3rd Chapter

2382 Words
DECEMBER 11, 2007 VINCENT did it again. Katabi ni Wendy si Vincent kaya hindi niya maiwasang tingnan ito kapag hindi ito nakatingin. Ewan ba niya pero kahit alam niyang wala naman siyang pag-asa sa lalaki na halatang si Gia ang gusto, hindi pa rin mawala-wala ang pagka-crush niya rito. Nararamdaman na niya ito simula pa lang no'ng freshman year nila at habang tumatagal, mas lalo lang 'yong nagiging seryoso. No, saway niya sa sarili. Gia is your best friend. Don't betray her. "Wendy, if you're going to say something, say it instead of looking at me like that." Napasinghap si Wendy sa gulat dahil sa sinabi ni Vincent na katabi niya sa seating arrangement. Hindi niya napigil ang pag-iinit ng mga pisngi nang lingunin siya ng lalaki at tingnan habang halatang hinihintay ang sasabihin niya. Ano bang sasabihin ko? Na gustong-gusto ko na parati kang malinis at mabango kahit after P.E class unlike the other boys in our class? Na natutuwa ako na puting-puti at hindi nagugusot ang uniform mo? Na naririnig at binibigyan mo ko ng attention kapag nagsasalita ako? "I can't read minds," sabi ni Vincent sa impatient na boses. Pagkatapos, marahan nitong tinapik sa noo niya ang dulo ng hawak nitong gel pen. Hindi malakas 'yon at normal lang dito ang gawin 'yon sa mga kaibigan kaya hindi 'yon ma-ka-classify bilang violence. In fact, natutuwa pa nga siya kasi ibig sabihin niyon, kaibigan siya nito. Kilala kasi ang lalaki na suplado at hindi namamansin sa mga hindi nito ka-close. "Wendy, can I say something that may or may not offend you?" Mabilis siyang tumango at in-adjust ang frame ng eyeglasses niya. Mannerism na niya 'yon kapag kinakabahan o excited siya. Ngayon, pareho niyang nararamdaman ang mga iyon. "Uhm, s-sure." "You should practice talking clearly and loudly," seryosong sabi ng lalaki. "Kapag nagsasalita ka, kailangan mong kunin ang atensiyon ng mga kausap mo or else, hindi ka nila papansinin." Bumaba sa desk ng armchair ang tingin niya. Hindi naman si Vincent ang unang nagsabi niyon sa kanya. Freshman year pa lang nila, sinabi na rin sa kanya ni Gia na kailangan niyang magkaro'n ng confidence kapag nagsasalita siya. Pero hindi naman gano'n kadaling gawin 'yon dahil hindi siya confident. Pa'no siya magkakaro'n ng kumpiyansa sa sarili kung parati siyang na-bu-bully dahil "maitim" at marami siyang pimples? "Don't do that," marahang saway sa kanya ni Vincent. Nilagay nito ang gel pen sa ilalim ng baba niya at ginamit 'yon para maingat na iangat ang mukha niya. "Other people will think you're a pushover if you do that. Kailangan mong tingnan sa mga mata ang kausap mo. Gets mo?" Tumango lang siya. Gets naman niya. Mahirap lang i-execute ang gusto nitong gawin niya. "Good," tumatangong sabi nito, saka inalis ang gel pen sa baba niya at hinarap na uli ang MP4 player na kanina pa nito kinakalikot. "V-Vincent..." Alam niyang narinig siya ng lalaki pero halatang hindi siya nito pinansin. Dahil ba mahina na naman ang boses ko? Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Nakakapag-usap lang sila ng ganito dahil lumabas ang Math teacher nila na tinawag ng isa pang teacher. Kapag bumalik na si Ma'am, hindi na uli siya magkakaro'n ng chance 'masolo' ang lalaki. Vacant period na kasi ang susunod at alam naman niyang hindi na mapaghihiwalay sina Vincent at Gia mamaya. "Vincent," mas malakas na pagtawag niya rito pagkatapos ng tatlong minutong pag-iipon ng lakas ng loob. "May question ako." "Kaya mo naman palang magsalita ng malinaw, eh," halatang natutuwang sabi ni Vincent nang lingunin siya. "Ano 'yon?" Tumingin muna si Wendy sa paligid para masigurong walang nakikinig sa kanila, saka siya tumingin sa lalaki at sinadyang hinaan ang boses niya. Nagkukuwentuhan din naman ang iba nilang kaklase dahil tapos na ang test pero gusto niyang maging safe. "Nakita ko 'yong ginawa mo kanina. Hindi mo sinagutan 'yong mahihirap na equation kahit sigurado akong alam mo naman kung pa'no sagutin 'yon kasi kabisado mo ang formula. Ikaw ang pinakamagaling sa Math sa section natin, eh." Hindi niya nakita ang ginawa nito dahil nangongopya siya. Hindi lang talaga niya mapigilan ang pasimpleng pagsulyap dito kaya napansin niya ang hindi nito pagsagot sa last 5 equations sa test. Imposibleng hindi nito alam kung pa'no sasagutan 'yon dahil ito ang top 2 sa klase at alam nilang lahat na hindi nalalayo ang talino nito sa top 1 nilang si Gia. "Strongest subject mo ang Math kaya nakakapagtaka na parati kang ganyan ka-careless kapag Math ang exam natin," pagpapatuloy niya. "Bakit, Vincent?" "Gusto kong si Gia ang mag-top 1 sa section natin hanggang sa senior year para mas tumaas ang chance na makakuha siya ng full scholarship sa college," deretsang sagot ng lalaki. "Ako ang top 2 at alam nating lahat na dikit ang grade namin ni Gia sa halos lahat ng subject except sa Math." Tumango siya. Parating dikit ang average ng combined grades nina Gia at Vincent bilang top 1 at top 2– respectively– at malayo na sa dalawa ang general average ng pang top-3 na si Jericho. "No'ng third grading period natin, ako ang nag-top 1 dahil naungusan ko si Gia sa Trigo," pagpapatuloy nito. "Kaya gusto kong ibalik sa kanya ang pagiging top 1 ngayong 4th grading period. Mangyayari 'yon kung mas mababa ang score ko sa Math kesa sa makukuha niyang score ngayon. Hindi niya sinabing gawin ko 'to at sigurado akong magagalit siya sa'kin kapag nalaman niya 'to. Aware din naman ako na mali 'tong ginagawa ko kasi alam ko namang kayang makabalik ni Gia sa pagiging top 1 nang wala ang tulong ko. Pero gusto kong mas ma-secure ng future niya. Importante ang time na 'to para sa kanya para magkaro'n siya ng mas malinis na record kapag nag-apply siya ng scholarship sa college, eh." Gustong sabihin ni Wendy kay Vincent na naiintindihan naman niya kung ga'no kahalaga para rito si Gia pero pa'no naman ang parents nito na nagsisikap na maitaguyod ang pag-aaral nito? Hindi man lang nito naisip ang sakripisyo ng mga magulang. Pero hindi niya masabi ang mga 'yon dahil wala siyang lakas ng loob. Sigurado siyang kung si Gia ang nasa posisyon niya, pinagalitan na ng babae si Vincent. Saka ang sakit-sakit maipamukha sa kanya na hindi lang basta crush ni Vincent si Gia. Vincent is undeniably in love with Gia. "Nasagot ko ba ang question mo, Wendy?" tanong ni Vincent. Nang tumango lang siya, nagpatuloy ito. "Can I ask a favor?" Tumango si Wendy. "S-sure." "Please don't tell Gia. Let's keep this a secret between us." Hay, bumilis ang t***k ng puso niya kahit mali ang nararamdaman niyang 'yon. Wala na tuloy siyang nagawa kundi ang ngumiti at tumango. Nakaka-excite na may sekreto sila ni Vincent pero masakit naman na tungkol iyon kay Gia na mukhang mahal na talaga nito. Binigyan siya ng lalaki ng matipid na ngiti. Because she knew his full smiles were reserved solely for Gia. "Thanks, Wendy." Okay, kinilig pa rin siya sa ngiting 'yon. Mabuti na lang at bumalik na ang Math teacher nila para i-dismiss sila. Pagkalabas na pagkalabas ng teacher, nagsitayuan na rin ang mga kaklase nila at nag-unahan pa sa paglabas sa magkabilang pinto ng classroom. Mahaba kasi parati ang pila sa canteen. "Gia, sa'n kayo pupunta?" tanong ni Vincent kay Gia na hinihila ng nagmamadaling si Maj palabas ng classroom. "CR lang kami ni Maj," sagot ni Gia sa nagmamadali ring boses dahil hinihila nga ito ni Maj. Kumaway na lang sa kanila ang babae. "Mauna na kayo sa canteen!" At nakaalis na ang dalawa. Nasaktan si Wendy na hindi man lang siya inaya nina Gia at Maj na mag-CR. Alam naman niyang mas close ang dalawa at sanay na siya na laging naiiwan. Pero nakakatampo pa rin. "Vincent, I need your help," seryoso at halatang problemadong sabi ni Aron nang lumapit at umupo ito sa desk ni Vincent. "I'm in big trouble." Nilingon siya ni Aron. "Sorry, Wends. Boy talk, eh." "N-no problem," sagot ni Wendy habang nilalagay sa backpack ang notebook at gel pen niyang nakakalat sa desk. "Mauna na ko sa canteen. Ipag-se-save ko kayo ng chairs." "Thanks," sabay na sabi nina Vincent at Aron. Ngumiti lang siya sa dalawang lalaki at lumabas na ng classroom. Dumeretso siya sa canteen para maghanap ng mesa at ma-save ng upuan ang mga kaibigan. Bihira lang silang kumain sa canteen dahil mas madalas sila sa Amelita's. Pero kapag Tuesday, spaghetti with meatballs ang nasa special menu ng canteen at paborito 'yon ni Gia. Kaya natural lang na do'n sila kakain ngayong Martes. Parating puno ang canteen kapag gano'ng oras dahil sabay ang vacant period ng mga junior at senior level. (Nauuna ng isang oras ang mga freshman at sophomore.) Oh, no. Kailangan kong makahanap ng table bago sila dumating. "Why are you alone?" Napaatras si Wendy nang tumayo si Megan sa harap niya. Mag-isa lang din ito pero nakaka-intimidate ang presensiya nito lalo na nang tumayo sa harapan niya at humalukipkip pa. "N-nasa CR sina Maj at Gia. Naiwan sa classroom sina Vincent at Aron." "Ah, they left you out again," natatawang komento ni Megan. "Madalas kitang makitang mag-isa. Pero I can't blame them. Nakita mo ba kung ga'no ka-goodlooking ang friends mo? I'm pretty sure you know that. You know that you don't belong in their circle." Bumaba ang tingin niya sa sahig dahil nasaktan siya sa mga sinabi ni Megan. Kapitbahay niya ang babae at simula pagkabata, lagi na lang siya nitong binu-bully at pinapahiya sa harap ng iba. Hindi siya makalaban dahil mas matanda ito sa kanya ng isang taon. At sa totoo lang, duwag siya kaya imposibleng maipagtanggol niya ang sarili sa mga taong umaaway sa kanya. Nanginginig na nga ang tuhod niya sa takot lalo na no'ng naramdaman niyang pinagtitinginan na sila ng mga schoolmate nila na nasa canteen. At nang nagsimula nang magbulungan ang mga ito, parang gusto na niyang umiyak. Kung hindi lang siya nanginginig, baka kanina pa siya tumakbo. "Know your place, Ugly Wendy," pagpapatuloy ni Megan sa malakas na boses. Halata namang pinaparinig nito sa lahat ang sinasabi para mapahiya siya. "Hindi dapat nakikipag-friends ang mga good-looking na tao sa mga pangit." "Agree po ako sa sinabi mo, Ate Megan." Nanigas si Wendy sa kinatatayuan nang marinig ang boses ni Gia. Nag-angat siya ng tingin para masigurong ang kaibigan nga ang narinig niyang nagsalita. Pero bakit nag-agree si Gia kay Megan? Hindi kasama ni Gia sina Maj, Aron, at Vincent. Nilalabas na ba ng babae ang true colors nito? Ngumiti si Megan kay Gia na tumayo sa tabi nito. "I didn't expect this but I'm glad you get my point, Gia. Goodlooking people shouldn't be friends with ugly people." "Correct," nakangiti at tumatangong pagsang-ayon ni Gia habang nakatingin kay Megan. "Kaya nga po hindi tinatanggap ng barkada namin ang friend request mo sa Friendster, eh." Nawala ang ngiti ni Megan at namula pa ang mukha sa pagkapahiya. Nagtawanan kasi ang schoolmates nila dahil hindi naman mahirap intindihin ang sinabi ni Gia. Napangiti rin si Wendy at nawala ang lahat ng doubt niya kay Gia. Na-guilty pa nga siya na pinagdudahan niya ang character ng babae at ang friendship na meron sila. Pero dahil sa mga sinabi nito, napatunayan niyang mali at nakakahiya siya para mag-isip ng masama. Pati ang tampo na naramdaman niya kanina nang hindi siya isama nina Maj sa CR, nawala na rin. "I'm sorry but to us, beauty goes beyond skin-deep," nakangiting dagdag pa ni Gia na nagpa-walk out kay Megan na wala na namang nasagot. Natawa tuloy ang kaibigan niya habang iiling-iling. "Si Ate Megan talaga, ang hilig magsimula ng problema na hindi naman niya tinatapos." "Thank you, Gia," masaya nang sabi ni Wendy. "I don't deserve you." Tinawanan lang 'yon ni Gia, saka ito lumapit sa kanya at inakbayan siya. "Maghanap na tayo ng free table. Sinundo lang ni Maj sina Vincent at Aron sa classroom. Why are you shaking?" Dinaan niya sa ngiti ang pagkapahiya niya. Naramdaman nito ang panginginig niya dahil siguro nakaakbay ito sa kanya. "Megan scares me. Kapitbahay namin siya sa subdivision kaya bata pa lang ako, tino-torture na niya ko." "I think insecure sa'yo si Ate Megan kaya lagi ka niyang pinag-iinitan." Kumunot ang noo niya. "Bakit naman ma-i-insecure sa'kin si Megan? Ang ganda kaya niya." "Maganda ka rin, Wendy," halatang sincere na sagot ni Gia habang tumitingin ito sa paligid. "Kaya nga natatakot si Ate Megan na ma-realize mong maganda ka kaya parati niyang pinaparamdam sa'yo na pangit ka kahit hindi naman totoo 'yon. And maybe she's also jealous that you're friends with us. Kahit lagi niya tayong inaasar, parati naman niyang vini-view ang profile natin sa Friendster, 'di ba?" Tumango siya dahil totoo 'yon. Kapag nasa computer shop sila para mag-Friendster, nakikita nilang si Megan ang number one na tumitingin sa profile nila. Akala niya noon, naghahanap lang ang babae ng ipipintas sa kanila. Pero mukhang may point din ang theory ni Gia. "Wendy," seryosong sabi ni Gia nang lingunin siya. Nakangiti pa rin ito pero nakikita niya sa mga mata nito ang concern. "Kailangan mong maniwala na maganda ka. Sana kapag na-realize mo 'yon, magkaro'n ka ng confidence para kahit wala na ko sa tabi mo, hindi ka pa rin maaapi ni Ate Megan." Kumunot ang noo niya sa pagtataka. "Bakit ka naman mawawala sa tabi ko?" Natawa ito. "Siyempre, hindi mo naman ako nakakasama 24/7, eh. Saka hindi ako nakatira sa subdivision niyo eh do'n ka nga madalas i-corner ni Ate Megan, 'di ba?" "Ahh. Gets." "Hey, Gia," pagtawag dito ng isang lalaki na siguradong senior dahil asul ang lanyard nito. Pula kasi ang sa mga junior na gaya nila. Ganito kasikat si Gia kaya kahit seniors, friendly sa babae. "We're done here. Dito na lang kayo ng friends mo." "Okay po," masiglang sabi ni Gia, saka ito kumalas sa kanya para lumapit sa mesa ng anim na male seniors. "Thank you po, Kuya Jeremy." Napangiti si Wendy habang pinapanood si Gia na makipag-usap sa mga senior nila. Naiintindihan niya ang mga taong magaang agad ang loob sa babae. Dahil kahit siya mismo, nahahawa sa pagiging masayahin nito. Ang gaang-gaang nitong kasama sa buhay dahil lagi itong positive. For Wendy, Gia was absolutely a friend for keeps– a friend she didn't deserve.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD