HINDI pa man nakakaupo si Halina nang bumukas bigla ang pintuan. Iniluwa no’n si Fanny na bitbit ang binigay niyang container kanina na galing kay Goddy.
“Binigay po pala ‘to sa ‘yo ni Mr. Vásquez. Bakit ayaw mo raw pong kainin?” tanong ng secretary niya na ikinakunot niya ng noo.
“Sino ang boss mo rito, Fanny? Ako ba o si Mr. Vásquez?” Sumandal pa siya para hintayin ang sagot nito.
“K-kayo ho,”
“Then kainin mo, tapos ibalik mo ang container. My God!” Iba na ang himig niya noon.
“Sabi ko nga po ako na ang kakain.” Mabilis nitong iginiya ang sarili palabas.
Napahilot na lang siya sa noo niya nang maamoy ulit iyon. Bigla siyang ginutom kaya pumunta siya ng pantry niya para magtimpla ng kape. Kumuha din siya ng cake sa mini-ref niya. Daily nagre-refill sila Fanny rito kaya safe namang kainin.
Nasa kalagitnaan siya nang pagkain nang marinig ang katok ng sekretarya. Sa hiya na makita siya nitong kumakain ay lumapit siya sa pintuan at pasilip na kinausap ito at sinabing maya na siya istorbihin.
“Kasalanan mo ito, Goddy!” aniya nang i-lock ang pintuan ng opisina.
Kung hindi siya nagutom, hindi siya aakto na parang may ginawang masama.
Nang mabusog siya ay ibinalik niya ang sarili sa trabaho. Pagkatapos na i-review ang mga nasa incoming tray niya ay binuksan niya ang laptop para i-review ang presentation niya mamaya sa franchise holder ng Miss Universe Philippines. Nandoon din ang bagong CEO at National Director.
Dahil bago ang management, balik sila sa dati. Simula nang kunin ang Mommy niya noon bilang designer sa mga pageants na ipinanalo ng pambato ng Pilipinas noon na ikinanalo nito, nagsimulang makuha ng A&K ang tiwala ng mga ito. Pero nakaraang buwan, nakatanggap sila na ng email na kung gusto nilang ipagpatuloy ang partnership, kailangang mag-present ulit. Kailangang ligawan ulit. At isang buwan ang binigay ng mga ito sa kanila.
11 pa lang nang sabihan niyang maghanda na si Fanny. Kasama nila si Irma kaya van ang pinahanda niya kay Fanny. Iniwan niya ang sasakyan niya. Pero kung sakaling late na sila uuwi, ipapahatid na lang niya sa condo niya ang sasakyan.
Pagdating nila ng headquarters ng UMD Holdings—Miss Universe franchise owner, sa BGC ay agad na inasikaso sila. Gayon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang pamilyar na babae. Si Zia Mae ng Fashion by B&J— ang mismong CEO.
Akala niya, sila lang ang naka-schedule nang araw na iyon. Pero hindi niya akalaing dalawang kumpanya sila.
“The heck, Fanny! Akala ko tayo lang?” bulong niya sa secretary niya.
“Akala ko rin po, Miss Halina,” sagot naman nito. “At nauna pa pala sila.”
Ang Fashion by B&J ay isa sa kakumpetensya nila sa industry na kinabibilangan nila. Bago lang ito pero matunog. Pero hindi akalain ni Halina na pinasok na rin ng mga ito ang Miss U. Sabagay, iba na ang franchise holder kaya talagang may pagkakataon ang mga ito.
Hindi alam ni Halina kung bakit hindi niya nagustuhan ang set up ng stage. Usually, sa conference ng franchiser ginaganap ang ganoong meeting. Pero ngayon, iba. May media din kaya nagkatinginan lang sila ni Fanny.
Ang kinalabasan ng meeting na iyon, alanganin. Wala pang pinili ang UMD, after two weeks pa umano. Kaya naman bumalik sila agad sa opisina para i-meeting ang mga nasa design team at at production manager. Kailangang maayos ang mga producto nilang ipapakita sa mga ito. Kasama rin ang ina niyang si Ayeisha sa meeting. Tinawagan niya ito dahil mas marami itong alam sa tagal nito sa industriyang ito.
“Let's grind, team, and finish this in ten days! Kaya ba?” aniya.
Nang makitang nagsitanguhan ang mga ito ay napangiti siya. Hindi niya alam na may isang taong titig na titig sa kanya ng mga sandaling iyon.
“Kayang-kaya, Ma’am!” malakas na sigaw ni Irma. Palibhasa wala sa dalawang team. Alam niyang pressured na ang mga empleyado niya.
“If makuha natin ang UMD, may good news ako para sa darating na team building.”
Lumapad ang ngiti ng mga ito.
“Mukhang paldo ang April natin nito!” dinig niyang sabi ng isang empleyado niya mula sa design team.
Nahulaan agad nito dahil sa term na ginamit nito.
Palakpakan ang mga ito nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin.
Binigyan niya ng time magsalita ang ina. Ito na rin ang mag-closing.
Lumapit siya kay Goddy.
“Mr. Vásquez, after ng meeting, sa office,” civil niyang sabi.
“Sige ho, Ma’am.”
Akmang tatalikod siya nang magsalita si Goddy sa pabulong. Dahil hindi naman siya bungol— este bingi, malinaw na narinig niya.
“Ang ganda niyo po kapag nakangiti. Sana po laging ganyan, ma’am.”
Saglit siyang natigilan, pero umalis din siya at bumalik sa tabi ng ina. Pilit niyang pinalis sa isipan ang sinabi ni Goddy na iyon.
Akala niya, magagawa niyang iwaglit ang mga sinabi ni Goddy, hindi pala. Nang tingnan niya ito ay magandang ngiti ang iginawad nito sa kanya. Kaya imbes na kakausapin niya ito after ng meeting, hindi na lang. Pinadaan na lang niya kay Fanny, at sinabing sasamahan ang ina sa pag-uwi.
“I’m glad, binisita ako ng magandang anak ko,” ani ng amang si King nang makita siya. Mukhang kakarating lang din nito dahil sa suot nitong suit.
Active pa rin kasi ito sa business world—sa kumpanya naman na pag-aari ng mga Hernandez.
“Of course. I misses you, Daddy,” masuyong sabi niya.
“Miss you too, anak.” Tumingin ito sa Mommy niya. “Nakita ko sa news ang tungkol sa UMD? Kailangan niyo ba nang tulong, labs?”
“Well, kilala mo naman ang anak mo,”
“Anak, matinding kalaban ang B&J. Kaya ba?”
“Simula nang mag-take over ako sa A&K, wala pa akong client na hindi napa-oo, Dad. Kaya malakas ang loob kong sa amin mapupunta ang UMD,” puno ng confidence na sabi niya rito.
“That’s my girl.” Hinalikan siya nito sa ulo. Kumawala siya sa yakap nito at nagpaalam na babalik na ng condo. Hindi na siya kumain dahil busog pa siya. Kailangan niyang magpahinga dahil bukas ang simula ng kanilang trabaho para sa UMD.
Maaga nga siyang natulog nang gabing iyon. Paggising niya, nagpasya siyang mag-jogging. Marami pa siyang oras dahil maaga siyang nagising. Maaga rin siyang pumasok. At balak niyang doon na lang din kumain.
Akmang pipindutin niya ang buttpn ng elevator nang lapitan siya ng isang staff nila.
“Sorry po, Ma’am Halina, pero under maintenance po ang elevator niyo po.”
“Oh. Pakisabi naman pakitutukan ngayon. We’re busy kaya I’m pretty sure madalas ang paggamit namin ng elevator.”
“Yes po, ma’am.”
Iginiya siya nito sa elevator. Ito rin ang pumindot para makapasok siya. Siya naman ang pumindot para sumara iyon. Pero hindi iyon sumara dahil may pumigil doon.
Napatingin siya sa kamay na pumigil sa pintuan. At sunod niyang tiningnan ay kung sino ang nagmamay-ari niyon. Walang iba kung hindi si Goddy. Maaga rin itong pumasok.
Umatras siya hanggang sa maramdaman ang pader ng elevator.
“Good morning, Ma’am,” masayang bati nito sa kanya nang lingunin siya.
Nagkunwari siyang hindi ito narinig. Inabala niya ang sarili sa cellphone niyang mabilis niyang nailabas. Subalit biglang nahulog iyon dahil sa pag-alog ng elevator.
“Ay!!!” sigaw ni Halina nang biglang tumigil ang elevator, kasunod din niyon ang pagdilim ng paligid.
“G-Goddy?” nauutal niyang tawag rito. Hindi ito sumagot kaya muli niya itong tinawag. “G-Goddy, talk to me, please! I’m afraid…”