Simula nang umuwi ang kuya Ramon niya sa Cebu tatlong linggo na ang nakakalipas at namalagi ang pamilya nito kasama ni Xander at Donya Milagros ay palagi ng kinukumbinsi ni Xander ang sarili na magiging normal lang ang susunod nilang pag-uusap ni Uela.
He already planned that since the very night of day one pero sa tuwing mangyayari ang pag-uusap nila ay hindi siya makatingin ng diritso kay Uela at kung titingnan naman niya ito ay hindi naman niya maiwasang tumitig na lang. Mabuti na nga lang at sa mga pagkakataong iyon ay hindi nila kasama ang pamilya nila katulad na lamang ng nangyari kahapon.
Nasa sala ito nang dumating siya galing ng opisina at nagbabasa. Gusto sana niya itong lapitan at kausapin pero nanatili lang siyang nakatitig dito mula sa kanyang kinatatayuan hanggang sa pukawin na lang ni Aling Socorro ang pansin niya kaya napatakbo siya paakyat ng hagdanan patungo sa kanyang silid.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatayo lamang doon at nakatingin lang sa dalagita samantalang ang plano niya naman ay kausapin ito at ng sa ganoon ay maalis na ang pagkailang na nararamdaman niya pero sa huli ay hindi niya iyon nagagawa.
Sa mahabang tatlong linggo na niyang kasama ang mga ito ay halos dalawang beses palang niya itong nakakausap pero saglit lang ang mga iyon at sa huli ay mas lalo lang siyang nakakaramdam ng pagkailang dito. Sa kanilang dalawa tuloy ay parang siya pa ang mas bata kung umasta at iyon ang pinakaayaw niya.
Tumindig siya sa kanyang pagkakahiga sa kama at tinungo ang maliit na balkonahe ng kanyang kwarto. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya nang maramdaman ang pagdampi ng hangin sa kanyang mukha.
For three weeks, iniiwasan niyang makasalo ang pamilya ng Kuya Ramon niya sa pagkain at kahit ang mama niya ay hindi na rin niya nakakasalo sa hapag-kainan na dati naman ay hindi nangyayari pero ng dahil lang sa estrangherong pakiramdam niya sa tuwing nakikita si Uela ay nagawa niyang dumistansiya sa mga ito.
Hindi pweding magpatuloy ang ganito. Aniya sa isip.
Bakit ba siya umiiwas samantalang wala naman siyang ginagawang masama? Bakit ba siya naiilang? Umiling-iling siya. Unang-una, wala namang dahilan para umiwas siya.
Those people are his family. His only family. Kaya bakit kailangan niyang makaramdam ng kakaiba sa anak ng kuya niya?
Tinawanan niya ang sarili. Kung tutuusin ay pamangkin na niya ito.
Tumingin siya sa mga bituin na kumikinang sa kalawakan.
Tama.
Kakausapin na niya si Uela bukas. Sasabay siya sa pagkain ng pamilya and once and for all, he will sort things out.
Habang maaga pa.
Iyon ang napagdesisyunan niya habang nakatingin sa kalangitan at pinagsasawa ang mga mata sa ganda ng mga bituin. Hanggang sa dinapuan siya ng antok ay hindi niya binago ang kanyang pasya na siya nga niyang ginawa kinabukasan nang magkasarilinan sila.
.....
"Hey, kumusta ka?" Bati ni Xander kay Uela nang maabutan itong mag-isa. Katatapos lamang nilang mag-almusal ng magkakasalo bago iyon.
Nang matapos sila at nakita niyang lumabas si Uela ng bahay ay sinundan niya ito upang makausap. He needs to make use of the chance habang sila lamang upang maayos na ang tila harang sa pagitan nila. Maigi rin na araw iyon ng Sabado at wala siyang pasok sa paaralan o sa opisina kaya hindi siya nagmamadali sa kanyang gagawin.
Naabutan niya itong nakaupo sa garden set habang may nakasalpak na headphone sa magkabilang tainga nito.
Bahagya siyang napakunot-noo nang hindi ito tumingin sa kanya. Ni hindi ito tuminag sa pagkakaupo. Gumaganti yata ito.
"Hey. Naririnig mo ba ako?" Aniya na mas nilakasan pa ang boses. Katulad kanina ay wala pa rin siyang nakuhang sagot o reaksyon man lang mula dito samantalang nakatingin naman ito sa gawi niya habang anyong sumasayaw ang ulo.
Nilapitan niya ang inuupuan nito at tinanggal sa uluhan ang pagkakaayos ng headphone nitong suot. "Naririnig mo na ba ako?"
Irap ang tinanggap niya mula dito dahil sa ginawa niya. "What’s your problem?"
"Sorry. Pwede ba kitang makausap?"
Kinunutan siya nito ng noo at sinimangutan siya. "What are you saying?"
"Ah." Noon niya lang naalalang hindi nga pala ito nananagalog. "Can I talk to you?" Seryoso niyang tanong dito.
Pinag-krus nito ang dalawang braso sa harapan saka masungit siyang tinanong.
"What about?"
Napakamot siya sa batok sa uri ng pagtatanong nito. Ano nga ba ang sasabihin niya dito?
"Well..." Wala siyang maapuhap na salita kahit na sa isip niya'y napakarami niyang gustong sabihin sa dalagita. Gusto niyang humingi ng paumanhin dahil sa uri ng pakikitungo niya dito na dulot na pagkailang na kanyang nararamdaman. Hindi naman niya gagawin ang mga iyon kung hindi lang dahil sa abnormal niyang pakiramdam.
Nang hindi siya makapagsalita kaagad ay inunahan na siya nito. "Are you going to say sorry because you have been indifferent to me?" Nakataas pa rin ang kilay nitong tanong sa kanya.
"Indifferent? What indifferent?"
"You didn't know?"
He stands still at itinutok ang tingin sa malayo. Hindi niya masabing 'oo' dahil alam niyang magtatanong ito ng dahilan kung bakit siya naging ganoon pero hindi din naman niya iyon maitatanggi dahil halata namang umiwas siya dito simula nang dumating ang mga ito sa Cebu.
"You're forgiven." Balewala nitong sagot.
Napatitig siya dito. Katulad niya'y nakatingin din ito sa malayo. "You are the only one I know in this place and you were the only friend I have when I was very little, so, I forgive you." Nginitian na siya nito.
Pa-simple niyang hinawakan ang kanyang dibdib na parang sinasaway iyon pagkatapos ay tumango siya at ngumiti din. "I haven't said sorry, yet."
"It's okey. Still, I forgive you. Besides, I don't think there are any other reason why you would like to talk to me other than that. Am I right?"
Bahagya siyang napatawa sa sinabi nito. "You are already putting words on my mouth. Am I right?"
"Yes." Inismiran siya nito. "Because you are taking so much time."
Tumango-tango siya sa narinig pero sa huli ay sinabi niya rin ang matagal niya ng gustong sabihin. "I'm sorry. I didn't mean to be like that. I'm just not comfortable with the grown up version of you. Maybe, I was expecting that I'll see that little Uela that I was with before?"
Ngiti ang nakuha niya mula dito. Walang anumang sama ng loob siyang nakikita sa mga mata ng dalagita sa kabila ng anito'y indifference na ipinakita niya. Ang bata pa nito para maintindihan siya pero sa tingin niya ay mas mature pa ito kaysa sa kanya kung kabutihan ng loob ang pag-uusapan.
Tumayo ito at itinuro ang likurang bahagi ng kinaroroonan nila.
"I still remember this place. This is where we used to play jolens, right?"
Tiningnan niya ang bahaging iyon. Doon siya madalas magbutas ng lupa noon para mapasukan ng mga laruan niyang holen pero sa huli ay kinukuha lang ng batang kalaro niya.
"Tama."
"You also used to cry whenever we play during those times." Pang-aasar nito.
"Hey, hey. Because you always steal them. Akala mo ba nakakalimutan ko yun? Hindi kita pweding paluin dahil magagalit si Mama sa akin pero kinukuha mo lagi ang mga holen ko kaya umiiyak na lang ako, pero ikaw, masaya ka pala dahil umiiyak ako?" Hindi niya mapigilang manggigil nang maisip iyon.
Sandali namang natahimik si Uela dahil sa sinabi niya. Marahil ay dahil sa hindi nito naintindihan ang sinabi niya pero nagulat siya nang tumawa ito ng malakas.
"So, masama ang loob mo sa akin dahil sa napaiyak kita noon?"
Namaywang siya at kinunutan niya ito ng noo. "Nagsasalita ka ng tagalog?"
"Of course."
"Bakit pinahirapan mo pa ako?"
"I don't think so. People here in Cebu are actually more english speakers so I don't think na nahirapan ka."
"You know what? I think it's a mistake talking to you right now. Pinapasakit mo pa din ulo ko."
Inabot siya nito at pinitik siya sa noo. Bagama't hindi naman iyon kalakasan ay sumakit pa rin ang bandang tinamaan nito.
"Ano ba?"
"I missed you." Sabi nito sabay talikod sa kanya. Naiwan siyang sapo-sapo ang noong pinitik ni Uela.
.....
"Ano po ang meryenda natin, Aling Socorro?" Kinahapunan ay tanong niya sa kusinera nang tumungo siya sa kusina dahil sa pagkalam ng kanyang sikmura.
Lumingon ang ale sa kanya na noon ay nagpupunas ng mga pinatuyong pinggan at sinita siya. "Ayan, hindi ka na naman kasi kumain ng tanghalian kaya nagugutom ka ngayon. Ano bang gusto mong kainin?"
Umingos siya. "Huwag na kayong magalit. Nakatulog ho kasi ako. Sayang naman po 'yung itatangkad ko kung pipigilan ko yung antok ko, di ho ba?" Totoong nakatulog siya noong magtatanghali dahil sa naipong pagod na dulot ng ilang araw na pagiging abala sa eskwela at sa trabaho at kakagising niya lang noong mag-aalas tres ng hapong iyon.
"Oo nga." Lukot ang mukhang sagot nito. "Pilosopo ka talaga kahit kailan, ano?"
"Bakit kayo nagagalit sa akin? Kayo ang nagsabi niyon sa akin dati na matulog ako kapag inantok para tumangkad ako di ba? Bakit ngayon pinapagalitan niyo ako?"
"Ikaw talaga." Inilapag nito ang hawak na pinggan at tumungo sa may lababo. "Kumain ka ng kanin at ng mabusog ka. Sa alaga mo diyan sa tiyan ay hindi uubra sa'yo ang merye-meryenda lang."
"Sobra naman kayo, Aling Socorro." Gumawi siya sa lagayan ng mga pinggan at kubyertos bago siya sumunod rito.
"Akin na 'yan. Maupo ka na roon at ako na ang kukuha ng pagkain mo. Maswerte ka at hindi ka naubusan kanina. Naku, kung hindi ay siguradong gutom ang aabutin mo."
Kusa na nitong kinuha ang bitbit niyang pinggan at bahagya siyang itinulak papunta sa may lamesa sa komedor. Sumunod na lang siya rito at naghintay sa pagkaing ihahain sa kanya.
Hindi naman naglaon ay lumapit ito bitbit ang isang tray na may lamang pinggan ng kanin at mangkok ng sinigang na tuna na ng maamoy niya ay kaagad na nagpakulo sa kanyang sikmura.
"Wow. Ang sarap ng ulam. Kumain na ho ba kayo? Saluhan niyo po ako." Aniya rito pagkalapag ng pagkain sa harapan niya.
"Tapos na ako. Salamat."
Bago siya nagsimula ay luminga-linga muna siya. "Bakit parang ang tahimik yata?" Wala siyang naririnig na nag-uusap usap at kahit ang limang taong si Elly ay hindi niya rin naririnig ang boses sa paligid.
"Umalis silang lahat. Nagpunta yata ng farm. Gustong makita ng Kuya mo iyong farm dito sa Norte eh, iyon ang narinig ko. Kay Josefina sila nagsabi kung saan talaga ang tungo nila. Natutulog ka naman kaya hindi ka na isinama. Hindi ka na ipinagising ng Mama mo kahit na gustong-gusto ni Uela na isama ka."
"Ah, kaya ho pala ang tahimik." Pilit niyang ngiti sa matanda at sumubo na ng pagkain. Bakit may nararamdaman siyang sakit sa bandang dibdib niya ng malamang hindi siya kasama sa lakad ng pamilya? Kahit alam niyang may dahilan naman kung bakit hindi siya kasama sa mga ito ay hindi niya maalis sa puso ang negatibong emosyon na iyon na parang humihiwa sa kanyang puso.
Hindi niya gustong managhili, pero sa pagkakataong iyon ay iyon mismo ang nararamdaman niya.
.....