Nagugutom na si Sky at ayaw naman niyang maghintay pa sa mga drive thru counters kaya namili na lamang siya sa isang convenience store. Pagkatapos ay ipinarke niya sa isang pay parking area ang kaniyang sasakyan at binitbit ang isang bucket ng manok. May binili rin siyang isang litro ng softdrinks at mineral water. Nasanay na kasi siya na laging kasama sa ipapamili o ipaglulutong hapunan ang kapatid kaya ayun, nabayaran na niya ang manok at softdrinks bago niya naisip na wala nga pala siyang balak pang umuwi. Pinili na lamang niyang lakarin ang isang parke na malapit sa lugar. Nang makakita siya ng bakanteng shed ay minabuti niyang umupo na lamang doon at panuorin ang mga dumaraan habang pinapapak ang manok.
Hindi maalis sa kaniyang isipan ang magiging kinabukasan ng kapatid kung magpapatuloy ito sa ginagawa nito. Mabait na bata ang kapatid niyang si Storm. Tahimik at lagi lamang nakasubsob sa pag-aaral. Nang tumuntong ito ng 7th grade ay napabarkada ito sa mga anak ng mga partners niya sa negosyo na siya rin ang nagpakilala. Hindi naman niya akalain na iyon ang magiging mitsa ng pagiging pasaway at pagpapabaya nito sa pag-aaral. Tatlong taon pa lang ang nakakalipas ngunit pakiramdam ni Sky ay sampung taon na ang nakaraan dahil sa layo ng pagkakaiba ng ugali ng kapatid sa dati.
May kumurot sa puso niya habang tinitingnan ang mag-anak na nasa kariton. Bigla niyang naalala ang kaniyang pamilya noong buhay pa ang mga magulang niya. Sumilong ang mga ito sa shed na inuupuan niya. Iba na ang amoy ng mga ito. Pinaghalong amoy ng katawan na ilang araw ng hindi naligo at amoy ng basura na marahil ay kinakalakal ng mga ito. Inilabas ng tatay ang isang supot ng hindi niya malaman kung anong klase ng pagkain at isinalin nito sa mga paper cups na sa hinuha niya ay binabanlawan lang ng mga ito at gagamitin muli dahil iba na ang kulay niyon. Masaya ang mga ito na nagsalo-salo sa kakarampot na pagkain at pawang walang pinoproblema. Mag-aalas onse na ng gabi ngunit ngayon lamang kumakain ang mga ito ng hapunan.
“Iho, gusto mo?” tanong ng nanay sa kaniya.
Nginitian niya ang mga ito. “Hindi na ho. Pero salamat po, ‘Nay.”
“Mukhang malalim ang iniisip mo, iho?” dagdag ng matandang lalaki habang humihigop ng sabaw.
“Hindi naman po, ‘Tay. ‘Yan lang po ba ang kakainin ninyo? Kasya na po ba ‘yan?”
“Ito ba ‘kamo, iho?” Itinaas pa ng matanda ang paper cup. “Sanay na kami rito, iho. Nakakaraos naman.” Ngumiti pa ito. “Baka nahihiya ka lang, iho. Hindi naman sasakit ang tiyan mo rito dahil bagong init lang ito sa carinderia. Ibinigay lang din sa amin ng may-ari dahil magsasarado na siya.” Inilabas nito mula sa isang plastic ang isang paper cup na alam niyang hindi pa nagagamit dahil maganda pa ang kulay niyon. Naglagay ito ng sabaw doon at inalok sa kaniya. “Mukha kang mayaman, iho, pero ang nilaga naming mahihirap ay nilaga rin naman sa inyo, tama ba?”
Napangiti si Sky na napakamot pa sa ilalim ng ilong niya. “Tatanggapin ko po iyan kung tatanggapin niyo po ito.” Inilabas niya mula sa plastic ang bucket ng chicken at inabot sa matanda. Kitang-kita niya ang kasiyahan sa mga mata ng mga ito lalo na ang tatlong bata.
“Salamat, kuya,” sabay-sabay na wika ng mga bata.
Nginitian niya ang mga ito at humigop na ng sabaw. Tumango-tango pa siya. “Iba po talaga ‘pag mainit ang sabaw.”
“Sabi na sa’yo, iho,” muling turan ng matandang lalaki.
Naaliw na si Sky na panuorin ang mga ito. May dahilan nga siguro ang lahat kung bakit sila nag-away ni Storm ngayong araw na ito. Nabigyan tuloy siya ng tsansa na makita ang buhay na malayo sa kinabibilangan niya. Totoo naman ang sinabi ni Storm na they can buy anything they want. Sa laki nang kinikita nila taon-taon ay nakilala na siya bilang pinakabatang milyonaryong businessman sa Pilipinas. Ang S&S Mall na pagmamay-ari ng kanilang pamilya ay mayroon ng mahigit 25 branches sa buong Pilipinas. Ika nga, hindi sila maghihirap hanggang sa kaapu-apuhan nila. Pero, hindi kayang bilhin ng pera ang buhay ng kaniyang mga namayapang magulang. Kaylanman ay hindi na sila mabubuo ni Storm. Nagising siya sa pagmumuni-muni ng magsalita ang isa sa mga bata.
“Tay, ilang linggo na pong hindi nakakapag jogging si Ate Beauty," ika ng pinakapanganay. Nasa katorse na marahil ang edad nito.
"Nay, hindi po ba natin pwede puntahan sa kanila si Ate Beauty? Sabi naman po niya punta lang tayo dun 'pag may kailangan tayo."
Hinawakan ng ginang ang ulo ng bunso at hinaplos iyon."Ang sabi, 'pag may kaylangan. Wala naman tayo kaylangan ngayon. Ang tanging kaylangan natin ay tulog. Kaya bilisan mong kumain at matutulog na tayo, okay?"
"Nay naman, e," pagmamaktol nito.
"Gising pa kayo?"
Napalinga si Sky pakanan. Nagbaba ng hood sa jacket ang nagsalita. Nanlaki ang mata niya nang mapagsino ito. Napansin niya agad ang maganda nitong abs dahil nakawhite sports bra lamang ito at black jogger pants. Ang kulay copper nitong buhok ay maayos na nakaponytail.
"Ate!!!!" Tumakbo ang dalawang batang babae upang yumakap dito habang ang panganay ay ngumiti lamang.
"Iha…" tawag ng matandang lalaki. "Lika.."
Lumapit ang babae at nagmano rito at sa ginang. "Magandang gabi po, 'Tay."
"Gusto mo ba ng sabaw, iha? Ubos na ata ang tubig na dala mo."
"Sa bahay na lang po, 'Tay. Tubig po talaga ang kaylangan ko."
"Pasensiya na, iha. Wala kaming tubig na nakuha ngayon. Hindi na kami nakaigib dahil maraming nakapila sa may poso." paghingi ng paumanhin ng ginang.
"Ayy, o-okay lang po, 'Nay. Sa–"
"You can have mine," di na napigilan ni Sky na sumingit. Itinaas niya ang mineral water.
Pairap na lumingon si Vela. "No— Mr. Alonzo, is that you?"
"Magkakilala kayo, iha?" ika ng ginang.
Binalik ni Vela ang tingin sa ginang. "Hindi ko po masasabing magkakilala talaga kami, 'Nay. Pero nagkatagpo po siguro, puwede pa. But, never mind.. musta po kayo rito?" pag-iiba na nito ng usapan.
Nagkibit-balikat lang si Sky.
"Okay naman kami rito. Nakakaraos naman sa araw-araw, Vela."
"Ate Beauty, puwede bang makitulog sa inyo minsan? Sumasakit na rin kasi ang—"
Nahinto ang bunso sa pagsasalita dahil tinakpan na ng ginang ang bibig nito. "Pagpasensiyahan mo na, iha. Pilyo lang talaga itong bunso natin… pssst!" pigil ng ginoo sa bunso nito.
"Nay,'Tay, puwede pa rin naman kayong tumuloy sa amin. 'Yung offer ko po sa inyo ay laging bukas. Hindi iyon magbabago," ika ni Vela.
"Salamat na lang, iha. Ayaw naming makaabala sa'yo lalo na't hindi naman tayo magkadugo."
"Tay…"
"Alam mo ba, iho?"
"P-po?" Nabitin sa ere ang muling pagkagat ni Sky sa manok ng muli siyang kinausap ng matanda.
"Itong si Vela…"
"Tay…" pigil ni Vela
Hindi nakinig ang matanda kay Vela at itinuloy pa rin ang pagkukwento. "Nakasama kasi namin ito nung bata pa ito. Dito nakitulog sa amin habang may hinahanap daw siya rito sa Maynila. Kamukat-mukat mo'y galing pala sa mayamang pamilya. Mayaman na'y mabait pa. Kung ako nga lang ay may kilalang butihing lalaki ay baka ipinartner ko na 'to. Ikaw ba'y may nobya na? Kung wala ay ligawan mo na lang si Vela."
Nasamid si Sky sa binanggit ng matanda. "Ligawan po?"
"Ay oo, iho."
"Tay!!! Andiyan na naman ang mga pulis!" sigaw ng ikalawang anak na babae.
Mabilis na kumilos ang mga ito na akala mo'y may emergency.
"Ay mga lintik!!! Iho, V-Vela… bahala na muna kayo, kanya-kanya muna tayo." Halos patakbo nang itinulak nang mag-asawa ang kariton habang nagkahiwa-hiwalay na ang mga bata.
Patakbo na rin ang Vela nang nilingon siya. "Hindi ka pa ba kikilos d'yan?" naiiritang wika nito.
"B-bakit?"
"Arrgh…" Hinawakan ni Vela ang kamay ng lalaki at isinama na rin ito sa pagtakbo.
"H-Hoyyy!" awat ni Sky kay Vela habang sumasabay pa rin sa pagtakbo nito. "Why are we running?"
Narinig ni Sky ang pagpito ng isa sa mga nanghuhuli at pilit na kumakalas sa pagkakahawak ni Vela. "May itatanong ata sa atin ang mga pulis."
"G*go! Tayo ang hinahabol nila kaya 'wag mo na tignan!" Mas binilisan pa ni Vela ang pagtakbo habang halos hilahin na si Sky na kulang ata sa bitamina at ambagal tumakbo. Nang may makita itong eskinita ay lumiko sila roon. Tinanggal nito ang jacket na suot at basta na lamang ibinato sa kung saan. Inilingkis nito ang mga braso palibot sa leeg ni Sky at halos mag-isa na sila sa pagkakadikit nito sa kaniya.
"What are you doing?!"
"Maya ka na magreklamo. Mahuhuli tayo!" Inilapit na nito ang mukha kay Sky at mabilis na dinikit ang labi rito.
Hindi malaman ni Sky ang nangyayari, para siyang naging tuod doon sa pagdidikit ng mga labi nila ni Vela.
"Ano ba? Umayos ka nga! Ilagay mo rito ang mga braso mo!" asik ni Vela sabay kuha sa mga braso ni Sky at ipinaikot sa bewang niya.
Hindi na maintindihan ni Sky ang nararamdaman. Ang lambot pala talaga ng katawan niya
"They're gone," ika ni Vela nang lumayo kay Sky. Napansin na niya ang pagdaan ng mga pulis sa kanilang tagiliran.
"H-ha?" parang wala pa rin sa sariling turan ni Sky.
"Mauna na ako sa'yo," paalam ni Vela sa tulala pa ring lalaki.
"W-wait… What happened? Why did we have to run back there?"
Humarap si Vela sa lalaki at pinamaywangan ito. "Kung lilibot ka sa siyudad sa gabi, dapat hindi ka tanga."
"Anong sabi mo?!"
"Tumakbo tayo dahil baka mapagkamalan tayong lider ng mga namamalimos sa daan."
"Ha?"
"Amp*tcha naman o! Ang dami mong tanong! Basta ngayon, puwede na tayong umuwi, so uuwi na ako. Bahala ka na sa buhay mo." Nagjogging na ito palayo.
Nagjogging na rin si Sky at sinabayan ito.
Inalis ni Vela ang suot na earphone at huminto. Humarap siya kay Sky na may iritasyon sa mukha.
Huminto rin si Sky.
"Ano namang trip mo?"
Nagkibit-balikat si Sky. "Wala. Dito rin ang way ko, bakit ba?"
Huminga nang malalim si Vela at isinuksok muli sa tenga ang earphone. Nag-jogging na lang siya muli, pero sa mas mabilis na paraan.
Sumabay naman si Sky dito.
Hindi nila alam na nagkakarerahan na sila kaya nang parehong hingalin ay sabay din silang huminto.
Abot-abot ang kanilang hininga na halos pangapusan na sila nang magkatinginan sila. Sabay silang nagkatawanan.
"Mukha kang siraulo," ika ni Vela rito.
"Parang siya, hindi."
Nagtawanan na naman sila.
"Ilibre mo nga ako ng tubig, nakakauhaw 'yung kalokohan mo," aya ni Vela kay Sky.
Pinasadahan ni Sky ng tingin ang kapaligiran ngunit walang malapit na puwedeng pagbilhan ng tubig. "Okay lang, pero wala bang malapit na bilihan dito?"
Muling hinawakan ni Vela ang isang kamay ni Sky at pumasok sila sa kung saan-saang eskinita. Paglabas nila roon ay magkakatabi na halos ang mga kainan. "Samahan mo na rin nang kahit anong pagkain, nakakagutom ang ginawa natin."
Tiningnan ni Sky mula ulo hanggang paa si Vela na cool na cool sa pagsasabi habang ngumangata ng bubblegum. Ni hindi niya napansin kaylan isinubo ng babae ang bubblegum dahil kanina ay wala naman 'yun. Kung makautos ito ay parang matagal na silang magkakilala. Hinayaan na lang niya dahil baka nga gutom talaga ito.
Umupo sila sa labas ng isang establishment at umorder ng mga tusuk-tusok.
"Mukang madalas ka rito," hula ni Sky.
Kinagat ni Vela ang isang barbeque. "Tagarito lang naman ako. Kaya para ko ng tambayan ang lugar na 'to."
"Hindi ka hinahanap ng mga magulang mo? Gabi na. Babae ka pa naman."
"Alam mo, kumain ka na lang ng kwekkwek. Masyado kang madaldal." Tumusok ito ng sinabing pagkain at isinubo kay Sky. "Busog na ako. Mauna na ako sa'yo. Taya mo na 'to ah." Pinalo nito ng dalawang beses ang table at isinuot na muli ang hoodie jacket nito.
"W-wait! Sabi mo gutom ka!" Sumubo na lang siya ng isa pang kwekkwek at susundan ito nang mapahinto siya.
May sumalubong dito na lalaki na inakbayan ito.