Normal ang tests. Walang nakitang mali sa tests ng ate niya, kaya hindi pa rin sigurado ang doktor kung anong dahilan kung bakit nahimatay ito. Baka raw sa stress, o baka raw dahil sa sobrang emosyon.
Hindi siya naniniwala.
Apat na taon na ang lumipas nang umalis sila ng San Roque, pero lingid sa kaalaman ng pamilya, patuloy pa rin siyang hinahabol ng mga hindi maipaliwanag na nilalang. Mga anino ng dilim na lagi niyang nakikita.
At ang panaginip niya, alam niyang may kinalaman ang mga aninong nakapalibot sa loob ng hospital room na 'yon kung bakit nahimatay si Brigette. Kumuyom ang kamao niya. Gusto niyang sabihin ang kutob niya pero hindi niya magawa-gawa. Ayaw niyang takutin ang pamilya at ayaw niyang magulo na naman ito dahil sa kababalaghang siya lang ang nakakakita.
Pero minsan napapagod na siya. Nahihirapan siyang akuin lahat ng responsibilidad sa pagpoprotekta sa pamilya laban sa mga aninong hindi mawala-wala. Siya lang naman ang lumalaban. Siya lang ang natatakot. Siya lang ang ginagambala.
Mag-isa lang siya at minsan na niyang naisip na sumuko. Pero mabigat ang responsibilidad na siya lang din ang gumawa. Dahil kung titigil siya, sino ang gagawa?
"Mukhang kailangan nating ipahinga si Brigette. Ilang araw na siyang walang ayos na tulog dahil sa pag-aaral niya," nag-aalalang sambit ng ama niya.
Lihim niyang nilibot ang tingin sa paligid. Nakita niya ang aninong patuloy sa pagsakop sa munting espasyo.
Akala niyang hindi siya masusundan ng mga ito, pero nagulat siya nang makita niyang natunton ng mga ito ang ospital. At para bang nang-aasar sa kaniya dahil nakasunod sa kaniya ang itim na hamog hanggang sa loob ng silid ng ate niya.
Naiinis na siya pero wala siyang magawa. Sa loob ng ospital, manipis lang ang itim na hamog, hindi tulad nang nakita niya sa panaginip. Kaya malakas ang loob niyang bigyan ng isang matalim na titig ang itim na hamog.
"Anong tingin 'yan, Alkan? Nagrerebelde ka ba?!" sigaw ng ina niya.
Napatalon siya sa gulat at napabaling sa ina niyang umuusok na naman sa galit. Hanggang sa panaginip ay galit pa rin ito sa kaniya. Lihim siyang napangiwi. "Hindi naman, Ma."
Umismid ito. "Bumili ka ng prutas sa labas at preskong bulaklak!"
"Sige po."
"At 'wag mo akong malisik-lisikan ng mata. Malilintikan ka sa 'kin!"
"Hindi naman kayo ang pinanlilisikan ---"
"At sumasagot ka pang bata ka!" Pinulot ng ina niya ang suot nitong sandal.
Nanlaki ang mga mata ni Alkan at patakbong lumabas ng kuwarto. "Bibili na po ako!" paalam niya sabay bukas-sara ng pinto.
Hingal siyang tumayo sa labas ng pinto at napanguso. Iba talaga kapag nagmi-menopause ang mga babae. Dehado ang mga lalaking tulad niya.
Napangiti siya at marahang napailing. Humakbang siya paabante pero natigilan siya nang mapansin sa gilid ng mata ang paglusot ng itim na hamog mula sa dingding ng ospital.
Tigalgal siyang napaatras at napaliko sa kabilang hallway. Napabuga siya ng hangin sa inis. Nasa kabila pa 'yong exit at kailangan pa niyang umikot nang umikot para lang matunton 'yon. Kung bakit naman kasi nakakalusot ang mga lintek na aninong 'yon sa sementadong dingding!
Bahagya niyang nilingon ang hamog at nakita niyang sinusundan siya ng mga ito. Nagusot ang mukha niya. Mahaba ang nguso niya habang binabagtas ang kahabaan ng hallway.
"Kailangan pa kayo aalis, mga lintek," bulong niya sa hangin.
Magkasalubong na ang kilay niya at sinoman ang titingin sa kaniya ay alam na wala siya sa mood para sa biro. Pero may isang lalaking nakaupo sa bench sa gilid ng hallway na titig na titig sa kaniya.
Nakasuot ito ng barong-tagalog, isang kasuotang uso pa sa panahon ni Rizal. Nakabotas at may dalang salakong na nakalagay sa tabi nito. Sa unang tingin ay para itong magsasaka pero pansin niyang malinis ang pagkakasuklay ng buhok nito at malinis din ang mga kuko't walang putik na nadikit sa damit nito. At nang tingnan niya ang mukha at gano'n na lang ang gulat niya nang makitang nag-iba ang kulay ng mata nito.
Binilisan niya ang hakbang hanggang malampasan niya ang werdong estranghero. Ngayon lang siya nakita ng pag-iiba ng kulay ng mata, pero sanay na siya sa kababalaghan. Ayaw na niyang maipit na naman sa kung anumang kababalaghang dala ng lalaking 'yon. Tama na ang nararanasan niyang kamalasan sa kamay ng mga anino.
Sumagi sa isip niya ang mga anino. Lumingon siya sa likod at nakita niyang nakatigil ang itim na hamog ilang metro mula sa kaniya. Nangunot ang noo niya at humakbang siya paabante habang nakalingon sa likod. Hindi umaabante ang mga anino. Mas lalong nangunot ang noo niya.
Noon kasi, kahit humakbang siya ng isang beses, gagalaw pa rin ang mga anino palapit sa kaniya. Pero iba sa mga oras na 'yon.
Dahil abala sa pagtingin sa likod, hindi niya napansin ang babaeng nakatungong naglalakad palapit sa kaniya. Sabay silang napaatras nang mabangga sa isa't isa.
Mabilis na binalik ni Alkan ang tingin sa harap. Isang babaeng may pinupulot na mga papel ang nakita niya. Mabilis siyang lumuhod at tumulong sa pagpulot ng nagkalat na mga papel.
"Salamat," sabi ng babae nang inabot niya rito ang hospital bill na napulot niya sa sahig.
"Pasensya na kanina. Hindi ako nakatingin sa harap," aniya.
Ngumiti ang babae at tumingala sa kaniya. "Naku, 'wag mo nang isipin 'yon."
Umikhim siya at pinasadahan ng tingin ang babae. Sa unang tingin at wala siyang makitang kakaiba, pero habang nakatitig siya rito ay para bang lumilitaw sa paningin niya ang isang kumikinang na liwanag na nakapalibot sa babae.
Napakurap siya at napaatras. Mabilis siyang lumingon sa likod at nakita niyang nakatigil ang mga anino sa malayo, na para bang walang balak na lumapit sa kaniya. Napalunok siya.
Binalik niya ang tingin sa babae na nakatungo na naman sa hospital bill sa kamay nito. Mukhang alam na niya ang problema nito.
Umikhim siya. "If you want, I will pay for the hospital bill," alok niya.
Tumunghay sa kaniya ang babae. Kumurap-kurap. "Sigurado ka?"
Tumango siya. Piniit niya ang sariling ipirmi ang tingin sa mga mata nito, pero nahihila ng liwanag na nakapalibot dito ang atensyon niya.
Bigla nalang niyang naalala sina Aling Nena at Rowena. Tulad ng liwanag, nakapalibot sa dalawang babae ang isang apoy. Dahil doon ay lumalayo ang mga anino sa tuwing lumalapit siya kina Aling Nena at Rowena.
Napangiti siya nang may mapagtanto. Lihim niyang pinuri ang sarili at ngiting tumingin sa babae. "Tara sa billing department. Ako na ang magbabayad ng bill."
Gulat na nagpatianod ang babae sa kaniya. Hila-hila niya ang kamay nito habang ngiti siyang nauuna tungo sa direksyon kung saan nakatigil ang mga anino.
Hindi pa man siya nakakalapit ay nagsitakbuhan palayo ang mga anino. Nahigit niya ang hininga at napahawk nang mahigpit sa mga kamay ng babae. Tama. Nakakita na siya ng taong pwedeng makatulong sa kaniya.
May sayang umusbong sa puso ni Alkan. Pinisil niya ang kamay ng babae at narinig niyang napasinghap ito. Naramdaman nalang niyang binawi nito ang kamay mula sa hawak niya kaya napalingon siya rito.
Umikhim siya. "Dito ka maglakad sa tabi ko, 'wag kang magpahuli sa likod," aniya.
Tahimik nitong sinunod ang sinabi niya. Sumilay na naman ang mga ngiti sa labi niya. "Sino pala ang bibisitahin mo sana?" tanong niya.
"Uh..." Nagkibit-balikat ang babae at tinaas sa kaniya ang bill ng ospital. "Si Tatay. Uh, masyadong malaki ang bayarin. Wala kaming perang pambayad sa ospital."
"Anong sakit ng ama mo?"
"Sa awa ng Diyos, wala siyang sakit. Nahimatay lang siya habang nagpi-preach sa simbahan dahil sa init ng panahon."
"Simbahan?" Nangunot ang noo niya.
Tumango ang babae. "Isang Pastor sa maliit na church si Tatay. Tumaas daw ang blood pressure niya at hindi pa nagkakamalay hanggang ngayon. Wala namang problema kung mag-i-istay siya rito, kaya lang wala kaming pera pambayad para sa confinement. Maliit pa ang church, at hindi gusto ni Nanay na gamitin ang maliit na fund para sa pampa-ospital ni Tatay." Bumuntong-hinga ang babae at nahihiyang ngumiti sa kaniya. "Ikaw pala, may binisita ka rito? Ay, salamat pala sa pagbabayad ng bill. Sobrang malaking tulong ang gagawin mo. Si Lord na ang magbabalik sa 'yo. Salamat din sa Kaniya at piandala ka Niya. Talagang napakabuti ng Panginoon," ngiting dagdag ng babae.
"Ah." Umikhim siya saglit. "May pamilya akong naka-confine sa kabila."
"Ipagdadasal kong magiging maayos na ang pakiramdam niya at maging ligtas." Marahan itong ngumiti para ipakita ang suporta nito sa kaniya.
Napatitig si Alkan sa nakangiting mukha ng babae. Kahit na naguguluhan ay sinuklian niya ito ng isa ring matamis na ngiti.
Sabay silang nagpunta sa billing department ng ospital. Binayaran niya ang bayarin nang buo, at binigay niya ang sariling card information sa biller para diretso na sa card niya ang bayarin hanggang sa lumabas na ng hospital ang ama ng babae. Nagpasalamat ulit ang babae sa kaniya na sinuklian niya ng isang ngiti.
May munting init na lumukob sa puso niya habang pinagmasdan itong nakangiting nagpasalamat na naman sa kaniya. Pakiramdam ni Alkan ay naging isang tunay na lalaki siya, kahit na hindi pa niya lubusang kilala ang babae.
"Ako pala si Daniella," pakilala ng babae sa kaniya at nilahad nito ang kamay sa harap niya.
Bumaba ang tingin niya sa kamay ng babae. Mas maliit iyon kumpara sa kamay niya. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito, at nag-angat siya ng tingin sa mga mata ni Daniella nang maramdaman ang malambot nitong kamay.
"Alkan Buena," pakilala niya.
Tumango ang babae at binawi ang kamay. Inaya siya nitong pumasok sa loob ng kuwarto kung saan naka-confine ang ama nito, na ngiti niyang tinanguan.
Isang malamig na hangin ang sumalubong sa kaniya pagtapak niya sa loob. Biglang nawala ang bigat na nararamdaman niya. Napabuga siya ng hangin at napapikit. Gumaan ang pakiramdam niya, at hindi niya maintindihan ang nangyari.
Apat na taon na niyang dinadala ang bigat ng nararamdaman, at sa isang iglap, nakahinga siya nang maluwag dahil lang sa pagpasok niya sa kuwartong 'yon. Nangunot ang noo niya at nagmulat.
Isang simpleng puting kuwarto ang nakita niya. Walang anino sa loob na palagi niyang nakikita sa kung saan. Tahimik at payapa, hindi tulad ng kuwarto kung saan naka-confine ang ate niya.
"Halika ka, Alkan. Ipakilala kita kay Tatay," tawag ni Daniella.
Humakbang siya palapit sa kama sa gitna ng kuwarto. May lalaking nasa mid-40s na nakahiga doon. Isang swero lang ang nakakonekta sa lalaki. Nakapikit ito at alam niyang walang malay ang lalaki.
Tumingin si Daniella sa ama nitong nakaratay sa kama. "Tay, nandito si Alkan. Siya ang nagbayad ng ospital bill kaya pwede tayong manatili rito hanggang gumaling ka." Huminga nang malalim si Daniella at ngumiti nang marahan. "God is good, 'tay. Dininig Niya ang dasal namin ni Nanay na sana tulungan Niya tayong makabayad ng ospital bill. At si Alkan ang pinadala Niya."
Napatitig si Alkan sa maamong mukha ni Daniella. Napaisip siya sa sinabi nito.