ANG BABAE SA LARAWAN
Sa dinami-raming pdeng maging representative ng aming department ay ako pa talaga ang napili. Ni wala akong kaalam alam sa arts! Gusto ko lang namang magpahinga sa darating na weekends at makiuso sa kanta ni Miley Cyrus at sabayan ang line na... I can buy myself flowers with matching pag indak ng bewang. Pero wala akong magawa dahil bago pa lang ako sa trabaho kailangan kong magpasikat.
Cancelled na muna ang Flowers ni Miley sa to-do list o ako ang makaka-cancelled ni boss pag hindi ako sumipot sa Art Exhibit na ito.
Tuloy-tuloy akong pumasok sa loob ngunit agad ding napatigil dahil sa tumawag. Lumingon ako at nakita ang guard na lakad takbo palapit sa akin.
Naks! Sana all hinahabol.
“Miss. Nakalimutan mong ibigay iyong invitation card.” aniya na medyo hinihingal pa. Wow. Invitation card pala ang nais. Binigay ko na lang iyon at nagpasalamat.
Sa daming naka display na Arts ay isa lamang ang namumukod tanging nakaagaw pansin sa akin. Sa gitna at punong puno ng mga bulaklak, kung saan naroon ang may kalakihang larawan ng isang nakatalikod na babaeng naka puting bistida na lagpas hanggang tuhod. Waring nililipad ng hangin iyon kasabay ng mahabang alon alon nitong buhok. Nakataas ang parehong mga kamay na tila may inaabot.
Hahawakan ko sana ang larawan ngunit agad ring natigilan. Napuno ng dilim ang buong silid, ngunit ang larawan sa aking harapan ay nagliliwanag. Pinakatitigan ko iyon hanggang sa matuon na lang ang paningin sa isang direksyon. Inangat ko ang kanang kamay para sana hawakan iyon ngunit laking gulat ko dahil may biglang humawak sa palapulsuhan ko at puwersado akong hinila ng nasa loob.
Sa pagmulat ko ng mga mata ay iba na ang nakikita ko. Napapalibutan ako ng iba't ibang uri ng mga bulaklak. Nagtaka ako dahil nakataas ang mga kamay ko. Kunot noong pinasadahan ng tingin ang puting bistida na suot ko na ngayon. Nanlaki ang mga mata ko ng maalala ang babaeng nasa larawan.
Imposible!