Kabanata 2: Guni-Guni

1344 Words
Mabilis ang takbo ng panahon. Nang tumingala siya sa kalangitan, nakita niya ang laksa-laksang fireworks na malimit niyang nakikita tuwing Pasko at Bagong Taon. Iba nga lang sa gabing 'yon dahil pinagdidiriwang ng pamilya niya ang kaarawan ng nakakatandang kapatid na babae. At apat na taon na rin nang umalis sila sa bayan ng San Roque pero hindi pa rin nawawala ang mga aninong nakasunod sa kaniya. Nagmamasid ang mga ito at paminsan-minsan ay naririnig niyang sumisitsit sa kaniya. Pero imposible. Mga anino lang ang mga 'yon. Walang boses. Wala ring katawan. Napabuntong-hinga siya at pilit inalis ang anino sa isipan. Sa lungsod na siya nagpatuloy ng pag-aaral, sa Unibersidad kung saan nag-aaral ang nakakatandang mga kapatid. Ang Kuya niya na ang kurso ay Arkitekto at ang Ate niya na ang kurso ay Computer Engineering. Ang kinuha niyang kurso ay Naval Architecture. Naging tahimik ang takbo ng buhay matapos nilang lumipat sa lungsod. Siyempre, nakasama nila ang mga kapatid na nauna nang lumuwas sa lungsod para makapag-aral sa isang Unibersidad. Natapos niya ang huling mga taon ng sekundarya, at kasalukuyan ay third year Naval Architecture student sa isang sikat na Unibersidad sa buong probinsiya. Nakapagtapos na 'rin ang kaniyang mga nakakatandang kapatid. May trabaho na ang Kuya niya at nag-aaral ng Masteral ang Ate niya. Habang ang Mama at Papa niya... "Alkan, kanina ka pa riyan. Wala ka bang balak pumasok? O baka gusto mong matulog riyan sa balkonahe?" Napabuga siya ng hangin. Tumalikod siya at humakbang papasok sa bahay. "Baka hanap na ni Ate, Ma," sulsol niya sa ina. Palagi lang itong mainit ang ulo sa kaniya, palaging nagsusungit sa kanilang magkapatid. Pati ang ama niya ay hindi na malaman kung anong gagawin sa ina niyang parang nag-iinit na takure araw-araw. Kahit na gano'n, nauunawaan naman niya ang ina. Sadyang may mga panahon talagang muntik-muntikan na siyang mawalan ng pasensya. Mabuti na lang at sinalo siya ng ate niya kaya wala siyang nasabing masama sa ina. "Hanap ka ni Brigette. Bakit ba palagi kang tumatambay sa balkonahe, ha?" tanong nito sa kaniya habang sabay nilang binabagtas ang daan tungo sa hagdanan. Hindi siya umimik at ngumiti lang sa ina. Pero sabay silang napahinto sa pag-abante nang humahangos na sumalubong sa kanila ang Kuya niya. Hinihingal ito at nanlalaki ang mga mata, na parang gulat at takot. "M-Ma," tawag ng Kuya niya. Napatingin pa ito sa kaniya bago bumaling sa ina. "Si Brigette. Nahimatay si Brigette!" Narinig niya ang nakakabinging hiyaw ng ina niya. Napaatras siya at gulat na tumingin sa gawi nito. Nakita niyang unti-unting binabalot ng maiitim na anino ang balat ng ina niya, mula sa mukha pababa sa leeg, sa kamay, sa binti, hanggang sa talampakan na kita niya dahil wala itong suot na sapin sa paa. Mas lalo siyang napaatras. Isa, dalawa, tatlong hakbang. Anong nangyayari sa ina niya? "K-Kuya ---" Bumaling siya sa nakakatandang kapatid. "Si M-Mama ---" Pero nahinto rin siya sa pagsasalita nang makita niya ang mga mata nitong puro itim. Nanginig bigla ang kamay at kalamnan niya habang nakipagtitigan sa kuya niyang sinapian ng mga aninong nagkalat sa paligid. Unti-unting gumapang ang itim mula sa sulok ng mata nito tungo sa iba pang bahagi ng mukha. Hindi na niya nakayanan ang kilabot at napaupo siya sa sahig. Gumapang siya palayo sa ina niya na unti-unting bumaling sa kaniya. Nakita niya ang pagsilay ng kakaibang ngiti sa mga labi nito. "Wag kang matakot, Alkan. Kakampi mo kami..." Dali-dali siyang tumayo at tumakbo tungo sa hagdanan. Nilampasan niya ang kuya niyang humalakhak nang makita siyang halos maihi na sa takot. "Kahit saan ka pa tatakbo, dapat alam mong wala ka pa ring takas sa anino!" Tinakpan niya ang magkabilang tainga habang humahangos na bumababa sa hagdanan. Nang tumapak ang paa niya sa malamig na sahig, nagpalinga-linga siya. Wala siyang makitang tao sa sala. Nasa'n na ang mga bisita? Naisip niyang libutin ang buong bahay pero makalipas ang ilang minuto, wala pa rin siyang makitang tao. Umuwi na ba ang mga 'yon? Pero imposible. Walang kalat sa sala maski kusina, na para bang walang naganap na kasiyahan. Hindi rin niya nakita ang ate niya, pati ama ay wala rin. Nasa'n na sila? Nasa'n na ang lahat?! Biglang bumaling ang mukha niya sa kaliwa at isang nakakapasong hapdi ang naramdaman niya sa pisngi. Mabilis niyang dinilat ang mga mata at hingal na napabalikwas ng bangon. Mukha ng ate niya ang una niyang nakita. Nangunot ang noo niya. "Ate?" Isang malakas na tawa ang pinakawalan nito. Kunot-noo siyang umupo nang maayos at nilibot ang tingin sa paligid. Nasa sala siya, nakaupo sa sofa. Teka, panaginip lang ba ang lahat ng 'yon? "Tulog mantika kang bata ka. Kung masunog itong bahay, magigising ka kaya?" reklamo ng Ate niya. Humalukipkip pa ito matapos ang tawa nito kanina. Nakahinga siya nang maluwag. Napakamot siya sa batok at hilaw na ngumiti sa ate niya. "Magigising 'yan," sabi niya. Pabirong umismid si Brigette saka minuwestra siyang sumunod. Tumalima siya. Nagpunta ang ate niya sa kusina at pinakita sa kaniya ang isang cake. "Ako ang nag-bake niyan para sa birthday ni Kuya sa Martes. Tikman mo kung masarap," utos ng ate niya. Tumaas ang kilay niya pero hindi na nagprotesta. Kinuha niya ang tinidor at kumuha ng maliit na bahagi ng cake, saka sinubo. Napatango siya. "Masarap," puri niya. Ngumiti ang ate niya at gigil siyang niyakap. "At last! May matino ka ring nasabi!" natatawa nitong saad saka ito kumalas sa yakap. Ngumisi siya, pero agad 'yong napalis nang napasandal sa kaniya si Brigette. Mabilis niyang hinawakan ang balikat nito para hindi ito tuluyang matumba sa kaniya. "Ate?" tawag niya. Pero walang imik ni kibo ang nakakatandang kapatid. Nanatili itong nakasandal sa katawan niya at ramdam niyang nakasandig lahat ng bigat nito sa kaniya, sinyales na wala itong malay. Nanlaki ang mga mata niya nang may mapagtanto. "Ate!" taranta niyang tawag. Niyugyog pa niya nang marahan ang balikat nito para pero hindi epektibo. Sakto namang pumasok sa kusina ang Kuya niya. Pawisan pa ang namumula nitong mukha, tipikal na estado nito pagkatapos maglaro ng basketball. "Kuya, nahimatay si Ate!" tawag niya sa kapatid. Napatingin ang Kuya niya sa kaniya. Nangunot ang noo nito saka mabilis na nakalapit sa kanila. Hinawakan nito ang balikat ng ate niya saka sinandal sa katawan nito. "Brigette. Brigette, gising." May namuong butil ng pawis sa noo niya. Hindi niya maintindihan ang kabang bigla nalang umusbong sa puso niya. At habang pinagmamamasdan niya ang maputlang mukha ni Brigette, hindi niya maiwasang isipin ang nasa panaginip. Nahimatay daw ang ate niya roon. Gusto niyang isiping nagkataon lang, pero hindi niya makuha kung bakit pareho ang nangyari sa panaginip at sa totoong buhay. Hindi kaya may kinalaman ang mga anino? Tumambol nang malakas ang puso niya at nakita niyang unti-unting kumalat ang hamog na anino mula sa kaniya tungo sa paligid. Nakita pa niyang dumaan ang anino sa kuya niyang sige pa rin sa pagyugyog kay Brigette. Napaatras si Alkan. "K-Kuya, dalhin mo na siya sa ospital!" sigaw niya. Gulat na napatingin ang kuya sa gawi niya dahil sa biglaan niyang pagsigaw, pero wala itong komento at binuhat si Brigette palabas ng bahay. "Tawagan mo si Mama at Papa," utos ng kuya niya bago ito tuluyang makalayo. Doon lang nakahinga nang maluwag si Alkan. Nanginginig pa rin siya sa takot pero nakampanti siya nang marinig ang kotse ng kuya niyang tumakbo palayo sa bahay na 'yon. Hindi pwedeng manatili nang matagal ang dalawa sa loob dahil baka mangyari ang nasa panaginip niya. "Bwi***! Lumayo kayo!" sigaw niya saka pinaghahampas ang anino na hindi naman niya mahawak-hawakan. Hingal siyang tumigil at masamang tiningnan ang nagkalat na anino sa sala. Napagpasyahan niyang lumabas na lang at gamit ang sariling kotse ay nagmaneho tungo sa ospital na tinext ng kuya niya. Tinawagan niya rin ang ama at ina na abala sa kompanya. Paulit-ulit siyang tumitingin sa rearview mirror at kitang-kita niya ang mga aninong nakasunod sa kotse niya. Mahigpit niyang hinawakan ang manibela at tinapakan ang gas. Bumilis ang takbo ng kotse. Naiwan ang mga anino sa malayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD