** THIRD POINT OF VIEW **
After two long years, sa wakas ay nakalaya na rin si Becca. Dalawang taon siyang nakakulong sa pangangalaga ng DSWD at ngayon na siya ay nasa tamang edad na ay pinalaya na siya sa lugar na ‘yun. Tinuring niyang kulungan ang lugar na ‘yun. Dinala siya ng mga magulang niya sa lugar na ‘yun dahil sa kasalanang hindi niya naman ginawa. Ngayon nakalaya na siya ay mas pinili niyang hindi na balikan pa ang kanyang ina. Siguro dahil sa galit na nararamdaman niya ng magawa siyang ikulong nito sa pangangalaga ng DSWD.
Ngayong malaya na si Becca, mas pinili niyang sa ibang lugar magpunta kaysa sa sariling bayan nila sa Bataan kung saan siya isinilang. Doon siya lumaki, doon niya napagdaanan ang magaganda, masasakit at mistulang bangungot na mga karanasan.
Malaya na ngayon si Becca ngunit hindi sa bangungot ng kahapon. At nais niyang muling mabuhay, bagong buhay sa lugar kung saan wala siyang kilala at wala ring makakakilala kung sino siya. Hindi madali sa isang high school graduate na magsimula ng panibagong buhay pero kung ito lang ang paraan para matakasan niya ang kanyang mapait na kahapon ay mas pipiliin niya ang mahirap at masikip na daan.
Mula sa terminal ng bus sa Laguna ay sumakay ng tricycle si Becca. Sa baryo Caimito siya nagpahatid. Lugar iyon na sa diyaryo lamang niya nabasa nang siya ay nasa loob pa. Iyon ang lugar na pinili niya upang magsimula ng bagong yugto ng kanyang buhay. Malayo sa kanila, malayo sa magulang niya.
Nang huminto ang tricycle na sinasakyan ni Becca sa harap ng tindahan ay agad siyang pinagtinginan ng mga taong naroon. Palibhasa ay bagong mukha, agad na nagtanong sa isa doon si Becca kung saan maaaring makakita ng bahay na puwede niyang rentahan. Mula sa ibinigay na instruction ng mapagtanungan niya ay madaling nakita ni Becca ang isang lumang apartment, apat na pinto iyon. Napahawak siya nang mahigpit sa kanyang bag habang nakaharap sa apartment na tinuro sa kanya. Para itong haunted house kung titingnan mo sa labas. Kulang na lang yata ay mga paniki at gagamba para talagang makatutohan na ang haunted house na sinasabi nito.
“Oo, ako nga si Aura at ito naman ang aking asawa na si Berto. Uupa ka ba?” napalunok si Becca habang nakatitig sa mag-asawa. Nakita ng mag-asawa ang bag na bitbit nito kaya walang duda na isa na naman itong panibagong customer. Kahit mukhang mangkukulam ang dalawang may-ari nang apartment at kahit na mukhang haunted house ito sa paningin niya ay inisip na lamang ni Becca na panandalian lamang ito hanggang sa makakita siya ng maayos na trabaho at pagkakakitaan.
“Opo. Ako lang po mag-isa kaya kung mayroon po sanang bakante kahit kuwarto lang.” sagot ng dalaga. Tiningnan siya ni Aling Aura saka nito pinaypay ang kanyang hawak na pamaypay bago sumagot sa dalaga.
“Ayaw na ayaw ko ang mga burara,” napatingin si Becca sa paligid saka napalunok. Ayaw nito ng burara pero bakit hindi halata? Sabi ni Becca sa kanyang isipan, “Ayaw ko ng maingay, ayaw ko rin ng kahit anong hayop sa loob ng apartment. Pinagbabawal rin ang bisita, manliligaw o kahit boyfriend.” Saka ito tiningnan mula ulo hanggang paa.
Napahigpit ang kapit ni Becca sa kanyang bag. ‘Ang higpit naman nito. Parang lahat na yata ay bawal. Kulang na lamang ay sabihin nitong kahit ang pagtira ay pinagbabawal na rin niya.’ Tumango-tango lamang si Becca na para bang sang-ayon siya sa lahat ng mga sinabi ni Aling Aura pero ang totoo ay pinipigilan niya ang sarili niya dahil siya naman ang mas higit na nangangailan. Kung hindi niya lang sana kailangan ng mauupahan ngayon ay baka hindi niya na titiisin ang apartment na ito.
Nagsabi pa ng mga kondisyon si Aura at Berto. Pagkatapos ay nagtanong ito ng ilang bagay tungkol sa kanya tulad nang saan ito nakatira, saan galing at anong pangalan nito. Syempre hindi sinabi ng dalaga ang totoo dahil pinapanatili niyang tahimik ang buhay niya.
“Kung gano’n maghahanap ka pa lang ng trabaho? Mukhang magkakaproblema tayo rito. Ilang taon ka na ba hija?” tanong ni Aling Aura.
“Eighteen years old na po ako, Aling Aura. Graduate na po ako sa senior high pero kahit high school lang po ang tinapos ko ay nangangako po ako sa inyo na maghahanap agad ako ng trabaho. May kaunti po akong ipon dito kung kulang man ito, pupunan ko po sa sandaling magkatrabaho na ako.” Meron rin naman itong naipong pera at kahit papaano ay may maibibigay rin siyang bayad sa mag-asawa.
Marahil ay naramdaman ng mag-asawa ang katapatan ni Becca kaya pumayag itong okupahin ng dalaga ang isang kuwarto na ginawa ng bodega sa likuran ng bahay ng mag-asawa. Hindi lang ‘yun dahil sinabi rin nitong baka matulungan pa nilang makahanap ng trabaho ang dalaga.
“Maraming salamat po, Aling Aura at Mang Berto. Tatanawin ko pong malaking utang na loob sa inyo ito.” Sabi ni Becca.
Mabuti na lang at nasa mabuting kamay siya at hindi na rin siya nahirapan sa paghahanap ng matitirahan at mapagtatrabahuan. Maraming kinuwento si Aling Aura sa kanya tungkol sa mga kapitbahay nila na nagnanakaw ng panty kaya dapat mag-ingat ito lalo pa at mag-isa lang ito sa likuran ng bahay ng mag-asawa. Kinabahan tuloy ang dalaga pero wala rin naman siyang mapagpipilian. Kahit naman matulog siya rito o matulog sa daan ay pareho lang rin ‘yun na may mga masasamang tao. Mas mabuti na rin na nandito siya sa apartment at para kahit papaano ay pwede lang siyang sumigaw at maririnig rin siya ng mag-asawa sa likod ng kanyang kwarto.
“Sige na at mamasada pa itong si Berto at may kukunin pa akong labada sa kapitbahay na ‘tin. Bukas ng umaga ay sasamahan kita sa sinasabi na ‘min sa iyong mansyon. Dating amo ni Berto ang nakatira doon pero nang ipamana nga sa amin tong apartment ng tiyohin ko bago namatay ay iniwan niya na ang trabaho niya roon para tulungan ako.” Napaisip naman si Becca kung anong maaring trabahong papasukin niya pagdating niya sa mansyon na ‘yun. Hindi naman sa hindi siya sanay sa kahit anong trabaho dahil kahit sa loob ng kulungang natirhan niya ay halos natutunan niya na ang lahat ng gawaing bahay. Ang kinakatakot lamang ng dalaga ay kung anong magiging trato sa kanya ng magiging amo nito.
Sinamahan ni Aling Aura at Mang Berto sa likuran ng bahay si Becca, kung saan ang kuwartong ookupahin niya. Sa isip ni Becca, inusal niya ang isang piping dasal na sana ay makaalpas siya sa bangungot ng kanyang masaklap na nakaraan. Kung tutuosin ay may marangyang buhay na naghihintay sa kanya paglabas niya pero mas pinili niyang magpakalayo at piliin ang hindi pamilyar na daan.
Pagkatapos mag-ayos ni Becca sa kanyang kwarto ay agad siyang humiga sa kanyang maliit na higaan. Madilim ang loob ng kanyang kuwarto at tanging ingay ng mga motorsiklo lang sa labas ang naririnig niya. Pinilit niyang makatulog ngunit bago makatulog ay muli siyang hinabol ng kanyang alaala sa kanyang mapait na kahapon.
“Mommy . .”