Matapos ang pagbagsak ng bulalakaw, naging usap-usapan sa buong San Roque ang pangyayari. Sa gabing 'yon ay binisita sila ng Mayor na nagmadaling pumunta sa Sitio Batumbakal nang marinig nito ang balita. Binigyan sila ng Mayor ng matitirhan sa Poblacion pero tumanggi siya at sinabing ayaw niya sa mataong lugar. Kaya naman binigay ng mayor ang isang malaki at luma ring bahay sa Sitio Bundok, ang lugar ng binatilyong nawala apat na taon nang lumipas.
Nalaman niyang nilisan ng pamilya ni Rowena at Aling Nena ang San Roque at lumikas sa kabilang bayan. Kaya naman wala na talaga siyang kakilala sa Sitio na 'yon. Sabagay, iyon ang pinakamalayong sitio mula sa Poblacion at iilan na lang ang nanirahan sa naturang sitio matapos ang insidenteng pagkawala ni Estong.
Ang lumang bahay na binigay ng mayor ay malapit lang sa burol kung saan huli niyang nakita sina Aling Nena at Rowena. Pagak pa siyang natawa nang mapagtanto 'yon. Hindi niya alam kung sadyang wala na talagang bahay na pwede nilang matirhan ni Valeria o nang-iinis ang mayor sa kaniya.
Kilala pa kasi siya nito at malaki ang werdong ngisi sa mga labi nito nang makipagkamay sa kaniya. Ewan pero gusto niya talagang sapakin ang pagmumukha ng mayor, kaso ayaw niyang mapaaway rito. Ilang taon din siyang nawala sa bayan at ibang-iba na ito sa nakasanayan niyang bayan noon. Isa pa, kadalasan ng mga kaklase niya noon ay nakatira sa tabing sitio ng Poblacion. Malayong-malayo sa Sitio Bundok.
"Hindi ko gusto ang mayor," ngumuso si Valeria. "May anino ring nakapaligid sa kaniya saka hindi sincere ang ngiti sa mga labi."
Bumuntong-hinga siya at hindi na umimik. Hinila na lang niya ang babae papasok sa lumang bahay. Malinis ang bakuran at looban. Sabagay, isa ang bahay na 'yon sa mga properties ng mayor. Anito, doon na raw muna sila tumira hangga't hindi pa sila nakakahanap ng malilipatang bahay.
Ayaw niya sanang tanggapin no'ng una at balak na bumalik sa Lakandiwa Apartment, pero gusto ng Mayor na doon sila sa lumang bahay. Hindi na niya tinulak pa ang kagustuhan dahil sigurado siyang hindi rin sila papapasukin sa Lakandiwa. Sakop kasi sa kapangyarihan ng mayor ang El Salvador. Napabuntong-hinga siya at nilibot ang tingin sa loob.
Wala namang kakaiba. Pareho lang ang disenyo sa Casa Lacon. Naglibot-libot pa sila ng ilang beses bago naisipan ni Valeria na magpahinga sa kuwartong napili nito. Siya naman ay dumiretso sa kuwartong napili niya kanina. Hindi na niya napansing nakatulog na pala siya nang mahimbing sa kuwartong 'yon.
Naalimpungatan lang siya sa liwanag na nanggagaling sa labas. Kumunot ang noo niya saka dahan-dahang minulat ang mga mata. Tumingin siya sa bintana pero madilim sa labas. Saan galing ang liwanag na naramdaman niya kanina?
Napabalikwas siya ng bangon.
Doon niya napansin ang isang lalaking nakatayo sa paanan ng kama. Nakakunot ang noo nito at nakabaling ang mukha sa bintana. Ang nagpaamang sa kaniya ay ang malaki, maputi, at kumikinang na pakpak sa likuran nito.
Kinusot ni Alkan ang mga mata at nang muli niyang tiningnan ang puwesto kung saan ito nakatayo kanina ay wala na ang kakaibang nilalang. Napahugot siya nang malalim na hininga saka umalis ng kama.
Naghilamos siya ng mukha sa banyong nasa loob ng kuwarto bago lumabas. Hinanap niya si Valeria at nakita niya ito sa kusina. Nagluluto ito kaya naupo na lang siya sa stool na katabi ng kitchen counter at naghintay.
Sumulyap sa kaniya si Valeria. "Okay ka lang?" tanong nito.
Napabuga siya ng hangin. "May nakita ka bang mga lalaking may pakpak sa paligid?"
"Uh... wala naman. 'Yong kahapon lang saka 'yong gabing una tayong nagkita."
Natahimik siya saglit. Baka nga guni-guni lang niya 'yon kanina. Napabuntong-hinga siya. Hindi niya talaga gustong makakita pa ng kakaibang nilalang dahil baka hindi na niya kakayanin ang kilabot na mararamdaman.
Napatingin siya sa entrada ng kusina nang makarinig ng yabag. Gano'n na lang ang panlalamig ng pakiramdam niya nang may makita siyang lalaking may puting pakpak. Naglalakad ito palapit sa kaniya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at nagkunwaring walang nakita.
Pero para bang hindi siya tinatantanan nito. Nang lumabas siya ng bahay para magpahangin ay nakita niya ang lalaking may pakpak. Sumunod ito sa kaniya tungo sa maliit na parke na malapit lang sa bahay.
Kaya nagmadali siyang bumalik at sumakay ng kotse. Plano niyang mag-drive tungo sa malayo at tingnan kung susunod pa rin ito sa kaniya. At mukhang tama ang hinala niya.
Akala niya no'ng una na hindi na ito nakasunod kaya pagdating niya sa Poblacion ay pinarada niya ang kotse sa harap ng isang tindahan ng bulaklak at umibis ng sasakyan. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang lalaking may pakpak na nakaupo sa bubong ng kotse niya. Hinuha niyang lumilipad ito sa ibabaw ng kotse habang pinaharurot niya ito tungo sa sentro.
Bumuntong-hinga na naman siya. Ano naman kaya ang gusto ng nilalang na 'yon sa kaniya?
Nang akmang babaling sa kaniya ang lalaking may pakpak ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin at nagkunwaring tinitingnan ang mga namumukadkad na bulaklak sa gilid ng daan.
"Magkano?" tanong niya sa ale na lumapit sa kaniya saka tinuro ang isang bungkos ng rosas.
"One-fifty, iho."
Ngumiti siya at dinukot ang pitaka sa bulsa. Nagbayad siya at tinanggap ang bungkos sabay lulan sa kotse. Pero bago pa man siya lumulan ay tiningala niya muna ang lalaking may pakpak na ngayon ay nakatayo na sa bubong ng kotse niya.
Nagtama ang tingin nilang dalawa at nangunot ang noo nito nang mapansing nakikita niya ito. Mabilis siyang lumulan at pinaharurot ang kotse pabalik sa Sitio Bundok.
Pagdating niya sa malaking bahay ay nakita niya si Valeria na nakaupo sa patio. May iniinom itong kape sa tasa at nakatingin sa malayo. Lumapit siya at binigay ang bulaklak. Ngiting nagpasalamat ang babae sa kaniya kaya napangiti siya.
Pero napalis ang ngiti sa mga labi niya nang may tumayo sa gilid niya. 'Yong lalaking may pakpak kanina. Napalunok siya at umiwas ng tingin. Pero gano'n na lang ang pagsinghap niya nang may lalaking bumaba mula sa himpapawid hindi kalayuan sa kinatatayuan niya.
Umihip ang malamig na hangin at para sa normal na tao, isa lang 'yong ordinaryong hangin. Pero para sa kaniyang alam ang kababalaghang nangyayari sa paligid ay alam niyang dahil 'yon sa paggalaw ng malaking puting pakpak ng lalaking naglalakad sa gawi nila ni Valeria.