5 months later...
Maaga akong naghanda ng aking paninda sa palengke para makarami ako ng benta. Itinali ko ang mga cupcakes ko na nagawa kagabi.
Kaunti lamang ang mga na bake kong cupcakes dahil nga sa biglaang pagtawag sa akin ng kaibigan ko. Sa tingin ko ay naka 15 box lang ako ng cupcakes. Babawi na lamang ako sa susunod na araw.
Personal assistant din ako ni Clare kaya kapag mahina ang kita ko sa cupcakes ay may pambawi ako. Sa totoo lang ay mas malaki ang kita ko sa pag-assist kay Clare at puwede nang hindi na ako magtinda.
Pero ipinangako ko sa aking sarili na itutuloy ko ang naging tradisyon ng aking pamilya.
Ipinagpapatuloy ko lamang ang iniwang pamana sa akin ng aking magulang. Balang araw ay magtatayo ako ng sarili kong cupcake shop.
Marami na rin akong naiipon para sa pagpapatayo ng aking business. Kaunting kembot na lamang ay makakamit ko na ang pangarap ng aking mga magulang.
Inayos ko na ang lahat ng kakailanganin ko para maka-alis na ako. Maglalakad lang ako papuntang palengke. Exercise ko na rin ito tuwing umaga.
Alas siyete na ng umaga at sa mga oras na ito ay dagsa na ang mga mamimili kaya kailangan ko nang magmadali bago ako maunahan ng ibang tindera.
*BLAG
"Sh*t. Hoy!!!! Lumabas ka diyan sa kotse mo at harapin mo ako!!!" Sigaw ko sa kung sino man itong nagmamaneho ng kotse na muntikan na akong hagipin.
Ang mga cupcakes ko na pinaghirapan ko kagabi ay nadurog na dahil sa pagbasak. Paano na ako nito?
"Hoy!!! Bayaran mo ang mga cupcakes na nasira. Wala ka bang mata at hindi mo ako nakita!? Babayaran mo ba ako o ipapapulis kita!?" Galit kong sigaw sa labas ng kaniyang kotse at kinalampag ko ito.
Hindi pa rin siya lumalabas sa kotse niya. Tigas ng apog nito ahh. Sumpain sana siya ng mga bathala!
Nakahinto lamang ito sa tapat ko. kanina pa ako sigaw ng sigaw sa kaniya pero hindi niya pa rin ako pinapansin.
Lalapit na sana ako sa kotse niya ng bigla niya itong paandarin ng mabilis kaya naman na out of balance at sumubsob sa may putikan.
"Aba hayop ka!?? Bumalik ka dito!? Yung cupcakes ko!!!!" Sigaw ko habang nakadapa na sa kalsada.
Nasa akin na halos lahat ng atensyon ng mga tao at pinagbubulungan na ako. Ang iba ay pinagtatawanan pa ako at tuwang tuwa sa nangyari sa akin.
Ano mga teh? Enjoy lang sa free live show? Sayang talent fee ko.
Mga tao nga naman ngayon, sa halip na tulungan ako ay pinagtawanan pa ako.
Dahan-dahan ang pagtayo ko dahil sumakit ang balakang ko. Naramdaman kong may mahapdi sa tuhod ko. Naka shorts pa naman ako at tiyak na nagtamo ako ng sugat.
Nakita ko na parehas may gasgas ang tuhod ko at namumula. Napadaing na lamang ako sa sakit. May nakikita na rin akong butil ng dugo sa aking mga sugat. Ang lagkit lagkit ko na rin dahil sa putik na nasa damit ko.
Sinubukan kong hawakan ang sugat ko pero mali ang paghawak ko kaya dumugo ito.
"Ouch! s**t! Humanda siya sa akin kung sino man siya! Arrrggghhh!!" Daing ko.
Dahan-dahan akong yumuko para kuhanin ang mga cupcakes na nadurog na. Ang iba dito ay buo pa at puwede pa ibenta.
Sa dami nang nasayang na cupcake ngayon ay lugi na ako. Sayang ang pinaghirapan ko. Kaunti na nga lang nabulyaso pa. Kung minamalas nga naman.
Napagdesisyunan ko na umuwi na lamang sa bahay. Ipapamigay ko na lamang ang mga cupcakes na puwede pang makain sa mga bata sa lasangan.
Naghagilap na ako ng trike dahil hindi ko na kaya pang maglakad dahil sobrang hapdi na ng mga sugat na aking natamo.
Paika-ika akong naglakad para maghanap ng trike pero wala akong makita. Bakit ba ang malas malas ko ngayon?
"Lord, send help naman po," pagdadasal ko.
Ilang sandali lang ay may huminto na namang kotse sa harap ko.
"Oh come on, wag ulit please lang," bulong ko sa sarili ko.
Nabuhayan ako bigla ng makita ko si Danny lulan ng kaniyang kotse.
"Anyare ghorl? Bakit ganiyan itsura mo?" tanong niya.
"Basta baks mahabang kuwento. Puwede ba akong maki-angkas sa 'yo?"
Ipinarada niya muna ang kanyang sasakyan at bumaba ito para tulungan ako sa pagdadala ng mga cupcakes na nasira.
Inalalayan niya ako sa paglalakad habang dala niya ang ibang cupcakes ko.
Dahan-dahan niya akong dinala at pinapasok sa loob ng kotse. Nang makapasok na kami ay umalis na kami roon.
"Ano ba talaga kasi ang nangyari sa 'yo? Tignan mo nga iyang itsura mo. You look taong grasa na," maarte niyang sabi.
"Grabe ka talaga sa akin bakla! Ganito kasi iyon."
Ikinuwento ko sa kaniya ang lahat ng nangyari sa akin kanina. At tawang tawa ang bakla. Wala talagang awa ang gaga nakuha pang tumawa.
"Baka naman kasi nakaharang ka sa daan kaya muntik na ka ng mahagip," natatawa pa rin niyang sabi.
"Napakalaki ko namang tao para maging harang sa daan. Sa liit kong ito hindi makakaya na masakop ang kalsada. At saka nasa gilid ako naglalakad. Parang sinadya pa nga niya na hagipin ako eh," naiinis kong sambit.
"Sa iyo na mismo nanggaling na maliit ka. Well, sabihin na lang natin na cute size para mas maganda sa pandinig. Hindi ka talaga makikita dahil sa liit mo!" Pang-aasar niya.
"Bwisit ka!" Tinampal ko ang kanyang mga braso at binigyan siya ng maliliit na kurot.
"Ouchy! Bakla! Arayy!! Katrina tumigil ka riyan kita mo namang nagmamaneho ako. Baka maaksidente tayo!" Tili niya.
Pasalamat siya at nagmamaneho siya kung 'di puro pasa na ngayon ang braso niya. Nanahimik na lamang ako at dumungaw sa bintana.
Naramdaman ko na naman ang paghapdi ng sugat ko sa tuhod at napansin ito ni Danny.
"Ghorl lagyan mo na yan alcohol para malinis," sambit niya.
"Ako ba talaga iniinis mo? Mahapdi iyon baks. Masakit na nga eh lalo mo pang pasasakitin," gigil kong sabi sa kaniya.
May kinuha siya sa back seat na maliit na bag at binigay niya ito sa akin.
"Hanapin mo d'yan yung betadine lagyan mo 'yang sugat mo. Gamitin mo na rin yung bandage diyan," utos niya sa akin.
Nang mahanap ko ang betadine ay nilagyan ko na ang tuhod ko kung nasaan ang maraming sugat. Pagkatapos ko itong lagyan ay itinapal ko na ang bandage. Hindi na gaanong makirot ang mga sugat ko at maayos na rin ang pakiramdam ko.
"Tanda tanda mo na baks nadadapa ka pa rin," pagbibiro niya sa akin.
"Loka loka 'di ba sinabi ko na sa 'yo na noong papalapit na ako sa kotse ay bigla itong umandar ng mabilis, hindi ko nahabol kaya ito ako, sugatan." Humalakhak siya ng napakalakas at tila ba hindi na siya matatapos.
"Malaman ko lang talaga kung sino ang may ari ng kotseng iyon humanda siya sa akin," seryosong sambit ko.
"Good luck na lang sa iyo ghorl!"
Tumagal ang aming biyahe ng halos kalahating oras. Dumiretso kami sa salon ni Danny para tumambay at syempre mamonitor niya rin ang sales ng negosyo niya.
Pagkaparada niya ay may kumuha ng atensyon ko. Parang pamilyar ang kotse na katabi lamang ng kotse namin.
Hindi ko lang maalala kung saan ko ito huling nakita. May trauma na ata ako sa mga kotse.
Bumaba na kami sa kotse ni Danny. Natuod naman ako nang mapagtanto ko na ang kotseng nasa harap ko ay ang kotseng humagip at nanira ng cupcakes ko.
Naramdaman ko na umakyat lahat ng dugo ko sa ulo ko.
Nauna na akong pumasok sa loob ng salon dahil gusto ko na makilala ang taong may ari ng kotseng ito nang magtuos kaming dalawa at mapagbayad ko siya.
"Trina! Weyt lang namang bakla ka!" Sigaw niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Bago ako tuluyan makapasok ay may humarang sa akin na dalawang batang pulubi.
Hinanap ko agad ang aking wallet at binigyan ko sila ng kaunting pera na sapat na para makabili sila ng pagkain.
Pagkapasok ko pa lang sa loob ay may nakita akong pamilyar na bulto ng katawan. At hindi ako puwedeng magkamali.
At ano naman ang ginagawa niya sa salon ng kaibigan ko.
Nagtama ang paningin naming dalawa. Naglaban kami ng titigan ng ilang segundo. Walang kumukurap sa aming dalawa pero ako pa rin ang nagwagi.
Agad siyang nag iwas ng tingin at sabay tikhim. Ako naman ay ngumisi lamang. Humanda sa akin ang lalakeng ito.