Asshole
MISS A/AURORA/BEATRICE
SA HARAP NG isang malaking salamin ay nakikita niya ang isang Aurora Celia Ricafort. Simula nang matuntong siya sa New York ay nag-iba na rin ang life style niya. Noong una ay nahihirapan pa siyang makibagay sa klima at sa mga taong nakasasalamuha niya, pero kalaunan ay nasanay na siya at mas na-explore niya bawat lugar sa New York.
“Miss A! Miss A!” Binaba niya ang blush on at brush bago niya nilingon si Cathy, ang assistant niya at tinuturing na rin niyang malapit na kaibigan, isa rin itong pinay na gaya niya. Tila ito natataranta at hinihingal pang lumapit sa kanya. Humarap siyang muli sa salamin at pinagpatuloy ang paglalagay ng blush on dahil ano mang oras ay magsisimula na ang program.
“Anong problema at hindi ka mapakali?” mahinahon niyang pag-uusisa rito. Binaba na niya ang blush on nang matapos na siya. Inayos niya ang bangs at ang itim niyang buhok na kinulot sa dulo. Kung dati ay blonde ang buhok niya, ngayon ay pinakulayan niya iyon ng itim, at natuwa siya dahil bumagay iyon sa kanya.
“May problema po kasi . . .” Napatigil siya sa pag-aayos ng buhok dahil sa sinabi nito kaya agad na natuon ang atensyon niya rito.
“What? Anong problema?” nakakunot-noo niyang tanong.
“Kasi hindi pa dumarating si Max. Hindi pa siya naaayusan,” sagot nito na siyang kinatayo niya.
“My God! Magsisimula na ang program. ’Yong mga guest, nand’yan na rin ba?” Naiirita siya dahil maayos ang lahat noong rehearsal, tapos ngayon ay nagkaproblema pa.
“Yes, Miss A. Pero nagpalit po tayo ng isang guest dahil hindi makakarating si Mr. Jones,” dagdag pa nito. Lalong nag-init ang ulo niya dahil sa binalita nito.
“What?! Nagpalit kayo ng hindi ko alam?! What are you thinking, ha? Hindi ba ako mahalaga rito?” sermon niya rito at hinilot ang sentido dahil bigla iyong sumakit.
“Sorry, Miss A. Last minute po kasi kaya hindi ka namin nasabihan agad,” nakayukong sabi nito. Napahinga naman siya nang malalim dahil tila napasobra siya.
“Sorry, Cathy. Hindi dapat kita pinagagalitan. Ako rin ang may kasalanan dahil hindi ko muna sinigurong maayos na ang lahat bago magsimula ang program,” paghingi niya ng paumanhin. Nag-angat ito ng tingin at umiling.
“Wala ’yon. Kasalanan ko rin po dahil hindi ko agad nasabi sa ’yo. Nataranta na rin kasi ako.”
Napangiti naman siya at napabuga uli ng hangin.
“Si Max? Na-contact n’yo ba? Siya pa naman ang kasabay ko sa pinaka-last show tapos siya pa ang wala.”
Isang fashion show ang pinaghandaan nila. Isa iyong fashion show kung saan irarampa ang mga damit na siya mismo ang nag-design. Hindi lamang ordinaryong design iyon dahil may touch of paint pa ang lahat ng damit na irarampa mamaya.
Noong una ay hindi niya pa alam kung ano ang gagawin niya sa New York kaya naisipan niyang magtungo sa mga painting event at fashion show. Hanggang sa isang araw, habang nagpipinta siya ay natapunan ng pintura ang suot niyang pants. Naghalo-halo ang mga pintura at nagkaroon iyon ng design. Kaya naisipan niyang magpinta ng mga damit at pinost niya iyon online. Kinabukasan ay nagulat siya nang maraming naka-appreciate ng mga gawa niya. May tumawag pa sa kanyang isang event manager ng isang sikat na fashion show sa New York. Kinuha nito ang mga design niya at nirampa ng mga sikat na model. Masayang-masaya siya noon dahil pangarap niyang ipakita sa mundo ang tanging talento na kaya niyang ipagmalaki.
Kalaunan ay nakilala siya sa iba’t ibang bansa pero hindi bilang Beatrice, hindi rin bilang Aurora, kundi bilang Miss A. Gusto pa rin kasi niyang itago ang private life niya, kaya kapag may bago siyang design na ilalabas at kapag hinabol siya ng press ay tumatanggi siya sa interview ng mga ito. Tanging si Cathy ang humaharap sa mga press. Kilala lang siyang Miss A, pero walang nakaaalam ng tungkol sa tunay na buhay niya. Si Cathy lang din ang pinagsabihan niya.
Napatingin sila sa pinto nang bumukas iyon at pumasok ang stylist niya. “Miss A, heto na po ang isusuot mo.”
Tiningnan niya ang nakaharap sa kanyang damit. Isa iyong leather short na papalda ang design sa likod. May diamond na design sa harap at sa likod ay naka-design ang mismong pinta niya. Ang pang-itaas naman nito ay masyadong revealing. Mababa ang hiwa noon sa pinakadibdib kaya sure na kita ang cleavage niya. Half body lang din ang matatakpan noon kaya tiyak niyang lilitaw ang parte ng baywang niya. Itim din iyon na gawa rin sa leather. May diamond accesories din na kasama iyon.
Nagtungo siya sa fitting area at sinuot iyon. Hindi sa pagmamayabang pero maganda ang kurba ang katawan niya, pati ang dibdib niya ay mas lumaki kaysa noon. Nag-work out din siya para ma-maintain ang katawan niya.
Napakagat siya ng labi dahil bigla siyang nahiya. Oo, sanay na siyang magsuot ng ganito, pero ewan niya kung bakit pero feeling niya ay kailangan niyang maging mas maganda ngayon. May nararamdaman din siyang kaba, ngunit hindi niya alam kung bakit.
Tiningnan niya ang suot na boots na hanggang tuhod, lalong tumingkad ang makinis at maputi niyang legs. Nang makuntento ay lumabas na siya. Napatakip siya ng tainga nang may nagtilian. Napatingin siya kay Joey na stylist niyang bakla, isa rin itong Filipino stylist na kinuha niya nang mag-apply ito sa kanya.
“OMG! You’re so gorgeous and super hot, Miss A! Shocks! Tingin ko naging lalaki na uli ako,” sabi nito na kinailing niya.
“Huwag mo na akong bolahin, Joey. Baka maniwala ako niyan,” natatawa niyang sabi.
“Ay, grabe! Sa mukha kong ito, tingin n’yo magagawa ko pa bang bolahin kayo?” natawa siya sa sinabi nito.
Hindi na niya sinagot ito at inaya na. “Let’s go. Kailangan ko pang ayusin ang mga model.”
Lumapit siya kay Cathy na hawak ang isang robe. Tumalikod siya rito at sinuot nito iyon sa kanya.
“OH, IKAW, CLAIRE, ikaw ang unang kasabay ni George,” instruction niya sa mga model. Nagtanguan ito bilang tugon sa kanya. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil ayos ang lahat ng models niya. Si Max na lang talaga ang problema. Kapag wala pa rin si Max ay mapipilitan siyang mag-isang rumampa kaysa naman masira ang show niya.
“Good evening, ladies and gentlemen. Welcome to Art of Fashion! This is it! Let’s welcome the ramp models wearing the designs of Miss A!” announced ng host. Hindi siya mapakali dahil baka may magkamali sa mga model niya. Rumarampa na ang mga model na suot ang iba’t ibang gawa niya. Kinakabahan siya dahil malapit na rin siyang sumalang. Inayos niya ang sarili at kumalma.
“Relax, Miss A. Alam ko kaya mo ’yan. Ikaw pa? Halos gamay mo na ang rumampa,” sabi ni Cathy na nasa tabi niya habang hinihintay ang turn niya. Siya kasi ang pinakahuli, ang pinaka-highlight ng show na ito, kaya kinakabahan siya dahil baka matapilok siya.
“Oo, gamay ko siya kapag nakamaskara. Pero ngayong walang takip ang mukha ko, kinakabahan ako,” sabi niya rito.
“Oo nga pala. Bakit naisipan mo nang ipakita ang mukha mo?” tanong nito.
“Wala lang, naisip ko lang. Saka parang ayaw ko na rin kasing magtago at ayoko na ring ikaw na lang ang laging humaharap sa press,” sagot niya. Nakita niya ang pagkagulat nito na tila hindi ine-expect ang sagot niya. Mahiyain din kasi itong si Cathy, mahinhin, mabait, at laging nagpapasensya sa kanya. Maganda rin ito kung aayusin ang sarili at tatanggalin ang salamin sa mga mata. Kaso ayaw nito dahil wala naman daw magbabago.
“Talaga, Miss A? Dahil sa akin? Bakit naman?” hindi makapaniwalang tanong ng kaibigan.
Ngumiti siya rito at hinawakan ito sa balikat. “Syempre, hindi lang naman kita assistant, kaibigan din kita. Saka huwag mo na nga akong tawaging Miss A, sa pangalan ko na lang. Para namang iba ka sa akin.”
Tumango ito at yumakap sa kanya. “Thanks, Aurora.” Tinapik niya ang likod nito.
“Miss A, you’re next,” pukaw ng host sa atensyon niya. Nagbitiw na sila ni Cathy at naghanda na siya.
“This is it! Ipagdasal mo ako, Cathy. Ipagdasal mong huwag akong matapilok.”
“Hindi ’yan. Sige, punta na ako sa gilid para panoorin ka.” Tumango siya sa sinabi nito, pagkaraan ay umalis na.
“This is it! The highlight of this show, the Goddess of Art of Fashion, please welcome . . . Miss A!!!” anunsyo ng host.
Lumabas na siya at rumampang fierce na fierce at mas confident. Habang lumalakad siya ay tumitingin siya sa paligid. Napakaraming tao. At napansin niyang hangang-hanga ang mga ito sa kanya. Sa kadahilanan sigurong iyon ang unang beses niyang nagpakita ng mukha.
Maging ang kislap ng mga camera mula sa media ay nakatutok sa kanya, na kinasisilaw niya. Tila inabangan talaga ng mga ito ang gabing ito.
Napatingin siya sa mga guest nang makarating siya sa harap ng mga ito. At may nakapukaw ng kanyang atensyon. Ang nakamaskarang lalaki na isa sa mga guest. Litaw ang parteng bibig nito kaya kita niya kung paano kumibot ang labi nito. Bigla siyang kinabahan nang hagurin ng daliri nito ang labi habang nakatingin sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya at parang inugat siya ng tayo dahil sa panginginig ng mga tuhod niya. Hindi niya alam kung namamalik-mata lang siya, pero nakita niya ang pagtaas ng sulok ng labi nito. Para bang tuwang-tuwa ito at parang pinagnanasahan ang katawan niya.
Agad siyang tumalikod nang marinig ang palakpakan ng mga tao. Doon lamang siya nagbalik sa sarili niya. Gusto niyang sabunutan ang sarili dahil tiyak na para siyang lutang doon sa harap habang nakatingin sa lalaking naka-maskara.
Huminto siya sa pinakagitna at humarap uli sa mga tao. Tumingin siya uli sa lalaking iyon na nilapitan ng isang tila bodyguard nito. Kinakausap nito iyon habang nakaharap pa rin sa gawi niya. Nailang siya bigla pero hindi niya pinahalata. Rumampa uli ang mga model at huminto sa tabi niya.
“Edward, kilala mo ba ang lalaking nakamaskarang ’yon?” pasimple niyang tanong kay Edward na nasa gilid niya.
“Siya ’yong pumalit kay Mr. Jones na guest,” sagot nito. Isa kasi si Edward sa mga nag-asikaso ng mga guest. Sinama lang din nila ito sa pagrampa dahil nagmo-model din ito. “Isa siyang businessman. Siya ’yong tinatawag na devil businessman dahil halos lahat ng business ay meron siya. Ayon sa mga nakalap kong balita, delikado ang taong ito dahil pati pulis ay hawak nito. Oras na kinalaban mo ang taong ’yan, sa kangkungan ang bagsak mo. Pati nga sa iba’t ibang bansa ay kilala ito dahil halos lahat ng negosyo nito ay meron sa ibang bansa.”
Rumarampa uli ang mga model at naghihintay pa sila ng turn nila kaya pwede pa silang mag-usap.
“Kung gano’n, bakit siya ang kinuha n’yong guest?” nagtataka niyang tanong.
“Madali kasi siyang pakiusapan, Ma’am. At saka maraming reporter at sikaw na show ang gustong kumuha sa kanya, maganda kung makiuso tayo, hindi ba?” natatawa nitong sagot na kinairap niya.
Pero sa totoo lang ay napalunok siya at kinabahan sa paglalarawan nito sa lalaking iyon. At mukhang tama si Edward dahil parang masama ang aura na binibigay nito, lalo na at parang sa kanya pa nakatuon ang atensyon nito.
“Alam mo ba ang pangalan niya?” tanong niya rito.
“Sa pagkakaalam ko ay Sergio ang ginagamit niyang apelyido. Hindi ko lang alam ang pangalan niya,” sagot nito. Para siyang natulos sa kinatatayuan niya at binagsakan ng malamig na tubig sa narinig. Bigla siyang nanginig sa takot at hindi mapakali.
“Ayos ka lang, Miss A?” tanong ni Edward na napansin ang pagkabalisa niya.
“Huwag mo akong pansinin. Ayos lang ako,” aniya. Tumango ito at umalis sa tabi niya para rumampa uli. Naiwan siya sa gitna upang hintayin ang mga kasama niya para sabay-sabay silang rumampa.
Hindi ito iyon. Baka nagkakamali lamang siya ng iniisip. Marami rin sigurong Sergio sa mundo. Pumikit siya para pakalmahin ang sarili. Dumilat siya uli at napatingin sa gawi nito. Nanlaki ang mga mata niya nang mag-akyatan ang bodyguards nito sa stage. Nagbubulungan na ang mga tao habang siya ay umaatras mula sa kinatatayuan niya. Hindi siya nag-a-assume pero nararamdaman niyang kailangan niyang tumakbo. Kaya habang hindi pa nakalalapit ang mga ito ay tumalikod na siya at tumakbo. Sinenyasan niya si Cathy na agad namang tumalima. Nagtungo siya agad sa backstage.
“Aurora, bakit ka tumakbo? At bakit nag-akyatan ang mga kalalakihang ’yon?” tanong nito.
“Mamaya ka na magtanong, Cathy. Kailangan muna nating makaalis dito,” natataranta niyang sabi at hinatak si Cathy. Napatingin siya sa likod nang may narinig siyang nagtatakbuhan. Nakita niya ang paglinga-linga ng mga bodyguard kaya tumakbo na sila. Sabi na, e. Siya ang habol ng mga iyon. Hindi niya alam kung ano ang kailangan ng lalaking iyon. Pero malakas ang kutob niya na kuya niya iyon. Sa pagngisi pa lang nito ay napagtanto at nakilala na niya ito.
Pagdating sa kotse niya ay inutusan niya si Cathy na sumakay na. Pagsakay nito ay agad niyang pinaharurot ang sasakyan. Ilang minuto lang ay nakarating na siya sa unit niya. Nakahinga siya nang maluwag nang hindi siya nasundan ng mga ito.
Sakay na sila ng elevator nang bahain siya ng tanong ni Cathy.
“Aurora, ano na? Bakit ka ba hinahabol ng mga iyon?” naguguluhan nitong tanong.
“Hindi ako sure, Cathy. Pero tingin ko si Kuya . . . I mean, si Dimitri ’yon,” sabi niya rito. Napahawak ito sa bibig at bumakas ang gulat sa mukha.
“Totoo? Shocks! Bakit ka niya pinakukuha sa bodyguards niya? Hindi ba, sabi mo iniwan mo lang ito nang walang paalam?”
“Kung siya nga ’yon, at kung ano man ang kailangan niya ay hindi ko alam. Kung ano man ang motibo niya ay wala akong pakialam,” seryoso niyang sabi.
“Hindi kaya . . . hindi pa siya nakamu-move on sa ’yo? Baka gusto niyang maging kayo uli?” natawa siya sa sinabi nito.
“’Yon ang hindi mangyayari, Cathy. Dahil kahit anong gawin niya ay walang kami. At kailanman ay hindi na siya pwedeng pumasok sa buhay ko,” mariin niyang sabi. Matatag na siya. Kung sakaling makaharap niya ito ay kaya na niyang lumaban. Hindi siya makapapayag na malaman nito ang sikretong tinatago niya sa kanyang buhay. Ayaw niyang mawala ito sa kanya. Ayaw niyang makuha nito iyon.
Pagdating sa unit niya ay nagtaka pa siya kung bakit hindi naka-lock ang pinto. Kaya kinabahan siya bigla kaya binuksan niya agad iyon.
“Duke Sean! Baby!” tawag niya. Nagtungo siya sa kwarto niya pero wala roon ang hinahanap niya.
Nagtungo siya sa kusina at nabigla siya nang may sumabog na kinagulat niya.
“Congratulations, Mommy!” bati nito. Nakahinga siya nang maluwag nang malamang nasa maayos lang ito. Napatingin naman siya sa katabi nito.
“Congrats, Aurora,” bati nito. Napaiiling siyang lumapit sa anak niya.
Oo, anak niya. Nagbunga ang lahat sa kanila ni Dimitri. Isang lalaking kahawig na kahawig ni Dimitri. At tila pati ugali nito ay nakuha ng anak niya dahil habang lumalaki ito ay nakikitaan na niya ito ng ibang ugali na gaya ng sa ama nito. Mainitin ang ulo, bossy, seloso, at ayaw na naaagawan ng laruan.
Limang taon na ang lumipas at maglilimang taon na rin ito next month. Hindi nga makapaniwala ang mga katrabaho niya na may anak na siya. Sa edad na tatlumpu’t tatlo ay parang wala pa raw siyang anak dahil flat na flat pa rin ang tiyan niya at hindi siya tumaba. Pero kahit kailan ay hindi pa nakita ng mga ito ang anak niya. Natatakot kasi siyang may makaalam at makarating sa Pilipinas na may anak na siya, kaya itinago niya ang bata. Tanging sina Cathy at Dylan lamang ang nakaaalam ng tungkol kay Duke.
“Hay, grabe kayo! Ikaw ang may pakana ng lahat ng ito, Dylan?” natatawa niyang sabi habang nakataas ang kilay. Ngumisi lang ito at nagkibit-balikat.
Siya si Dylan, isang sikat na doktor. Ito ang tumulong sa kanya nang maabutan siya ng panganganak sa isang grocery store. Madali siya nitong dinala sa hospital kaya laking pasasalamat niya rito. Pinoy rin ito kaya natuwa siya lalo dahil kababayan pa niya ang tumulong sa kanya. Mabuti at nandoon lamang ito sa malapit, kung hindi ay baka mapanganak siyang mag-isa. Wala na kasi noon ang lolo niya. Nasa Pilipinas ito kaya siya na lamang mag-isa sa New York. Dumadalaw naman ito kada buwan kaso hindi nito natyempuhan ang panganganak niya. Masyado kasing napaaga ang paglabas ni Duke.
“Anong ako? Ito kayang si Sean. Hindi ba, Pare?” baling nito sa baby niya na salubong na ang kilay.
“Mom, bakit si Dylan agad ang kinausap n’yo? Dapat ako muna,” pag-aalburuto nito. Napalunok naman siya sa inasal nito dahil mahirap itong paamuin.
“Ah, baby, sorry. Syempre nagulat ako sa surprise mo. Ikaw ba ang may gawa nitong lahat?” malambing na tanong niya rito. Nakahinga siya nang maluwag nang bumalik ang masayahing mukha nito.
“Yes. At epal lang si Dylan dito,” sabi nito.
“Sure ka, Pare? Hindi ba pinagtulungan natin lahat ito?” pagpapaamin ni Dylan sa anak niya.
“Yes, ako lang ang may gawa nito. Naghalo ka lang,” malamig nitong sabi.
“Okay, baby. Thank you sa surprise mo. Ang bait talaga ng baby ko,” pag-iiba niya ng topic.
Lumapit ito sa kanya at yumakap sa binti niya kaya lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“I love you, Mommy,” malambing nitong sabi. Napangiti siya sa sinabi nito. Ito ang isa pang ugali na tiyak na sa kanya nakuha, ang paglalambing nito.
“I love you too, baby,” sabi niya rito at binuhat. Kahit magfa-five years old pa lang ito ay malaki na ito at matalinong bata. At kung kumilos ay daig pa ang matanda.
“Thank you,” sabi niya kay Dylan. Ito kasi ang nagbantay sa anak niya habang wala siya. Pinagkakatiwalaan na niya ito at kaibigan na rin ang turing niya.
“Walang anuman,” nakangiting sagot nito. “Oo nga pala, bakit maaga kayo?” Napatingin siya kay Cathy na nasa pinto ng kusina at tila nahihiyang pumasok. Napangiti siya kung bakit.
“Wala, maaga lang talagang natapos ’yong show,” palusot niya. Tumango naman ito at napatingin kay Cathy na nakayuko habang inaayos ang salamin para itago ang pamumula ng mukha.
“Oh, Miss Lopez? Nand’yan ka pala. Tara, kain tayo ng niluto ko, este, niluto ni Master Sean,” aya nito kay Cathy. Lihim siyang napangiti dahil halatang may gusto si Cathy kay Dylan. Kung siya ang tatanungin, sana magkagustuhan ang dalawa. Tiwala siya kay Dylan na maginoo at mabait.
“S-sige . . .” tugon ni Cathy at lumapit sa tabi niya.
Sinimulan na nilang kainin ang pagkain dahil bigla siyang nagutom sa lahat ng pangyayari sa show. Kinabukasan ay tiyak na malalagay na ang gulong nangyari sa dyaryo o mababalita na sa television. Parang wrong timing pa yata ang pagtanggal niya ng maskara dahil tiyak na babalandra ang mukha niya sa ano mang social media at news site.
Napatingin sila kay Dylan nang tumunog ang phone nito na nasa lamesa malapit sa kanila, kaya nakita niya kung sino ang tumatawag.
“Tumatawag ’yong asshole friend mo,” sabi niya rito kahit na nawi-weird-uhan siya sa pinangalan sa kaibigan nito.
Nataranta ito at biglang kinabahan. Iaabot sana niya ito kay Dylan nang mabilis itong nakalapit sa pwesto niya at inunahan siya sa pagkuha ng phone nito.
“Sandali. Sagutin ko lang,” hindi mapakali nitong sabi. Tumango siya kahit naguguluhan sa kinikilos nito.
Copyrights 2016 © MinieMendz
Book Version 2019