Relentlessly I
Huminto ang sasakyan ni Seatiel sa rancho nang makarating kami. Mabilis niya ‘yong tinigil sa sementadong daan. Halos mahilo ako sa bilis ng pagpapatakbo niya pero nginisian lang ako ng loko.
Nang silipin ko ang bintana ng sasakyan ay natanaw ko ang malawak na field kung nasaan kami. Sa hindi kalayuan ay mayroong barn at malawak na parte ng lupa na napapalibutan ng fence. Mayroon ding maliit na farmhouse.
Bumaba si Seatiel sa sasakyan. Dala niya ‘yon kanina nang sadyain niya ako kina Ate Aly. Nagulat na lang din ako nang bigla siyang dumating. Wala si Ate Aly pero sabi niya ay naipaalam niya na ako!
“Thanks,” pasalamat ko nang buksan niya ang pinto ng passenger seat. Paglabas pa lang ng sasakyan ay sinalubong na ako ng malakas na hangin dahilan para sabugin ang buhok ko.
Hinawi ko ito at tinanaw ang malawak na rancho. Sobrang lawak at sa ilang parte ay may mga kabayo, some are unguided, and some are tied to the fence. May nakita akong ilang tauhan na nagpapakain at nagpapainom sa mga kabayo.
Nang tuluyang makababa ay inisang tingin ko pa ang sasakyan ni Seatiel. Iba iyon sa sasakyang dala niya noong pumunta kami sa bayan. Jeep Wrangler ang dala niya noon at ngayon ay isang Range Rover na 1970 model.
‘Yong totoo, ilan kaya ang sasakyang meron siya?
“Oh, Seatiel! Akala ko bukas ka pa?” tanong ng isang may katandaang lalaki nang makalapit kami.
Tumingin ito sa akin sabay balik ng mga mata kay Seatiel, may makahulugang tingin. Sumilay lang ang ngisi sa mga labi ni Seatiel bago ako iginiya papasok sa loob ng fence.
“May tuturuan lang ako, Mang Lucio. Sana hindi kami nakakaabala...” pagkausap ni Seatiel sa tingin ko’y namamahala nitong ranch.
“Aba, oo naman! Sasabihan ko si Linda na magluto ng meryenda para sa inyo.”
Tumango si Seatiel bago nagpasalamat dito. Ngumiti ako sa tinawag na Mang Lucio at binalik ang tingin kay Seatiel dahil napansin kong may nanunuksong tingin ang mga tauhan.
Saktong patapos na rin ang pagpapakain sa ibang mga kabayo. Inilalabas na ang iba at ibinabalik sa mga kuwadra. Medyo mataas pa ang araw ngunit hindi naman ganoon kainit. Mahangin din kaya hindi ako masiyadong pinagpapawisan.
“Tara?” yaya ni Seatiel nang tingnan ako.
Tumango ako at sinabayan siya patungo sa isang mataas at maputing kabayo. Hinaplos niya iyon sa parteng hindi ito magugulat. Isa ‘yon sa mga binanggit niya sa ‘kin, hindi kasi pwedeng basta-basta na lang haplusin ang mga kabayo lalo na ang hindi trained dahil pwede silang maalarma.
“You should be gentle around horses, or they will see you as a threat.” Seryoso siya sa ginagawang mga paalala at nangungunot pa nang bahagya ang noo. Hindi ko mapigilang mapatingin sa kaniya habang tinuturuan niya ako ng tungkol sa mga kabayo.
Nadi-distract ako. Pati ang paggalaw ng mga labi niya habang nagsasalita ay napupuna ko. Kahit gano’n, natutunan ko pa rin naman ang mga dapat maalala tungkol sa tamang pangangabayo!
Nagpalit muna ako ng damit dahil naka-dress ako.
I changed into a fitted black jeans at isang kulay itim ding pang-itaas na sakto lang ang manggas. Parehas na hapit iyon kaya bakat ang kurba ng katawan ko. I let my hair down. Nagsuot na rin ako ng itim na boots gaya ng sabi ni Linda.
“Huwag kang mag-alala, trained ang pinili ni Kuya Seatiel para sa ‘yo. Saka ‘di naman n’on hinahayaang mahulog ang tinuturuan niya.”
Pumukaw iyon sa atensyon ko. Ibig sabihin... may tinuturuan pa siyang iba?
Nangunot ang noo ko.
“Sino pang tinuturuan niya?”
Napaisip naman ang dalagita. Ang dating tuloy niyon ay parang sobrang dami!
“Si Tamsiah, at saka meron pa, eh, mga babae... minsan mga kaibigan ni Kuya Seatiel. Sina Marcus,” sabay kibit-balikat nito.
Sana lang sina Margaret ang tinutukoy nitong mga babae. Napailing-iling ako.
Sabay na kaming lumabas ni Linda at nagtungo sa fence. Pinupuri nito ang katawan ko. Hindi ko tuloy maiwasang ma-conscious dahil mula nang mapunta ako rito, ngayon na lang ulit ako nakapagsuot ng ganito kahapit na damit. Parati na lang kasi akong nakabestida.
Nag-usap sila ni Seatiel saglit habang abala ako sa pagsusuot ng gloves. Nagkatinginan kami ni Seatiel nang mapansin ko ang pagsulyap-sulyap niya sa gawi ko habang kausap siya ni Linda.
Nang magpaalam ito at bumalik sa farmhouse ay naiwan kaming dalawa ni Seatiel. Huling-huli ko ang mga mata niyang nakatingin sa katawan ko.
This is the first time he saw me wearing something like this. Bakas naman ang kurba ng katawan ko sa mga dress na kadalasang isinusuot ngunit ngayon ay talagang hapit ang jeans at itim na top. It’s hugging my skin perfectly. Sana pala ay tinanong ko si Linda nang mas maluwag na damit.
“Ayos na?” tanong niya nang magtama ang paningin namin.
Tumango lang ako at lumapit sa kabayong mukhang napili niya habang sinusuot ko ang isang itim na riding hat.
“P-Paano kung biglang tumakbo palayo?” nag-aalalang tanong ko habang inaayos na ni Seatiel ang tali ng kabayo. Hindi ito si Cruise kaya nag-aalangan ako dahil baka bigla na lang itong kumaripas ng takbo!
“Ako ang magga-guide. Huwag kang mag-alala, hindi ko patatakbuhin.” Sinabayan niya iyon ng ngisi kaya mas lalo lang akong nag-alangan.
“N-Natatakot ako, Seatiel. Baka tumakbo!”
“Kabayo iyan, Lauren. Talagang tatakbo ‘yan,” sagot niya na ikinasimangot ko.
Napatingin ako sa kabayo. Gumalaw ang buntot nito.
“Paano kung mahulog ako?” tanong ko pa na naisip kung may medic sila, pero kinuha niya na ang kamay ko at inihawak sa ibabaw ng kabayo.
“Bakit ko hahayaang mahulog ka?”
Tiningnan ko siya nang matagal para makasigurado.
“Trust me, Lauren. Ako ang bahala,” paninigurado niya. Inalalayan niya ako paangat sa ibabaw ng kabayo. Mahigpit akong napakapit sa tali. Nakakalula sa taas. Mas lalong nilipad ang mga hibla ng buhok ko palikod.
Hinawakan niya ang bandang baba ng likod ko bilang suporta dahil gumalaw ang kabayo. Hindi ko tuloy napigilang mapakapit nang mahigpit sa braso niya sa kabang mahulog!
“Move your hips forward. Iyon ang hudyat ng kabayo para umabante,” turo niya. “Don’t pull it too hard,” dagdag niya at hinawakan ang kamay ko para itama ang pagkakahawak ko sa tali ng kabayo.
Buong hapon akong tinuruan ni Seatiel. Ilang beses akong halos ma-out of balance pero natutunan ko namang bawiin ang balanse ko. I learned how to follow the rhythm of the horse. Itinuro niya rin sa akin kung paano pahihintuin ang kabayo at ang tamang postura sa ibabaw nito para mabalanse ko nang maayos ang sarili.
Napagod ako sa mga itinuro niya kaya hindi rin kami nagtagal. Nanghina ang mga tuhod ko sa kaba pero na-enjoy ko naman ang taas ng kabayo. Iyon nga lang ay mabilis na napagod ang mga binti ko. Ganoon pala iyon!
“Ayos ka lang?” tanong ni Seatiel nang makababa ako. Binigyan kami ng isa sa mga tauhan ng tubig.
Tumango ako habang umiinom ng tubig. Nagulat pa ako nang hawiin ni Seatiel ang buhok ko palikod kaya dumampi ang malamig na hangin sa leeg at batok ko.
“Pawis ka. Magpalit ka na.”
Tiningnan ko ang sarili. Kanina pa iyang mga mata niya, humahagod sa katawan ko!
Buong hapon kami sa rancho at pagkatapos ay inihatid niya ako kina Ate Aly. Ganoon ang sumunod na mga araw. Sa tuwing wala siya ay tumutulong ako kay Ate Aly sa bayan. Hindi ako masiyadong nabuburyo dahil sa daming pwedeng gawin sa kanila.
Nang turuan niya ako sa paglangoy, isinama na namin sina Margaret. Baka magtaka na sina Ate Aly at ang ibang nakakapansin na lagi kaming umaalis na kaming dalawa lang.
“Relax lang,” bulong niya habang nasa likod ko at iginigiya ang mga braso ko sa tubig. Tumama ang mainit niyang paghinga sa likod ng tenga ko at para bang gumapang ang init niyon hanggang sa batok ko.
Paano ako magre-relax kung ganito siya kalapit? Halos yakapin niya na ako mula sa likod!
“O-Okay...”
Pilit akong nag-focus sa tamang pagkawag ng mga paa sa tubig. Sina Marcus ay abala sa malalim na parte ng ilog dahil magagaling na silang lumangoy. Doon sila nagda-dive habang kami ay malapit lang sa batuhan.
“Relax, Lauren,” ulit niya. Paulit-ulit na pumapatak ang butil ng tubig mula sa basa niyang buhok patungo sa balikat ko. “Damhin mo lang ang tubig. Kung masiyado kang tensyonado, lulubog ka sa ilalim,” utos niya at hinawakan ang bewang ko. Napasinghap ako at nilingon siya sa likod ko.
“P-Paano ako magre-relax? K-Kanina ka pa hawak nang hawak!”
Umangat ang mga kilay niya sabay baba pa sa palad patungo sa balakang ko. Napabuga ako sa hangin nang mag-iwas ng tingin.
“Paanong hindi kita hahawakan? Tuwing binibitawan kita, parang may humihila sa ‘yo pailalim.”
“Iniinsulto mo ba ako, Seatiel?” Masama ko siyang tiningnan. Malalim siyang napahinga at sumuko rin. Binitawan niya ang bewang ko at hinayaan ako.
Hinarap ko siya at ipinakitang kaya ko namang lumutang sa tubig nang walang tulong niya! Kaya ko naman talaga, ayaw niya lang akong binibitawan!
Kaso saglit lang pala iyon dahil lumulubog na ulit ako sa tubig. Hindi ko alam kung paano ko ba pananatilihin ang sarili sa ibabaw.
Hindi na siya nakatiis at hinapit ang katawan ko sa ilalim ng tubig. Halos manlaki ang mga mata ko nang buhatin niya ako at ipinulupot ang mga hita ko sa bewang niya!
“S-Seatiel!” tawag ko at sinulyapan ang mga kasama namin ngunit hindi ko sila matanaw dahil sa malaking batong nakausli malapit sa kinaroroonan namin sa tabi ng batuhan. Hindi rin nila kami natatanaw dahil may kalayuan sila, ngunit naririnig ko pa rin ang bawat talsik ng tubig tuwing may nagda-dive sa kanila.
Gumapang ang mga kamay niya patungo sa likod ko paakyat. Sinandal niya ako sa batuhan. Bumaba ang tingin niya sa mga labi ko na ikinalunok ko!
My face heated.
Baka nakakalimutan niyang hindi lang kaming dalawa ang nandito!
Hindi siya sumagot. Sa halip ay inangat niya ang braso at ipinatong sa batuhang nasa likod ko. He cornered me. Sa lahat ng lugar, dito niya pa napili... really?
Bahagya akong napaatras nang akmang aabutin niya ang labi ko. Itinulak ko ang balikat niya. “Akala ko ba ay tuturuan mo akong lumangoy? I-Iba yata ‘to, eh...”
Seatiel chuckled. “Isa lang...”
Loko talaga! Anong isa lang?
“Please?” Ginamitan pa ako ng namumungay na mga mata! Alam ko namang halik lang ang tinutukoy niya pero baka makita pa kami nina Marga gayong ang alam ng mga ito ay tinuturuan niya akong lumangoy!
Napatingin ako sa basa niyang mga labi dahil sa paglangoy. Binasa niya pa ‘yon lalo when he licked it with his hot tongue, nananadya. Napalunok ako at parang pinanuyuan ang lalamunan. Umihip ang malamig na hangin dahilan para ginawin ang batok at mga balikat ko.
“Why don’t you allow me to court you? Ilang araw na akong nagbabaka sakali, wala kang pinansin sa mga sinabi ko.”
Nag-angat siya ng kilay at tumitig sa ‘kin na ikinakurap ko na lang.
Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaba dahil sa biglaan niyang pagbubukas ulit sa usaping iyon.
“Ano bang sinasabi mo? Ako? L-Liligawan mo? Naririnig mo ba ang sarili mo, Seatiel?”
Malalim siyang huminga at inangat ang kamay sa gilid ng ulo ko. Hinawi niya ang basa kong buhok at inipit sa likod ng aking tainga. Para akong napaso sa haplos niya.
“Hindi ako magiging paulit-ulit kung hindi ako seryoso. Kung ayaw mong magpaligaw, mapipilitan akong angkinin ka sa sarili kong paraan.”
Napasimangot ako sa sinabi niya.
“Hindi naman pwede ‘yang sinasabi mong liligawan mo ako. Ano na lang ang sasabihin nina Ate Aly? N-Nina Margaret?” nauutal kong tanong.
Ilang araw niya nang binabanggit ang tungkol dito at pilit kong hindi pinapansin ang mga iyon, pero ngayon ay seryoso na siya sa pakikipag-usap tungkol sa panliligaw!
“Sinong may pakialam kung anong sasabihin nila? Hindi ang sagot nila ang kailangan ko,” salubong ang mga kilay na saad niya. Iniwas ko ang tingin at pilit binawi ang sarili sa kaniya ngunit mas hinigpitan niya ang hawak sa bewang ko mula sa ilalim ng tubig.
Hindi ko na alam ang isasagot ko. I know he wished for me to stay longer here, pero ni hindi ko na nga iyon sigurado dahil balak kong magtungo sa Maynila sa susunod na linggo! Paano kung hindi na ako makabalik, hindi ba?
Inilapit niya ako lalo sa kaniyang katawan. Niyuko niya ang balikat ko at dinampian ng mga halik habang ang isang braso niya’y kinukulong ako sa batuhan.
“Anong iniisip mo? Ayaw mo na?” madilim ang mga matang tanong niya.
Hindi ako makasagot. Kahit isang salita ay nawalan ako.
“Ano bang gumugulo sa isip mo? Gagawan ko ng paraan, Lauren. Kahit ano. Hmm?” Inangat niya pa lalo ang mga labi patungo sa collarbone ko. Rinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa nakausling bato at ang mga tawanan nina Margaret mula sa unahan.
Alam niyang may iniisip ako at alam niya ring wala akong balak sabihin kung ano ‘yon. Hinuhuli niya ako kaya niya sinabi iyon, na gagawan niya ng paraan, na kahit ano.
“Lauren?” tawag niya.
Napaangat siya ng tingin sa ‘kin at napatigil sa paghalik sa aking leeg. Bumigat ang kaniyang paghinga.
“May problema ba?”
Mabilis akong umiling habang napapalunok. Kahit anong hagilap ko sa aking isipan ay hindi ko mapagtanto roon ang kagustuhang sabihin sa kaniya na aalis ako.
Kapag umalis ako patungong Maynila nang hindi niya alam, hindi niya na ako makikita pa ulit. Hindi niya alam kung saan ako nakatira sa Manila, kung sino ang mga magulang ko. Ni hindi niya alam ang buong totoo kong pangalan.
He won’t be able to find me again. Sa lawak ng sentro, hindi niya na ako mahahanap pa ulit. I’ll disappear from their lives like I was never here in the first place.
Ibinuka ko ang mga labi para subukang iparating ang gusto kong mangyari, na kailangan ko nang umalis, na kailangan kong balikan si Mommy, kailangan ko ring ayusin ang gusot na iniwan ni Papa.
“S-Seatiel, kasi... k-kailangan kong...”
“Uy, tingnan n’yo ang dalawang ito, nagsosolo!”
Parehas kaming natigilan ni Seatiel nang biglang lumitaw si Grayson. Hindi ko napansin ang paglapit niya sa gawi namin na mukhang aahon na!
Napabitaw ako kay Seatiel. Dahil lumuwag ang hawak niya ay nabitawan niya rin ako at dumulas ako mula sa kamay niya.
Nanatili ang tingin namin sa isa’t isa. Sa huli ay ako na ang nagbawi ng tingin at lumapit kina Margaret! Sinalubong din nila ako at nanunudyo kung anong ginawa namin ni Seatiel doon sa batuhan.
Ang boys naman ay dumiretso rin kay Seatiel at tinapik ang balikat nito.
“Nilalandi mo na naman si Lauren, pre?” hagalpak ni Marcus sabay saboy ng tubig kay Seatiel.
“Binata na ang utol ko!” Si Grayson.
“Gago,” tanging sabi ni Seatiel. Sinulyapan ko siya, but there was no humor in his eyes even when they were teasing him! Salubong nang kaunti ang kaniyang mga kilay at sumunod ang tingin sa ‘kin kahit nang nag-iwas ako ulit!
“W-Wala. Nag-swimming lang...” sagot ko lamang kina Lara.
Dumaan pa ang mga araw na ganoon ang ginagawa namin. Mabilis akong natuto sa mga itinuro ni Seatiel. I’ve learned the basics of horse riding. Natuto rin akong lumangoy.
Tuluyan nang naghilom ang mga sugat ko. Kahit papaano ay umayos na rin ang aking pakiramdam kumpara nang una akong napadpad dito.
Hindi pa rin ako makapagdesisyon tungkol sa gagawin kong pag-alis. May parte sa ‘king nagdadalawang-isip lalo na kung hindi ko sasabihin kay Seatiel o maski kina Ate Aly at Nay Issa pero sa tuwing iniisip ko namang sabihin sa kanila, pinapangunahan agad ako ng pagtutol.
I asked Louise if it can wait for at least a few more days or a week, pero nasa hospital na raw kasi si Mommy ngayon dahil nagkasakit. Meaning, Manila cannot wait for another week. Kailangang-kailangan kong umalis.
Naputol ang malalim kong pag-iisip nang biglang may gumulat sa ‘kin mula sa likod. Nang lumingon ako ay sinalubong agad ako ng halakhak ni Creed.
“Tulala ka na naman!” pang-aasar niya habang tinitingnan ang pinipinta ko.
“Bakit ka ba nanggugulat diyan?”
Sumimangot ako at malalim na napahinga, binalik ang tingin sa painting at pinadaan ang paint brush sa malaking canvas.
Nanatili sa gilid ko si Creed habang pinapanood ako. Narito ako sa mansion nila. Palagi niya akong iniimbitahan at ganoon din ang mayor.
Kahit anong araw nga ay pwede akong pumunta at gamitin daw ang art room pero ayoko namang abusuhin ang imbitasyon at pagpapatuloy nila sa ‘kin kaya tuwing walang ginagawa ang mayordoma nila bandang hapon ay saka ako nagpupunta. Hindi araw-araw. Dahil baka maabala ang mga kasambahay nila.
Wala kasi madalas ang mag-ama dahil may tinutuluyan din si Mayor Eugenio sa bayan. Nandoon palagi lalo na kapag busy ang mga ganap sa probinsiya. Ganoon din si Creed na palaging nasa kabilang syudad.
“Ang galing at ganda,” puri niya habang namamangha sa painting ko.
Napangiti ako habang inaayos ang details ng petals para mas maging makatotohanan. I’m painting lilies.
Kulay puting lilies at mayroong ilang berdeng dahon kasama nito. Nakalutang ang bulaklak sa tubig. Sa itim na palibot ay litaw na litaw ang ganda ng puting bulaklak, with its orange stamens in the middle of the flower.
“Bakit lilies?” tanong ni Creed.
Tumigil ako sa pagpipinta at tinitigan ang puting bulaklak. “White lilies... they mean purity and modesty. I just like it. I like white lilies,” sagot ko. “But white lilies can also mean grief and immortality.”
“Immortality?” Bahagyang natawa si Creed habang ang mga mata ay nakapako sa painting. “Are you scared of death, Lauren?”
Ngumiti lang ako habang nagpapatuloy sa pagpipinta. Magaan ang loob ko tuwing hawak ang paint brush at kontrolado ang bawat sulok ng canvas. Ako ang magdedesisyon kung paano ko pagbabagayin ang mga kulay, kung saan banda ang matingkad at kung saan ang mapusyaw.
“I am no longer afraid of dying, Creed. Hindi rin naman napipigilan ang kamatayan. I just don’t want to die in a horrible, unjust way,” halos pabulong kong sagot. “Pero langit pa rin ang magdedesisyon.” Nagkibit-balikat ako.
On the other hand, there are people who live like the dead. In their hearts and minds, everything is lifeless. Inside them, darkness creeps in, threatening to consume them completely.
Nangunot ang noo ni Creed at nagtagal ang tingin sa ‘kin habang patuloy ako sa pagpipinta. Ilang saglit ng katahimikan ay muli siyang nagsalita habang nagbubuntonghininga.
“I don’t want you talking about death, Lauren.”
Nagulat ako nang bigla siyang tumayo at iniwan ako. Sinundan ko siya ng tingin nang umalis siya. Seryoso siya at malalim ang iniisip. Ni hindi nagsalita si Creed at ang tanging iniwan niya’y ang tunog ng pagsara ng pintuan.
Hinayaan ko na lamang siya at medyo napakibit-balikat na lang. Tinapos ko na rin agad ang painting. Babalikan ko pa iyon sa susunod para tuluyang tapusin. Sa ngayon ay iiwan ko na muna dahil baka hinahanap na ako nina Ate Aly.
Lumabas ako sa art room habang pinupunasan ang mga dumikit na pintura sa aking kamay. Habang tinatahak ang kanilang library ay muli akong napatingin sa malaking painting ni Donya Soledad La Senna, ang asawa ni Mayor.
Napatitig ako rito at napangiti. Ang ganda nito... ang amo ng mukha, ang mahaba at kulot niyang buhok ay kulay tsokolate. Mahinhin ang tipid na ngiti nito. She’s like the lily I just painted.
“Lauren, hija?”
Isang boses ang nagsalita mula sa likod ko. Napalingon ako roon at nakita si Mayor, mukhang napaaga ang uwi nito. Nakaramdam tuloy ako ng hiya na naabutan niya akong nandito pa.
“Mayor... kayo po pala. M-Magandang gabi po.”
Tiningnan nito ang painting na pinagmamasdan ko. Gumuhit ang lungkot sa mga mata at nang muling ibalik ang tingin sa akin ay mas malungkot itong napangiti.
“M-May problema po ba?” nagtatakang tanong ko sa don. Napapansin ko ang lagi nitong pagtingin sa akin at saka na lamang ito biglang malungkot na mapapangiti.
There are people who are still alive, but inside them, everything is dead. Is Don Eugenio one of them?
“Pasensya ka na, hija. It’s just that...” Hindi nito maituloy ang sasabihin. “Nevermind me, hija...”
Nagtataka man, tumango na lang ako. Sa huli ay nagpaalam na rin ito sa akin matapos kong tanggihan ang paanyaya nitong dito na ako maghapunan dahil nagluto na ang mga maid nila.
Kumakalam na nga ang sikmura ko kaya lang ay kailangan ko nang umuwi. Ang bilin ni Seatiel ay huwag akong magpapagabi dahil baka maligaw na naman daw ako.
Lumabas ako sa entrada ng bahay at nagulat nang makita si Creed. Nakasandal siya sa kaniyang sasakyan habang magkakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib at malalim ang iniisip.
Ano kayang problema ng isang ‘to?
“Creed? Akala ko ay umalis ka na?” nagtatakang tanong ko at lumapit sa kaniya. Mukhang hindi nito napansin ang paglapit ko dahil nagulat siya nang mag-angat ng tingin.
“Ihahatid na muna kita para hindi ka na maglakad. Delikado at baka maligaw ka na naman. Hindi ka pa naman marunong.” Hindi ko maiwasang mailing dahil katulad na katulad ‘yon sa sinabi ni Seatiel. “Oo nga pala, iyong tungkol sa sinasabi mong pagpunta mo ng Maynila...”
Si Creed nga ang nasabihan ko. Noong una ay ayaw niya talagang pumayag. Ayaw niya raw magpadalos-dalos at baka maging kasalanan niya pa kung mapahamak ako sa gagawin.
Akala ko ay hindi niya talaga ako tutulungan, pero ngayong binanggit niya...
“Tutulungan mo na ba ako?” Nabuhayan ako nang kaunting pag-asa.
Hindi sumagot si Creed. Tutok na siya sa pagmamaneho at sa daan habang tila nag-iisip.
“At paano ka naman babalik?”
“Hindi ko pa alam... titingnan ko pa,” tanging sagot ko kahit ang totoo ay malabo nang manatili pa ulit ako rito kung makauwi na ako ng Maynila.
Sumang-ayon na lamang si Creed pero sabi niya ay pag-iisipan niya pa ulit.
“Sa susunod na araw, Creed... magkita tayo sa ilog. Please, huwag mong sasabihin kahit kanino?” pakiusap ko. Baka kasi banggitin niya kay Mayor.
He tsked. “Ako ang natatakot sa ‘yo, Lauren. Huwag mo na kayang gawin ‘yan?”
Napasimangot ako. Atras-abante talaga siya! Ngayon tuloy ay pinag-iisipan ko na kung bakit ko pa sinabi sa kaniya. Pero wala na siyang pagpipilian, he needs to help me! Dahil kung sasalungatin niya ang plano ko, ibig sabihin lang niyon ay ipapaalam niya kina Margaret!
“Okay, okay, papayag na ako. Basta sasamahan kita hanggang Maynila. At eroplano ang sasakyan natin para madali.”
Hindi rin siya nakatiis at pumayag sa huli. Sumang-ayon na lang ako kahit hindi sana iyon ang balak ko. Ano pang magagawa ko? Ako ang nanghihingi ng pabor. Pero mukhang mas mabuti ngang hindi ako magiging mag-isa.
Nilingon ko si Creed sa driver’s seat nang makababa ako sa kaniyang sasakyan. Malalim siyang bumuntonghininga at dinungaw pa ako para sa pahabol niyang sagot.
“Madaling araw. Bago magliwanag. Gaya ng sabi mo. Sa ilog. Kung wala ako roon, magtungo ka sa mansion. Magbibilin ako sa driver na ihatid ka diretso sa bayan. Doon ako maghihintay. Okay ba?”
Tumango-tango ako at ngumiti. “Okay! Darating ka, ha? Pangako ‘yan!”
“Sige na, sige na. Baka magbago pa ang isip ko!” aniya habang inuutusan akong tumulak na pauwi dahil dumidilim na.
Nagpasalamat ako at kumaway pa sa kaniya bago sinara na ang pinto. Napapakamot naman ito sa ulo na tila ba nauto ko siyang pumayag. Basta wala nang bawian!
Kinabukasan ay naging abala ako sa pag-iisip sa mga dapat kong gawin pabalik ng Maynila. Ang sabi ni Creed ay huwag kong intindihin ang mga gagastusin at mga kakailanganin sa byahe dahil siya raw ang bahala.
Pinilit kong babayaran ko ang lahat pagdating ng Maynila sa sandaling makakuha ako ng pera.
Kasama ko sina Margaret nang hapon bago ang napag-usapan namin ni Creed na pagkikita. Wala silang kamalay-malay tungkol sa pag-alis na gagawin ko. Kahit sina Cindy at Bom, o sina Ate Aly.
Naisipan kong babalik na lang ako sandali o magpapadala ng sulat kapag nasa Maynila na ako. Para makausap sila nang maayos at masabi ang mga gusto kong sabihin.
I felt guilty and sad. Sa totoo lang ay ayaw ko namang umalis kung hindi lang ito ang dapat na gawin.
Hindi ko nakausap si Seatiel dahil buong araw siyang wala. Naisip kong mabuti na rin iyon dahil hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Baka magbago pa ang isip ko kung makita ko siya’t magkausap kaming dalawa.
“Ah, si Seatiel ba kamo? Nasa bayan yata! O kaya nasa syudad. Hindi nagpakita ngayong araw, eh,” sagot ni Marcus nang mapagtanungan ko siya kung nasaan si Seatiel. Ngayon ay ibang babae na naman ang kasama. “Bakit? Hinahanap mo?”
Ngumiti lang ako at umiling. “Hindi. Nagtanong lang kasi si Ate Aly kanina...”
Tumango na lamang si Marcus. Iniwan ko na rin sila.
Doon ko naisipan na tumuloy na lang sa bahay na bato. Wala naman talagang namamalagi roon. Depende na lamang kung may mapadaan at kailangan ng masisilungan. Doon na lamang ako magpapalipas ng oras habang hinihintay si Creed.
Nagpaalam na ako kina Ate Aly. They didn’t even doubt. Wala kasing kataka-taka dahil wala naman akong dalang kahit ano. Kaya kung hindi ako sisiputin ni Creed, uuwi lang din ako at maghihintay ng ibang araw, pero malamang ay masasaktan ko siya kapag inindyan niya ako!
Malalim akong napahinga habang tinatahak ang damuhan, dinadama ang sariwang hangin ng La Esperanza.
I will miss this place. It warmed my cold heart and lightened my dark, empty life. It brought me the peace I’ve been longing for.
Ito ang nagpakilala sa ‘kin sa isang simple ngunit masayang pamumuhay, na minsan pala hindi natin kailangan ng karangyaan o ng mga materyal na bagay para maging masaya o maging komportable. Things are always great when they are not more than enough.
It introduced me to a lot of simple yet meaningful things, at sigurado akong lahat ng mga natutunan at napagtanto ko rito sa La Esperanza ay madadala ko kahit saan man ako magpunta.
Maliit akong napangiti nang marating ang bahay na bato. Tinungo ko ang duyan sa ilalim ng puno kung saan natulog si Seatiel noong unang beses naming nagpunta rito.
The gentle wind embraced me, tossing my hair softly. Kumapit ako sa duyan at naupo. Inihilig ko rito ang katawan at tahimik na pinagmasdan ang lumulubog na araw sa kalangitan. Parang may humaplos sa puso ko habang pinagmamasdan ang nag-aagaw na mga kulay roon.
The sun’s going down. In a few minutes, it will be dark here. And now, I am truly alone.
Bumuntonghininga ako at hinayaang damhin ang sandali. Hinayaan ko ang hangin na liparin ang buhok ko.
Mayamaya lang ay darating na si Creed para samahan ako patungong Maynila. Pagtapos niyon ay hindi ko na alam.
Biglang sumagi sa isipan ko si Seatiel. His voice when he asked multiple times about courting me. Pero lahat ‘yon ay pilit kong winaksi sa isip ko. Natatakot ako. Natatakot akong mahalin si Seatiel nang tuluyan. Pakiramdam ko’y hindi ako nababagay sa lugar na ‘to... sa kaniya.
He doesn’t even know the real me. Kung may nararamdaman man siya, iyon ay para kay Lauren at hindi kay Isla. He loves this version of me, pero hindi lang ito ang tunay na ako.
I’ve changed a lot since luck brought me to La Esperanza ngunit kahit anong paglayo ang gawin ko, may buhay ako sa Maynila, hindi bilang si Lauren kundi bilang si Isla, a girl who ran away and disappeared out of nowhere after an issue with her actor ex-boyfriend, and after my own parents arranged for me to marry someone I don’t know.
Ginugulo ni Seatiel ang isip ko kahit pa wala siya rito. He won’t just leave my mind!
Isang araw lamang siyang wala ngunit hinahanap ko agad ang presensya niya. I miss him... and I want to see him before I go, kahit alam kong hindi niya na rin ako maaabutan.
Mababaw akong nakaidlip dahil sa banayad na hangin. Hanggang sa panaginip ko mula sa mababaw na tulog ay si Seatiel ang nasa isip ko.
So, when I heard his voice... I thought I was hearing things. Akala ko’y sa isip ko lamang iyon kaya nang imulat ko ang mga mata at makita siya ay tila lasing pa ako mula sa isang panaginip.
“Lauren,” he called. His voice was so gentle.
Naalimpungatan ako. Saka ko lang napagtantong totoong naroon siya nang hawiin niya ang buhok ko at nang magtama ang paningin naming dalawa. Naramdaman ko ang init ng haplos ng kaniyang daliri sa pisngi ko.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya.
“S-Seatiel? K-Kailan ka pa dumating?” naaalimpungatang tanong ko. Bahagya nang dumilim ang paligid kumpara kaninang bago ako makatulog.
Napakusot pa ako sa mga mata para siguraduhing hindi ako nananaginip. Natigilan ako at napatitig kay Seatiel nang mapagtantong naroon talaga siya.