DECEMBER
NAGMULAT ng mata si Gia at ang unang sumalubong sa kanya, ang madilim na kalangitang gustung-gusto niyang nakikita. Napansin niyang kakaunti lang ang stars ngayon kumpara sa nakasanayan niya, pero mas ininda niya ang pananakit ng likod niya.
Nakahiga ba siya sa malamig at matigas na kalsada?
Nakumpirma niya 'yon nang may marinig siyang malakas na busina ng sasakyan kasabay ng pagtama ng nakakasilaw na liwanag sa direksyon niya.
Nasa kalsada nga ako!
Mabilis na gumulong si Gia hanggang nasa safe na sidewalk na siya. Pagbangon niya, saka lang niya napansin kung nasa'n siya. Habang nakaupo sa gutter, napatitig siya sa kalsada sa harapan niya. Sa gilid ng mga mata niya, nakita niyang huminto sa gawing kanan niya ang kotseng muntik nang bumunggo sa kanya. Nakita rin niya na parang bumukas ang pinto sa driver's seat pero mabilis ding nawala ro'n ang atensiyon niya nang mapansin kung ano ang nasa harapan niya.
Parang iyon ang kalsada sa kanto ng bahay nila pero nakakapagtakang ibang establishments na ang nakikita niya. Imposible 'yon dahil kanina lang, nando'n pa ang mga bahay ng mga kapitbahay nila! Ano iyong bakeshop at hairsalon na nakikita niya ngayon? Walang gano'n sa kanila!
Nasa ibang barangay ba ko? Pero pa'no ako napunta dito kung dapat eh pupunta ako sa...
Sandali. Saan nga ba siya pupunta? At kailan 'yong 'kanina lang' na iniisip niya?
Biglang may kumirot sa sentido niya kaya bigla niyang nasapo ng mga kamay ang ulo.
Parang pinupukpok ako ng martilyo...
Pero hindi pa rin niya maalala kung pa'no siya napunta sa kalsadang 'yon.
"Gia Tolentino?"
Nag-angat ng tingin si Gia sa tumawag sa kanya. Tumayo siya para matitigang mabuti ang lalaki sa harapan niya at kinailangan niyang tumingala dahil matangkad ito. Kumunot ang noo niya nang ma-realize na pamilyar ito at may ideya siya kung sino ito. Pero ngayon lang sila nagkaharap kaya hindi pa rin siya sigurado. "Sir, kayo po ba ang daddy nila Jericho at Kuya Jeremy?"
Sa tuwing may PTA meeting, parating ang mommy ni Jericho ang um-a-attend dahil architect daw sa ibang bansa ang daddy ng mga ito.
Kamukhang-kamukha ni Kuya Jeremy ang daddy nila ni Jericho. Pero bakit parang masyado naman siyang bata para maging tatay na?
Sakto lang ang built ng lalaki para sa height nito na sa tingin niya, umabot ng six feet. Mukha rin itong disente sa suot na dress shirt na nakatiklop sa mga siko, denim pants, at formal shoes. Clean-shaven din ang guwapo nitong mukha at maiksi din ang gupit ng itim nitong buhok. Himbis na daddy, mas mukha itong nakakatandang kapatid lang nina Jeremy at Jericho.
Wait. Tinawag niya ko sa pangalan ko kanina. Pa'no ako makikilala ng daddy nilang nasa ibang bansa?
"I'm Jeremy," kunot-noong pagpapakilala sa kanya ng lalaki habang pinagmamasdan siya. Halata sa mukha nito ang disbelief. "Jeremy Agoncillo, Jericho's older brother."
Gustong tumawa ni Gia. Pinag-ti-trip-an ba siya ng lalaking 'to? Kilala niya si Kuya Jeremy, ang nakatatandang kapatid ng class president nilang si Jericho.
Ahead sa kanila ng isang taon si Kuya Jeremy pero ilang beses na rin naman niya itong nakita at nakausap. Minsan nga, ito ang nag-sa-sub bilang guardian ni Jericho sa mga PTA meeting. Binili pa nga niya ang night sky painting nito no'ng isang taon kung kailan ilang oras din silang nagkuwentuhan tungkol sa inspiration nito sa pininta. Saka madalas nila itong nakakasabay sa canteen 'pag Tuesday.
Well, nag-mature lang naman ang mukha nito at mas tumangkad at naging mas fit din kumpara sa Kuya Jeremy na naaalala niya. Pero ilang araw niya lang itong hindi nakita kaya imposibleng magbago ng gano'n kabilis ang physical appearance nito.
Bakit ba hindi siya matawa sa pinagsasasabi ng loko-lokong 'to?
"You are Gia Tolentino, right?" parang nag-aalangan na tanong ni 'Kuya Jeremy' habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. Hindi naman siya nabastusan sa ginagawa nito dahil halatang hindi siya nito chine-check out. Ang totoo nga niyan, puno ng pagkalito at takot ang makikita sa mukha nito dahilan para dumoble ang kaba niya. "I don't understand what's happening here though." Nag-angat ito ng tingin sa mukha niya pero hindi niya maintindihan ang simpatyang nakita niya sa mga mata nito. Kung tingnan kasi siya nito, para siyang pusang gala na sinipa ng mga bata. "Why do you still look the same after ten years?"
After ten years?
Okay, pinag-ti-trip-an nga siya ng loko-lokong 'to!
Tumawa si Gia pero kahit sa sariling pandinig, halatang pilit lang ang tawa na 'yon. "Ten years? Anong sinasabi mo d'yan? Christmas party lang ng 3-1 kaninang umaga 'no."
Kumunot ang noo ng lalaki. "Gia, what date is today?"
Ipinaikot niya ang mga mata na bihira niya lang gawin– lalo na sa harap ng mas matanda sa kanya– pero hindi niya napigilan 'yon sa sobrang ridiculous ng tanong nito. "December 14, 2007."
"Wrong," matigas at umiiling-iling pang kontra nito. "It's December 14, 2017 now."
"I don't believe you!" iritadong sigaw ni Gia sa lalaki kahit pa mas matanda ito sa kanya. Pagkatapos, tinalikuran niya ito na dapat, kanina pa niya ginawa. Tumakbo siya palayo rito, pauwi sa bahay nila dahil kahit iba na ang nasa paligid, malakas ang pakiramdam niya na 'yon ang barangay nila. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari pero gusto niya munang makita ang mga magulang at nakababatang kapatid niya.
"Gia, wait!"
Mas binilisan niya ang pagtakbo nang maramdaman niyang sinundan siya ng weirdo.
Sarado na ang mga bahay na nadaanan niya dahil siguro malalim na ang gabi. May nakita siyang nag-iinuman sa sari-sari store na malapit sa bahay nila pero hindi na niya kilala ang mga lalaki at wala siyang oras para kilalanin ang mga ito. Habang papalapit siya ng papalapit sa bahay nila, palakas din ng palakas ang t***k ng puso niya na sumasabay din sa bilis ng pagtakbo niya.
Adik lang 'yong kausap kong lalaki na kahawig ni Kuya Jeremy!
Nevermind na kahawig na kahawig ito ng Kuya Jeremy na kilala niya.
Nevermind na alam nito ang buong pangalan niya at ang apleyido ng mga Agoncillo.
Nevermind na pamilyar ito sa kanya kahit pa mas matanda ito.
Ano ba talaga ang nangyayari?!
Lalong naguluhan si Gia nang makita niya ang bahay nila pero may napansin siyang mali.
Huminto siya sa paglalakad habang hinahabol ang hininga niya. 'Yong mababa nilang gate, mataas na at parang may spear pa sa itaas. Mabuti na lang, may mga bar 'yong gate kaya nasisilip pa rin niya ang nasa bakuran.
Wala na 'yong malaki at matandang acacia tree, gano'n din ang kahoy na bangko na madalas niyang tambayan para magpahangin kapag pinuputulan sila ng kuryente.
Hindi puwede 'to...
'Yong maliit na bahay nila, naging dalawang floor na. Meron din siyang nakikitang matandang babae na nasa rocking chair sa may front porch habang nagpapaypay ng abaniko. May mga Christmas lights ding nakasabit sa edge ng bubong. Wala silang Christmas lights sa bahay dahil nagtitipid sila sa kuryente. Kaya saan galing 'yon?
Walang nakatirang matandang babae sa kanila.
Wala rin silang second floor at front porch!
"Imposible," bulong ni Gia sa sarili habang tumitingin sa paligid. 'Yong bakuran nila na may malambot na lupa na madalas nagiging putik kapag umuulan, sementado na. Sigurado akong ito ang bahay namin pero bakit iba na ang hitsura? Saka sino 'yong mga nakatira dito?
Nasa'n ang mama at papa niya? Si Gio? Pa'no nawala ang mga ito kung kanina lang...
Kanina? Kailan nga ba 'yong kaninang sinasabi ko? At bakit ako nagising sa kalsada?
"It's December 14, 2017 now."
Tinakpan ni Gia ng mga kamay ang mga tainga nang marinig sa isipan niya ang sinabi ng adik na lalaki kanina. Imposibleng 2017 na dahil kaka-celebrate lang niya ng Christmas party kasama ang 3-1. Hindi siya gumagamit ng drugs para makalimutan kung anong araw ngayon!
Ano bang nangyari? Bakit ba hindi ko maalala ang nangyari pagkatapos ng Christmas party?
Naiiyak na siya sa sakit ng ulo niya pero wala pa rin siyang maalala.
"Gia!"
Nag-angat si Gia ng tingin sa adik na lalaki. Pero kahit saang anggulo talaga niya tingnan, malaki ang pagkakahawig nito sa Kuya Jeremy na kilala niya. Sa totoo lang, nanghihina na ang pakiramdam niya at para bang mawawalan na siya ng malay sa sobrang sakit ng ulo niya pero pinilit niyang manatiling nakatayo. "Panaginip lang 'to, 'di ba?"
"I'm sorry, Gia," puno ng simpatya na sagot nito. "But this is real."
At do'n na bumigay ang katawan ni Gia.
Sana paggising ko, bumalik na ang lahat sa dati.