Mabilis na nag-unahan sa pagpatak ang mga luha mula sa’king mga mata nang marinig ang sinabi ni Sandro.
Pakiramdam ko ay biglang nanikip ang dibdib ko at tila nahihirapan akong huminga dulot ng matinding emosyon.
“I miss you, Hon...” Pag-uulit niya sa kaniyang sinabi saka tuluyang lumapat ang kaniyang labi sa’king labi.
Lahat ng agam-agam na nadarama ko ay tuluyan nang naglaho at hindi ko alam kung tama pa ba ang naririnig ko buhat sa kaniya.
Nakadama ako nang pananabik sa muling paghagod ng kaniyang labi sa’king labi kasabay ng muling pananariwa sa isipan ko ang sandaling magkasama kaming dalawa.
Mga sandaling wala kaming ibang ginagawa kundi namnamin ang isa’t isa.
“I really miss you, Hon...” namamaos niyang sambit.
“Sandro...” Patuloy na bumalong ang mga luha ko at hindi ko na rin alam kung ano ang susunod kong sasabihin.
“Mas kailangan ko nang tagaluto sa bahay kaya iuuwi na kita,” nakangiti niyang saad habang tinutuyo ng kaniyang mga daliri ang mga luhang patuloy lamang sa pamamalibis sa’king pisngi.
“Sorry...” Bigla akong bumunghalit ng iyak matapos sabihin ang madamdaming kataga na iyon.
“Sshh...”
Isang malalim na buntonghininga ang kaniyang pinakawalan saka kinabig ako ni Sandro upang yakapin at masuyong hinagod ng kamay niya ang aking buhok.
“Lahat ng mga nangyayari sa buhay natin ay palaging may malalim na dahilan. Alam kong ginawa mo lamang iyon dahil mahal mo si Angeline.”
Masuyong ipinalayo niya ang katawan ko mula sa kaniya saka isinapo ang kaniyang dalawang palad sa magkabilaan kong pisngi.
“Labis-labis akong nagpapasalamat sa kapatid mo dahil sa dinami-rami ng lalaking pwede nitong pagkatiwalaan ay ako pa talaga ang maswerteng napili ni Angeline.”
Sinalubong ko ang kaniyang mga mata na matamang nakatitig sa’king mukha.
“Angeline was my good secretary. A very dedicated, responsible, kind, and charming staff. A nice sister for all of us at Triple C’s and a very good friend of mine. Kaya ‘di nakapagtatakang hirap na hirap akong humanap ng kapalit niya mula ng mawala siya.”
Muli akong humagulgol ng iyak dahil sa naalala ko na naman ang namayapa kong kapatid na nagdulot ng kalokohan sa buhay naming dalawa ni Sandro.
“Nang maagaw ng pansin ko ang larawang nakasabit sa pader ng bahay mo, alam kong nakita ko na iyon. Pilit kong inalala kung saan hanggang sa ‘di sinasadyang nabuksan ko ang notebook na ibinigay sa’kin ni Angeline ng huling beses kaming magkasama sa opisina.”
Pinagdikit niya ang aming mga noo at saka pinaulanan ako ng maliliit na halik sa mukha.
“Mahal na mahal ka ng mga kapatid mo at sa sobrang pagmamahal nila sa’yo, handa silang magsakripisyo para lamang mapasaya ka. Alex and Angeline are a great sibling to you. Katulad ng mga kapatid kong walang ibang alam gawin kundi ang mahalin tayong dalawa.”
“N-nahihiya na akong magpakita pa sa pamilya mo.” Gumaralgal ang tinig ko habang sinasabi iyon.
Totoong nahihiya ako sa pamilya niya at hindi ko alam kung may lakas ng loob o mukha pa akong maihaharap sa kanila, dulot nang pang-iiwan ko kay Sandro ng gabing iyon.
“Bakit mo kinakailangang mahiya kung sila mismo ang gustong makasama ka?”
Tumaas ang isang sulok ng kaniyang labi saka muling pinahid ang mga luhang patuloy lamang sa pamamalibis sa’king pisngi.
“Alam mo bang pinagbabantaan na nila akong kapag hindi pa kita iniuwi sa bahay ay habang-buhay na kitang ‘di makakasama.”
“Pero, hindi pa ako handang magpakita sa kanila,” nahihiyang turan ko.
“Hon, sapat na ang ilang linggong paghihiwalay natin. Hindi na maaari pang madagdagan iyon at baka mabuntis ko na ang mga unan na ginagamit ko sa sobrang katigangan.”
“Ang libog mo talaga!” Mahinang hinampas ko siya sa kaniyang braso.
Natatawang niyakap niya ako saka kinintilan ng halik sa’king noo. “Kasalanan mo naman...”
“At pa'no ko naman naging kasalanan, aber?!” mataray kong tanong sa kaniya.
“Iniwanan mo kasi ako ng amoy mong mahirap hanapin sa ibang babae.”
Nagtayuan ang lahat ng balahibo ko sa batok nang ilapat niya ang kaniyang labi sa’king leeg.
“Sandro!” Nandidilat ang mga matang saway ko sa kaniya nang pumisil ang kamay niyang ‘di ko namalayang nakapasok na pala sa loob ng suot kong blusa. Biglang nanlambot ang mga tuhod ko sa kakaibang pakiramdam na idinulot niyon sa’kin.
“Hoy, Kuya! Mamaya mo na papakin si Ate Angela at ang init-init sa kinatatayuan ninyo!” sigaw ni Cristel.
Mahinang itinulak ko sa dibdib si Sandro para agad malayo sa’kin.
“Hayaan mo na nga silang dalawa.” Kilala ko ang tinig na iyon ng aking kapatid kahit pa ‘di ko siya nakikita.
“Epal ka talagang bakulaw ka. Maawa ka naman kay Ate Angela. ‘Di mo ba nakita kung ga’no katirik ang araw sa kinatatayuan nila? Sumusuka na nga siya kanina gusto mo pang pahirapan ng sobrang init!” tuloy-tuloy na sabi ni Cristel.
“Alam mo bagay sila ni Alex. Napansin kong may spark sa pagitan nilang dalawa lalo na noong magkausap kami,” ani ni Sandro.
Manghang napatitig ako sa kaniya. “Nagkausap kayong dalawa ni Alex?”
“Yes, Hon! Ako rin mismo ang nagsabi sa kaniyang bigyan ka muna ng time na makapag-isip. Baka kasi mas lalo mo lamang akong iwasan kung magpapakita agad ako sa’yo,” nakangiti niyang tugon saka inakbayan ako upang alalayang humakbang patungo sa may sasakyan.
Si Sandro na ang nagmaneho at mukhang hindi kami maayos na makababalik ng restaurant kung si Alex o Cristel ang magmamaneho.
Patuloy lamang kasi silang dalawa sa pagbabangayan at naaaliw naman akong panoorin sila.
Pagdaan namin sa may bandang kitchen, agad akong nakadama ng gutom nang maamoy ko ang masarap na amoy ng pagkain.
Inutusan ko si Alex na magpadala ng pagkain sa loob ng opisina dahil gutom na talaga ang aking pakiramdam.
Masayang-masaya ako habang tinititigan si Sandro na katabi kong nakaupo ngayon sa may maiksing sofa.
“Alam mo ba Ate Angela, naglasing ng bongga iyan si Kuya Sandro ng gabing iwan mo. Hayun, pinagkaisahan siya nina Papa, Mama, Kuya Seb at Ate Sandra. Ang masaklap pa ay si Ate Sandra ang naglinis ng pinag-inuman niya,” humahagikhik na kwento ni Cristel.
“Pero huwag mo nang alalahanin iyon dahil sa’yo pa rin naman kami kampi. Pangit kasi ‘to si Kuya Sandro. Magaling lang mang-asar pero iyakin naman pala!” nakaismid pang dugtong ng dalaga.
“Cristel!” saway ni Sandro sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Ooopps…” Nag-peace sign si Cristel bilang paghingi ng paumanhin.
“Sorry...” malungkot kong sabi.
Ginagap ni Sandro ang mga kamay ko saka dinala niya iyon sa tapat ng kaniyang labi upang patakan ng maliliit na halik.
“Huwag mong intindihin ang mga sinabi ni Cristel, sadyang mapang-asar lang iyang kapatid ko.”
“Hindi kaya!” nakalabing sansala ni Cristel.
Ang cute ni Cristel pagmasdan, para siyang bidang batang babae sa kinahihiligan kong panoorin ngayon na teleserye.
Nagpaalam si Sandro na lalabas muna at may kukuhanin daw sa loob ng kaniyang sasakyan. Naiwanan kaming dalawa ni Cristel sa loob ng opisina at habang naghihintay sa pagkain ay masaya kaming nagkwentuhan nito tungkol sa kaniyang mga crush.
Maya-maya’y humahangos na pumasok si Alex sa may pintuan at muntik pang madapa sa kamamadaling makalapit sa’kin.
“Alex!” Pabigla akong tumayo mula sa pagkakaupo at saka lumapit sa kaniya.
“Ate, halika!” Hinila niya ako sa braso patungo sa may pintuan.
“Dahan-dahan ka naman sa paghila kay Ate Angela,” asik ni Cristel kay Alex.
“Sorry naman!” tugon naman ni Alex.
Napabuntonghininga na lamang ako sa kanilang dalawa dahil para silang mga aso’t pusa na tuluyan nang nauuwi sa pagbabangayan.
Lumabas ako ng opisina at plano ko sanang puntahan si Sandro sa parking lot kung saan nakaparada ang kaniyang sasakyan.
Aaminin kong na-miss ko ang binata pati na ang mainit naming sensual na aktibidad, kaya hindi na ako magpapabebe pa sa kaniya.
Ako na mismo ang mag-aayang umuwi at magdamag kaming magkukulong sa loob ng aming silid upang makabuo rin agad ng mga cute na babies.
Yes! Gusto ko ng maraming anak katulad ng kanilang pamilya.
Natigilan ako nang maalalang hindi pa nga pala ako nagkakaroon ng buwanang dalaw. Bigla ko rin naisip ang madalas na pagkahilo ko at ang madalas kong pagduduwal na wala namang malalim na dahilan.
“Posible kayang buntis ako?” tanong ko sa sariling isipan.
Paglabas ko sa mismong entrada ng pintuan ng restaurant, sunod-sunod na sasakyan ang bigla na lamang huminto sa’king harapan.
Napalunok ako ng laway nang makitang bumaba mula sa loob ng unang sasakyan ang magulang ni Sandro.
“Angela!” nakangiting bati ng ina ni Sandro kasunod ang kaniyang ama na nakangiti rin sa’kin.
Sunod na bumaba mula sa loob ng sasakyan si Sandra na ‘di ko kababakasan ng anumang emosyon mula sa kaniyang magandang mukha.
Humakbang silang tatlo palapit sa’kin saka humalik sa pisngi ko ang ginang.
“I’m glad to see you again, Iha,” masayang sambit ng ina ni Sandro.
Wala akong maibulalas na anumang salita dulot nang pagkabigla at matinding hiyang aking nadama.
“Mas nakakabuti talaga sa’yo ang ‘di makita si Sandro. Lalo kang gumanda!” puri sa’kin ni Sandra.
Mula sa mga magulang nila, nabaling ang tingin ko sa kaniya na ngayo’y malawak nang nakangiti sa’kin.
Bugso ng matinding emosyon, yumakap ako sa kaniya sabay nang paghagulgol ko ng iyak.
“Patawarin niyo sana ako sa nagawa kong kasalanan kay Sandro,” usal ko sa kaniya.
“Sshh... Anuman ang nangyari ay isa na lamang iyong nakaraan. Ang mahalaga ay muli kang nagbalik, Anak.” Mula sa’king likuran ay masuyong humagod ang palad ng kanilang ina.
“Sorry po... Sorry po talaga!” patuloy kong hagulgol sabay yakap ko sa ginang.
“Hindi ako nagagalit sa anumang ginawa mo sa anak ko. Mahal ko kayo pareho bilang anak ko at kagaya nang sinabi ko sa’yo noon, mananatili akong ina para sa inyo. Alam kong may tamang oras ang lahat at nakatitiyak akong malalagpasan ninyong dalawa ni Sandro ang anumang pagsubok na darating sa inyong pagsasama.”
Nadama ko ang pagmamahal ng isang ina mula sa kaniya. Lalo akong nagsumiksik sa kaniyang mga bisig at mas hinigpitan ko pa ang pagyakap.
“Magiging ina ka na rin at alam kong magiging mabuting ina ka rin sa magiging mga anak ninyo ni Sandro.”
Mula sa pagyakap, marahan akong kumalas upang tumingin sa mukha ng ina ni Sandro.
“P-paano niyo po na-la-mang bun-tis ako?” gumaralgal ang tinig ko habang itinatanong iyon.
“Ikaw lang naman kasi ang babaeng sineryoso ni Sandro. Isa pa, napansin na marahil ni Mama ang paghinga mo. Hinihingal ka na parang dalawa kayong humihinga sa loob ng iyong katawan,” sabad ni Nena na bigla na lamang sumulpot mula sa likuran ng ina ni Sandro.
Manghang napatitig ako sa kaniya na karga-karga ang cute niyang anak na si Sab. Matamis na ngumiti ako saka nilapitan ko silang dalawa ng bata.
“Hello, Sab!” Kinuha ko mula sa bisig ni Nena ang cute na bata saka pinupog ko ng halik sa pisngi.
“Ang tagal niyo namang dumating!” maktol ni Sandro na agad kong nilingon.
Ang kaninang suot niya ay napalitan na ng tuxedo na animo’y may formal party siyang dadaluhan.
“Aba, nandito na pala ang pamangkin kong nagmana sa kagwapuhan ng Tito Pogi niya.” Mula sa bisig ko, kinuha ni Sandro si Sab sabay pupog ng halik sa matabang pisngi ng bata.
Sabay-sabay kaming napahagalpak ng tawa ng bigla na lamang hampasin ni Sab sa mukha si Sandro.
“Aray!” nakangiwing reklamo ni Sandro na walang kalaban-laban sa bata. “Bakit parang nahihiligan mo na yatang hampasin ako, Sab?”
Muli kaming humagalpak ng tawa ng muling hampasin ni Sab si Sandro sa kaniyang mukha.