DECEMBER 13, 2007
"WHEN I see your smile... Tears run down my face... I can't replace... And now that I'm strong I have figured out... How this world turns cold and it breaks through my soul... And I know I'll find deep inside me... I can be the one..."
Napangiti si Gia habang pinapanood at pinapakinggan si Vincent na tumutugtog ng gitara habang kinakanta ang acoustic version ng Your Guardian Angel by Red Jumpsuit Apparatus.
Hindi lang siya ang na-me-mesmerize sa husky at malamig na boses ng lalaki. Maging sina Maj, Aron, at Wendy eh natigilan din sa pagkain ng pizza. Lahat sila, nakapalumbaba na lang sa mesa habang pinapanood at pinapakinggan ang lalaki. Nasa front porch sila ng Fambond Pizza na pag-aari ng pamilya ni Wendy at isa sa mga official tambayan nila pagkatapos ng klase.
"Seasons are changing... And waves are crashing... And stars are falling all for us... Days grow longer... And nights grow shorter... I can show you I'll be the one... I will never let you fall... I'll stand up with you forever... I'll be there for you through it all... Even if saving you sends me to heaven..." Mula sa gitara nito, nag-angat kay Gia ng tingin si Vincent at bahagyang ngumiti habang patuloy sa pagkanta. Magkatabi sila kaya lumingon ito sa kanya at yumuko pa para silipin ang mukha niya– halatang tinutukso siya. Nagsitikhiman naman ang mga kaibigan nilang kasalo nila sa mesa. "'Cause you're my... You're my, my... My true love... My whole heart... Please don't throw that away... 'Cause I'm here for you... Please don't walk away and please tell me you'll stay..."
"Ayawan na, hindi na masaya," pabirong reklamo naman ni Aron na ikinatawa nila at ikinatigil naman ni Vincent sa pagkanta. Magkatapat pa man din ang dalawang lalaki. "Bro, 'yong Always Be My Baby na version ni David Cook naman ang kantahin mo. Ganito 'yon, o." Tumikhim ito at nagsimulang kumanta kahit sintunado. "You will always be a part of me... I'm part of you indefinitely... Girl, don't you know you can't escape me... Oh, darling, 'cause you'll always be my baby– hey!"
Pinagbabato na nila ng nilamukos na tissue si Aron na ang sakit sa tainga ng sintunadong boses.
"Ang sama niyo sa'kin," pabirong paghihinanakit ni Aron. "Kapag ako naging sikat na artista, hindi ko kayo bibigyan ng autograph!"
Lalo silang natawa dahil alam nilang pangarap ng lalaki ang maging artista.
"Babe, we all know you're good-looking," puno ng simpatya na sabi ni Maj dito. "Pero wala kang karisma. Kung may magiging artista sa'tin, si Vincent 'yon."
"I agree," mabilis at tumatango-tangong sabi naman ni Wendy. Nasa kabilang gilid ito ni Vincent dahil napapagitnaan nila ng babae ang lalaki. "Puwede ka ring maging singer, Vincent."
"Hindi ako mag-a-artista," nakasimangot na kontra ni Vincent. "I'll become an engineer like my dad, thank you very much."
"Pero artistahin ka at magaling ka pang kumanta at mag-gitara," giit naman ni Gia at siya naman ang dumeretso ng upo at sumilip sa mukha ni Vincent na nakikipagtitigan sa kanya. Tumaas ang sulok ng mga labi nito pero hindi naman umiwas kahit halos magdikit na ang mga ilong nila. Pero siyempre, umatras siya bago pa magdikit ang mga labi nila dahil may nakikita siyang kapilyuhan sa mga mata nito. "Kapag nagkaro'n ako ng sarili kong banda, gagawin kitang second vocalist at lead guitarist."
"Okay," mabilis na pagpayag ni Vincent kaya siguro mabilis itong binato ng nilamukos na tissue nina Maj at Aron. "Ano ba?"
"Ang arte-arte mo kasi kanina no'ng sinabi mong hindi ka mag-a-artista o singer," reklamo ni Aron. "'Tapos ni-recruit ka lang ni Gia sa future band niya, pumayag ka agad!"
Nagkibit-balikat si Vincent. "I would probably change my mind if Gia and I would share a stage."
Bumungisngis si Maj at pinaghahahampas pa ang braso ng boyfriend nito– halatang kinikilig. "Mag-date na nga kayong dalawa."
Tumingin si Vincent sa kanya na para bang hinihintay siya nitong sumagot.
Nag-init naman ang mga pisngi ni Gia pero dinaan na lang niya sa tawa ang kilig na nararamdaman niya. Isa pa, hindi niya gusto 'yong gano'ng sitwasyon. "Vincent, alam mo namang ayoko ng pine-pressure, 'di ba?"
"Yes, I know," seryosong sagot ni Vincent, saka nito hinarap ang lovebirds. "Tumigil na nga kayong dalawa. Napapasama pa ko sa kalokohan niyo, eh."
Umarte naman sina Maj at Aron na sini-zipper ang bibig, saka bumalik ang dalawa sa pagkain ng Hawaiian pizza na nakahain sa mesa nila kasama ang kanya-kanya nilang cup ng softdrinks.
"So, nakapag-decide na ba kayo kung ano ang kakantahin niyo para sa Christmas party natin bukas?" tanong ni Wendy habang nagsasalin ng softdrinks sa cup ni Vincent.
Muntik nang makalimutan ni Gia na iyon nga mismo ang dahilan kung bakit dinala ni Vincent ang gitara nito at kung bakit ito kumanta. Gusto kasi ng lalaki na iyong Your Guardian Angel ang i-perform nila bukas. Pero iba ang gusto niyang kantahin. "'Yong Magbalik o kaya Stars na lang kasi ng Callalily ang kantahin natin, Vincent. Mas gusto ko ang OPM rock songs, eh. Saka alam ko na kung pa'no natin hahatiin 'yong songs na 'yon, eh." Nilabas niya sa bag niya ang songbook na pinahiram sa kanya ni Jericho kanina at binuklat ang page kung nasa'n ang lyrics ng Stars by Callalily. May highlights na 'yon. "Tingnan mo. Nahati ko na 'yong song kanina para sa duet natin."
"Ayoko nga ng songs na 'yan ng Callalily," nakasimangot na sagot ni Vincent, saka nito nilingon si Wendy na katatapos lang magsalin ng softdrinks sa baso nito. "You didn't have to do that, but thanks."
Ngumiti lang si Wendy at namula ang mukha.
Anyway...
"Bakit ba ayaw mo sa Callalily songs?" tanong niya kay Vincent. "Ang ganda kaya. Tagos sa puso."
"Exactly," sagot ng lalaki. "Tagos sa puso. Parang breakup song. Ayokong makipag-duet sa'yo ng breakup song 'no."
Natawa siya dahil sa kilig. "Wait, 'yon ang reason mo kung bakit ayaw mong kantahin ang songs ng Callalily?"
"Hindi 'yon nakakatawa, okay?" giit nito, namumula na ang mga pisngi at tainga. "Ayokong kumanta ng breakup song kasi feeling ko, nag-be-break na tayo kahit hindi pa nagiging tayo."
Okay, nag-init na ang mga pisngi niya.
"That's our cue, people," natatawang deklara ni Aron na tumayo bitbit ang box ng pizza. "Lumipat na tayo ng mesa bago pa tayo langgamin dito."
Tumayo rin si Maj na bitbit ang isang litro ng softdrinks na nakalahati na nila, pagkatapos, tumingin ito kay Wendy. "Let's go, Wends. Iwan muna natin 'yang future lovebirds."
"Uhm, okay," parang nag-aalangan na sagot ni Wendy at tumingin muna sa kanila na para bang tinatanong kung gusto ba talaga nilang maiwanan ng silang dalawa lang. Nang hindi sila sumagot ni Vincent, tumayo na ito bitbit ang mga baso ng softdrinks at sumunod kina Maj at Aron na lumipat sa kabilang mesa.
Napaisip si Gia kung kailan pa sila nagsimula ni Vincent na magsolo na para bang sila na. Pero siguro, hindi na 'yon mahalaga. Gusto rin naman niya ang ganitong mga pagkakataon na silang dalawa lang ng lalaki ang magkasama. "So, ano na nga ang kakantahin natin?"
Pasimpleng umusod si Vincent palapit sa kanya at ipinatong nito ang kamay sa likod ng silya niya bago ito dumukwang sa songbook na pinagsasaluhan nila. Siyempre, lalo silang nagkalapit at halata namang sinasadya 'yon ng lalaki. "'Wag na 'yong Nobela ng Join the Club since 'yon na ang parati mong panlaban sa mga singing contest." Nilipat nito ang page. "Puwede 'tong Tuliro ng Spongecola, gawin nating acoustic version. Meron ding Goodnight ng Hale. Okay din ang Ulan ng Cueshé or Sandalan ng 6 Cyclemind. Kung gusto mo, classic OPM hits ng Parokya ni Edgar o kaya Eraserheads. Ang dami namang local rock songs na puwede nating gawan ng acoustic rendition."
Nangalumbaba siya at tinitigan ang profile ng lalaki. Mahaba ang mga pilik nito, matangos ang ilong, at sharp pa ang panga. Hay, ang bata-bata pa nito, ang guwapo na. Pa'no pa kaya kapag adults na sila? "Ano kaya ang magiging hitsura mo after ten years?"
Huminto ito sa pagsasalita at lumingon sa kanya. Dahil magkalapit sila, nagkalapit din ng husto ang mga mukha nila. Pero sanay at komportable na sila sa gano'ng distansiya kaya hindi na sila nagkailangan. "Well, we'll find that out after ten years."
"Pa'no kung hindi na tayo magkasama after ten years?"
Sumimangot ito, halatang hindi nagustuhan ang mga sinabi niya. "I'll make sure we would still be together after ten years. 'Wag ka ngang magsalita ng ganyan."
"The concept of future always fascinates me," sabi niya at hindi rin niya alam kung bakit bigla niya 'yong nasabi. "Ano kaya ang magiging future natin 'no? Ako gusto kong maging vocalist pero Masscomm ang kukunin kong course kung makakapag-college ako. Si Maj naman, gustong maging scripwriter dahil mahilig siya sa romcom movies. Si Aron, pangarap maging artista kasi guwapo daw siya. At si Wendy, pangarap naman maging teacher na parang mommy niya." Marahan niyang dinikit ang daliri sa tungki ng ilong ng lalaki. "At nakatingin naman ako sa future engineer–"
"At future husband mo?"
Napangiti siya sa kilig. "Sana."
Ngumiti si Vincent. Bihira lang ito mamigay ng ngiti kaya treasure ang tingin niya sa mga iyon. Sana, makita pa rin niya ang precious smiles nito pagkatapos ng sampung taon.
Napasinghap si Gia nang may maisip siya. "Vincent, I just had a brilliant idea!"
"Okay," tumatango-tango at halatang amused na sagot nito. Mukhang sanay na talaga ito sa biglaang pagpasok ng random ideas sa isip niya kapag nag-uusap sila. "Tell me."
"Gumawa tayo ng time capsule," excited na sabi niya, saka siya nagpaliwanag. "Isulat natin ang dream natin ngayon at ilagay natin sa box or anything na puwede nating ibaon sa lupa. 'Tapos buksan natin after ten years para makita natin kung natupad natin ang dreams natin. Saka para makasiguro tayo na magkikita-kita pa rin tayo by that time."
Natawa ito ng mahina habang iiling-iling. "That's too cheesy, Gia."
Nag-pout siya at nagpaawa ng mukha. "Hindi natin gagawin?"
"Well, I told you I'm going to spoil you as much as I can so I can't really say no to you," nangingiti habang iiling-iling na sagot nito, pagkatapos, nilingon nito ang mga kaibigan nila sa kabilang mesa. "Hey, guys. Come here. May naisip na ka-cheesy-han ang baby ko."
Siniko ni Gia ang lalaki sa tagiliran na ikinaubo nito.
Natawa sina Maj at Aron samantalang ngumiti naman si Wendy.
"I mean, baby natin," bawi ni Vincent sa naaaliw na boses. "And while we're at it, magbunutan na rin tayo para sa exchange gift natin bukas."