Isang linggo matapos ang pangyayari na iyon, tahimik naman ang buhay ko sa school. Baka nga napagtripan lang ako ng babaeng yun at akala niya ay bagong salta sa lugar nila. Niyaya ako ng mga kalaro sa basketball na kumain sa malapit na kainan sa school namin pero tinanggihan ko kasi posibleng magkayayaan pa kung saan saan at mahirapan akong tumanggi. Si Kit na ang hinahanap ko para sa canteen kumain at diresto balik sa room.
Paglabas ko ng school ay bigla namang sumulpot ang kaklase kong si Reign. Hirap akong makatanda ng pangalan pero dahil naikukuwento siya ni Kit at kaibigan siya nito, alam ko ang pangalan niya.
Napaisip tuloy ako kung siya yung babae na sumusunod sa akin at balak nang umamin sa akin na siya nga kaso mukhang imposible yun. Nawala yung kutob na iyon nang mag-abot siya ng isang maliit na pink envelope. Pagkatapos kong kuhanin yun ay nagsalita na siya, hindi hinintay ang tanong ko.
"I-I like you, Caleb. Dati pa. Basahin mo na lang yan. Yun. Bye!" pagtapos ay tumakbo papalayo sa akin.
Napatingin muna ako sa hawak ko bago itago ito. Napabuntong-hininga ako. Tinignan ko pa kung may taong nakakita sa amin kanina. Walang tao pero papaano nalalaman ng buong Grade 10 yung nangyayari sa akin? Kilala nila kung sinong babae ang umamin o nag-abot ng letter o di kaya pati babaeng kasama ko. Lahat binibigyan nila ng malisya. Okay sana kung sa room lang namin kaso mas malala kung pati sa ibang grade levels, abot ang balita.
Hindi pa ako nakakalayo nang may maramdaman ulit akong sumusunod sa akin tulad noong isang linggo. Binilisan ko ang lakad at nagkunwaring di ko alam na may naksunod sa akin.
"Teka! Uy! Hinihingal na ko. Bagalan mo naman." sigaw niya.
Huminto ako at hinarap siya. Napataas pa yung kilay ko sa sinabi niya. Noong unang kita namin, kabadong-kabado siya tapos ngayon parang close kami.
Lumapit siya sa akin. Doon ko napansin na uniform ng school namin ang suot niya. Necktie lang ang nakasabit at walang ID kaya hindi ko malaman ang grade level niya. Malaman ko man, balewala rin dahil may mask, may malaking bilog na salamin at naka-sumbrero pa rin siya.
Tumikhim muna siya bago nagsalita.
"Hi. Ako ang cupid mo. Maaari bang malaman kung sino ang gusto mo?" Inilahad niya ang kamay niya at kita ko ang pagsingkit ng mga mata niya.
Hindi ko alam kung maweweirduhan ako sa kanya at kung aabutin ko ba ang kamay niya. May sira yata ang babaeng 'to.
Madadamay pa ako sa kabaliwan niya.
"Ano na? Sabihin mo na sakin. Please?" paulit ulit niya nang pakiusap.
Ilang araw matapos ang pagpapakilala niya bilang cupid kuno ko raw ay palagi niya na kong sinusundan. Tuwing uwian ay nariyan na siya at nakasunod. Naisip ko tuloy kung kaklase ko siya dahil parang alam niya ang schedule ng uwi ko.
Huminto ako kaya napahinto rin siya.
"Sa isang kondisyon."
Nanlaki ang mata niya dahilan para malaman ko na naging excited siya sa sinabi ko.
"Game!"
"Sino ka?" tanong ko.
Natigilan siya at bahagyang sumingkit ang mata niya.
"Ang cupid mo!"
Napahilamos na lang ako sa mukha ko. Seryoso ako tapos wala sa wisyo itong kasama ko.
"Walang patutunghan 'tong usapan natin." nagsimula na ulit akong maglakad.
"Uy, hintay. Ganito." Inayos niya ang salamin niya. "Sabihin mo kung sino-sino rito ang bet mo."
Inilabas niya sa bag ang isang notebook na naglalaman ng mga pictures ng mga babae kong kaklase. What the-
"Bakit meron ka niyan?" halata na sa boses ko ang gulat. Malala na ang babaeng 'to. Sira na.
"Isa sa mga larawan diyan ay kaibigan ko. Dahil mapagmahal akong tao," Itinapat pa niya ang kamay sa puso niya. "Tutulungan ko siya na malaman kung ano ba ang tipo mo sa babae para magkaroon siya ng ideya at magustuhan mo."
Napaisip ako sa mga kaklase kong umamin sa akin kaso napaayos lang ako nang buhok nang maamin ko sa sarili ko na hindi ko na kilala kung sino-sino sila.
"Hindi ko sasabihin sayo dahil hindi kita kilala." saad ko sa kanya. Totoo naman kasi. Wala akong ideya kung sino siya at malay ko ba kung ikakalat niya pa yung sinabi ko. Ni hindi nga ako nakikisali sa mga kalaro ko pag usapang babae at hindi rin ako nagkukwento kay Kit ng sa akin, puro yung babaeng gusto niyang ligawan at yung Reign ang topic naming.
Si Reign...
Tinitigan ko siya, baka kasi si Reign siya pero nang tumingin siya ay tumalikod na ko at naglakad. Hinila niya yung dulo ng damit ko bago pa ko makalayo sa kanya.
"Sige na, please. Hindi ko pwedeng sabihin kung sino ako pero kaklase mo rin ako. Promise!" pagtatapat niya dahil mukhang wala siyang choice kundi sabihin sa akin.
"Nandyan din yung picture mo?" biglang tanong ko.
"Wala. Wala naman akong gusto sayo e. Itong mga nakikita mo, yan lahat ang adik sayo." sabi niya habang pinapakita ang notebook sa mukha ko.
Napaisip naman ako ng paraan para maguluhan siya.
"Paano kung sabihin ko na, ikaw ang gusto ko?"