Padabog na pumasok si Paula sa kanilang mansyon, halos wasakin ang pintuan sa tindi ng kanyang galit. Hindi niya matanggap ang pagkapahiyang dinanas niya sa opisina ni Atlas. Agad niyang hinanap ang kanyang ama na si Weston Albarando, na noon ay komportableng nakaupo sa veranda habang nagbabasa ng dyaryo.
“Papa!” sigaw ni Paula habang patakbong lumapit sa ama. Bakas ang luha ng galit sa kanyang mga mata.
Napaayos ng upo si Weston, agad na nabahala sa itsura ng paboritong anak. “Paula, anong nangyari? Bakit ganyan ang itsura mo? May nangyari ba sa inyo ni Atlas?”
“Si Roxie, Papa! ’Yang anak ni Mama na akala mo ay santita!” halos mag-hysterical na si Paula habang inilalapag ang kanyang designer bag sa mesa. “Pumunta siya sa Municipal Hall kanina. Naglantad siya roon para akitin si Atlas sa harap ko mismo! At alam mo ba ang mas malala? Pinahiya ako ni Atlas! Sinigawan niya ako sa harap ng babaeng ’yan dahil lang daw sa ‘business’ na dala niya!”
Kumunot ang noo ni Weston, ang kanyang awtoridad bilang dating alkalde ay agad na lumabas. “Business? Anong business ang pinagsasabi mo?”
“Balak niyang magtayo ng branch ng Liwayway Jewelry dito sa itatayong mall sa bayan! At hindi lang ’yun, Papa…” Huminga nang malalim si Paula, tila hirap tanggapin ang susunod na sasabihin. “Bumili siya ng lupa rito sa baryo natin. Malapit sa hangganan ng hacienda natin! Nag-apply na siya ng land permit kay Atlas. Balak niyang manatili rito para tuluyan akong agawan ng lahat!”
Napatayo si Weston, ang kanyang mukha ay nagdilim. Bilang dating alkalde, alam niya ang implikasyon ng pagkakaroon ng isang bilyonaryong tulad ni Roxie sa loob ng kanyang teritoryo.
“Bumili siya ng lupa rito? Sigurado ka ba sa nalaman mo?”
“Opo! Narinig ko mismo sa opisina ni Atlas kanina. Kaya pala siya biglang nagpakita rito, hindi para bisitahin si Mama kundi para sakupin ang San Sebastian!” sumubsob si Paula sa balikat ng ama, pilit na nagpapaawa.
“Papa, huwag niyo siyang hayaan. Kapag nanatili siya rito, mawawala sa akin si Atlas. Nilalason na niya ang isip ng boyfriend ko. Sinabihan pa ako ni Atlas na wala na raw akong respeto sa kanya!”
Hinaplos ni Weston ang likod ng anak, pero ang kanyang mga mata ay nakatingin sa malayo, puno ng masamang balakin.
“Huwag kang mag-alala, Paula. Hindi ko hahayaang may lumamang sa ’yo rito sa sarili nating bayan. Kung akala ni Roxieleen ay makukuha niya ang lahat dahil lang sa pera niya, nagkakamali siya.”
“Anong gagawin natin, Papa?” tanong ni Paula, sabay pahid ng luha.
“Ang lupang binili niya… hindi basta-basta maaprubahan ang permit niyan kung haharangin ko sa munisipyo. Marami pa akong mga tauhan doon na tapat sa akin,” malamig na sabi ni Weston.
“At si Atlas? Kailangan niyang maalala kung kanino siya may utang na loob. Hindi siya magiging Mayor kung hindi ko ibinigay ang basbas ko.”
“Pero Papa, mukhang kampi na siya kay Roxie,” maktol ni Paula.
“Hayaan mo muna siya. Malalaman din ni Atlas na ang dugong Albarando ay hindi pwedeng bastusin,” seryosong tugon ni Weston. “At ang kapatid mo? Pagsisisihan niyang bumalik pa siya rito. Ipaparamdam ko sa kanya na sa San Sebastian, wala siyang kapangyarihan.”
“Papa, hindi niyo naiintindihan!” muling hiyaw ni Paula, ang boses ay puno ng pait.
“Hindi lang basta lupa ang kinuha niya. She’s building a sanctuary, Papa! Isang hacienda na baka mas malaki pa rito sa atin! Gusto niyang ipakita sa lahat na siya ang Great Roxie Russo at tayo? Tayo ang mga kawawang kamag-anak na naiwan sa probinsya!”
Humarap si Weston sa anak, ang kanyang mga mata ay naniningkit.
“Huminahon ka, Paula. Ang galit ay hindi nakakatulong sa pag-iisip. Sabihin mo sa akin, ano ang naging reaksyon ni Atlas nang itaboy mo ang kapatid mo?”
“’Yun na nga ang masakit, Papa!” humagulgol na si Paula, pilit na kumukuha ng higit pang simpatiya.
“Pinahiya niya ako! Sabi niya, wala raw akong respeto sa posisyon niya. Sabi niya, legitimate investor daw si Roxie at hindi ko raw pwedeng bastusin. Papa, sa loob ng dalawang taon, ngayon lang ako ginanun ni Atlas. At lahat ng ’yun, dahil sa presensya ng babaeng ’yan!”
Mabagal na tumango si Weston, habang ang kanyang mga daliri ay dahan-dahang kinukutkot ang hawak na baso ng brandy.
“Atlas is young. Masyado siyang idealista. Akala niya ay sapat na ang talino at batas para pamunuan ang San Sebastian. Nakakalimutan niya na ang pundasyon ng silya niya ay gawa sa suporta ng mga Albarando.”
“Kaya nga, Papa! Sabi ko sa kanya, kung hindi dahil sa inyo, hindi siya mananalong Mayor! Pero alam niyo ba ang sinagot niya? Sinigawan niya ako! Pinapalabas niya na kaya niya ang lahat nang mag-isa!” sumumbong si Paula habang nakahawak sa braso ng ama.
“Kailangan nating turuan ng leksyon si Roxie. At kailangan nating paalalahanan si Atlas kung sino ang tunay na may hawak sa leeg niya.”
Napangisi nang bahagya si Weston, isang ngising nagpapakita ng kanyang pagiging tusong politiko.
“Huwag kang mag-alala, anak. Ang lupa ay hindi basta-basta naitatayo nang walang pirma ng tamang tao. Marami akong mga tauhan sa zoning at engineering department. Pwede nating palabasin na ang lupang binili niya ay protected area o kaya naman ay may problema sa land title.”
“Gawin niyo ’yan, Papa. Gusto ko siyang mapahiya! Gusto ko siyang lumayas dito na luhaan!” sulsol ni Paula.
“Hindi lang ’yun,” dugtong ni Weston, ang boses ay naging malamig na parang yelo.
“Ipapatawag ko si Atlas dito sa mansyon para sa isang ‘dinner.’ Paaalalahanan ko siya sa mga utang na loob na hindi nababayaran ng simpleng ‘salamat.’ Kung gusto niyang maging bayani sa harap ni Roxie, sisiguraduhin kong mawawalan siya ng lupaing pagbibidahan.”
Lumapit si Weston kay Paula at hinawakan ang magkabilang balikat nito.
“Anak, ang San Sebastian ay sa atin. Kahit gaano pa karaming brilyante ang dalhin ni Roxie rito, sa dulo ng araw, ang apelyidong Albarando pa rin ang susundin ng mga tao. I’ll make sure her permits get stuck in a bureaucratic nightmare. I’ll make her regret ever stepping foot back in this town.”
“Salamat, Papa,” nakangiting tagumpay si Paula, habang sa loob-loob niya ay nagdiriwang na siya. “Dapat lang sa kanya ’yun. Akala niya siguro ay parang Maynila lang ito na madadaan niya sa pera. This is our territory.”
Habang nagpaplano ang mag-ama, hindi nila alam na nasa likod lang ng pinto si Alma, ang ina nina Roxie at Paula. Narinig nito ang lahat, at ang kaba sa kanyang dibdib ay lalong tumindi. Alam niyang nagsisimula na ang digmaan sa pagitan ng sarili niyang mga anak, at natatakot siya sa kung ano ang kayang gawin ni Weston para lang mapagbigyan ang kapritso ni Paula.
______
Kinaumagahan, hindi pa man lubos na nakakapag-almusal si Atlas sa kanyang opisina nang tumunog ang kanyang private line. Nang makita niya ang pangalan sa screen, huminga siya nang malalim. Alam niya ang tawag na ito. Ito ang tawag na matagal na niyang kinatatakutan—ang paniningil ng utang na loob.
“Good morning, Mayor,” ang boses ni Weston ay kalmado pero bakas ang awtoridad na tila ba hindi ito madi-disagree-han.
“Good morning, Sir Weston,” sagot ni Atlas, pilit na pinapanatili ang pormalidad.
“I heard about what happened yesterday sa opisina mo. My daughter was very upset, Atlas. Pero alam mo naman ang mga babae, madaling magtampo,” tawa ni Weston na may halong pahiwatig. “Anyway, I’m calling because I want to invite you for dinner tonight here at the mansion. Alam mo na, para makapag-relax tayo at pag-usapan na rin ang mga ‘future projects’ dito sa San Sebastian. Especially those... new investors coming in.”
Napasandal si Atlas sa kanyang silya. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa. “Sir, kung ang dinner na ito ay para pag-usapan ang land permit ni Ms. Roxie Russo at ang ginawa ni Paula kahapon, mas mabuti pang maging tapat na ako sa inyo ngayon pa lang.”
Tumahimik sa kabilang linya. Ang kaninang palakaibigang tono ni Weston ay biglang naglaho. “Go on, Atlas. I’m listening.”
“I cannot, in good conscience, delay or deny the permits of Ms. Russo,” matapang na pahayag ni Atlas. “Her documents are flawless. Ang investment na dala niya ay para sa ikabubuti ng bayan natin. Sir, nirerespeto ko kayo bilang ama ni Paula at bilang dating alkalde, pero hindi ko pwedeng gamitin ang posisyon ko para sa personal na galit ng anak niyo.”
Narinig ni Atlas ang mabigat na paghinga ni Weston. “Atlas, baka nakakalimutan mo kung sino ang naglagay sa ’yo sa posisyong ’yan. Ang bawat sementong tinatapakan mo sa munisipyong ’yan, Albarando ang nagpondo. Huwag kang magmalinis sa akin.”
“Hindi ako nagmamalinis, Sir. Nagpapakatao lang ako,” tugon ni Atlas, ang boses ay hindi nanginginig. “Kung ang suportang ibinigay niyo sa akin ay may kapalit na bulag na pagsunod sa maling gawain, sana ay hindi niyo na lang ako tinulungan. I didn’t become a lawyer and a mayor to be someone’s puppet. Hindi ko sasang-ayunan ang baluktot na pag-iisip na dahil pamilya niyo ang nasaktan, kailangang gipitin ang isang taong wala namang ginagawang masama.”
“Nagbabago ka na, Atlas. Dahil ba sa babaeng ’yan? Dahil ba sa ganda ni Roxie?” kutyang tanong ni Weston.
“Dahil ito sa tama, Sir,” diretsong sagot ni Atlas. “Kahit sino pa ang nasa harap ko, ganoon pa rin ang paninindigan ko. Hindi ko tatanggapin ang imbitasyon niyo sa dinner kung ang layunin ay pilitin akong baluktutin ang batas. I hope you understand.”
“Understood,” malamig na sagot ni Weston. “Pero tandaan mo ito, Atlas. Ang kapangyarihan ay parang tubig—madaling ibigay, pero madali ring bawiin. Huwag kang magsisisi kapag naramdaman mo na ang lamig ng pag-iisa sa itaas.”
Binaba ni Weston ang telepono nang hindi nagpapaalam.
Naiwang nakatitig si Atlas sa kanyang cellphone. Ramdam niya ang bigat ng desisyong ginawa niya. Alam niyang mula sa sandaling ito, idineklara na niya ang giyera laban sa pamilyang nag-angat sa kanya. Pero sa likod ng kaba, may naramdaman siyang gaan. Para siyang nakalaya sa isang hawla.
Sa sandaling iyon, bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang sekretarya na si Lina, bitbit ang ilang folder.
"Mayor? Mukhang malalim ang iniisip niyo," pansin ni Lina habang inilalapag ang mga dokumento.
Tumingala si Atlas. "Lina, tawagan mo ang hotel ni Ms. Russo. Sabihin mo sa kanya, ang Mayor ang mag-aanyaya sa kanya para sa isang dinner tonight. Isang pribadong dinner. Gusto kong humingi ng paumanhin sa nangyari kahapon nang walang ibang nakikinig."
Nagulat si Lina pero agad ding tumango. "Masusunod po, Mayor. Mukhang kailangan nga ninyong mag-usap nang masinsinan."
.
.
.
~ITUTULOY