Chapter 10 (Finale)

4394 Words
SAMANTALA, ikawalo ng umaga ng araw pa ring iyon, sa opisina ni Rhia. Kausap ng dalaga sa telepono ang kaibigang si Lexa habang iniinom ang paborito n’yang inumin. Nakakatulong iyon para mapakalma s’ya. Dalawang araw na rin ang mabilis na lumipas mula nang ma-discharge s’ya sa ospital. Dumiretso kaagad s’ya sa kan’yang opisina para hanapin doon ang kan’yang nawawalang baril ngunit makailang beses na n’yang hinalughog ang lugar na iyon ay wala pa ring ni anino ng kan’yang baril ang nakikita n’ya. Kinakain s’ya ng pag-aalala sapagkat hindi n’ya maisip kung saan n’ya posibleng naiwan ang bagay na ‘yun. "Rhia, you okay? Nandiyan ka pa ba?" Napukaw si Rhia nang rumehistro sa kan’yang pandinig ang boses ng kaibigan na nasa kabilang linya. Nagbalik s’ya sa sarili. "Pasensya ka na, may iniisip lang ako." Pag-amin n’ya saka nilagok ang iniinom na alak. "Iniisip mo na naman ba ‘yong nawawalang baril mo?" "Nag-aalala kasi ako, Lexa. Hindi ko maalala kung saan ko naiwan ‘yong baril ko." Narinig ni Rhia na napabuntong hininga si Lexa. "Rehistrado naman iyong baril mong 'yon, 'di ba?" "Oo naman, Lexa! Kinuha ko iyon for personal protection." "Kung gano'n eh nag-report ka na ba mga otoridad?" Napalunok-laway si Rhia dahil sa tanong ni Lexa. Hindi kaagad s’ya nakasagot ngunit tila naunawaan naman iyon ng kan’yang kaibigan. "Kung ako sa ‘yo eh magre-report na ako. Mamaya magamit pa ‘yon sa kung anong uri ng krimen, e, 'di lagot ka na talaga!" Saad ni Lexa. Napabuntong hininga si Rhia. Kung tutuusin ay may punto ang sinabi ng kaibigan n’ya. Ngunit ewan ba n’ya sapagkat wala pa rin s’yang lakas ng loob na kumausap ng kahit na sinong nasa kapulisan. Natatakot pa rin s’ya sa dahilang s’ya lamang ang nakakaintindi. Nasa gano'ng pag-iisip si Rhia nang makarinig s’ya nang katok. Napatingin s’ya sa pinto ng kan’yang opisina at bahagyang ginapangan ng kilabot. "Lexa, kailangan ko nang ibaba ang telepono." Bakas sa tinig ni Rhia ang panginginig. "Ha? Bakit, sanda..." Hindi na natapos ni Lexa ang sinasabi nang babaan na s’ya ng telepono ni Rhia. Muling narinig ng dalaga ang katok sa kan’yang pinto kaya napatayo s’ya. Sinilip n’ya sa monitor ng intercom kung sino ang nasa labas. Gano'n na lamang ang gulat n’ya nang makitang nakatayo sa kabilang pinto ang asawa ni Jerome na si Carol San Diego. *** NAGDALAWANG ISIP pa si Rhia kung pagbubuksan n’ya ng pinto si Carol ngunit pinagbuksan n’ya pa rin ito. Tumambad sa kan’yang harapan ang maamong mukha ng babae, hindi maikakaila ang kagandahang taglay nito na binagayan pa ng suot nitong pulang bestida. Ngunit sandali lamang ang paghangang iyon sapagkat nagbalik sa gunita ni Rhia na ang naturang babaeng nakatayo sa kan’yang harapan ay ang salaring pumaslang sa lalaking kan’yang iniibig na si John. Napakuyom ng kamao si Rhia ngunit pinigil n’ya ang galit. Besides, wala s’yang ideya kung bakit s’ya binisita ni Carol. "Magandang gabi, Miss Cinco. Ako nga pala si Carol San Diego, asawa ng nobelistang si Jerome San Diego." Mahinahong wika ni Carol. "Naikuwento ka sa ‘kin ng asawa ko at gusto kong personal na magpasalamat sa ‘yo sa mga tulong na naibigay mo sa mga nobela n’ya. Para sa ‘kin, malaking bagay ‘yon kasi mahal na mahal ko si Jerome." Sarkastikong napangiti si Rhia. "Yan lang ba ang ipinunta mo rito?" Sa pagkakataong iyon ay hindi na naitago ni Rhia ang pagkamuhi sa babae. Nais n’ya itong sabunutan o iuntog sa pader dahil ito ang dahilan kung bakit namatay si John! Nakakapagtaka nga kung paanong hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nabubulok sa kulungan! Nasa gano'ng pag-iisip si Rhia nang may kuhanin si Carol sa bitbit nitong bag, at gano'n na lamang ang gulat n’ya nang itutok sa kan’ya ng babae ang isang pamilyar na baril— ang kan’yang nawawalang baril! Tapos walang pagdadalawang-isip na pinaputok ‘yun ni Carol sa kan’ya. Tinamaan sa tiyan si Rhia dahilan para bumagsak s’ya sa sahig. Pumasok naman sa loob ng silid si Carol saka isinarado ang pinto. Ang opisina ni Rhia ay sound proof, at alam iyon ng babae dahil naikuwento rin sa kan’ya ni Jerome. Muling binalingan ni Carol ang duguang si Rhia. Buhay pa naman ito at sapo ang sugat tiyan. "Hayop ka!" Singhal ni Rhia. Nahihindik ito sa nakikitang sariling dugo sa mga kamay. Muling napatingin si Rhia kay Carol. Napakaamo pa rin ng mukha ng babae sa kabila ng kademonyohang tinataglay nito! "Anong kasalanan ko sa ‘yo? Bakit mo ‘to ginagawa sa ‘kin?!" Napaluha na si Rhia dahil sa nararamdamang kirot ng sugat at sa takot sa banta ng kamatayan. "Alam mo kung ano ang sagot sa tanong mo, Rhia." Mas diniinan ni Carol ang pagkakahawak sa baril. "Papatayin mo rin ako gaya ng ginawa mong pagpatay kay John?" Singhal ni Rhia sa kabila ng pagtangis at takot. Napangiti naman si Carol saka tumango. "Matalino ka nga katulad ng kuwento ni Jerome." "Walang hiya ka! Ang dapat sa 'yo eh mabulok sa impyerno! Mamamatay tao ka!" Hindi inaasahan ni Carol na maaapektuhan s’ya sa sinabing iyon ni Rhia kaya bahagya s’yang napaatras. Iyon naman ang naging pagkakataon para kay dalaga upang balyahin s’ya. Sabay na natumba sa sahig ang dalawang babae at nabitiwan ni Carol ang baril. Saglit silang nagpambuno ngunit dahil sa pinsala ni Rhia ay tila naubusan na s’ya ng lakas para bumangon pa. Samantala, mabilis namang nakatayo si Carol at nanginginig na dinampot ang baril. Muli n’ya itong itinutok kay Rhia saka walang pagdadalawang-isip na kinalabit ang gatilyo. Sapul sa ulo ang naturang babae at wala ng buhay na bumulagta sa sahig kasabay ang pag-agos ng masagana at pulang-pulang dugo nito. Napakurap si Carol dahil natilampisikan s’ya ng dugo sa pisngi. Mabilis n’ya iyong pinahid saka pinagmasdan sa kan’yang kamay. Tapos tiningnan n’ya ang bangkay ni Rhia. Nangilid ang luha sa mga mata ni Carol. At 'sing bilis din nito'y nagbalik sa kan’yang gunita ang parehong eksena habang pinagmamasdan n’ya ang duguang bangkay ni John. *** NAPAHINTO sa pagtipa sa keyboard ng kan’yang kompyuter si Jerome matapos n’yang makaramdam ng ngalay. Ginapangan s’ya ng kilabot sa buong katawan sa kadahilanang hindi n’ya mawari kaya tumayo s’ya at sumilip sa bintana. Tahimik na pinagmasdan ng nobelista ang makulimlim na kalangitan. Mag-a-alas nueve pa lang ng umaga pero parang gabi na sa dilim ng langit. Sa isip ni Jerome ay isang malakas na ulan ang nagbabadya. Nagbalik s’ya sa kan’yang pagkakaupo at biglang pumasok sa kan’yang isipan ang pinakamamahal n’yang si Carol. Kasabay no'n ay ang pag-vibrate ng kan’yang cell phone na nangangahulugang nakatanggap s’ya ng mensahe. Dinukot ni Jerome ang gadget sa kan’yang bulsa at nakita n’ya ang pangalan ni Carol sa caller ID. Binasa n’ya ang mensahe tapos napangiti s’ya. Nakaramdam s’ya ng hustong kagalakan dahilan para ganahan s’yang magsulat kaya muli s’yang nagbalik sa pagtipa. *** HINDI NA napigilan ni Carol ang paghagulgol habang nagmamaneho pabalik sa kanilang tahanan kaya pansamantala n’yang itinigil ang minamanehong sasakyan para ayusin ang sarili. Pinunasan n’ya ang bahid ng dugo ni Rhia na nasa kan’yang kamay, gayon din ang mga kan’yang mga luha. Muling pinaandar ni Carol ang kotse, maingat bagaman mabilis ang kan’yang pagmamaneho pauwi. Nagsimula na ring bumagsak sa langit ang malakas na ulan na nakadagdag pa sa lamig na kan’yang nararamdaman. Aandap-andap ang dibdib ni Carol nang makarating s’ya sa kanilang bahay ni Jerome. Matapos igarahe ang kotse ay kinuha n’ya ang kan’yang bag saka pumasok sa loob. Tahimik ang kabuuan ng bahay. Iginala ni Carol ang paningin sa paligid nito saka malungkot na napangiti. Napaatras ng bahagya si Carol sa kan’yang kinatatayuan matapos iwasan ang tumatakbong batang babae, ang batang babae na una nang nagpakita sa kan’ya kamakailan! Sinundan n’ya ito ng tingin saka s’ya napangiti. Napakaganda ng naturang bata. Mayro'n itong mahaba at itim na buhok. Mamula-mula ang labi nito at mayro'ng magagandang pares ng mata, katulad ng sa kan’yang asawa. Napalunok-laway si Carol at malakas na kumabog ang kan’yang dibdib. Bago pa s’ya makabuo ng kongklusyon sa kan’yang isip ay napalingon s’ya sa likuran n’ya. "Ellie, bumalik ka na rito." Gano'n lamang ang gulat ni Carol nang makita n’ya ang sarili. "Sorry, Mommy, kinuha ko lang po kasi ‘tong bola." Nakangiting wika ni Ellie, ang batang babae. Matapos nitong damputin ang bola ay akma na itong papasok sa bahay nang biglang dumating si Jerome. Muling nakaramdam ng kilabot si Carol ngunit pansamantala lamang iyon. "Hey, swettie!" Nakangiting wika ni Jerome. Nakita naman s’ya ni Ellie kaya mabilis nitong binitiwan ang hawak na bola at sinalubong ang daddy n’ya na galing sa trabaho. "Daddy! Mommy, nandito na po si Daddy!” Tuwang-tuwang wika ni Ellie. Kinarga naman s’ya ni Jerome saka hinalikan sa pisngi. Bahagyang tumabi si Carol nang dumaan sa harapan n’ya si Jerome habang karga si Ellie. Mas naging malinaw sa kan’ya ang pagkakahawig ng dalawa at 'di nga maikakaila na mag-ama sila. Ang batang babaeng nagpapakita sa kan’ya ay ang namatay na sanggol sa kan’yang sinapupunan, ang batang si Elizabeth o Ellie, ang anak nila ni Jerome! Nakita n’yang lumapit sa mag-ama ang kan’yang sarili saka dinaluhan ang mga iyon. "Hi, honey, how's your day? Pinagod ka ba ni Ellie?" Malambing na wika ni Jerome matapos halikan sa noo si Carol. "Daddy, nag-behave po ako. Tinulungan ko nga po si Mommy mag-cook ng dinner natin, e!" Buong pagmamalaking sabi ni Ellie, dahilan para magalak naman si Jerome. Natawa naman si Carol. "Really? Tamang-tama, gutom na ako!" Sabi ni Jerome. "Good. Tara na't maghapunan, dinner is ready." Nakangiting wika ni Carol matapos hubarin ang coat ng asawa. "Yehey! Matitikman na ni Daddy ang luto ko!" Excited na sabi ni Ellie. At nagpunta na sila sa kusina para kumain. Samantala, nagpasya si Carol na sundan ang tatlo at napangiti s’ya nang makita ang masayang imahe ng kan’yang pamilya habang naghahapunan. Ang mga ngiti sa labi ni Jerome ay walang pagsidlan, gayon din ang kay Ellie— ang pangalan ng kan’yang namayapang anak. Malinaw na naririnig ni Carol ang mga halakhakan nila na unti-unti ring naglalaho kasabay ng pagbabalik n’ya sa kasalukuyang panahon, kung saan isang tahimik at malungkot na lamesa ang tumambad sa kan’ya. Napasandal sa pader si Carol, tila nawalan ng lakas ang kan’yang mga tuhod. Aparisyon lamang ang naunang senaryo na kan’yang nasaksihan kani-kanina. Aparisyon ng sana ay masaya at buo n’yang pamilya. Tuluyan nang naiyak si Carol. Ayaw n’yang isipin na nang dahil sa krimeng nagawa n’ya ay pinarusahan s’ya ng Diyos kaya kinuha nito si Ellie sa kanila. Alam ni Carol na hindi gano'n ang Diyos, na mabuti ito. Walang sandali sa buhay n’ya matapos ang pagkawala ng kan’yang anak na 'di n’ya ito hinanap-hanap. Oras-oras, kinasabikan n’yang makarga ito sa kan’yang mga bisig. Walang araw na hindi s’ya nakaramdam ng tinding lungkot at walang sandali sa kan’yang pagtulog na hindi s’ya nito dinalaw sa panaginip n’ya. Naaalala n’ya pa ang labis na saya na naramdaman n’ya noong araw na nalaman n’yang mayro'ng buhay sa kan’yang sinapupunan. Pinaka iningatan n’ya iyon at inalagaan. At kinasabikan ang araw na maisilang ito at makitang lumaki, na kasing ganda ng batang babaeng si Ellie. Pero ang lahat ng ‘yun ay nanatili na lamang na isang magandang panaginip. *** MALUMANAY na ngiti ang gumuhit sa labi ni Jerome matapos basahin ang bahagi ng kan’yang tinatapos na manuscript. Nang oras na iyon, ganap na ika-alas nueve kwarenta y sinko, nasa study room s’ya simula pa kaninang madaling araw at gaya ng mga nagdaang araw ay abalang-abala s’ya pagsusulat ng kan’yang bagong nobela. At ang inspirasyon ng nobelang ito ay walang iba kung hindi si Carol mismo. "Gaano mo ako kamahal, Carol?" "Higit pa sa buhay ko, Jerome." Mahal na mahal ni Jerome ang pagsusulat— higit pa sa pagmamahal n’ya sa kan’yang sarili. Hindi lamang ito basta propesyon dahil sining ang turing n’ya rito. Ang pagsusulat ang nagbibigay ng buhay sa kan’ya. Ang bawat salitang bumubuo sa kan’yang mga nobela ay mistulang dugong dumadaloy sa kan’yang mga ugat. Ang bawat pahina nito ay parang hanging nilalanghap n’ya. Nagbibigay-buhay sa kan’ya. "Kung gano'n ay mapapabigyan mo ba ako kung sakaling humingi ako ng isang espesyal na pabor?" At lahat ng nailathala n’yang kuwento ay ginawa n’ya ng buong puso— buong pag-ibig. Naramdaman ni Jerome na humigpit ang pagkakayakap ni Carol sa kan’ya. Nang matapos ang huli n’yang akda na kinatampukan ni Rhia ay muli s’yang nakaramdam nang pagnanasa na sumulat ng bagong kuwento. Ngunit sa pagkakataong ‘yun ay mas kakaiba at mas espesyal kaysa sa mga nauna n’yang nagawa ang naisip n’yang isulat. Mas maganda, mas kapana-panabik at higit sa lahat ay mas ramdam n’ya. Sawang-sawa na si Jerome sa kakukuha ng karanasan mula sa ibang tao. Sawa na s’yang ibase lamang ang nararamdaman ng kan’yang mga karakter sa iba dahil para sa kan’ya ay hindi pa ‘yon ang sukdulan ng kan’yang kakayahan. Kaya bilang unang hakbang ay plinano n’ya ng husto sa kan’yang ulo kung paano n’ya iyon maisasakatuparan. Doon na pumasok sa eksena ang kan’yang asawang si Carol. "Oo naman. Kahit na ano, Honey, sabihin mo lang." Saad ni Carol. Mahal na mahal n’ya si Carol subalit ikalawa lamang sa pagsusulat ang pag-ibig n’ya sa babae. Bagaman mas lalo n’ya itong minahal nang magdalang-tao ito sa kanilang anak ay 'di pa rin nito nahigitan ang pag-ibig n’ya sa napiling propesyon. Magkagano'n pa man, naisip ni Jerome na sumulat pa rin ng nobela na hango sa kan’yang asawa bilang pagkilala sa pagmamahal n’ya rito. Lahat ng magagandang bagay na taglay ni Carol ay isina-letra ni Jerome. Ngunit hindi s’ya naging masaya matapos basahin ang katapusan nito sa halip ay nagalit s’ya. Nilukot n’ya ang manuscript at itinapon sa basurahan saka nagtangkang magsulat ng panibago. Para sa kan’ya, walang kadating-dating ang paglalarawan n’ya sa kan’yang misis dahil puro kabaitan lamang nito ang kan’yang naisulat. Mapagpasensya si Carol, maintindihin. Maalaga rin ito at masayahin. S’ya na ang pinaka maswerteng lalaki sa balat ng lupa kasi napangasawa n’ya ang tulad ni Carol pero hindi s’ya masaya! Gusto n’yang makita ang madilim na bahagi nito. Gusto n’ya itong magalit! Gusto n’ya itong mamuhi o higit pa roon! Doon na naisip ni Jerome isangkot ang kan’yang sarili at kasangkapanin ito upang bumuo ng isang palabas na tiyak s’yang kamumuhian ni Carol. At upang mas maging makatotohanan din ang kan’yang akda. Doon na nga nabuo ang ideya at plano n’yang pakikipagkasundo kay John. Nang hawak na n’ya ang lalaki sa leeg ay sinimulan na n’ya ang pag-e-eksperimento. Bilang unang hakbang ay sinadya n’yang manlamig sa asawa. Sinadya n’yang kumilos ng kakaiba upang lubos itong maghinala at mawalan ng tiwala. Sinadya n’ya ring magpakita rito na nakikipaghalikan s’ya kay John upang labis itong mapoot. Pilit n’yang isinaksak sa isip ang pagiging bakla para mas magampanan n’ya ang kan’yang karakter at mas maging makatotohanan ang kan’yang pagdi-detalye. Masayang-masaya si Jerome dahil pakiramdam n’ya ay nagtatagumpay na s’ya. Bagaman may mga pagkakataon na nakokonsensya s’ya sa ginagawa n’ya kay Carol ay mabilis din n’ya itong naisasantabi sapagkat mas nananaig sa kan’ya ang pagnanasang makalikha ng isang natatanging nobela. Pero hindi n’ya akalain na mapapatay ni Carol si John. At kasunod noon ang pagkawala ng kanilang anak. Nakaramdam si Jerome ng matinding kalungkutan at depresyon matapos ang naturang pangyayari. Naging padalos-dalos din s’ya sa pag-iisip at nawala sa momentum nang pagsusulat ng kan’yang kuwento. Nasaksihan din ni Jerome ang pagdadalamhati at pighati ni Carol nang mawala ang kanilang anak. Maging s’ya ay nakaramdam din ng tinding kalungkutan ngunit mas husto ang nadarama ni Carol, bagay na mas ikina-balisa ni Jerome. Pero sa gitna ng damdaming ‘yun ay nabuhay din ang namatay na damdamin at kagustuhan sa dibdib ni Jerome na tapusin ang sinusulat n’yang nobela. Matapos n’yang dalhin sa ospital si Carol nang gabing mangyari ang krimen ay nagbalik si Jerome sa apartment ni John. Awang-awa ang nobelista sa kinahantungan ng lalaki dahil kahit sa maiksing panahon na ginamit n’ya ito ay hindi maikakaila na napamahal na s’ya rito. Nang sandaling ‘yun ay mabilis n’yang nilinis ang pinangyarihan ng krimen at pilit na itinago ang mga bagay na posibleng maging ebidensya. Bago pa man din mangyari ang bagay na iyon ay may mga natutuhan na si Jerome sa pagsunod-sunod n’ya kay John. Una, wala itong kamag-anak na pwedeng maghanap sa kan’ya. Ikalawa, kaunti lamang ang tenant ng gusali kung nasa'n ang apartment ni John, karamihan ay nasa itaas na bahagi dahil 'di hamak na mas maayos ang mga unit doon at kamailan lang ay nag-alsa balutan ang kaisa-isang umo-okupa sa dulong silid ng palapag na kinaroroonan ng unit ni John. Sira rin ang mga cctv sa buong gusali dahil walang budget ang pamunuan para papalitan ang mga ito. Ikatlo, mayro'ng bakanteng lote sa likod ng gusali na maaari n’yang pagtaguan ng bangkay ni John pansamantala. At do'n na nga nabuo ang plano sa isip ni Jerome. Matapos malinis ang crime scene ay isinilid n’ya sa itim na plastic bag ang bangkay ni John, pero dahil mabigat ‘yun at 'di n’ya kakayaning buhatin ay nagpasya s’yang putulin ang braso at binti nito upang sagano'n ay mabilis n’ya itong mabitbit. Tahimik at maingat na idinaan ni Jerome sa back door ang bangkay ni John saka kinaladlad tungo sa masukal na bahagi ng matalahib na bakanteng lote. Inilibing n’ya sa may 'di kalalimang hukay ang bangkay ni John saka tinabunan ng malalaking bato. Matapos noo'y mabilis n’yang nilisan ang lugar saka dumaan sa kanilang bahay upang maligo at magpalit ng damit bago pinuntahan ang asawa na nasa ospital. Alam ni Jerome na hinding-hindi n’ya kahit kailan maitatago ang karumaldumal na krimeng iyon at ayaw din naman n’yang makulong si Carol kaya nag-decide s’yang akuin na lamang ang pagpatay. Batid ng nobelista na aabutin pa ng ilang araw bago may maghanap kay John at sapat na ang delay na iyon upang matapos n’ya ang kan’yang nobela. Para kay Jerome, ang pag-ako sa krimen ang bagay na tanging magagawa na lamang n’ya para sa kan’yang pinakamamahal na asawa, anak at kay John. Bagaman may isa pang bagay ang patuloy na gumugulo sa isipan ni Jerome ng mga panahong iyon— ang tungkol kay Rhia. Kamuntik na n’yang makalimutan na nakita n’ya ang sasakyan nito na nanggaling sa apartment ni John at alam ni Jerome na posibleng pinuntahan nito ang lalaki, at saksi ang babae sa karumaldumal na krimen nang pagpaslang ni Carol kay John, kaya naisip n’yang maging ito ay isali na rin sa kan’yang sinusulat na kuwento. Naisip n’yang gamitin dito si Carol. Para magkaro'n ng maganda at makatotohanang wakas ang kan’yang nobela ay sinubok ni Jerome ang pagmamahal sa kan’ya ni Carol at humiling dito ng isang kasumpa-sumpang pabor. "Gusto kong patayin mo si Rhia, Carol. Gusto kong patayin mo s’ya para mapatunayan mo ang pag-ibig mo sa ‘kin." Mahinahon ang tinig ni Jerome at malamig. Totoong nakakapangilabot. Kumalas si Jerome sa pagkakayakap sa kan’yang misis saka nagtungo sa kinalalagyan ng cabinet. Sa ilalim ng mga damit ay mayro'n itong maliit na drawer. Hinila iyon ni Jerome saka kinuha doon ang isang baril. Pinagmasdan lamang ni Carol ang mister habang palapit sa kan’ya. Iniabot nito ang naturang baril na bago lamang sa paningin ni Carol. Pinagmasdan n’ya ito bago kinuha. Saka tatango tanda nang pagsang-ayon n’ya sa utos ng kan’yang pinakamamahal na asawa. *** PINAHID ni Carol ang mga luha sa pingi. Pinagtapunan n’ya ng tingin ang bag na nasa sahig at dinampot ‘yun. Hinalughog n’ya ito at nakita n’ya ang naturang baril na ginamit n’ya sa pagpatay kay Rhia. Kinuha n’ya iyon saka malumanay na pinagmasdan. At nagbalik sa alaala ni Carol ang sandaling hiniling sa kan’ya ni Jerome na tapusin n’ya ang buhay ng pobreng babae, na walang pagdadalawang-isip naman n’yang isinakatuparan kani-kanina lamang para lang mapatunayan ang labis n’yang pag-ibig sa asawa. Napangiti si Carol bagaman kasunod noon ay nakaramdam s’ya ng matinding kilabot. Napalingon s’ya sa kan’yang likuran at nakita n’ya ang duguang imahe ni Ellie. Napaatras ang babae saka napalunok-laway. Napako ang paningin n’ya sa malungkot na mga mata ng kan’yang namayapang na unica ija. "Ellie, anak, patawarin mo si Mommy, ah? Hindi ka dapat namatay. Sorry, baby ko..." Tuluyan nang kumawala sa mga mata ni Carol ang mga luha alinsabay nang paglalaho ng malungkot na imahe ng kan’yang anak. Sinubukan pa itong habulin ni Carol ngunit nabigo lamang s’ya. Napahikbi ang babae. Saka mariin n’yang kinuyom ang kamao. Ang gusto lamang ni Carol ay magkaroon ng isang masayang pamilya. S’ya, si Jerome at si Ellie. Ngunit hinding-hindi na iyon mangyayari kahit na kailan pa. At kung mayro'n mang dapat sisihin sa kasawiang iyon ay walang iba kundi ang kan’yang pinakamamahal na asawa! *** NAPANGITI si Jerome matapos matagumpay na maipadala sa kan’yang publisher ang manuscript ng katatapos pa lamang n’yang nobela. Alam ng lalaki na matagumpay n’yang naisulat ang naturang kuwento na kinatatampukan ng kan’yang asawang si Carol. Nababatid ni Jerome na masisiyahan ang kan’yang mga mambabasa sapagkat makatotohanan ang paglalahad n’ya ng kan’yang nobela. Hindi maikakaila ang pananabik ng nobelista. Nasa gano'ng pag-iisip si Jerome nang bigla na lamang may pumihit sa doorknob at inluwa ng pintuan ang kan’yang may bahay na si Carol. Napatayo sa kan’yang kinauupuan ang nobelista at namangha sapagkat hindi n’ya inaasahan ang pagpasok nito sa study room nya. Bukod doon, madilim ang awra ng babae. "Carol, anong ginagawa mo—" Hindi na natapos pa ni Jerome ang kan’yang sinasabi ng papatukin ni Carol ang hawak nitong baril na nakatutok sa mister n’ya. Kaagad na tinamaan sa dibdib ang nobelista dahilan para ito mapaatras sa may bintana alinsabay nang pagsirit ng masagana nitong dugo. Sinapo ni Jerome ang dibdib saka nahintakutan sa sariling dugo. Muli n’yang ibinalik ang paningin sa asawa. Hindi na ito ang Carol na kilala n’ya! Hindi na ito ang Carol na maamo, mabait at masayahin. Ibang-iba na ito! Kung pagmamasdan ay para bang nabigyang-buhay sa katauhan ni Carol ang imahe ng isang tunay na diyablo! "Ikaw ang may kasalanan kung bakit nawala sa ‘kin ang aking anak. Ipinagkanulo mo kami sa demonyo, Jerome!" Umiiyak na wika ni Carol sabay ang muling pagkalabit sa gatilyo ng baril. Ngunit hindi tinamaan si Jerome sa halip ay tumama ‘yun sa salamin ng bintana dahilan para magkaro'n iyon ng kaunting basag. "Carol... patawad. Patawarin mo ako..." Tumatangis na panambitan ni Jerome. Ngunit huli na para magsisi sapagkat kasunod no'n ay muling kinalabit ni Carol ang gatilyo ng baril at mabilis namang tinamaan ng bala sa ulo ang lalaki. Napasandal si Jerome sa bintana na nasa kan’yang likuran na kaagad din namang nabasag dahilan para malaglag sa ibaba ang duguan at wala ng buhay na katawan ng nobelista. Malungkot na pinagmasdan ni Carol ang kabuuan ng study room. Namayani sa apat na sulok nito ang nakabibinging katahimikan na s’yang nagbigay-daan para magbalik sa gunita n’ya ang alaala ng unang beses na pumasok s’ya dito. Para sa kan’yang asawang si Jerome, napakasagrado ng lugar na ito. Kaya kahit s’ya ay hindi nito pinapapasok dito. Mariing kinuyom ni Carol ang kamao. Sapagkat sa huli ay natuklasan n’ya na sa lugar na ito ginagawa ng kan’yang pinakamamahal na asawa ang pinakasumpa-sumpang bagay sa lahat at ‘yun ay walang iba kundi ang natatangi at huli nitong nobela na kinatatampukan n’ya! Nang matapos mabasa ni Carol ang ilang bahagi ng nobelang sinusulat ni Jerome ay doon n’ya napagtanto ang katotohanan. Ang katotohanan tungkol sa biglang panlalamig nito sa kan’ya at pag-iiba ng ugali. At ang katotohanan tungkol kay John. Parehong-pareho sa nabasa n’yang senaryo sa nobela ni Jerome ang eksena noong gabi na nahuli n’ya itong nakikipaghalikan kay John. At hindi tanga si Carol para hindi mapagtanto na ang lahat ay isa lamang palabas na plinano ng kan’yang mister para sa kuwentong isinusulat nito. Gustong lukutin ni Carol ang mga manuscript ngunit pinigil n’ya ang sarili, sa halip ay dinampot n’ya ang mga nagkalat na papel at maayos na ibinalik sa pinagkuhanan nito. Mabilis n’yang nilisan ang study room saka nagtungo sa kanilang silid at nagkulong s’ya sa banyo. Doon ay tuluyan na s’yang umiyak. Namumuhi si Carol kay Jerome ngunit mas nananaig pa rin sa kan’ya ang labis na pagmamahal para sa lalaki. Sa kabila ng katotohanang natuklasan n’ya, sa kabila ng pananakit nito sa kan’yang damdamin at panggagamit sa kan’ya, sa kabila ng lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginawa nito sa kan’ya ay may bahagi pa rin sa kan’yang puso na nagsasabing unawain n’ya ang asawa, na nagawa lamang iyon ni Jerome dahil sa labis din na pagmamahal nito sa kan’yang propesyon. Kaya pinahid ni Carol ang luha saka inayos ang sarili. Nagpasya si Carol na sarilinin na lamang ang natuklasan at umarteng walang nalalaman sa harap ni Jerome. Doon n’ya napatunayan na kahit gaano kalaki ang kasalanan ng isang tao, basta nanaig ang pag-ibig, ay magagawa mo pa rin kahit ang imposible— tulad nang pagpapatawad. Pinili n’yang suportahan ang mister gaya ng isinumpa n’ya sa harap ng Diyos noong ikasal sila. Doon na n’ya tuluyang pinangatawanan ang karakter n’ya sa nobela nito, hindi bilang isang mabait, mapagpasensya at maamong bersyon n’ya, kundi bilang isang mapagmahal na babae na nagawang pumatay dahil sa labis na pag-ibig. Napukaw sa malalim na pag-iisp si Carol matapos marinig ang sirena ng mga sasakyan ng kapulisan. Doon na sumilay sa labi ng babae ang isang malungkot na ngiti. Pagod na s’ya. Pagod na pagod na s’ya. Marami na ang nawala sa kan’ya. Una na ang kan’yang anak, ang kan’yang dangal sa sarili at sa huli ay ang kan’yang pinakamamahal na si Jerome. Tahimik na naglakad si Carol papalapit sa bintana at malungkot na sinilip ang bangkay ng lalaking iniibig na nasa ibaba. Patay na ang mga tao na s’ya n’yang dahilan kung bakit kailangan pa n’yang manatiling buhay. Nangilid ang luha sa mga mata ng babae matapos makita sa ibaba ang imahe ng kan’yang mag-ama. Nakatitig sa kan’ya at tila ba hinihintay s’yang sumama sa kanila. Du’n na s’ya nag-desisyon na paunlakan ang paanyaya ng mga ito. Walang pagdadalawang-isip na itinutok ni Carol ang baril sa kan’yang sintido at kinalabit iyon. Ang putok nito ang kaagad na nagdala sa kan’yang katapusan. Kung hindi man sa buhay na ito matutupad ang pangarap n’yang magkaro'n ng masaya at buong pamilya, dalangin ni Carol habang niyayakap ang kanyang kamatayan na sana papangyarihin ng Maykapal na magkatotoo ang pangarap n’ya sa kabilang-buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD