SABOG ang buhok, nakasimangot at nakapikit nang maglakad si Halina. Hindi niya alam kung anong oras na pero parang madilim pa. Iyon ang nakita niya nang tumingin sa pader niyang gawa sa glass. Hinawi niya kanina ang kurtina niya kaya kita ang labas.
Akmang bubuksan niya ang pintuan nang maalalang tingnan kung sino ang nasa labas.
Napakunot siya ng noo nang makita si Goddy sa labas. Muli itong pumindot kaya napailing siya.
“What do you want?” tamad na tamad na tanong niya rito nang buksan ang mic.
Ngumiti ito sa tapat ng camera sabay angat ng isang plastic.
“May ibibigay lang ako,” anito.
“Pakiiwan na lang dyan, kunin ko mamaya.”
“Karne at gulay ito. Baka mangamoy dito.”
“What? Bakit kasi may dala ka niyan? Wala naman akong sinabing dalhan mo ako, a?”
“Ikaw wala, ako meron. Kaya buksan mo na ‘to, ma’am.”
Damn! Ano bang pumasok sa isipan nito at nagdala ng kung ano-ano?
“Ang aga-aga mong mang-istorbo, Goddy!”
“Hindi naman kita maiistorbo kung kanina mo pa ako pingbuksan.”
“You know what? Sa lahat ng empleyado ko, ikaw lang ang ganyan kakulit at kakapal ng mukha!”
“Dahil espesyal ako.” Ngumiti pa ito. “Sa pagkakaalala ko, tatanggalin mo na ako kaya push ko na ang panliligaw sa ‘yo.”
Napataas siya ng kilay. Ito manliligaw? Eh ‘di, wow!
“Anong lahi ka ba at umagang-umaga nanliligaw?” Halata sa boses niya ang inis dito.
“Purong Pilipino po ako,” sagot naman nito. “Bubuksan mo na ba? Wala pa naman akong balak umalis.”
Sinaniban yata ng kakulitan si Goddy kaya napilitan siyang buksan ito.
Matagal na napatitig ito sa kanya partikular sa suot niya. Nang mapagtantong nakasuot lang siya ng lingerie ay bahagya niyang niyakap ang sarili. Wala rin siyang suot na bra pa naman noon.
Actually, nasa isipan niya si Fanny ang pupunta ngayon. Dahil nag-text itong may naiwan siya kagabi at ihahatid nito ngayong umaga. Kaya hindi na talaga siya nag-ayos o kumuha ng roba.
“Akin na. Ako na maglalagay sa ref.” Nilahad pa niya ang kamay rito para ibigay nito, pero tiningnan lang nito.
“Goddy!”
“Ako na ang maglalagay, matulog ka na lang ulit. Isasara ko na lang pagkalagay ko.”
“Sure?”
“Sure na sure.”
Nagmartsa na lang siya pabalik. Pero tinawag siya nito pagkasara nito ng pintuan.
“May nakalimutan ka.”
Nilingon niya si Goddy. Mabilis na ang mga hakbang nito palapit.
“Ano na naman?!”
“Ito.” Sabay lapit nito ng mukha sa kanya. Nanlaki na lang ang mata niya nang siilin siya nito ng halik.
Bagong gising lang siya kaya siguradong mabaho ang hininga niya!
My God!
Tinulak niya ito kaya agad na bumitaw ang labi nito. Basang-basa! Hindi ba ito nandiri?
“Magandang umaga, ma’am.” Sabay lakad nito patungo sa kusina niya.
“Aba’t walang sabi-sabi!”
Inamoy niya ang sariling hininga. Napangiwi siya nang maamoy iyon.
Napapadyak siya sa sobrang pagkapahiya. Bakit naman kasi nanghahalik ito basta-basta?!
Bumalik na lang siya sa silid niya at nahiga. Dahil kulang siya sa tulog ay nakaidlip din siya agad. Nagising lang siya sa tunog ng alarm. Kinapa niya iyon at pinatay. Sunod niyang kinapa ay ang cellphone.
“Goddy!” sigaw niya nang mapagtantong silang dalawa na ang nasa wallpaper niya. Nakangiti ito habang siya ay nakapikit at bahagyang nakaawang ang labi.
Kailan ba ito kinuha?
Nagbaba siya nang tingin sa damit.
“Fvck!” Ngayon lang na kuha iyon!
Hindi man buo pero kita niya ang strap ng suot niya. At iyon ang gamit niya ngayon.
Although hindi naman masagwa ang picture, pinasok lang naman nito ang kwarto niya at pinakialaman ang cellphone niya. Kaya naiinis siya.
Kesa ma-stress, tumayo na lang siya para naghilamos at mag-toothbrush. Lumabas din siya ng kwarto mayamaya.
Natigilan si Halina nang makita ang mga nakatakip. At sa pinaka gitna niyon, may note.
Kinuha niya ang note at binasa iyon.
Goddy’s note: Eatwell, ma’am. See ya sa office.
Ps: Thanks sa pag-spoil sa akin sa pamamagitan ng kiss. Sana mamayang gabi ulit.
Hindi malaman ni Halina kung maiinis o matatawa. Pero may part sa dibdib niyang nagustuhan ang ginagawa nito.
Seryoso ba ito sa ginagawa nito? Ano bang nakain nito? Paulit-ulit kaya nitong sinasabi sa kanya na hindi siya nito magugustuhan. Kaya nakakapagtaka lang. Ano ba ang intensyon nito?
Maayos ang pagkakahanda ni Goddy. Sobrang sarap din ng mga niluto nito. Merong mainit-init pa kaya sigurado siyang late na ito natapos kanina.
Kaya naman pala maulit kanina dahil gusto siya nitong ipagluto.
Pero teka, baka kaya ginagawa ito ni Goddy para hindi ba niya mapaalis? Aba! Sipsip kung ganoon! Pwes! Hindi siya madadala!
Sayang naman ang pagkain . kaya inilagay niya sa ref ang tira niya. Nasarapan siya doon sa ginisang gulay na may sahog na baboy na maraming taba. Nakakakain lang siya niyan kapag nasa bahay nila siya. Kasi ang madalas na iluto ng Mommy niya ay mga ganyan lang. Kapag may okasyon lang sila nag-upgrade. Kaya kahit anong pagkain ay kinakain niya.
Akala ni Halina, hindi na dadalhin ni Goddy ang mga ganoong trip nito sa opisina. Nagulat siya nang makita ang pagkain sa mesa niya. Ang sabi ni Fanny, si Goddy raw nagbigay. May note din kaya napahilot siya sa noo.
“Um, kay Mr. Vasquez ko po iniwan ang paperbag na naiwan niyo po kagabi, Miss Halina.”
“W-what did you say?”
“Pumunta ho ako kanina. Tapos si Mr. Vasquez ang nagbukas. Ang sabi niya po tulog ka pa. Siya na raw ho ang bahala na magbigay kaya binigay ko na ho.”
Napasapo siya sa noo. Kaya naman pala pumasok ito. Yes, may napansin siyang paperbag kanina pero hindi na niya natingnan dahil nagmamadali na siya kanina.
“Can you call Mr. Vasquez for me?”
“Sure, Miss Halina,” nakangiting sabi ni Fanny.
“Bakit ganyan ang ngiti mo, Fanny, huh?”
“Um, nagkakamabutihan na po ba kayo?” tanong nito imbes na sagutin siya.
“No! As in hindi! Dahil hindi ko siya gusto!”
“Oh, hindi po? Pero lagi po siyang nasa condo mo. Kaya akala ko po may something na sa inyo.”
“Hindi mangyayari iyon dahil si Pia lang ang mahal niya!”
Dahil kakaiba na ang tono niya, nagpaalam na ito. At ilang sandai lang, bumalik itong kasama si Goddy.
Damn! Nakangiti na naman siya.
“What’s wrong with you, Goddy? Bakit mo ba ito ginagawa? Para makaganti ba sa ginawa kong pagtrato sa iyo nang hindi maganda? Huh?”
“Ako ho ang dapat na magtanong niyan, ma’am. Anong ginawa niyo sa akin bakit hindi ka na mawala sa isipan ko?”
Natawa siya nang pagak. “So, parang iniisip mong ginayuma kita? Ganoon ba ang ibig mong sabihin? Huh?”
“Parang?” Tumawa pa ito.
“Goddy!”
“Nagbibiro lang po.” Sumeryoso ito kapagkuwan. “Sa tingin ko po, gusto na kita, ma’am.”
Matagal na natigilan siya sa sinabi nito.