First day of School
Naalimpungatan si Aira sa malakas na busina ng sasakyan. Bigla siya napabangon at kinapa ang kanyang de keypod na cellphone upang tingnan kung anong oras na.
"Five thirty na!?" bulalas ng dalaga. Agad siyang tumayo at tinungo ang kusina. Unang araw ng klase ngayon sa eskwelahan na pinagtatrabahuan niya kaya dapat ay maaga siya.
Si Aira ay isang Lady Guard sa Saint Francis of Assisi Academy. Isang pribadong paaralan na para sa mga may kayang studyante.
Pagdating niya sa kusina ay nakaupo na sa hapag at kumakain na ang kapatid niyang si Archie habang nagtitimpla naman ng kape ang kanyang ama na si Mang Conrado "Tatay Con" for short.
"O ate, gising ka na pala halika na kain na." yaya ng kanyang kapatid.
"Anong sabi ko sa'yo Archie?" Nameywang siya sa harapan ng kapatid "'di ba sabi ko gisingin mo ako ng maaga dahil first day of school ngayon?" Nanlilit ang mga matang tanong niya sa kapatid.
Napakamot naman si Archie sa kanyang batok at hinarap ang kanyang ate na ngayon ay nagmamadaling sumandok ng pagkain.
"Ate ginising kita, ilang beses pa kitang kinatok sa kwarto mo. Ang sabi mo "Sige five minutes na lang." sagot ni Archie habang ginagaya ang boses ng kapatid.
"Sana ginising mo pa rin ako, pinilit ganun." panenermon niya kay Archie. Inilapag ni Tatay Con sa tapat ng dalaga ang tinimpla niyang kape.
"Magsikain na kayo, tama na ang bangayan at baka lalo kayong mahuli n'yan." singit ng kanyang Tatay Con. "Nakahanda na ang mga baon ninyo dito. Mauuna na akong maligo." saad ng kanyamg ama kung kaya't napabaling si Aira dito.
"May lakad ka po 'tay?" nagtatakang tanong ni Aira kay Mang Conrado. Tumigil sa paghakbang ang kanyang ama at hinarap siya.
"Mag e-extra ako diyan sa kabila anak." turo ni tatay Con sa labas ng bahay nila. Ipapa-renovate ni Josephine ang bahay niya." Si Aling Josephine ay ang kapitbahay nilang may tindahan. Alam ni Aira na may lihim na pagkagusto si Aling Josephine sa tatay Con n'ya.
Hindi kaya dumada moves itong kapitbahay sa tatay ko? Saad sa isipan ng dalaga.
"Tay, mukhang napapadalas yata ang pag aaya sa inyo ni aling Josephine? Baka pinagpapalit mo na ang Nanay ha. Alalahanin mo 'tay bawal kang magbuhat ng mabibigat, bawal kang magpagod. 'Tay ang blood pressure mo 'tay! Naku naku malilintikan 'yang aling Josephine na yan sa akin!" mahabang litanya ni Aira sa ama. May sakit na hypertension ang tatay nila. Ulila na sila sa ina at hypertension din ang ikinamatay nito anim na taon na ang nakaraan.
May pwesto sa palengke noon ang mag asawang Conrado at Agnes. Nagtitinda sila ng mga sari-saring gulay at prutas. Noong mga panahong iyon ay may kakayahan ang mag asawa na ibigay ang mga pangangailangan ng dalawa nilang anak.
Ngunit masakit magbiro ang tadhana. Inatake ng high blood si Agnes. Nadala pa naman ito ng kanyang asawa sa ospital ngunit binawian rin ng buhay pagkaraan ng ilang minuto.
Nang sumapit ang araw ng libing ni Agnes ay inatake rin ng high blood si Mang Conrado. Ilang araw ito sa ospital dahil inoobserbahan siya ng mga doctor. Hindi kasi bumababa ang blood pressure niya.
Dahil doon ay hindi na nakapagtinda sa palengke ang tatay niya hanggang sa ipasa na sa iba ang pwesto dahil wala na silang pambayad sa permit at upa.
Natigil rin sa pag aaral si Aira. Maaga siyang napasabak sa trabaho dahil kailangan niyang kumayod para sa kanilang pamilya. Second year college lang ang natapos niya at sa edad na bente ay pumasok siya bilang isang Lady Guard sa tulong ng ninong Max niya. Security Guard din si Mang Max sa Saint Francis ngunit pang gabi ang duty nito.
"Anak, relax. Maglalagari lang ako ng bakal para sa pundasyon ng bahay ni Josephine. Hindi mabigat 'yon." sagot ng ama bago pumasok sa maliit nilang banyo.
Pagdating ni Aira sa school ay nandoon na ang makakasama niya para magbantay sa gate. Si Sanny.
"Good morning Aira. First time mong na late ha."
Napakamot sa pisngi si Aira, "Oo nga e, medyo na late ako ng gising. Itong si Archie kasi hindi ako ginisi–" naputol ang sasabihin ni Aira nang tumunog ang cellphone sa kanyang bulsa.
"Sandali lang Sanny ha, sasagutin ko lang 'to. Tumatawag si Ching." Tumango naman si Sanny kay Aira. Ching is Aira's best friend. Anak siya ng ninong niya na si mang Max. Nagtatrabaho ito sa isang malaking kumpanya dahil nakapagtapos ito na kolehiyo. Ayon sa kaibigan ay secretary siya ng CEO sa kumpanyang pinagtatrabahuhan.
"Chinggay napatawag ka?" panimula ni Aira sa kaibigan.
"Good morning to the most beautiful best friend in the world–"
"Anong ipapagawa mo?" putol niya sa kaibigan. " Dami mong satsat, may pa intro ka pa. Diretsohin mo na aga aga nagdadaldal." pagsusungit ni Aira kay Ching.
"Ito naman, imbyerna agad ang aga aga."
"Sabihin mo na, ano ba ang kailangan mo, may trabaho ako." atat na turan ni Aira.
"'Yung anak kasi ng boss ko…" Ching.
"O, anong pakialam ko?" Aira.
"Patapusin mo muna kasi ako!" Ching.
"Oo na, dali na!" Aira.
"Pasuyo naman friendship. Iyong anak ni boss transferee d'yan sa Saint Francis of Assisi. Ihahatid siya ng driver. Paki assist na lang please. Wala pa kasi si Boss nasa business trip pa siya." pakiusap ni Ching.
"Okay, anong pangalan niya?" tanong ni Aira habang kinukuha ang log book at ballpen. Isusulat niya ang pangalan ng bata para hindi niya malimutan.
"Yazer, Yazer Vallejo. Ten years old Grade five." Ani ni Ching.
"Okay copy. Hihintayin ko na lang siya." saad ni Aira.
"Thank you friendship."
"Anong thank you? Utang mo yan. Bayad isang burger." Pagbibiro ni Aira.
"Oo ba, sa sahod na lang, Sige na bye na work work mode na ang beauty."
"Sige bye."
Pagsapit ng alas siyete y medya ng umaga ay nagsimula nang magdatingan ang mga estudyante. Ang iba ay hinahatid ng mga magulang at tagapag alaga. Ang mga estudyante na nasa high school ay hinahatid na lamang ng driver at hindi na kailangang i accompany ng kanilang mga magulang o guardian nila.
Allowed naman ang parents at yaya ng mga bata sa loob ng school basta may dala silang access card na isyu ng school o identification ID. May mga waiting area na nakatalaga para sa mga tagabantay. They are not allowed to enter the rooms unless pinatawag ng teacher dahil may emergency.
Napatingin si Aira sa suot na wrist watch. Ten minutes to go before eight in the morning. Pagsapit ng alas otso ay isasara na nila ang gate ng eskwelahan at wala nang pwedeng lumabas maging ang mga tagabantay ng mga estudyante. Pumarada sa gate ang isang itim na kotse. Nagmamadaling lumabas ang isang lalaki na sa hinuha ni Aira ay nasa edad kwarenta pataas. Binuksan niya ang kotse at lumabas ang isang batang lalaki na nakasuot ng uniporme ng school.
"Magandang umaga po Sir." Bati ni Sanny sa bagong dating.
"Magandang umaga naman cheif. Maari ko po bang makausap si Miss Aira de Jesus?" tanong ni manong driver.
"Ako po 'yon sir, ano po ang maipaglilingkod ko?" magalang na tanong ni Aira at lumapit sa Driver.
"Good morning Mam, ako nga po pala si Simo, driver po ng pamilya Vallejo. Siya naman si Yazer," tinuro ni Mang Simo ang batang kasama. "Siya po 'yong tinawag po ni Mam Ching sa inyo." magalang na pagpapakilala ni Mang Simo.
"Ah, opo manong. Ako na po ang bahala sa kanya."
"Salamat Mam, kailangan ko na kasing umalis agad. Susunduin ko pa kasi ang Daddy niya sa airport," binalingan ni Mang Simo ang batang lalaki, "Anak maiiwan na kita ha, magpakabait ka sa bago mong school ha." Tumango lang ang bata kay mang Simo. Sandaling pinagmasdan ni Aira ang bata. Matangkad ang bata kumpara sa mga kaedaran niya. Di hamak na mas matangkad ang batang ito. Kung hindi lang niya alam na sampung taon pa lamang ang bata ay aakalain niya talagang nasa high school na ito. Kaunti na lang ay halos magkasing tangkad na sila.
Kinuha ni Sanny sa matanda ang bag ni Yazer.
Kumaway ang matanda bago umalis. Tipid na ngiti lang ang iginanti ng bata sa driver nila.
"Halika na ihahatid na kita sa room mo." masayang pag anyaya ni Aira sa bata. Hindi kumibo si Yazer at tahimik na kinuha ang bag mula kay Sanny.