IKALAWANG linggo ng Marso, umaga ng Huwebes, ay gaganapin ang huli naming pagsusulit. Itim na small bag lang ang dala ko at isang long bond paper na naglalaman ng formulas at mahahalagang ni-review na pwedeng lumabas sa exam. Sa apat na puting sulok ng room ay wala kang makikita kundi ang mga nininerbyos at pa-chill kong classmates.
As usual, ang katabi kong si Dencel Herrera ay busy sa lang sa phone na hawak. Ganito na talaga siya tuwing nag-e-exam o kahit quiz, chill lang. Bilib din naman ako sa talinong taglay niya.
Magkakahiwalay ang upuan naming lahat. At dahil hindi naman binase ang seating arrangement in alphabetical order— instead ay sa height, ay hindi pa rin ako nalalayo sa kanya. Sabi ng iba ay ang swerte ko raw dahil may nakatabi akong gaya ni Dencel, pero pakialam ko naman, ‛di ba? I can live myself alone, minsan nga’y natataasan ko pa siya sa scores. Duh!
Si Yana naman sa kabilang row ay kita kong nagkakamot na ng ulo habang may binabasa sa papel. Tingin ko’y reviewer ‛yon. Hmm... Himala ah? Nagsisipag siya.
Pinasadahan ko pa ng isang tingin ang hawak na papel nang saktong pagtapos ko ay dumating ang adviser namin. Si Mrs. Trinidad, isang English Major.
“Good morning!” she greeted as she closed the glass door of the classroom. Pumihit siya paharap sa amin dala-dala ang mga test papers at iilang necessary things saka nilagay sa teacher’s table. Bakas sa mukha nito ang pagka-istrikta at halata na sa kanyang katandaan.
Tinatamad kaming tumayo upang batiin din siya. Iisa lang ang ibig sabihin nito. Puyat kaming lahat. Ako puyat kaka-review, sila? Ewan ko.
“Again, good morning!” maawtoridad niyang pagkasabi kaya nagising ang diwa namin. Isa rin ito sa terror teachers ng school.
“Good morning!” sagot namin pabalik nang may pekeng sigla.
“Next time that I'll be hearing you without energy, all of you will answer the test papers while standing! Understood?” “Yes, ma'am!” parang sundalo naming sagot dahil sabay-sabay at malakas pa.
Jusko namaaan! Gusto ko ng mag-exam! Baka mawala na ‛yung mga na-memorize ko!
“Sit down!” Agaran kaming umupo saka tumigil na sa kanya-kanyang ginawa.
Itinago ko na ang dalang reviewer sa shoulder bag bago ko ito sinabit sa sariling upuan. Mahirap na. Baka mapagbintangang nangongidigo. Ayoko ng bumalik sa principal's office o kahit sa guidance ‛no!
“Clean your tables. Itago ang dapat itago,” saka niya pinasadahan ng tingin ang test papers bago hinati-hati. “Ballpen lang ang makikita ko riyan. Now, get one and pass.”
Ibinigay niya sa mga nasa unang row ang papel at nagpasa-pasa na. Tina-tap ko ang mga daliri sa table nang mapabaling sa katabi. Ang seating arrangement namin ay mayroong five rows and five columns. Nakapwesto ako sa tabi ng nakabukas na bintana kaya kahit papaano’y nare-refresh ang utak ko.
I don't know. Mas gusto ko talagang malapit lagi sa bintana.
Pinaglalaruan ni Dencel ang sign pen sa kanyang kamay na parang bihasang-bihasa na ito. Kung sa bagay, magulang mo ba naman ay parehas na architects? Malamang ay gano’n din ang anak lalo’t unico hijo lang siya.
“Read the instructions and think twice before answering the sheets. Strictly no erasure,” patuloy na paalala ni ma'am na ikinasimangot naman ng iba.
Malamang, ‛yon ay dahil sa no erasure policy. Kaya nga exam eh. ‛Tong mga kaklase ko, ewan ko minsan kung nag-iisip eh! Nakisama pa ‛tong si Yana!
Napahilot na lang ako sa sentido bago nagsimulang sumagot...
——*——
“Trixie giiiiirl! Na-nosebleed ako sa math!” reklamo ni Yana habang nag-iinarteng nakaupo sa harap ko.
Hindi ko ito pinansin dahil maski ako ay nahirapan din— sa lahat ng apat na subjects. Bukas naman ang susunod na apat pa kaya magiging busy na naman ako kaka-review mamaya.
Nasa loob kami ng cafeteria kasama si Dencel. Nang niyaya ko siyang mag-lunch nang una ay hindi na ‛to humiwalay pa sa amin. Actually, madaming nag-i-insist na babaeng gusto siyang kasabay kumain pero ayaw niya.
Campus crush nga talaga... Pero wala pa ring epekto ‛yong pagpapapansin niya sa ‛kin. Because of a strong reason.
“Anong sa inyo? Treat ko," sambit ni Dencel na katabi ko na naman. Tuko rin talaga ‛to eh!
“Lagi ka na lang nangti-treat. Baka naman nauubos ang baon mo niyan sa pagpapalakas kay Trixie," sagot ni Yana na wala sa mood. Kinuha nito ang phone at tumipa ro’n.
“Ikaw, Beatrix? Anong sa ‛yo?” balik na tanong ni Dencel sabay tingin sa counter.
Sa isang malaking screen do’n ay nakalagay ang available na foods and beverages, kasama ang price nito sa gilid. Para kaming nasa isang fast food chain.
Nagkibit balikat ako, “Kahit ano na lang...” saka isinubsob ang mukha sa table.
Puyat kagabi, tapos na-stress pa kanina. Wala na ‛kong energy! Mabuti’t natapos na ang research namin at nakapag-defense na. Dahil kung nagkataong sabay-sabay lahat, zombie mode ako nito.
“Ayos ka lang?” may pag-aalalang banggit ni Dencel.
Nakaramdam ako ng haplos sa aking ulo. Pero ewan ko ba kung bakit naghahanap ako ng kakaibang pakiramdam sa haplos na ‛yon? Parang... walang dating.
“Okay ka lang, Trixie girl?” tanong ni Yana pero hindi ko sila pinansin dahil nakapikit ako. “Oy, baka mabigat ‛yang kamay mo ah? Sumakit pa lalo ‛yang ulo ni Trixie.”
“Hindi, pinapakalma ko lang siya. Baka kasi pagod eh.”
“Ay! Pagod? Baka naman pinagod mo?” tanong muli ni Tuko number 1 kaya nagpantig ang tenga ko.
I heard Dencel chuckled, “O-order lang ako ng lunch natin. Dito lang kayo ah?”
Tumigil ang paghaplos sa buhok ko bago naramdamang tumayo ang katabi. Tamad na iniangat ko ang ulo saka humikab.
Napatakip agad ako sa bunganga at nanlalaki ang mga mata. Medyo bastos ‛yon ah. Humihikab sa hapag-kainan? Kung sa bagay, wala pa naman kaming pagkain.
Nakalumbaba ako at tumingala kay Dencel. “Bilhan mo na lang ako nang kahit na ano. Babayaran ko pagbalik mo," saka ko kinuha ang wallet sa bulsa pero pinigilan niya ‛ko.
“Huwag na. Treat ko ulit.”
“Nge! Ako na, sagot ko na kayo ni Yana. Saka tumigil ka nga sa panlilibre mo. Baka sabihin ng iba, mukha kaming pera.”
“Oo nga, Dens," natutuwang sabi ni Yana nang makarinig na naman ng libre. Bruhang ‛to! May nickname na rin kay Dencel ha?
Ipinatong ulit ng binata ang isang kamay sa ulo ko, saka ginulo kaya napasimangot ako.
“Naka-braid ako! Ginugulo mo naman eh!”
Nagpatali kasi ako kay mommy kanina bago pumasok. Wala lang. Napanood ko lang sa YouTube at nagandahan ako. Isang diretsong braid lang naman.
“Ayos lang ‛yan. Mas maganda ka pa rin naman sa ibang babae rito," natatawang aniya bago namin narinig ang tikhim ni Yana na may kakaibang tingin sa amin. Baliw.
Umalis na ito upang pumunta sa counter.
Aangal na sana ako dahil naalala kong manlilibre na naman siya, nang sinipa ako ni Yana. Syempre, itong bruha lang naman ang nakakagawa sa ‛kin no’n.
“May chance na ba ‛yon?” nguso nito na kay Dencel na nasa counter naka-point.
Umirap ako at sumandal sa backrest ng upuan. “Magkaibigan lang kami. Pasalamat nga siya at naging magkalapit pa kami eh. You know, hindi ako basta-basta nakikihalubilo lalo’t may trust issue ako.” Kaya nga si Yana lang ang naging kaibigan ko bukod kay Allen eh.
Speaking of Allen, never ko na talaga siyang nakita. Minsan na lang din kasi akong lumabas ng bahay eh.
Kita ko namang tumango lang si Yana. “Kung sa bagay...” Biglang nanliit ang mga mata nito sa kung ano o sinong nasa likod ko. “Trixie girl, be ready.”
“What?” nakakunot-noo kong tanong bago nakaramdam ng ibang presensya sa likod. Like a bad aura.
“Look who's here,” an irritating voice filled my ears.
Ano na namang gusto nito?
Hinawi ko lang ang naka-braid kong buhok bago kinuha ang phone para may pagka-abalahan. Ayoko ng gulo.
“Oh, girls. Did you hear the rumors? May isang college student daw ang nali-link sa isang estudyante rito. At ito pa ha, nakita sila sa C.R. My gosh!”
Humigpit ang hawak ko sa phone na ini-scroll ko, pero mas pinili ko pa ring tumahimik. Yana’s glaring at me pero sinenyasan ko siyang hayaan na lang.