5th Lie

1213 Words
TUMIGIL sa pagta-type si Riri nang marinig ang malakas na paghilik ni Stranger. Naiinis na nilingon niya ang binata. Pero kahit anong inis niya, hindi rin naman niya ito mapagsabihan dahil nakakahiya namang gisingin ito sa kalagitnaan ng klase. Oops. Wala rin naman siya sa lugar magsalita dahil siya nga, gumagawa ng business report habang nag-le-lecture ang teacher nila. Mapagsamantala rin itong si Stranger. Nang napansin nitong hindi siya pinapakialamanan ng mga teacher kahit na nag-la-laptop lang siya sa klase, nakipagpalit ito ng puwesto kay Ryder na mabilis pumayag dahil sina Stranger at Valeen ang magkatabi. Hindi naman kasi alphabetical order ang seating arrangement nila. Habang nakatitig kay Stranger, napansin na naman niya kung ga'no kakinis ang mukha nito. Hindi niya na napigilan ang sumunod niyang ginawa. Kinuha niya ang pen niya at marahang tinusok-tusok ang dulo niyon ('yong may cap) sa pisngi ng binata. Kumunot ang noo ni Stranger at umungol ng mahina. Pagkatapos ay tinapik nito ang kamay niya. Masakit, ha! Nainis si Riri kaya tinanggal niya ang cap ng pen niya at nag-drawing ng cactus sa pisngi ni Stranger. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng cactus, pero naalala niyang iyon ang ipininta ng lalaking ito sa kotse niya. Sa pagkakataong 'yon ay mas lumakas ang ungol ni Stranger, pagkatapos ay tinapik uli nito ang kamay niya habang bumabangon ito. Nakapikit pa rin ito nang mag-inat ito, saka siya binalingan. Masama ang tingin nito sa kanya. Pero nakakainis lang. Ang guwapo pa rin kasi nito kahit gulo-gulo na ang buhok. "Problema mo?" angil ni Stranger sa kanya. "Ako, Agustin?" singit ng teacher nila, halatang mainit ang ulo. "Hindi mo tatanungin kung anong problema ko sa'yo?" Pumalataktak si Stranger, pagkatapos ay sinulyapan nito ang wall clock bago muling binalingan ang teacher nila. "Sir, overtime na naman kayo, eh. Gutom na kami." Umungot na rin ng vacant ang buong klase kaya walang nagawa ang teacher nila kundi ang i-dismiss sila, pero kapalit niyon ay dinoble naman nito ang ibinigay na homework sa kanila. "Sa labas ng school ka ba uli kakain?" tanong ni Stranger no'ng pareho na silang nagliligpit ng gamit. "Ang sabi ni Kuya M, sa labas ka raw nag-la-lunch kaya ipagmamaneho kita." Umuwi na rin kasi si Kuya M matapos nitong masiguro na safe at maingat mag-drive si Stranger. Pero babalik itong mamayang uwian nila kahit na sinabi niyang magpahinga na lang ito. Gusto nitong makasiguro na iuuwi nga siya ng ligtas ng bago niyang "driver." "Oo. Sa labas uli ako mag-la-lunch," sagot naman ni Riri. "Saan?" "Sa karenderia ng lola mo." "Ah. Sa karenderia–" Marahas na nilingon siya ni Stranger. "Wait, what?" "Gusto kong mag-lunch sa karenderia ng lola mo," pag-uulit ni Riri "Ang sarap kasi ng luto niya, eh. Bawal ba?" Umiling si Stranger. Pero bakas pa rin sa mukha nito ang pagkabigla. "Hindi ko lang in-e-expect na nagustuhan mo talaga ang luto ng lola ko." May sasabihin sana si Riri, pero may tumapik sa balikat niya. Nalingunan niya si Valeen na kasunod sina Ryder at Disc. "May kailangan ka ba sa'kin?" Tumango si Valeen. All smiles ito, pero halata namang peke 'yon. "Samahan mo naman akong mag-CR." "Bakit kailangan pa kitang samahan sa CR?" "Kasi parte ka na ng barkada. At tayo lang ang girls sa grupo kaya kailangang sabay na tayong mag-CR simula ngayon." Nakaramdam ng munting boltahe ng kuryente si Riri. Kung gano'n, nagsisinungaling si Valeen. Mukhang gusto lang siya nitong makausap. Tumayo siya. "Alright." Binalingan niya si Stranger. "Just wait for us here." Tumango si Stranger. "Bilisan niyo lang mag-CR, ha?" Ipinaikot lang ni Riri ang mga mata niya. Sa pagkagulat niya, umabistre si Valeen sa braso niya at hinila siya palabas ng classroom. Pero pagdating nila sa pasilyo, binitawan agad siya nito. Pagkatapos, humarap ito sa kanya. Nakataas ang kilay nito at nakahalukipkip pa. Mukhang may lahing banyaga si Valeen dahil tisay ito. Maganda rin ito pero mataray, matangkad, at halatang sinusubukan nitong i-intimidate siya. Pero hindi naman siya nagpa-intimidate. Kahit na nakatingala siya kay Valeen, humalukipkip din siya at binigyan ito ng malamig na tingin. "Kung may sasabihin ka, pakibilisan," walang emosyon na sabi ni Riri. "Nagugutom na ko." Hinawi ni Valeen ang bangs nito bago ito sumagot. "Mabilis lang naman talaga 'to. Gusto ko lang sabihin sa'yo na pakawalan mo na ang hubby ko bilang "alipin" mo." Kumunot ang noo ni Riri. "'Hubby?' Si Stranger?" Tumango si Valeen. "Oo. Hubby ko si Stranger, at ako ang wifey niya." "Alam ba ni Stranger na "wifey" ka niya?" Namula ang mukha ni Valeen sa pagkapahiya, pero umirap lang ito. "Hindi ko pa siya na-i-inform, pero kami pa rin naman ang magpapakasal sa future kaya gano'n din 'yon. FYI, hindi ko gusto na nakikita siyang dikit ng dikit sa'yo para lang makabawi sa atraso namin sa'yo." Tumango-tango si Riri. Hindi siya madaling mainis nang walang sapat na dahilan, pero naiinis talaga siya kay Valeen ngayon. "Okay. So... babayaran niyo na ba ko?" Ngumisi si Valeen. "Maghintay ka lang. Pagkatapos ng photo shoot ko, mababayaran agad kita ng sixty thousand pesos. 'Yon ang talent fee ko sa stint na gagawin ko." Kumunot ang noo ni Riri sa pagtataka. "Sixty thousand pesos agad ang ibabayad sa'yo sa photo shoot na 'yan? Anong klaseng stint 'yan? Is that a photoshoot for a magazine? What kind of magazine?" "Bakit ba ang dami mong tanong?" iritadong tanong naman ni Valeen. "Because your story sounds fishy," sagot naman ni Riri. "I've had friends in the modelling industry. So kahit pa'no, may alam ako sa sinasabi mo. Are you gonna model for a teen magazine because you're just like, what? Sixteen? Seventeen? You're not gonna pose for a sexy magazine, are you?" Pinisil ni Valeen ang tungki ng ilong nito. "Mag-Tagalog ka nga. Tisay lang ako dahil nabuntis ng 'Kano ang nanay ko pero mahina ako sa English!" Hindi naman sa minamaliit ni Riri si Valeen, pero napaka-imposible namang bayaran agad ito ng sixty thousand pesos para sa isang photo shoot lang. Depende na lang siguro kung kilala ang magazine o kung anumang klaseng print ad na nangangailangan ng isang teenager bilang modelo. "Anong klaseng photo shoot ang gagawin mo? Para ba 'yan sa magazine? At kung oo, anong magazine naman?" "T-teen magazine... yata." Nakaramdam ng munting boltahe ng kuryente sa katawan si Riri. Nagsisinungaling si Valeen. "Mukhang hindi mo alam kung anong klase ng photo shoot ang pupuntahan mo." Hinawi ni Valeen ang buhok nito. "Friend ni Mama ang nag-recommend sa'kin sa photo shoot na 'yon. Saka ano bang pake mo sa gagawin ko? Ang mahalaga lang naman, mabayaran ka namin, 'di ba?" "Alam ba nina Stranger 'yang gagawin mo?" Pinanlakihan siya ni Valeen ng mga mata. "Huwag na huwag mong sasabihin sa hubby ko ang tungkol sa raket ko. Gusto ko siyang i-surprise kapag napalaya ko na siya mula sa pang-aalipin mo. Kaya secret lang natin 'to, okay?" "Delikado 'yang pinapasok mo, Valeen." "Ano'ng pake mo?" mataray na sabi nito. Ano nga bang pake ni Riri? Kung siya lang, pinabayaan na niya ang babaeng ito. Pero naalala niyang gusto ni Ryder si Valeen. Kung may masamang mangyayari dito, siguradong malulungkot ang pamangkin niya. "Kailan 'yang photo shoot mo?" Halatang nagtaka si Valeen sa tanong niya, pero sumagot din naman ito. "Mamayang uwian. Bakit?" "Sasamahan kita."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD