang isang bench. Tumaob iyon. Dinig pa niya ang singhap ng mga bisita.
Matalim niyang tiningnan ang mga guwardiya bago walang sabing nagpunta sa parking lot. Pumasok siya sa kotse at pinatakbo iyon palabas ng tarangkahan.
Kahit alam niyang wala namang kinalaman ang mayor ay hindi niya maiwasang ibunton ang galit dito. Kung sana hindi na siya pinuwersa pa ng mayor na pumunta sa pagtitipon ay nasa bahay lang sana siya at hindi makukuha ng itim na sawikin si Valeria.
Pero may parte rin ng utak niya ang nagsasabing walang may kasalanan sa nangyaring 'yon. At kung may sisisihin man ay dapat ang mga sawiking bigla-bigla nalang sumulpot sa buhay niya.
"Alkan," tawag ni Gio. Nakaupo na ito sa passenger seat. Ginamit nito ang sariling kapangyarihan para lumusot sa nakasaradong passenger door.
Umismid siya at humigpit ang hawak niya sa manibela. Hindi niya pinansin ang sawikin hanggang sa makarating na siya sa bahay. Mabilis siyang nagpunta sa kuwarto at humilata sa kama.
Kailangan niyang kumalma. Dapat siyang kumalma at kung hindi ay hindi niya maliligtas si Valeria. Pumikit siya nang mariin at huminga nang malalim. Paulit-ulit.
Dahil nakapikit siya kaya hindi niya nakita ang itim na aninong lumabas mula sa katawan niya. Hindi tulad noon, ang bagong anino ay mas maitim at mas makapal na. Ilang segundo nitong pinalibutan si Alkan bago ito muling pumasok sa katawan ng lalaki.