DECEMBER 14, 2007
HINDI makatulog si Gia. Hanggang ngayon kasi, kinikilig pa rin siya. Hindi pa nga rin yata siya makapaniwalang boyfriend na talaga niya si Vincent.
Pagkatapos nilang maging official, hinatid siya nito hanggang sa loob ng bahay kung saan nagkakape sa kusina ang mama at papa niya na kauuwi lang (tuwing weekend lang ito umuuwi dahil sa Manila ito nagtatrabaho kung saan nakikitira ang kanyang ama sa bahay ng tito niya).
Bata pa lang si Vincent, kilala na ito ng mga magulang niya kaya hindi tumutol ang mga ito sa relasyon nila ng lalaki. Ang katwiran ng parents niya, mas okay na iyong open sila kesa patagong mag-date. Kasunod niyon, pinaulanan sila ng mama at papa niya ng maraming bilin at paalala na buong-puso naman nilang pinakinggan at tinanggap.
Hindi nga 'to panaginip... kami na talaga!
Nag-vibrate ang phone ni Gia sa ilalim ng unan. Mabilis siyang bumangon at napangiti agad nang makitang kay Vincent galing ang text. Kinilig siya kaya nagpapapadyak siya sa kama. Buti na lang at sa kuwarto ng mga magulang niya natutulog si Gio kaya libre siyang umarte ng ganito.
"Baby, gcing kp?"
Napabungisngis siya dahil sa endearment sa kanya ng boyfriend niya. Alam niyang normal na ang 'baby' at hindi sila ang unang couple na may gano'ng tawagan. Pero wala siyang pakialam dahil kapag si Vincent ang tumatawag niyon sa kanya, kinikilig pa rin siya. Tamad siyang magtext dahil tinitipid niya ang load niya pero ngayong gabi, ang bilis niyang mag-reply nang hindi nanghihinayang sa load.
"Ndi pa, Vincent. Bkt?"
"I can't sleep. Nirereplay ko prn sa isipn ko un nangyari knina. Me nklimutan ako sbhin. Can we meet now?"
"Now? As in now?"
"Yes. Tryke nko ppunta sa bhay nyo."
Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Alas-onse na ng gabi! Tulog na ang mga magulang niya na parehong pagod mula sa trabaho kaya nakakahiya naman kung maiistorbo pa ang pamamahinga ng mga ito. Saka totoyoin si Gio kung magigising ng gano'ng oras.
"Ndi ba pedeng tom nlng, Vincent?"
"I'll be quick, baby. I probably wouldn't be able to sleep tonight unless I say those words to you personally."
Napangiti siya at kinagat ang lower lip para pigilang mapatili sa kilig. Alam niya kung ano ang "those words" na sinasabi ng boyfriend niya. Kasi kahit siya mismo, nanghihinayang na hindi niya nasabi ang mga "salitang 'yon" no'ng magkasama sila. Kaya siguro hindi rin siya makatulog ngayon.
Nagkahiyaan siguro sila kanina at parehong ngayon lang nagkalakas ng loob sabihin ang equivalent ng feelings nila sa mga salita.
Gusto niya 'yong marinig mula sa lalaki at gusto rin niya 'yong sabihin dito ngayong gabi.
"OK, Vincent. Pero 5mins lang, ha? Wag d2 sa haus kc 2log na cla. Meet nlng tau sa kanto nmin."
"Got it, baby. Mlapit nko. Txt kta pg nandon nko. Wag ka muna lumbas ng haus."
Nagmadali na ring mag-ayos si Gia. Naka-tricycle si Vincent kaya mayamaya lang, siguradong darating na ito. Ayaw din niya itong paghintayin sa labas ng mag-isa dahil malalim na ang gabi.
Mula sa suot na lumang P.E T-shirt at jogging pants, nagsuot siya ng pale pink sweatshirt na maluwag at mahaba sa kanya. Sinuot niya rin ang paborito niyang maong na tokong at rubber shoes. Sinuksok niya sa bulsa niya ang phone niya, at sa backpocket naman niya nilagay ang wallet niya. Well, ten peso bill lang ang laman niyon pero lagi niyang dala dahil nando'n ang picture nila ng barkada at ang rosary na regalo sa kanya ng mama niya no'ng nagtapos siya ng elementary bilang valedictorian. Gumagaang ang dibdib niya kapag dala niya 'yon sa tuwing lalabas siya ng bahay.
Pagkatapos maibulsa ang mga dadalhin sa paglabas, tinali niya ang buhok niya sa signature twin braided hairstyle niya na parang si Shancai ng Meteor Garden. Naglagay din siya ng Johnson's baby powder sa mukha at nag-spray ng paborito niyang Juicy cologne.
Parating mabango si Vincent at maporma pa kaya hindi puwedeng mukha siyang dugyot kapag nagkita sila. Iyon pa naman ang unang gabi nila bilang mag-"on."
Gusto ko na siyang makita uli.
Halos dalawang oras pa lang silang nagkakahiwalay ng boyfriend niya pero miss na miss na niya ito. Ngayon, naiintindihan na niya kung bakit parating lumalagpas sa curfew sina Aron at Maj kapag magkasama. Siya mismo, gusto na niyang itali ang sarili kay Vincent para hindi sila magkahiwalay.
Hindi puwede, saway niya sa sarili. 'Wag mong kalimutan ang limitations niyo, okay?
Humugot ng malalim na hininga si Gia para kalmahin ang sarili. Alam niyang mali 'tong gagawin niya at puwedeng masira ang tiwala ng mga magulang niya. Pero gusto talaga niyang makita si Vincent ngayon at kahit siya, hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya.
Mama, Papa, sorry. Pero promise, five minutes lang ako sa labas. Uuwi din agad ako bago niyo pa ma-realize na lumabas ako ng ganitong oras.
Maingat at tahimik siyang lumabas ng bahay. Pagod sa trabaho ang mga magulang niya kaya mahimbing ang tulog ng mga ito sa gabi pero dinoble pa rin niya ang pag-iingat para hindi gumawa ng malakas na ingay. Dahan-dahan din niyang sinara at ni-lock ang front door, saka niya binulsa ang susi. Pagkatapos, sumampa siya sa mababa nilang gate dahil gagawa ng ingay kung bubuksan niya 'yon.
Tinalon niya ang kabilang panig ng gate at dahil damuhan ang binagsakan niya, hindi siya nasaktan at hindi rin gumawa ng malakas na ingay. Bago pa magbago ang isip niya, tumakbo na siya palayo ng bahay kahit pa may baon siyang kaba at guilt sa dibdib niya.
Pero ngayon lang naman siya susuway sa mga magulang niya at hindi naman malaking kasalanan 'yon kung hindi siya mahuhuli, 'di ba? Naging mabuting anak naman siya bago ang gabing 'yon.
First and last na 'to, promise.
Napabungisngis si Gia kahit alam niyang may ginagawa siyang mali. Gano'n pala ang pakiramdam ng mga kasing-edad niya na pasaway at lumalabag sa curfew ng mga magulang. May kakaibang thrill. Nakakapanibago para sa tulad niyang "good girl." Pero siguro, karamihan naman sa mga teenager, nakagawa ng kasalanan sa parents at hindi siya exemption dahil hindi naman siya perpektong anak.
Hindi naman sa jina-justify niya ang ginagawa niya dahil aminado siyang mali 'yon. Hindi lang talaga niya mapigilang ma-excite dahil bagong experience sa kanya ang pagiging "pasaway."
Wala pa si Vincent.
Tumayo si Gia sa ilalim ng lamppost sa kanto. Hindi naman siya masyadong natatakot dahil marami pang tao sa kaharap niyang kalsada kung saan marami pa ring mga sasakyan na dumadaan. Papunta kasi sa bayan ang daan sa harap kaya hindi nakakapagtakang buhay na buhay pa ang kalye.
Nainip siya kaya nilaro niya muna ang singsing na suot niya. Tinanggal niya iyon at inangat sa harapan niya para silipin ang naka-engrave sa likuran ng band: Gin & Vin. Kanina niya lang napansin 'yon, no'ng hinubad niya ang singsing para maghilamos. Natatakot kasi siyang mabasa ang kamay niya at dumulas ang couple ring sa lababo. Hindi pa niya nasasabi kay Vincent na no'n niya lang napansin ang naka-engrave dahil nahihiya siya.
Sasabihin ko sa kanya mamaya.
Malakas na nag-vibrate ang phone niya sa bulsa ng tokong niya. Sa gulat niya, nabitawan niya ang hawak na singsing na gumulong at huminto sa side na malapit pa rin naman sa sidewalk. Tumingin muna siya sa paligid at nang makitang wala pa namang sasakyan na dadaan sa side na iyon ng kalsada, lumapit siya sa singsing, saka siya nag-squat para pulutin iyon.
Pagkasuot niya ng singsing sa daliri niya, sakto namang may sumulpot na mabilis na motor mula sa corner sa right side niya. Nakaatras naman agad siya para makaiwas sa motor pero napaupo rin siya sa kalsada nang nawalan ng balanse sa pagmamadaing makaatras. Sisigawan sana niya ang rider pero natigilan siya nang may marinig siyang ingay na parang mga gulong na kumaskas sa kalsada, kasunod ang pagtama ng nakakasilaw na liwanag sa direksyon niya, gano'n din ang malakas na sigawan at tilian ng mga tao sa paligid. Nilingon niya ang pinagmumulan ng tunog ng makina at nakakasilaw na liwanag sa harapan niya. Sa pag-iwas niya sa motor, hindi niya namalayang napunta na pala siya sa gitna ng kalsada kung saan may mabilis na kotse naman. Hindi siguro siya napansin ng driver ng sasakyan dahil sa pagkaka-squat at pagkakaupo niya kanina.
Nakatayo naman siya at tatakbo sana pero pakiramdam niya, biglang bumagal ang takbo ng mundo, gano'n din ang pagkilos niya.
Ang sabi noon ng Science teacher nila, nakaka-experience daw ng "slow motion" ang mga tao kapag nakaranas ng "extreme disturbance". Gumagawa daw ng trick ang utak para isipin mong bumabagal o nag-fe-fade ang mga bagay o pagkilos sa paligid.
Iyon eksakto ang nangyari sa kanya.
Alam niyang kailangan niyang tumakbo pero ayaw sumunod ng katawan niya. Para siyang nanigas sa sobrang takot. Ilang beses niyang sinigaw sa isipan niya ang "takbo!" pero kung kailan naman nagsimulang gumalaw ang nanginginig niyang mga tuhod, saka biglang natapos ang "slow motion."
Kasunod niyon, bumilis naman ang mga pangyayari.
Naramdaman ni Gia ang pagtama ng hood ng kotse sa katawan niya, ang paggulong niya sa salamin ng sasakyan, ang paghagis niya, at ang malakas na pagkalabog sa kalsada. Ramdam niya ang pananakit ng bawat parte ng katawan niya lalo na sa bandang ulo. Gusto niyang umiyak at sumigaw sa sobrang sakit pero mukhang wala na siyang lakas para gawin ang mga 'yon.
Patagilid ang higa niya sa kalsada at nakatitig lang siya sa phone na kaharap niya. Alam niyang nagkakagulo na ang mga tao sa paligid niya pero wala siyang marinig at nanlalabo na rin ang paningin niya. 'Yong natitira niyang lakas, tinuon niya sa pagtitig sa kaharap na gadget.
Tumatawag si Vincent. Hindi niya naririnig ang ingay ng pag-vibrate niyon pero nakikita niyang umiilaw ang phone at nakikita rin niya ang pangalan ng boyfriend niya. Gusto niyang sagutin ang tawag na 'yon pero hindi niya magalaw ang braso at kamay niya para maabot man lang ang Nokia. Napatitig siya sa kamay niya kung saan suot niya ang singsing na ibinigay ni Vincent sa kanya kanina.
Naramdaman niya ang mainit na likidong pumatak sa mga mata niyang unti-unti nang pumipikit.
11:11PM.
Iyon ang huling naaalala ni Gia na nakita niya sa phone bukod sa pangalan ni Vincent.
Nahihirapan na siyang labanan ang pagbagsak ng mga talukap niya habang pinipilit niyang huwag tuluyang mawalan ng malay. At bigla-bigla naman, parang naka-fastforward na movie ang nag-flash sa isipan niya. Makikita sa malilinaw na imahen ang naging buhay niya sa lumipas na fifteen years. Siyempre, bukod sa pamilya niya, naging malaking parte din niyon sina Maj, Aron, Wendy...
... at Vincent.
Ito ba iyong sinasabi ng ibang tao na makikita mo ang naging buhay mo bago ka mamatay?
Hindi ang naging buhay ko ang gusto kong makita kasi nasa puso ko na ang lahat ng memories na 'yan, bulong ni Gia sa sarili. Pinilit niyang tumingala sa madilim na kalangitan. Nang makita niya ang night sky na isa sa mga paborito niyang bagay sa buong mundo, naramdaman niya ang pagpatak ng maiinit na luha mula sa mga mata niya. Gusto kong makita ang future kaya dalhin mo ko ro'n, please.