Kabanata 1: Pag-alis
Pag-alis
Sitio Bundok, San Roque. Taon 2000.
Ang pangalan niya ay Alkan Buena. Second year student sa San Roque National High School. Tahimik na bata at sabi nila ay kaibigan niya raw ang binatilyong nakahiga sa damuhan.
Tirik ang araw sa umagang 'yon at kanina pa siya pinagpawisan nang malamig dahil sa kaalamang bangkay na nang matagpuan ang kaibigan niyang si Estong. Paulit-ulit niyang kinusot ang mga mata sa pagbabakasakaling nananaginip lang siya pero hindi. Totoong-totoo ang nakikita niyang bangkay na ilang metro lang ang layo mula sa kaniya.
Tahimik lang si Aling Nena na ina ni Estong at tulala naman si Rowena na nakatayo sa gilid ng ginang. Mas lalo siyang pinagpawisan nang malamig habang nakatingin sa dalawang babae. May munting apoy na nakapalibot sa dalawa at tanging siya lang ang nakakakita niyon.
Bumalik ang tingin niya sa bangkay ni Estong at bumuntong-hinga. Hindi siya sigurado kung tama bang sumama siya sa paghahanap kay Estong. Simula nang magpunta silang magkakaibigan sa tindahan doon sa Poblacion, marami na siyang nakikitang kakaiba sa paligid.
Kagaya na lang sa mga oras na 'yon.
May mga aninong nakapalibot sa kaniya, waring nag-aabang kung kailan siya magkamali. Para itong mga hamog sa madaling-araw na dumidikit sa balat niya at nagbibigay ng lamig na sumusuot sa kalamnan niya tagos hanggang buto't kaluluwa. Hindi niya mapaliwanag ang klase ng lamig na dala ng mga anino.
Pero nang humakbang siya palapit kina Aling Nena at Rowena kanina, nanakbo ang mga anino palayo na kinabigla niya. Sa tingin naman ni Alkan ay dahil 'yon sa apoy na nakapalibot sa dalawang babae. Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa dalawa.
Ang balita niya ay nagpunta ang dalawa sa kabilang bayan ilang araw nang nakalilipas. Nang umuwi ang dalawa, naging kakaiba na raw ang trato ng mga ito kay Ambong -- ang lalaking bigla nalang sumulpot at nagpakilalang kakambal umano ni Estong.
Ang sabi nila, kamukha ni Ambong ang nawawala niyang kaibigan kaya malamang ay magkambal ang dalawa. Akala niya ay totoo ang sinasabi nila pero unang sulyap niya kay Ambong ay napatigalgal siya dahil hindi naman nito kamukha ang nawawalang kaibigan.
Ibang-iba ang mukha nito sa kaibigan niya kaya malaking palaisipan sa kaniya kung bakit sinasabi nilang kamukha nito ang nawawalang binatilyo. Sinita niya ang mga tao pero walang naniwala sa kaniya at pinagbintangan pa siyang may kinalaman sa pagkawala ni Estong, kaya tinikom niya ang bibig.
Walang maniniwala sa kaniya dahil hindi nakikita ng mga tao ang totoong itsura ni Ambong at natatakot siya sa magiging reaksyon ni Aling Nena lalo pa't masaya itong kasama si Ambong.
At para yatang alam ni Ambong na may nalalaman siya kaya pansin niyang iniiwasan siya nito. Malaking bagay 'yon para sa kaniya dahil hindi niya maatim na magpanggap na tanggap niya ang estranghero.
Mabuti na lang at natauhan si Aling Nena pagkauwi nito galing sa ibang bayan dahil nabalitaan niyang pinalayas nito si Ambong at sinunog ang mga gamit nito. Pagkatapos niyon ay tumulong siya sa paghahanap kay Estong at sa wakas ay nahanap nila ang nawawala niyang kaibgan na sinasabi nilang namatay sa bangungot.
'Swisssssh'
Umihip ang hangin at bumilog ang mga mata ni Alkan nang makitang lumawak ang sakop ng mga aninong nakapaligid. Kita pa niya kung paano ito lumusot at dumikit sa mga taong nakatayo sa taas ng burol.
Nanginig sa takot si Alkan. Butil-butil ng pawis ang namuo sa noo niya at ilang ulit siyang napalunok. Maliban kina Aling Nena at Rowena, pinagpiyestahan na ng mga anino ang mga taong nakikiusisa sa bangkay ni Estong.
"Anong inosenti? Pinatay ni Estong kamo ang sekyu sa bahay ni Kapitan!" rinig niyang sigaw ng isang babae. Mataba ito at puno ng tigyawat sa mukha.
"Oo nga! Dapat lang sa batang 'yan na mamatay sa bangungot!" segunda ng isa pang babae.
Nangunot ang noo ni Alkan at napatingin sa dalawang babae. May nakadikit na anino sa mukha, leeg, at braso ng mga ito. Naglapat ang mga ngipin niya sa inis.
Alam niyang iniimpluwensiyahan ng anino ang dalawang babae kaya hindi na siya nakipag-argumento sa mga ito at humakbang palapit kay Aling Nena.
Gusto niyang lumayo sa mga anino at sina Aling Nena at Rowena lamang ang may pananggalang apoy laban sa mga ito.
Nais niya ring itanong kung bakit may apoy na nakapaligid sa kanila at kung saan pwede makakuha niyon panlaban sa mga aninong dikit nang dikit sa kaniya, pero hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong magtanong sa mga ito.
Nakita niya kasi sa malayo ang ina na nakakunot ang noo habang mabilis na humahakbang palapit sa kaniya. Madilim ang mukha kaya alam niyang ubos na ang pasensya nito.
"Uwi!" sigaw ng ina. Sumulyap ito saglit sa bangkay ni Estong at tumango kay Aling Nena bago nito hinawakan ang braso niya at hinila siya pababa ng burol. "Wag kang magpunta malapit sa gubat," dagdag ng ina sa galit na boses.
Tumango si Alkan at bumuntong-hinga. Pumasok siya sa loob ng kotseng naghihintay sa kanila. Hindi nagtagal ay tumakbo iyon palakbay sa lansangan ng Sitio Bundok.
"Masyado nang delikado sa panahon ngayon. Dapat kang maging alisto, Alkan. 'Wag basta-bastang magtiwala sa iba," paalala ng ina.
Kalmado na ang ina kaya ngumiti siya at sumulyap dito. "Ma, palagi niyo nalang 'yang sinasabi," biro niya.
Naningkit ang mga mata nito kaya nawala ang ngisi sa mga labi ni Alkan at napalitaan ng seryosong expression. Sumulyap ang ina sa kaniya. "Ngayon na wala na si Estong, gusto kong maghanap ka ng kaibigang maasahan. 'Wag ka nang makipagkaibigan sa mga batang katulad ni Estong."
Nangunot ang noo niya sa sinabi nito. "Anong ibig mong sabihin, Ma?"
Dinukot nito mula sa bulsa ang abanikong pamaypay at binuksan 'yon. Umiwas ng tingin ang kaniyang ina at tumingin sa labas ng bintana. "Maghanap ka ng katulad mong angat sa buhay, hindi 'yong mga dukha na tulad ni Estong."
Natahimik si Alkan. Nakuha niya ang punto ng ina pero tutol siya sa hinuha nito ukol sa kaniyang kaibigan.
Mabuting tao si Estong. Hindi ito gumawa nang hakbang na makakasira sa kaniya kaya hindi niya maintindihan kung bakit tutol ang ina niyang makipagkaibigan siya sa binatilyo.
Wala namang reklamo ang ina noon pero simula nang mapagbintangan si Estong na pumatay sa sekyu at mawala, palagi nang bukambibig ng ina na lumayo siya sa kaibigan.
Bumuntong-hinga ulit si Alkan.
Wala naman kasing kaso sa kaniya kung mahirap lang si Estong. Magkasama na silang tatlo --- Estong, Yalke, at siya ---- nang sabay silang tumuntong sa sekundarya. Sadyang may naiinggit lang talaga kay Estong at pinalabas na mamatay-tao ito. Pero maraming saksi sa eksena at lahat sila ay sinasabing may pinatay si Estong kaya hindi siya sigurado kung ano bang totoo sa hindi.
Ayaw niyang maniwalang pinatay ni Estong ang isang tagabantay sa bahay ng Kapitan pero lahat ng tao ay tinuturo't tinutuligsa ang kaibigan niya.
Tumingin siya sa labas ng bintana ng kotse. Maya-maya pa ay napansin niyang nilalakbay ng kotse ang daan tungo sa Munisipyo.
Bumaling siya sa ina na tahimik lang sa gilid niya. "Ma?" tawag niya.
Nagusot ang mukha nito. "Pinatawag tayo ng Mayor sa munisipyo. Gusto ka niyang makausap dahil kilala mo raw si Jowee."
"Jowee?"
"Yong anak ni Kapitan sa Sitio Bundok."
Mas lalong nangunot ang noo ni Alkan. "Bakit?"
"Umalis ang dalaga pero may sulat na iniwan. Tungkol kay Estong. Gusto ng Mayor na tukuyin mo kung may namagitan kay Estong at Jowee."
Napakurap siya. "Hindi ako sigurado."
Napabuntong-hinga ang ina niya. "Yan na nga ba ang sinasabi ko. Gulo lang ang dala ng mga katulad ni Estong sa buhay mo, anak. Kaya sa susunod, 'wag na 'wag kang lalapit sa mga kagaya niya."
"Ma," awat niya sa ina. "Walang ginawang masama si Estong. Patay na 'yong tao, sinisisi mo pa."
Umismid ang ina pero tumahimik din, hindi na nakipag-argumento sa kaniya.
Ilang minuto pa ay naabot nila ang munisipyo na may modernong disenyo. Walang gana siyang umibis ng sasakyan at sumunod sa ina na nauna nang pumasok sa loob ng matayog na gusali.
"Mayor!" ngiting bati ng ina pagkakita sa Mayor.
Tumayo si Alkan nang tuwid, seryoso ang ekspresyon sa mukha. Hindi niya gustong maipit sa problemang kinakaharap ni Jowee at ng kaibigang si Estong. Totoong hindi siya sigurado kung may relasyon nga ang dalawa. Ang alam lang niya, may gusto si Estong kay Jowee.
Tinawag siya ng Mayor para lumapit. Tumalima siya pero agad napahinto sa pag-abante nang may makita siyang anino sa likod ng Mayor. Pumikit siya at muling dumilat. Nawala na ang anino.
Pero bakit may anino sa likod ng Mayor? Sa pagkakaalam niya, sa kaniya galing ang mga anino at kumakalat 'yon sa mga taong nakapalibot sa kaniya. Pero bakit sa pagkakataong 'yon, nagmula mismo ang anino sa Mayor?
Nanlamig nalang bigla ang pakiramdam ni Alkan.
"Hijo?" ngiting tawag ng Mayor pero may kakaiba sa ngiti nito.
Ngumiti siya pabalik at lumapit na nang tuluyan kahit pa nanginginig ang tuhod niya at halos maihi na siya sa takot.
Walang komento ang Mayor sa lamig ng palad niya nang makipagkamay siya rito. Maya-maya pa'y pinakita nito ang isang sulat-kamay na sa tingin niya ay galing kay Jowee. Namamaalam ang sulat at may sinabing hindi ito ang dahilan kung bakit nawala si Estong.
"Ayon sa sabi-sabi, may relasyon ang dalawang ito. Pero hindi naman ako naniniwala sa sabi-sabi lang," sabi ng Mayor at ngumiti sa kaniya. "Kaya sabihin mo iho, may relasyon ba si Jowee sa binatilyong natagpuang patay sa kagubatan?"
Kumurap si Alkan at lumunok, pinipigilan ang mga ngipin sa pangangatal. "Hindi ako sigurado."
Ilang beses pa siyang tinanong ng Mayor pero iling lang ang naisagot niya. Kalaunan bumuntong-hinga ang Mayor. "O siya, pwede ka nang umalis."
Mabilis pa sa alas-kuwatro ang pagtayo ng ina niya na kanina pa tahimik na nakaupo sa upuang laan para sa mga bisita. Hinawakan nito ang palapulsuhan niya at kinuyog siya palabas ng opisina ng Mayor. Ramdam pa niya ang mainit na titig ng Mayor sa likuran niya na nagpataas ng balahibo niya sa batok.
May kung anong mali sa opisina at hindi niya masabi kung ano. At sigurado siyang may kakaiba sa Mayor ng San Roque.
"Mag-impake ka na pagdating natin sa bahay," biglang sambit ng ina.
Tumapak siya sa ilalim ng tirik na araw at sumulyap sa inang humahakbang sa gilid niya. "Ano, Ma?"
"Aalis na tayo ng San Roque. Doon na tayo sa lungsod maninirahan. Marami nang nangyayaring kakaiba sa lugar na 'to at hindi maganda kung mananatili pa tayo rito."