Kasing dilim ng gabing walang bituin ang aninong nakapalibot sa kaniya. Walang mga bibig, walang mga mata, walang katawan, wala ring boses. Pero sa nakalipas na mga taon, tinutudyo siya nito dahil sa pagiging matatakutin, gahaman, iresponsable, at pagiging makasarili.
Ayaw niyang marinig ang nanunutya nitong tawa. Tama na. Ayaw na niya.
Kaya habang humahakbang siya papalapit kay Daniella ay mas lalong lumalakas ang ambisyon niyang panatilihin ang babae sa tabi niya. Sa tingin niya ay ito lang ang makakaligtas sa kaniya mula sa mga anino na bigla nalang sumulpot sa buhay niya.
Sa bawat hakbang niya palapit sa babae ay siya ring pagnipis ng hamog na aninong nakapaligid sa kaniya. At habang papalapit siya nang papalapit kay Daniella ay nagsitakbuhan ang mga anino palayo. Parang mga asong nasunog ang buntot at gustong makaligo sa isang malawak na sapa.
"Alkan?" tawag ni Daniella. Nakangiti ito sa kaniya kaya kita niya ang dimple sa pisngi nito. "Natulala ka?"
Iniling niya ang ulo at ngumiti nang marahan sa babae. "Kanina ka pa?" tanong niya saka naupo sa upuang katapat nito.
"Hindi naman. Mukhang pareho tayong late." Bahagyang natawa ang babae. "Akala ko ay abala ka sa pag-aaral?"
Bumigat ang dibdib ni Alkan. "Umuwi ako nang maaga. Akala ni Mama na nagising na si Ate pero hindi pa pala. Kaya inaya na kitang kumain dito. Alam kong tambay ka sa ospital."
"Bukas, madi-discharge na si Papa. Salamat sa tulong." Mas lumawaka ang ngiti ni Daniella saka nagbaba ng tingin. "Praise God for His kindness."
Umikhim si Alkan. "Dan?" tawag niya. Napagkasunduan nilang Dan na lang ang itawag niya sa babae dahil masyadong mahaba ang Daniella.
"Bakit?"
"Wag ka sanang magagalit sa ipagtatapat ko. Nang una kitang nakita ay alam ko na na ikaw na 'yong babaeng mamahalin ko." Inabot niya ang kamay ng babae. Natigilan ito at napasinghap sa ginawa niya. Ngumiti siya. "Gusto sana kitang ligawan," aniya.
Kasinungalingan. Kung may isang tao sa mundo ang kayang magsinungaling na hindi kailanman nahuhuli, si Alkan na 'yon. Apat na taon na siyang nagsisinungaling sa pamilya at hanggang sa mga oras na 'yon ay hindi pa rin alam ng mga ito na nakakakita siya ng mga bagay na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata.
Mabilis na binawi ni Daniella ang kamay at hilaw na ngumiti sa kaniya. "Pasensya na, Alkan. Hindi ako pwedeng makipagrelasyon sa isang tao na iba ang paniniwala, saka hindi pa ako handa sa ganiyang mga bagay. Maintindihan mo sana."
Napalis ang ngiti sa mga labi ni Alkan. Napaikhim siya. Napahiya. Nag-iwas siya ng tingin. "Pero pwede ba kitang maging kaibigan? Ayokong malayo mula sa 'yo, Dan."
"Pero..." Kinagat ni Daniella ang ibabang labi. "Hindi ko rin gustong makipagkaibigan sa taong iba ang paniniwala."
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Alkan. Marahas siyang bumaling sa babae. "Kung aanib ako sa paniniwala niyo, matatanggap mo ba ako?"
"Hindi ko kayang diktahan ang kagustuhan ng Diyos," sabi nito.
Naglapat ang mga labi niya. Hindi niya gustong malayo kay Daniella. Anong bang dapat niyang sabihin?
Maya-maya pa ay ngumiti siya nang matamis sa babae. "Turuan mo na lang ako sa paniniwala mo at tingnan natin kung mahuhulog ang loob natin sa isa't isa."
"Pero..."
"Dan," aniya sa mababang boses. Pilit niyang inabot ang kamay nito pero pilit naman niyong nilalayo sa kaniya. Bumuntong-hinga siya. "Give me this chance, 'kay?"
Napatitig sa kaniya si Daniella. Maya-maya pa'y tumango. Napangiti siya nang abot sa tainga at kumindat sa babae. Mukhang hindi naman nito nagustuhan ang ginawa niya dahil nag-iwas ito ng tingin nang may kunot sa noo.
Bakit ba mahirap pakisamahan ang mga babaeng martir na tulad ni Dan?
Napakamot na lang siya sa batok at nag-order. Pero nang tinanong niya ang babae kung anong gusto nitong order ay tumanggi ito. Nagpaalam na si Daniella at bago pa man niya mapigilan ang babae ay nawala na ito sa paningin niya.
Napakurap si Alkan. Unti-unti na ring lumalapit sa kaniya ang hamog ng aninong nakabantay lang sa malayo. Parang naghihintay kung kailan sila maghihiwalay ni Daniella ng landas.
"Bwi***!" mura niya saka pasakdol na tumayo.
Ano bang gusto ni Daniella na hindi pa niya naibigay sa babae? Bakit hindi siya nito matanggap-tanggap? Kailangan ba niyang umanib sa relihiyon nito? Mas lalong sumama ang pakiramdam ni Alkan.
~~~
Dalawang linggo mula sa araw na 'yon.
Nasa isang maliit na gathering si Alkan kasama si Daniella. Pinagdiwang ng church member nito ang paggaling ng Pastor na ama ni Alkan at pinakilala siya ng ama nito bilang bagong miyembro ng kanilang simbahan.
Akala niya ay tuluyang mawawala ang anino kapag nasa loob siya ng simbahan, pero nandoon sa sulok ang maitim na hamog, naghihintay kung kailan siya mag-isa at walang kasama.
At pansin niyang tanging si Daniella, pamilya nito, at 'yong mag-asawang Kristiyano lang gumagana ang paglayo ng anino. Kita pa niya ang ilang aninong nakadikit sa balat ng ibang miyembro ng maliit na simbahan na 'yon.
Mas lalo siyang dumikit kay Daniella na napansin ng ama nito.
"Alkan, iho."
Tumingin siya sa matandang lalaki. "Yes?"
"Mas mabuting ibaling niyo ni Daniella ang tingin sa pagsisilbi sa Diyos. Masyado pa kayong bata para pumasok sa isang relasyon."
Napaikhim siya. Biglang nanlamig ang pakiramdam niya nang marinig ang diretsahang pagtutol ng lalaki sa pagpapapansin niya kay Daniella. Mabilis siyang umiling. "Wala akong plano na pasukin ang isang relasyon kasama siya. Makakaasa kayo na igagalang ko si Daniella."
Ngumitii ang lalaki at nagpaalam para makipag-usap sa iba pang miyembro. Napatingin naman siya kay Daniella na kasalukuyang nakipaglaro sa mga mata. Nakangiti ito at paminsan-minsan ay tumatawa nang mahinhin sa biro ng mga bata. Lumunok si Alkan.
Bigla siyang nakonsenya sa plano niya. Ayaw niyang sirain ang kinabukasan ni Daniella at ayaw niyang mawala ang pagiging puro nito sa bagay-bagay pero... paano naman ang anino niya?
Kaya nagdesisyon siyang ipagpatuloy ang panunuyo sa babae. Palagi siyang dumidikit kay Daniella para sa benipisyong makukuha niya rito hanggang sa ito na mismo ang nagsabing pwede na siyang manligaw dito.
"Pero bawal ang halik kung sakaling sasagutin na kita," ani ng babae.
Natawa si Alkan at ngiting napatango sa kondisyon nito. "Did your father agreed?"
Napalis ang ngiti sa mga labi ni Daniella. "Hindi. 'Wag mo na sanang sabihin sa kaniya."
At hindi siya tumutol sa pakiusap nito. Simula sa araw na 'yon ay niligawan niya si Daniella na hindi alam ng ama nito. Unti-unti na ring natuto si Daniella na magsinungaling lalo na sa tuwing nahuhuli sila ng ama nito na magkahawak ang kamay o kaya ay may dalang regalo si Daniella mula sa kaniya.
Nabulag siya sa benepisyong hatid ni Daniella sa buhay niya na hindi niya napansing unti-unti nang kinakain si Daniella ng anino.
Ang noong maliwanag at buhay na eherhiyang nakapalibot sa babae ay unti-unting naging madilim at walang kabuhay-buhay.
At huli na nang mapagtanto ni Alkan na maski si Daniella pala ay tinatablan din ng anino. Nawala na ang liwanag na dala nito sa buhay niya.