Pagkatapos maligo, nakapagluto na ang kasambahay ni Rose. Tumulong si Anne sa paghain ng mga pagkain sa mesa.
"Sanay ka ba sa gawaing bahay, hija?" tanong ng matandang kasambahay sa kaniya.
"Opo. Laki ako sa hirap. Pero iyon nga lang po, pagdating sa pagluluto, iyong mga nakagisnan ko lang na niluluto nina Amang at Inay ang alam kong lutuin."
"Madali lang namang magluto," sabi ng matanda .
"Manood ka lang sa Youtube."
"Ano po iyon?" inosenteng tanong ni Anne. Wala siyang celphone. Hindi siya maka-relate.
"Sa tv po?"
"Oo. Puwede din sa cellphone. May pinapanood ako minsan na mga vlog
ng mga nagluluto."
Tumango na lang siya. Wala siyang celphone at wala din silang tv sa kanila.
Napabuntong hininga siya. Naniniwala siyang makakaranas din siyang magkaroon ng tv pagdating ng araw.
Habang kumakain, nagkuwento si Rose ng love story nila ni Ethan. Nabuhayan tuloy ng loob si Anne. Naniniwala siya na kaunting-kaunti na lang magiging kaniya na si Craig. At gaya ni Rose ay magiging masaya din siya. Hindi na niya mararanasan pang maghirap.
Pagkatapos kumain ay siya na din ang nagprisintang magligpit ng mga pinagkainan nila.
Si Rose naman ay bumalik sa silid upang ipagpatuloy ang pag-d-declutter niya ng kaniyang mga gamit.
Kanina pa palinga-linga sa paligid si Anne. Hindi na niya nakita si Craig mula kanina.
Baka busy na. Baka pumasok na sa trabaho, isip-isip niya.
Natapos na siya sa paghuhugas. Nagpunas siya ng mesa habang hinihintay si Rose na lumabas ng silid nilang mag-asawa.
Muli siyang luminga sa buong paligid. Sakto namang dumating si Craig. Dumiretso ito ng kusina.
Napangisi ito nang makita niya si Anne.
"Hinahanap mo ako?"
Umirap si Anne. Hindi naman siya maldita, e. Pero kapag nakakaharap na niya ang lalakeng 'to umiinit ang kaniyang ulo. Hindi naman kasi ito ang gusto niyang makita. Si Craig ang gusto niyang makita. Si Marko na akala niya ay Craig ang pangalan.
Sa oras na malaman niya ang lahat, tiyak na mawiwindang siya. Baka masuka pa siya at mapadasal ng madaming Latin prayers upang bawiin ang orasyon at gayuma.
"Hindi, no!"
Nagpatuloy na siya sa pagpupunas.
"Kunwari ka pa," panunukso ni Craig sa kaniya. Alam ni Craig na kay Marko may gusto si Anne, pero alam din niyang hindi ito magugustuhan ni Marko.
May ibang gusto ang lalake. At hindi iyon mag-s-settle hangga't hindi niya ito nahahanap.
Kumuha siya ng baso at nagsalin ng tubig mula sa pitsel na kinuha niya sa fridge.
Lumapit siya kay Anne na patuloy lang sa ginagawa nito. Sumandal siya sa mesa na pinupunasan nito.
Parang wala man lang kahit kaunting interes sa kaniya ang babae. Hindi niya matanggap. Siya si Craig na pinipilahan, ini-snob lang ng isang ordinaryong babae?
Na-challenge tuloy siya.
Plano niya itong akitin, pero paano naman niya iyon gagawin kung halos hindi man lang siya nito bigyan ng pansin?
"May lahi ka bang keyboard?"
Heto na naman siya, isip-isip ni Anne. Hindi siya nagsalita. Iniwasan din niyang mapatingin sa lalake kahit na natutukso siyang irapan ang lalake.
"Tanungin mo ako kung bakit," utos nito sa kaniya.
"Ayaw ko."
"Ang KJ naman nito."
"Oh, bakit?" napipilitan niyang sagot upang tantanan na siya ng lalake.
"Type kasi kita, e."
Umiling si Anne. Ang korni ng lalakeng 'to. Guwapo sana pero ang lakas ng saltik, isip-isip niya.
"Sana baso ka na lang..."
Umirap siya. Hindi pa din ba 'to titigil?
"Para 8 times a day kitang nahahawakan at nahahalikan."
Nanlaki ang mga mata ni Anne.
Napatingin siya kay Craig na umiinom.
"Bastos!"
Kamuntik tuloy mabulunan si Craig.
Mukhang mahihirapan siyang akitin ang babae. Pero ayos lang. Handa siya sa challenge.
Napatitig siya sa babaeng inis na inis na nakatingin sa kaniya.
Nginisihan niya ito.
Tinalikuran naman siya ni Anne. Pumasok ito sa guestroom dahil naiihi siya.
"Naku naman!" reklamo niya nang makita niya ang mantsa sa kaniyang panty.
Mabilis niya itong hinubad. Mabuti na lang at may baon pa siyang isang panty. Sinampay niya ang hinubad niyang panty sa may lababo.
Naupo na muna siya sa toilet bowl habang tinutupi sa apat iyong pasador na baon niya.
"Anne, I'm coming in. Don't freak out."
Basta na lang pumasok si Craig sa loob ng banyo. Napatili si Anne ngunit maagap na natakpan ni Craig ang kaniyang bibig.
"Uhm! Uhm!"
Gustohin man niyang makipagbuno sa lalake ngunit wala siyang suot na kahit ano sa kaniyang ibaba.
"Wala akong nakita, okay. Hindi ako tumingin. Kailangan ko lang magtago dito dahil nandito si Mommy. Tinataguan ko kasi siya."
"Mmm!"
"Quiet..."
"Bibitawan kita pero kailangan mong tumahimik, okay?"
Tumango na lang siya. Naisip din niya si Rose. Kaibigan pa din ito ni Ethan kaya kailangan niyang pakitunguhan ng maayos. Mukhang nagsasabi naman ito ng totoo. Tingin naman niya ay wala itong pagnanasa sa kaniya. Mahilig lang talaga itong humirit ng mga korni niyang pick up lines.
"Sa dami ng papasukan mong silid dito pa talaga," reklamo niya sa lalake sa mahinang tinig.
"Hindi iisipin ni Mommy na nandito ako," paliwanag naman ng lalake. Sumandal ito sa may sink. Napatingin siya sa may sink nang mapansin niya iyong nakapatong na tela doon.
"Ay! Ba't ka nakatingin sa panty ko?" Nayayamot, naiinis ngunit may halong hiya na asik ni Anne.
"Huh? Panty ba 'to? Akala ko bacon."
Tumawa si Craig.
Inirapan ni Anne ang lalake kahit na hiyang-hiya siya. Pero bakit nga ba siya mahihiya? Kailanman hindi niya kinahiya na mahirap lang siya.
Napatingin ito sa pasador na inaayos niya.
"You have a period? Bakit hindi ka gumamit ng napkin? Mas hygienic iyon gamitin."
"Wala akong napkin," sabi naman niya.
Dalawang beses pa lang ata siya nakagamit ng napkin. Tapos bigay lang din iyon sa kaniya.
"Okay. Wait here. Dadalhan kita ng napkin. Hintayin mo ako dito."
Hinintay niya nga ang lalake. Makalipas ang twenty minutes dumating na ito. May dalang limang balot ng napkin.
"Pili ka na lang diyan," sabi nito.
"Akin na lang lahat ng 'to?"
"Yeah, sa'yo na lang."
Nakaramdam ng awa si Craig. Sigurado siyang sa sobrang hirap ng buhay ng babaeng ito, kahit napkin ay hindi man lang nito ma-afford.
"Sige na. Aalis na ako."
"S-Salamat..."
Ngumisi lang si Craig sa kaniya.
Nang makapag-ayos lumabas na din si Anne. Ang byenan ni Rose at ang isa nitong kaibigan ay narito upang magpahilot sa kaniya.
Tuwang-tuwa ang mga ito sa kaniya dahil kahit payat siya, mabigat ang kaniyang kamay. Gusto ng mga ito ng hard, lalo na at madami itong mga lamig-lamig sa katawan.
Napagod siya ng husto dahil sa kaka-extend ng oras ng dalawa. Tag-dalawang oras niyang dinurog-durog ang mga lamig-lamig ng mga ito sa katawan.
Ang laki tuloy ng binigay ng mga ito sa kaniya.
"Next week ulit, ha," sabi pa ng mga ito. Malaki ang mga ngiti sa labi na ngumiti siya.
Pagkatapos nilang magpahinga saglit, umalis na din ang mga ito.
"Ang bait ng byenan mo, Ate.
Pati na din iyong kaibigan niya."
"Mabait talaga ang mga iyon," sabi naman ni Rose. "Mama ni Craig iyong isa."
Nagliwanag ang kaniyang mukha. Mabuti na lang at natuwa sa kaniya ang matanda. Ang ina pala ng lalakeng gusto niya iyong minasahe niya kanina.
Humabol din iyong ina ni Marko. Binibida nito ang kaniyang anak habang minamasahe siya ni Anne.
May mabuti namang nagawa sa kaniya ang lalake kanina sa kaniya kaya iniwasan niyang kontrahin sa isip iyong sinasabi ng matanda.
Wala siyang kaalam-alam na ang matandang ito ang nanay ng lalakeng gusto niya. Kung alam lang niya talaga.
"Maganda ka, hija. Wala ka pang boyfriend? Tatandang binata na ang anak ko."
Napangiti na lang siya. Salamat po pero iyong kaibigan po ng anak niyo ang gusto ko, piping sagot niya.
Sa susunod na linggo pa ang balik niya kina Rose pero ayos lang dahil madami naman siyang kinita ngayong araw.
Bukod sa pera, may damit pa galing kay Rose.
"Iyong iba, next week na. Ito nga pala iyong calling card ni Craig."
Makahulugan siyang tiningnan ni Rose. Ngumuso naman siya at napaiwas ng tingin.
"Mag-uwi ka na din ng pagkain. May mga dalang pagkain sina Mommy at Tita kanina, hindi namin iyon mauubos."
"Salamat po, Ate."
Tuwang-tuwa siyang umuwi. Bukod sa pera, damit at pagkain, may uwi din siyang mahalagang bagay. Iyong brief ni Craig.
Kasama ni Ethan na umuwi ng penthouse sina Craig at Marko kinagabihan.
"Oy, Craig, kunin mo iyong brief mo sa banyo sa guestroom," sabi sa kaniya ni Rose pagpasok na pagpasok ng living room.
"Ano'ng brief?" maang naman nitong tanong.
"Iyong brief mo nang maligo ka dito."
Pinuntahan niya ito sa banyo sa guestroom pero wala naman siyang nakita doon.
"Wala naman, e."
Tinanong niya si Manang kung nakita nito iyong brief niya, pero sabi ng matanda hindi daw.
Saan naman kaya napunta iyon?
Nagsisinungaling kaya si Manang? Pero ba't naman mawawala iyon doon?
Hindi kaya interesado si Manang sa kaniya?
Sabagay, byuda na ito. At sa gandang lalake ba naman niya. Napangiwi si Craig sa kaniyang iniisip.
Sana naman ay nasa magandang kalagayan ang kaniyang brief. Huwag sanang gawing... Napamura siya sa kaniyang iniisip.
Wala siyang kaalam-alam na sa mga sandaling iyon ay may isang babaeng dinadasalan na ang brief niya at kasama na iyong bagay na nakadikit sa brief na iyon.