NAPANGITI si Goddy nang maramdaman ang hawak ng dalaga sa braso niya.
“Hoy, Goddy! Magsalita ka naman, o,” anang boses nitong parang nakikiusap.
Natagalan siguro ito sa kanya kaya bumitaw ito. Hinanap niya ang kamay nito, pero huli na. Narinig na niya ang pagsalampak nito na sinundan nito nang hikbi. Saka ang niya napagtantong seryoso ito nang sabihin nitong natatakot ito. Aasarin ang naman sana niya.
Napaluhod si Goddy at binitawan ang dalang lunch bag. Kinapa niya ang cellphone niya at pinailaw iyon.
“Ma’am, okay ka lang po?”
Akmang hahawakan niya ito nang palisin nito ang kamay niya. Sumandal ito at pumikit. Kahit hindi na niya marinig ang hikbi nito, pero kita niya ang pagtaas baba ng dibdib nito.
Kita niya ung paano nito pakalmahin ang sarili nito habang nakapikit. Ilang beses n nagpakawala ito nang hangin bago nagmulat.
“S-sorry, Ma’am. A-akala ko kasi—”
“I-I thought maaasahan ka kapag ganitong pangyayari, hindi pala. Ikaw pa rin si Goddy na walang pakialam sa nararamdaman ko,” puno nang hinanakit nitong sambit.
“S-sorry po talaga, Ma’am.”
Hindi ito sumagot kaya nakonsensya si Goddy. Sumandal na lang siya at pinakiramdaman ang dalaga. Dinig niya ang hikbi nito kaya parang may bumara sa lalamunan niya. Talagang takot na takot nga ito.
Tama nga si Halina, wala siyang pakialam sa nararamdaman nito. Transparent nga ito noon pero hindi niya pinansin. At ngayon na nagsalita ito, hindi pa niya pinaniwalaan.
Nawawala-wala ang signal ng phone niya kaya hindi siya makahingi ng tulong. Waa rin siyang cellphone number ng mga kasamahan niya. Sa social media meron, kaso wala siyang data connection.
Akmang magsasalita siya nang makitang umilaw ang harapan ni Halina. Saka lang siguro ito nagkaroon ng lakas na kunin ang cellphone nito.
“I-it’s me. N-na-stuck ako sa elevator. I-I need your help…Y-yes. S-sa office…”
“Ma’am!” sigaw niya nang bigla na lang nahulog ang cellphone sa kamay ni Halina.
“Sh*t!” Mabilis na inalalayan niya ito paunan sa hita niya. Talagang nawalan ng malay ang dalaga.
“Ma’am, gising…”
Subalit walang reaksyon kay Halina kaya kinuha niya ang cellphone nito para tawagan ang huling tinawagan nito.
Nanginginig na binuksan niya ang phone nito, subalit kinailangan ng fingerprint nito kaya tinapat niya daliri nito doon. Bumukas naman agad, pero natigilan siya nang makita ang pangalan ng huling kausap nito.
Teddy.
Asawa ba ni Halina iyon? So, totoong may asawa ito?
Hindi maintindihan ni Goddy ang sarili kung bakit parang may kumurot sa dibdib niya.
Actually, nabanggit ng Mommy nito na wala itong nabalitaang boyfriend, asawa pa raw kaya?
Napapitlag si Goddy nang tumunog ang cellphone ni Halina. Nang makita ang pangalan ni Fanny ay agad niyang sinagot ito.
“Ma’am, are you okay? Kausapin niyo lang po ako para hindi po kayo mag-panic.”
Napatingin siya sa dalaga. Medyo naaninag niya ang mukha nito dahil sa ilaw na nagmumula sa cellphone nito. May phobia ba ito sa dilim?
“M-ma’am—”
“Si Goddy po ito.”
“Goddy? Nasaa si Ma’am? Please, kausapin mo siya para malibang. I think 15 minutes pa bago maayos.”
“Sorry, Miss Fanny. Nahimatay na si Ma’am. Anong gagawin ko?”
“Oh my God!” anito. “Bilisan niyo, please?!” dinig niyang sabi ni Fanny sa kabilang linya. Mukhang nasa labas ito at ina-assist ang gumagawa.
“Goddy, nandyan ka pa ba?”
“Nandito pa ho.”
“Wala ka man lang bang pwedeng ipaamoy sa kanya, like white flower, ganoon?”
“W-wala po, e.”
Dinig niya ang mura ni Fanny sa kabilang linya. Muli rin nitong pinamadali ang nag-aayos ng elevator. Kinausap niyang baka may ventilation o emergency exit dito, subalit wala. Dahil nasa kalagitnaan sila. Ang layo pa raw para sa kasunod.
Ang ginawa na lang ni Goddy ay pinaypayan ito gamit ang dala-dala niyang notebook.
Kasalanan niya ito, e. Kung kinausap niya ito kanina, hindi siguro mahihimatay ang dalaga. kung ano-ano pa kasing kalokohan ang ginawa niya.
Nag-usal siya ng panalangin mayamaya. Nakiblita pa siya kay Fanny, malapit na raw.
Laking pasalamat niya nang biglang bumalik ang power sa loob ng elevator. Naririnig niya ang ibang klase ng tunog sa screen ng elevator.
Nakahinga si Goddy nang maluwag nang umandar iyon. Nang tingnan niya ang dalaga, halos walang kulay na kaya napatayo na siya na karga ito.
Mabilis ang mga hakbang niya nang bumukas ang pintuan ng elevator. Bumungad sa kaniya ang mga empleyado roon at isang lalaking nag-aalala, nasa tabi ito ni Fanny.
“Akina si Halina,” ani ng lalaking nakasuot ng kulay itim rin. Walang suklay-suklay pa ito at nakasuot lang din ng maong na pantalon na luma. Pero hindi maikakaila ang kaguwapuhan din nito.
Tumingin siya kay Fanny. Tumango ito kaya maingat na binigay niya rito ang walang malay na dalaga.
Bago humakbang ang lalaki ay tinanggal nito ang butones na dalawa sa damit ng dalaga saka nagmadaling naglakad. Naasunod si Fanny rito. At saktong dumating ang medic kaya kita ni Goddy ang pagmamadali ng lalaki sa paghakbang.
Hindi mapakali si Goddy sa opisina niya nang umakyat na. Siguradong magagalit na naman sa kanya si Halina. Mukhang wala na siyang mabuting nagawa rito talaga.
Nakailang akyat siya sataas para makibalita kay Irma. Hindi pa raw tumatawag si Fanny. Sa tingin daw nito, baka hindi na iyon pumasok si Halina.
Bandang alas onse nang magkabalita si Goddy. Inuwi daw muna ng parents nito ang dalaga para magpagaling. Pabalik na raw si Fanny kaya inabangan niya ito. Ni hindi nga siya kumain ng tanghalian para hintayin ito. Pero wala itong sinabi sa kanya. Pinabalik lang siya nito sa opisina niya.
Simula nang araw na iyon, kay Fanny na siya nagre-report. Hindi na rin niya nakikita si Halina na pumupunta sa kanila para makibalita sa mga ginagawa.
Kinapa ni Goddy ang dibdib nang bumaba na naman pabalik sa opisina niya, hindi raw pumasok ang boss nila. Hindi na naman niya tuloy nakita. Gusto man niyang kumustahin pero iniiba ni Fanny ang topic lagi. Obvious na ayaw ni Halina na makita siya nito.
Tatlong araw bago ang meeting ulit nila Halina sa UMD ay sinamantala iyon ni Goddy para hintayin ang pagbaba nito sa parking lot. Talagang sinadya niya roon ang dalaga para kausapin. Para makahingi na rin nang paumanhin rito. Subalit hindi rin niya ito nakita roon. Sinundo pala ito.
Umuwi si Goddy na hindi man lang nakausap si Halina. Mag-isa na ang siya noon sa bahay dahil naiuwi na niya ito sa probinsya nila nitong linggo lang. Hindi rin siya makatulog kaya nagpasya siyang pumunta sa bar.
Isang sakay lang mula sa nilipatan niya ang Spotlight kaya doon siya tumambay. Masyadong maingay sa ZL Lounge kaya mas pinili niya rito. Nakapunta na siya rito noong nag-aaral pa siya. Isang beses namang naulit nang magtrabaho siya sa mother company ng A&K.
Saktong may tumutugtog noon na banda kaya doon natuon ang atensyon niya habang naghihintay ng order.
“Acknowledge ko lang ang presence ni Halina Hernandez. Hi, Teddy! Para sa ‘yo ang kantang ito.”
Napatitig si Goddy sa lalaking nasa entablado. May hawak itong gitara at nasa harapan nito ang mikropono. Saka lang niya namukhaan nang tanggalin nito ang sombrero nito.
Sa pagkakataong ito, maayos ang damit nito. At kitang-kita na ang pagiging magandang lalaki nito.
Nakatingin ang lalaki sa kabilang side nila kaya napatingin siya doon. Napatitig siya sa babaeng nakasandal sa pader. May hawak itong kopita at nakangiti nang matamis. Tinaas pa nito ang hawak nitong kopita sa lalaki.
Hindi napansin ni Goddy na matagal na matagal siyang nakasimangot.
“May kulang ho ba sa order natin, sir?”
Saka lang napagtanto ni Goddy na nasa harapan na niya ang mga inorder at natakpan na rin si Halina.
“Okay na ho.” Bumali pa ang leeg niya para muling tingnan si Halina, subalit wala na ito roon. Nagpatuloy na rin sa pag-awit ang lalaki.
Hindi sanay uminom si Goddy kaya hindi talaga siya umo-order ng marami. Pero ng mga sandaling iyon naparami siya ng inom.
“M-may Halina Hernandez ba kayo dyan? Pwede ko ba siyang orderin, huh?” ani ni Goddy sa waiter.
“Wala ho kaming alak na ganyan ang pangalan, Sir.”
Tiningnan ni Goddy nang masama ang lalaki. “Aa-ang gusto kong orderin sabi si Halina Santillan Hernandez! O-o k-kung hindi mo siya madala, tanungin mo nga kung galit pa ba siya sa akin?”
“Lasing na ho kayo, sir.”
“H-hindi ako lasing. Kita mo, nakakapagsalita pa ako nang maayos… si Halina—”
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang bigla siyang nahulog sa kinauupuan.
At sa pag-aakalang nasa higaan niya siya, pumikit siya sabay tawag ng pangalan ng dalaga, “H-Halina…”