"PAKIUSAP... 'WAG! LUMAYO KA SA AKIN..."
Nagising si Jerome dahil narinig n’ya ang boses ng kan’yang misis at gano'n na lamang ang pag-aalala n’ya nang masumpungang binabangungot na naman ito.
"Carol, gising! Hon, binabangungot ka na naman!" Bakas ang pag-aalala sa tinig ni Jerome. Pasado ika-dalawa na ng umaga ng sumunod na araw at sa mga nagdaang gabi ay sunod-sunod na nakakaranas ng bangungot si Carol na labis namang ipinag-aalala ni Jerome.
Napadilat ng mata si Carol dahil sa yugyog ng kan’yang mister saka mabilis na yumakap dito. Hindi na rin n’ya napigilang umiyak. Naramdaman naman n’ya na niyakap s’ya ni Jerome saka inalo.
"Jerome, natatakot ako! Napanaginipan ko na naman si..."
"Sshh..." Putol ni Jerome sa sinasabi ni Carol. Alam na alam n’ya kung sino ang tinutukoy nito. Nang bahagyang tumahan si Carol ay nagpasya si Jerome na ikuha ito ng tubig na maiinom sa kusina at pagbalik n’ya sa silid nila ay naabutan n’yang nakatulala ang kan’yang misis habang nakaupo't nakasandal sa headboard ng kama. Tahimik na pinagmasdan ni Jerome ang kan’yang asawa at muling nakaramdam ng habag para rito.
Ang laki ng ipinayat ni Carol simula nang maospital ito. At palagi itong maputla. Hindi na rin ito nagkaroon ng maayos na tulog at pagkain sapagkat maya't maya ito kung mag-breakdown. May mga pagkakataon pa nga na nahuhuli n’ya itong nagsasalita mag-isa habang kinakausap ang kanilang namatay nang anak. Awang-awa si Jerome sa kan’yang asawa. Hindi na ito ang Carol na masayahin at punong-puno ng buhay. Malaki na ang ipinagbago nito matapos ang insidenteng kinasangkutan nito.
Nagulat si Carol nang ipatong ni Jerome ang kamay nito sa kan’yang balikat. Napatingin s’ya sa lalaki saka pinagmasdan ang inaabot nitong baso na may lamang tubig. Kinuha iyon ni Carol at lumagok ng kaunti saka inilagay sa lamesita kalapit ng kanilang kama ang naturang baso. Bahagya n’yang ningitian si Jerome na nangangahulugang nagpapasalamat s’ya at tumugon naman ng ngiti ang kan’yang mister. Umupo ito gilid ng kama at hinimas ang kan’yang tuhod. Muling napangiti si Carol. Nakaramdam s’ya ng kapanatagan.
"Okay ka na ba?" Malambing na tanong ni Jerome.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" Mabilis na napawi ang ngiti ni Carol bago iniilag ang tingin sa asawa. Hindi n’ya alam kung ano ang mainam na isagot, ayaw naman n’yang magsinungaling na ayos lamang s’ya gayong hindi naman talaga.
"Carol?" Tanong ni Jerome nang 'di sumagot ang kan’yang misis.
Naramdaman ni Carol na bahagyang lumapit si Jerome kaya ibinaba n’ya ang kan’yang tuhod saka sumiksik sa kan’yang asawa. Ramdam n’ya ang paggapang ng init nito sa kan’yang katawan na ikinahinahon naman ulit n’ya.
"Jerome, natatakot ako..." Saad ni Carol.
"Ayokong makulong, Jerome!"
"Hindi ka makukulong, Carol. Kaya 'wag ka nang matakot pa." Mahinahong wika ni Jerome. Napakalas naman si Carol sa pagkakayakap sa mister n’ya. Ikinakunot ng kan’yang noo ang tono nitong tila siguradong-sigurado sa sinabi nito sa kan’ya.
"Pero hindi ako mapalagay..." Napatingin si Carol sa sahig. Simula nang makalabas s’ya sa ospital dalawang araw na ang nakakaraan ay ito ang unang pagkakataon na binanggit n’ya sa mister ang takot na paulit-ulit n’yang nararamdaman.
"Jerome, ano na palang nangyari kay John?" Napalunok-laway si Carol. Muling namayani ang tinding takot sa kan’yang dibdib. Ito ang unang beses na naglakas-loob s’yang tanungin ang nangyari sa bangkay ni John. Ito ang unang pagkakataon na hinarap n’ya ang kan’yang takot.
Wala s’yang ideya kung ano ang ginawa ni Jerome sa bangkay ni John. Kung itinago ba n’ya ito o kung paano at saan nito ito itinago. Wala s’yang alam! Sa loob ng ilang araw na lumipas ay alalang-alala si Carol na anomang sandali ay may mga pulis na kumatok sa kanilang pinto at arestuhin na lamang s’ya. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit palagi s’yang hindi mapakali o makatulog ng maayos sa gabi. Ayaw n’yang makulong. Alam n’ya na mas magiging miserable s’ya sa kulungan at ayaw n’yang maranasan iyon! Ayaw n’yang mag-isa at mapalayo sa kan’yang pinakamamahal na asawa!
Samantala, namutla at napalunok-laway naman si Jerome dahil sa paulit-ulit na tanong ni Carol. Nakaramdam s’ya ng agam-agam sa loob n’ya ngunit pinili na lang n’yang isantabi iyon.
"Jerome! Jerome, ano ba? Sagutin mo ‘ko, please!” Tumatangis na si Carol. Malumanay lamang s’yang tinitingnan no'n ni Jerome habang inaalo s’ya. Tapos ay lumapit ito sa kan’ya at hinila s’ya para yakapin. Nabigla si Carol ngunit hinayaan na lang n’ya iyon at sa halip ay isinubsob na lamang n’ya ang mukha sa balikat nito habang humihikbi.
"Hindi kita hahayaang makulong, Carol, magtiwala ka sa akin. Poproktektahan kita, hinding-hindi kita hahayaang kunin sa ‘kin ng kahit na sino." Wika ni Jerome na tila musika naman sa pandinig ni Carol.
"Mahal na mahal kita."
Mas hinigpitan pa ni Carol ang pagkakayakap sa mister. Hindi n’ya mawari ngunit tila ang gaan na ng kan’yang pakiramdam. Para s’yang dinuduyan at hinehele dulot ng mga katagang binitawan nito. At nang sabihin nito kung gaano s’ya nito kamahal ay hustong kapanatagan at kapayapaan ng kalooban ang naramdaman ni Carol. Kinasabikan n’ya iyon matapos ang lahat-lahat. At hiniling n’ya na sana ay hindi na ‘yon matapos. Nagtitiwala s’ya ng labis sa tinuran ni Jerome, na papangalagaan s’ya nito at hindi s’ya hahayaang mahiwalay kahit na anong mangyari.
"Mahal na mahal din kita, Jerome." Isang malumanay na ngiti ang gumuhit sa ng nobelista nang marinig ang tugon ng kan’yang asawa.
"Gaano mo ako kamahal, Carol?"
"Higit pa sa buhay ko.”
"Kung gano'n, mapapabigyan mo ba ako kung sakaling humingi ako ng isang espesyal na pabor?" Naramdaman ni Jerome na humigpit ang pagkakayakap ni Carol sa kan’ya.
"Oo naman. Kahit na ano, Honey, sabihin mo lang." Saad ni Carol. Nagsimulang magsalita si Jerome at matama namang nakinig si Carol.
***
TAHIMIK na pinagmamasdan ni Jerome ang katutulog pa lamang na si Carol. Pasado alas kuwatro na ng madaling araw at hirap na s’yang makabalik sa pagtulog kaya nagpasya s’yang uminom. Marahan s’yang bumangon sa kama saka nagtungo sa cabinet para kumuha ng alak. Nagsalin s’ya sa baso at naupo sa sofa saka sumandal dito. Napapikit ng mata ang nobelista at hinayaang maglagalag ang kan’yang isipan pabalik sa apartment ni John. Tapos naiyak s’ya nang maalala ito.
Mabilis n’yang pinahid ang luha saka s’ya nagtungo sa banyo at nagkulong doon. Pumunta s’ya sa bath tub at naupo doon. Niyakap n’ya ang kan’yang tuhod saka tahimik na humagugol. Ang tagal din n’yang inipon sa kan’yang dibdib ang sobrang kalungkutan at pighating nararamdaman n’ya simula nang mangyari ang insidenteng ng karumal-dumal na pagpaslang ng kan’yang asawa kay John.
Muling nagbalik sa gunita ni Jerome ang mga tagpo nang una n’yang makilala si John at nang sadyain n’ya ito sa tinutuluyan nitong apartment, halos ilang linggo na rin ang nakakalipas.
"Hi, Mister Sandoval." Tiningnan ni John mula ulo hanggang paa ang naturang lalaki. Wala s’yang ideya kung sino ito.
"At sino ka naman?" Tanong n’ya kay Jerome dahilan para mapangiti ito. Napailing naman si John. Hindi s’ya komportable sa prisensya ng nobelista at hindi n’ya alam kung ano ang pakay nito sa kan’ya.
"Ako nga pala si Jerome San Diego. Gusto sana kitang kausapin para makipagkasundo. 'Wag kang mag-alala, malaki ang ibabayad ko sa offer na ito." Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Jerome. Alam n’ya kung paano kukuhain ang atensyon ni John— At ‘yun ay sa pamamagitan ng pera.
"Okay. Hindi ko alam kung ano ‘yong sinasabi mong offer pero puede naman nating pag-usapan sa loob." Saad ni John. Napangiti naman si Jerome. Sinundan n’ya ang lalaki papasok sa apartment nito. Pagdating sa loob ay inilapag ni John ang plastic na bitbit sa mesa saka inilabas ang biniling beer in can.
"Gusto mong uminom?" Alok n’ya kay Jerome.
"Sure, thanks." Napangiti si John sa 'di nito pagtanggi. Saka iniabot dito ang binuksan na n’yang lata ng beer. Sa wari ni John ay mukha itong may pera base na rin sa linis ng hitsura nito at uri ng pananamit.
"Matanong lang kita, Mister San Diego..."
"Jerome na lang."
"Um, okay. Jerome, paano mo nalaman itong tinitirhan ko? Paano mo ako nakilala? At ano ba ‘yong sinasabi mong offer?" Sunod-sunod na tanong ni John. Lumagok muna si Jerome ng beer bago nagsalita.
"Isa akong nobelista, John. At isa sa mga kaibigan ko si Rhia." Bahagyang nabigla si John nang marinig ang pangalan ng babaeng kani-kanina lang ay nambuysit sa kan’ya. Napansin naman iyon ni Jerome kaya lihim s’yang napangiti.
"At tulad mo ay kliyente ko rin s’ya. Ngunit hindi gaya ng iniisip mo ang ibig kong sabihin." Nagkatawanan ang dalawang lalaki.
"Nito lang nakalipas ay natapos ko na ang huli kong nobela na pinagbibidahan n’ya at pinaplano ko na namang magsimula ng panibago. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na galing sa kan’ya o kung sa kanino ang mga karanasan na isusulat ko, kundi galing na mismo sa akin." Muling natawa si John.
"Okay. At ano naman ang kinalaman ko sa susunod mong kuwento, aber?"
"Malaki ang bahagi mo sa kuwentong naiisip kong isulat kaya sinadya kita para makipagkasundo sa ‘yo ngayon."
"Bakit hindi mo na lang ako direstuhin, Jerome, ang dami mo pang sinasabi." Ramdam ni Jerome ang pagkainip sa tinig ni John na labis n’yang ikinatutuwa.
"Gusto kong umarte ka bilang nobyo ko." Napahalakhak si John. Hindi n’ya inaasahan ang iaalok sa kan’ya ni Jerome. Muli n’yang tiningnan ang nobelista at binasa. Umaasa s’yang nagbibiro lamang ito ngunit base sa hitsura nito ay seryosong-seryoso ito sa inaalok nito sa kan’ya.
"Paano kung ayoko?" Saad n’ya kay Jerome. Sa totoo lang, bago sa kan’ya na makipag-ugnayan sa kapwa n’ya lalaki. Wala pa s’yang karanasan kaya nagdadalawang-isip s’ya.
Hindi naman natinag si Jerome sa tinuran ni John. Inaasahan na n’ya na baka tumanggi ito at alam n’ya kung paano ito mapapapayag.
"Ikaw ang bahala. Pero sayang naman kasi sa halagang ibabayad ko sa ‘yo eh puede mo nang mabayaran ang atraso mo sa mga pinagkakautangan mo."
Napaawang ang bibig ni John dahil sa sinabi ni Jerome. Matalino ang taong ito para gamitin sa kan’ya ang pangangailangan n’ya para s’ya makumbinsi. Napangiti naman si Jerome dahil alam n’yang makukuha n’ya si John. Ilang araw na rin n’ya itong minamanmanan at alam n’ya na hina-hunting ito ng mga pinagkakautangan nito sa casino. Patunay nito ang pasa sa labi ng lalaki dahil sa pagkakabugbog dito ng tauhan ng mga pinagkakautangan n’ya kamakailan lamang. Hirap sa pera si Jerome. At kaya n’ya pinasok ang paghohosto ay dahil 'di hamak na mas malaki ang kita dito kaysa pagwi-waiter. Ngunit may bisyo ang binata. Laman s’ya ng casino at kung ano-anong sugal o at kung sino-sino ang kan’yang tinatalo kaya napakarami ng kan’yang atraso sa ibang tao. At kung ito na ang tsansa para mabayaran ang ilang pinagkakautangan n’ya, lalo na iyong mga nagbabanta sa kan’yang buhay, ay sino ba naman s’ya para tumanggi sa grasya?
"Bakit mo ‘to ginagawa, ha?" Tanong ni John kay Jerome. Bahagya munang in-adjust ni Jerome ang suot na salamin sa mata saka matipid na sumagot.
"Dahil sa pag-ibig."
At ang lahat ay magbabalik sa kasalukuyan.
Pinahid ni Jerome ang luha saka tumayo at nagtungo sa lababo. Binuksan n’ya ang gripo at naghilamos. Napahinto s’ya at napatingin sa sarili n’yang imahe sa salamin. Saka napaawang ang bibig n’ya ng tila nakikita n’ya sa repleksyon ng salamin ang namumuong itim na usok sa kan’yang likuran. At 'di naglipas-saglit ay nag-anyo itong imahe ni John. Duguan ang mukha nito ngunit bakas ang labis na kalungkutan sa mga mata nito. Muling napahikbi si Jerome habang hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig kay John.
"Patawad... patawarin mo ako, John..." Mahina n’yang usal. Napasapo s’ya sa kan’yang bibig upang pigilin ang ingay na dulot ng kan’yang pagtangis. Agad din namang nawala ang imahe ni John paglingon dito ni Jerome. Saka muling napahagulgol ang nobelista.
Sa maiksing sandali na nakasama n’ya si John ay aminado s’yang nagkaroon na rin ito ng puwang sa kan’yang puso. Kahit na alam n’yang palabas lamang ang pagiging nobyo nito sa kan’ya ay hindi n’ya maikakaila na nakaramdam din s’ya ng saya— kakaibang saya, na noon lamang n’ya naranasan sa buong buhay n’ya. Sa katunayan, matapos s’yang halikan ni John ay sinimulan na n’yang hanap-hanapin ang labi nito.
***
NAPAKAGAT-LABI si Carol habang tahimik na pinakikinggan ang pagtangis ng kan’yang mister. Hindi n’ya mawari subalit nakaramdam s’ya ng matinding pagkaawa kay Jerome. Alam n’ya na pinipilit lamang magpakatatag ng asawa n’ya ngunit natatakot din ito. Tulad n’ya.
Mahal na mahal ni Carol si Jerome. At ayaw n’yang nakikitang nalulungkot ito ng gano'n kaya naman nakapag-desisyon na s’ya.