Night Out
"What? Isasama ninyo siya?" halos naghi-hysterical na tanong ni Daniel.
Gusto kasi akong isama ni Rico sa night out nila sa Chaos dahil gusto niya raw akong mamulat sa mga iba't ibang bagay. Hindi niya gusto na lagi lang school-condo ang routine ko. Kapag weekends naman daw ay bumibisita lang ako minsan sa bahay ni daddy o kung hindi naman ay nag-aaral lang ako. Minsan lang din akong pumunta sa mall dahil natatakot din akong gumala mag-isa. Hindi rin naman gala si Nica, ang best friend ko, kaya kami nagkasundong dalawa.
"Yes," simpleng sagot ni Rico. "Isasama natin siya."
Humalukipkip si Daniel at matamang tiningnan ang aking pinsan. "Hindi ako makakapayag."
"Bakit, Dan? Natatakot ka bang mahuli ni Scarlett na namimingwit ka rin ng ibang babae?" natatawang sabi ni Jedrik at nag-apir sila ni Raymond.
Hindi ako naging kumportable sa narinig mula kay Jedrik. Napakunot ang aking noo.
So what naman ngayon, Scarlett? Ano naman kung pumoporma sa ibang babae si Daniel? Does it matter? Hindi naman, ‘di ba?
"You know me, Jedrik," seryosong sabi ni Daniel kay Jedrik.
Napataas naman siya ng kamay. "I'm just joking, dude. Nothing serious."
"Banat ka pa, Jedrik, ah,” natatawang pang-iinis ni Kley sa kaibigan.
"Eh, ‘di puwede na nating isama si Scarlett kung wala ka talagang tinatago, Dan." Nagtaas ng kilay si Rico at ngumisi. “Minsan lang naman. Kasama niya naman tayong dalawa.”
Daniel heaved a sigh. "Rico, sa lahat ng ugok kong kaibigan, ikaw ang pinakamatinong nakakakilala sa akin. You know I never looked at other girls whenever we went on a night out. I'm loyal to your cousin," seryosong sabi niya. "My only concern is that she's too pure and innocent for that place. I don't want her drinking and dancing around the club."
"Eh, ‘di bantayan mo," natatawang suhestiyon ni Jedrik.
Tumalim naman ang titig ni Daniel at saka sumilay ang kanyang ngisi at nilingon sila Jedrik.
"Babantayan ko talaga. I won't take my eyes off her," mariing sabi ni Daniel at saka lumingon sa akin na para bang hinahamon ako ng kanyang titig.
Hindi ko kinaya ang intensidad ng klase ng titig na ibinigay niya sa akin kaya naman umiwas ako agad ng tingin at inilipat ito sa pinsan ko.
"Pwede bang umuwi muna ako, Rico?" tanong ko sa pinsan ko.
"Of course," sagot niya. "Samahan na kitang umuwi muna."
"Okay—"
"Ako na lang ang sasama sa kanya, Rico," biglang sabi ni Daniel bago pa ako matapos sa pagsasalita.
Natawa naman ang pinsan ko sa biglang pagsasama sa akin ni Daniel.
"Pati ba naman sa akin babantayan mo siya, Dan?" natatawang tanong ng pinsan ko. "Pinsan niya ako. Baka nakakalimutan mo lang. Wala akong balak agawin sa 'yo ang pinsan ko."
"Hindi ko 'yon nakakalimutan, Rics," agap ni Daniel at nagpaliwanag. "Ako na ang sasama sa kanya dahil may kukuhanin din naman ako sa condo. Since parehas lang kami ng condominium, might as well na ako na ang sumama sa kanya."
Ngumuso naman si Rico na parang nagpipigil ng tawa saka tumango-tango. "Okay, okay..." sabi niya. "Sunod na lang kayo agad. Text me, Scarlett. Lalo na kapag may ginawang kabalbalan itong si Daniel sa 'yo."
Si Daniel... ewan ko. Hindi ko naisip na kaya niya akong bastusin. I mean, oo at napakulit niya lalo na kapag kaming dalawa lang. But whenever we were in front of his friends, hindi niya ako gaanong kinukulit but I could feel his possessiveness. Pero kahit na ganoon siya, kahit na alam kong maloko rin siya kahit papaano, knowing that si Rico ang kaibigan niya, alam kong wala siyang gagawin sa aking masama. Kung ganoon man siya ay sana ay matagal na niyang ginawa sa akin ‘yon.
"Sure, Rics," sabi ko na lang para matahimik na ang pinsan ko.
Matapos ang klase namin para sa araw na ‘yon ay umuwi na sila Kley para magpalit ng damit at mauuna na rin sila papunta sa Chaos maliban sa aming dalawa ni Daniel.
Nakatayo siya ngayon sa tabi ko at nakahalukipkip habang pinapanood akong inaayos ang gamit ko. "Let me help you," biglang sabi niya nang inagaw sa akin ang bago upang siya na ang mag-ayos no’n.
Kinagat ko ang aking labi habang pinapanood siyang inaayos ang aking gamit. Kahit naka-uniform ay bakat-bakat ang kanyang likod. He has broad shoulders from working out. I had to admit that he has a good figure.
Matapos niyang i-zipper ang aking bag ay humarap siya sa akin. Isinukbit niya ang aking bag sa kanyang kanang balikat. "Done." Ngiti niya sa akin. "Can we go now?"
Ngumuso ako at tinuro ang bag ko. "Ako na lang ang magdadala. Nagmumukha kang bading."
"So?" walang pakialam niyang sabi. "Mas maganda nga 'yon para wala ng magkagusto sa aking ibang babae. Basta alam mo naman ang totoo na lalaki ako at ikaw ang tinitibok ng puso ko, ayos na ako doon. I don't need to show off to other girls."
"Uhm... Sige na nga," sabi ko na lang dahil hindi ko alam ang sasabihin ko matapos ang kanyang paglilitanya sa aking harapan.
Tuwing nagsasalita ng ganyan si Daniel ay wala akong magawa kung hindi ang tumunganga na lang at tanggapin ang lahat ng sinasabi niya sa akin. Madalas ko man siyang binabara-bara pero alam ko sa sarili ko, deep inside na napapalambot niya ang aking puso. Napapasaya niya ako sa mga simpleng ginagawa at sinasabi niya para sa akin.
I don’t know... Parang defense mechanism ko na ang barahin siya whenever he's expressing his feelings boldly. Hindi ko alam kung bakit pero awtomatiko na 'yon nangyayari.
Nung sinabi ko 'yon dati kay Nica ay sinabi niya sa akin na siguro daw ay nilalabanan ko kung ano man ang namumuong feelings ko para kay Daniel. But I doubted that... Hindi ako sigurado. Hindi ko pa siya gaanong kilala. Ayaw kong isugal ang feelings ko para sa isang taong hindi ko pa lubos na kilala.
Kung mayroon man akong mission para sa gabing ‘yon ay ang kikilalanin ko siya. I wanted to know everything about him, gaya ng pagkakilala niya sa akin.
"Magbibihis lang din ako at may kukunin. I'll wait for you here pero kapag nauna kang lumabas... please wait for me, okay?" nag-aalangang sabi niya ang I could see hope and anxiety in his eyes.
Ngumiti ako at tumango. "Hindi ako aalis at hihintayin kita..." sabi na lang at mabilis na umangat ang magkabilang sulok ng kanyang labi. "I don’t know where Chaos is. Mas magandang hintayin na kita," pagbawi ko kaagad sa mabubulaklak na salitang binitiwan ko.
He slightly chuckled and nodded back. "Okay. Pumasok ka na." Inimuwestra niya sa akin ang pintuan ng aking condo.
"Okay..." tipid akong ngumiti bago pumasok na sa loob.
Panandalian akong sumandal sa pintuan ng aking unit bago ko muling buksan ito upang sumilip at nakita siyang kakapasok lang din sa loob. Wala sa sarili akong muling napangiti saka sinara ang pintuan. Agad din akong dumiretso sa aking kuwarto upang makapagpalit ng damit at mag-ayos.
"Hello, 'mmy?" sagot ko ng tumawag si mommy habang nagsusuklay ako ng buhok ko.
"Tinawagan ako ng daddy mo. Ang sabi ay nagpaalam daw sa kanya si Rico na dadalhin ka sa isang bar. I forgot the name of that club, though," pambungad ni mommy. "I just want to know if the rumor is true. Magni-night out ka?"
Hindi ko alam kung tanga ba si Rico o kung ano man pero bakit niya naman sinabi pa kay daddy?
Alam kong papayag si daddy pero si mommy? Hindi ko sigurado. Alam ni mommy na taong bahay ako tapos bigla-bigla na lang akong lalabas at sa isang bar pa. Humanda talaga si Rico at babatukan ko siya mamaya kapag pinayagan ako ni mommy na umalis kasama sila.
"Mommy, uhm, opo," nag-aalangan kong sagot. "Minsan lang naman po, eh."
"Are you with Nica, too?" tanong niya.
"Hindi po, mommy. Nica's kind of busy," sagot ko. "Pero, 'mmy, kasama ko naman po si Rico. Hindi naman po niya ako papabayaan. You know him. Mananagot po siya kay daddy kapag pinabayaan niya ako. Takot niya lang po."
"At mas lagot siya sa akin," babala ni mommy. "Can you send me Rico's number? Gusto kong maging updated sa pinsan mo. I want to make sure na safe ka mamaya."
"Okay po, 'mmy. Isesend ko po sa inyo."
"That's good. I'll wait for his number. Stay safe, okay?"
"Opo. Bye, 'mmy. I love you," sunod-sunod kong sabi bago ibaba ng tuluyan ang tawag ni mommy.
Bago ako nagpatuloy sa pag-aayos sa sarili ko'y ni-send ko muna kay mommy ang number ni Rico dahil baka tumawag pa ulit si mommy at mapahaba pa ang usapan. Ayokong paghintayin si Daniel sa labas. Mamaya ay tapos na siya. Knowing guys, mas mabilis silang mag-ayos kaysa sa aming mga babae.
Minadali ko na ang pag-aayos ko sa aking sarili at walang pakundangang lumabas ng unit ko at inabutan si Daniel na nakasandal sa pintuan ng kanyang unit na agad napatingin sa akin nang marinig ang pagbukas ng aking pintuan.
Iniwasan ko na hindi masyadong humanga sa pananamit niya. Madalas ko siyang nakikitang naka-uniform or nakapambahay lang pero ang mga pormahan niyang ganito ay bihira lang. At tuwing nakikita ko siyang nakadamit nang maayos ay panay naman ang puri ko sa isipan ko kung gaano siya ka-guwapo.
He was just wearing black jeans partnered with a white shirt below a black leather jacket, but his temperament could pass as an international male model.
Tumayo siya ng maayos nang makalabas na ako ng tuluyan sa aking unit at mabilis naman siyang lumapit sa akin. "Dapat pala nag-uniform ka na lang," bigla niyang sabi.
"Bakit naman?" tanong ko at tiningnan ang suot ko. "Hindi ba bagay sa akin? Hindi naman kasi ako madalas magsuot ng mga ganito. Kapag may importanteng lakad lang."
I was just simply wearing a black skater skirt and white tank top. My wardrobe didn’t have anything which fit the night out concept. That was the best I could find and wear.
"Hindi bagay sa 'yo? Are you kidding me?" Kumunot bahagya ang kanyang noo. "Sa sobrang bagay nga sa 'yo, parang gusto kitang pagpalitin ng mas simpleng damit. But who am I to question what you wear, right?"
Ngumuso ako, nagpipigil ng aking ngiti. "Should I change, then?"
Umiling naman siya at ngumiti sa akin. "Babantayan na lang kita ng maigi,” paalala niya at saka umakbay sa akin nang walang pasabi habang iginaya na ako papunta sa elevator.
Hinayaan ko na lang ang pagkaka-akbay niya sa akin. I didn't know but it felt somehow comfortable na hindi ko na rin mapigilan ang mapahilig bahagya sa kanya.
"Ready?" tanong sa akin ni Daniel nang makarating na kami sa Chaos.
Dinig ko na ang pagdagundong ng malakas na techno music galing sa loob ng Chaos at hindi ko alam kung bakit sumasabay ang pagtibok ng puso ko sa tunog na naririnig ko.
"Wow..." bulong ko sa sarili.
"And now you're already liking it. Hindi pa nga tayo nakakapasok sa loob," problemado niyang sabi.
Napatingin naman ako sa kanya't bahagyang natawa.
"Tara na sa loob," aya ko sa kanya.
"At ikaw pa ang mismong nag-ayang pumasok sa loob," sabi niya. "Mukhang mahihirapan ata ako sa pagbabantay sa 'yo mamaya." Hinawakan na niya ako sa aking palapulsuhan upang makapasok na kami sa loob.
Tinanguan ni Daniel ang bouncer na nadaanan namin na para bang magkakilala na sila sa sobrang dalas niya roon. Maging ang mga bartender sa counter na nadaanan namin ay bahagya niyang nginingitian. He may look uneasy because he was with me, but I could sense that he really liked to be there.
"There they are," bulong niya sa akin sabay turo kila Rico na nagtatawanan sa isang table.
Wala kaming inaksayang oras at agad pinuntahan ang aking pinsan kasama ng iilan nilang kaibigan. Nang makalapit kami nang tuluyan ay pumalakpak si Jedrik sa pagdating namin. "Kala namin ‘di na kayo susunod."
"Scarlett, your mom called—Ah!" Bago pa matapos sa pagsasalita si Rico ay mabilis ko siyang binatukan. "What was that for?" natatawa pa niyang sabi habang hinihimas ang kanyang batok.
"Ang tanga mo kasi,” inis kong sabi sa kanya. “Nagpaalam ka pa kay daddy. Para kang ewan."
"At least ipinagpaalam kita kaysa tumakas ka, ‘di ba?" he stated a point. "Anyway, nag-explain na ako kay tita. Sabi ko ako na ang bahala sa 'yo. Right, Dan?" Nilingon niya si Daniel na ngayon ay pinapaupo ako sa tabi ni Kley.
"We will both watch her, Rics,” sabi na lang ni Dan at nang makaupo ako'y umupo na rin siya sa tabi ko.
"I think you better start now," sabi naman ni Raymond nang mainom ang isang shot ng hindi ko malamang inumin. "There are already a few who are starting to gawk at our pretty lady here."
Ngumisi naman si Daniel. "I won't mind being involved in a fist fight for tonight." Nagkibit-balikat siya. "Huwag lang silang magkamaling galawin si Scarlett."
Nilingon ko naman si Daniel at nakita kong seryoso siyang nagmamanman sa mga lalaking nasa dance floor at mga ibang nakaupo rin sa kani-kanilang table.
"Loosen up, guys!" sabi ko at bahagyang tumawa saka tumayo. "Let's dance!" Hinatak ko na rin patayo si Daniel papunta sa dance floor.
Nadinig ko ang mahinang mura ni Daniel sa bigla kong paghatak sa kanya at natawa na lang ako.