38. TIME OUT. NAGTULOY si Arianna sa itaas at nagmamadaling pinasok ang kwarto niya. Alam niyang wala ngayon ang mommy’t daddy niya kasama si Brianna. May family outing kasi sila bukas kaya namili ang mga ito ng mga gamit. Nagmamadaling hinubad niya ang body bag niya at basta na lang binagsak iyon sa kama. Pagbukas niya ng pinto sa veranda, nakita niya si TJ. Nakaharap ‘to sa kanya habang nakasandal sa railings, pero sa sahig nakatingin. Napalunok siya. Sobrang na-miss niya si TJ kahit isang araw pa lang silang walang kibuan. Parang ang tagal na agad para sa kanya. “Troy…” Dahan-dahan siyang lumapit. Huminto siya sa harap nito. Pero hindi pa rin siya tinignan ni TJ. Nakakainis. Bakit ba ang cold ng pagtrato ni TJ ngayon sa kanya? Bakit ayaw man lang nitong tumingin sa kanya?

