True Color Of My Daughter in Law(Tagalog)
Botong-boto ang Ginang sa Bagong Nobya ng Kaniyang Anak, Naiyak Siya nang Makitang Nasasaktan ang Binata
“Iyon na ba ang bagong nobya ng anak mo, Kina?” pang-uusisa ni Goya sa kaniyang kumare, isang umaga nang bumili siya sa sari-sari store nito at saktong labas ng anak nito at ang naturang dalaga.
“Oo, mare, pangmodelo ang ganda at tangkad, ano? Gustong-gusto ko na nga magkaapo sa kanila, eh. Sigurado kasi ako, magiging gwapo at maganda ang anak nila,” sagot ni Kina saka inabot ang binibili nitong bigas.
“Kilala mo na ba ng lubusan ‘yong babae? Balita ko kasi, bayaran daw ‘yan doon sa isang bar sa bayan at marami na raw anak ‘yan sa iba’t ibang lalaki,” tsismis nito sa kaniya dahilan upang mapakunot ang noo niya.
“Nagpapaniwala ka ro’n? Paniguradong tsismis lang ‘yan! Kitang-kita mo naman ang katawan niya, dalagang-dalaga! Imposibleng nanganak na ‘yon!” sambit niya rito saka niya binigay ang sukli nito.
“Naku, ikaw ang bahala, basta ako, binalaan kita,” wika pa nito.
“Ang sabihin mo, naiinggit ka lang kasi ang mga nagiging nobya ng anak mo, mukhang mga bayaran!” bulyaw niya rito dahilan upang ito’y mapangisi at tila nang-iinis.