ISLA MILAGROSA:
Ang Isla Milagrosa ay hindi nagpapakita sa mga sadyang naghahanap dito.
Hindi ito matatagpuan sa mga mapa, at hindi rin nakikita ng mga karaniwang mata. Para sa marami, tanging walang hanggang asul na dagat lamang ang naroon. Ngunit para sa mga pinili, ang abot-tanaw ay nayayanig na parang bubog at mula sa hamog, ang isla ay dahan-dahang lumilitaw na tila umaahon mula sa ibang mundo.
Mula sa itaas, ang Isla Milagrosa ay nakakaantig ng puso; ang mga puting bato na nakahanay sa baybayin nito ay tila mga sinaunang bantay, kumikinang sa ilalim ng araw at malambot na nagliliwanag sa dapit-hapon. Ang tubig na nakapalibot dito ay napakalinaw, isang malalim na asul na nagiging kulay turquoise, at ang mga alon ay dumarating nang marahan, tila mga bulong sa halip na hampas.
Sa gitna nito ay matatagpuan ang mga luntiang puno na sumasayaw sa malamig at mabangong hangin na may dalang ginhawa at misteryo. Ang hangin ay tila sagrado, puno ng mga kuwentong tumatangging isalaysay ng isla.
Walang sinuman ang nakakarating sa Isla Milagrosa nang hindi sinasadya. Tanging ang mga makakatanggap lamang ng misteryosong liham na may selyo ng sagisag ng isla... ang pinahihintulutang makapasok.
Kapag nandoon na, anumang mangyari sa isla ay mananatili sa isla.
May ilang dumarating para maghanap ng pag-ibig at kapayapaan, at kapwa nila ito nahanap.
May ilang tumatakas mula sa magulong mundo at sa wakas ay natutong magpahinga.
May ilang dumarating para maghanap ng mga kaibigan, ngunit pamilya at pag-ibig ang kanilang natagpuan.
Ang isla ay nagpapagaling... ngunit naglalantad din ito ng katotohanan.
Binubuo nito ang mga durog na puso, subalit ginigising ang mga nakabaon na sikreto.
Nagbibigay ito ng mga himala, ngunit nagtatago ng isang bahagi ng bawat kaluluwang nadaraanan nito.
Dahil ang Isla Milagrosa ay hindi lamang tumatanggap ng mga bisita.
Pinipili niya sila.
At tinatandaan niya sila.
*****************
PROLOGUE
“Tatlong taon, Ferox.”
Basag ang boses ni Jam sa ilalim ng malakas na hampas ng alon sa Isla Milagrosa. Nakapako ang mga mata niya sa lalaking minsang naging mundo niya ang lalaking iniwan siya nang walang paalam, walang paliwanag, walang awa.
“Tatlong taon kitang hinanap,” dugtong niya, nanginginig ang baba. “Sa bawat kalsada sa Maynila, sa bawat bar na tinugtugan mo, sa bawat aninong akala ko ikaw. Alam mo ba ’yon?”
Hindi makasagot si Ferox. Parang pinako ang mga paa niya sa buhangin habang ang dibdib niya’y hinihila pababa ng bigat ng mga salitang matagal na niyang kinatatakutan. Sa harap niya, hindi na ang babaeng iniwan niya ang nakatayo kundi ang babaeng winasak niya.
“Jam…” paos niyang tawag, isang hakbang pasulong.
“Huwag.” Mabilis ang sagot niya, parang kutsilyong tumama sa hangin. “Huwag mo akong lalapitan. Wala kang karapatan.”
Sa di kalayuan, tahimik na nagmamasid sina Marcus at Sandra. Magkatabi silang nakatayo sa lilim ng puno ng talisay mga matang puno ng lihim, mga ngiting pilit itinatago.
“Perfect,” bulong ni Sandra, bahagyang ngumiti. “Mas masakit kapag sariwa.”
“Let them bleed,” sagot ni Marcus, malamig ang tono. “Mas madali silang manipulahin kapag pareho silang sugatan.”
Hindi nila alam o baka mas pinili nilang hindi pansinin na ang isla ay may sariling puso. At ang pusong iyon ay nagising sa muling pagtatagpo ng dalawang awit na matagal na pinaghiwalay.
“Iniwan mo ako,” patuloy ni Jam, mas lumalakas ang tinig habang binabayo ng ulan ang paligid. “Buntis ako noon, Ferox.”
Nanlaki ang mga mata ni Ferox. Parang tumigil ang mundo.
“A-anong sinabi mo?”
Mapait na tumawa si Jam, luha’t ulan ang naghahalo sa pisngi niya. “Buntis. Sa anak mo. Sa batang gabi-gabi kang hinanap kahit hindi ka pa niya nakikita.”
Parang may sumabog sa dibdib ni Ferox. “Jam… bakit hindi mo sinabi?”
“Paano?” sigaw niya. “Iniwan mo ako! Wala kang iniwang address, wala kang iniwang numero wala kang iniwang kahit anong pwedeng kapitan!”
Lumapit si Marcus, kunwaring nag-aalala. “Jam, kalma ka muna”
“Tumahimik ka,” putol ni Ferox, biglang lumingon. “Ikaw. Ikaw ang huling taong nakausap ko bago ako umalis sa Maynila.”
Nagkunwaring nagulat si Marcus. “Ferox, hindi ito ang oras”
“Ikaw ang nagsabi sa akin na ayaw na niya.” Nanginginig ang kamao ni Ferox. “Ikaw ang nagsabi na may iba na siya!”
Sumingit si Sandra, maamong tinig na may halong lason. “Ferox, mahal, you were confused back then. Don’t blame Marcus for your choices.”
Napatingin si Jam kay Sandra, mga mata niyang puno ng pagkamuhi. “Ikaw.”
Ngumiti si Sandra, elegante at malamig. “Missed me?”
“Hindi ka nagbago,” sabi ni Jam. “Pareho pa rin mahilig magnakaw ng hindi sa’yo.”
Mabilis ang pangyayari. Sa isang iglap, sinuntok ni Ferox si Marcus. Bumagsak ito sa buhangin, duguan ang labi.
“Iyan ang para sa kasinungalingan mo.”
Tumayo si Marcus, galit na galit. “You think you’re the hero? You left her. I just… cleaned up after your mess!”
Nagkasuntukan sila sa gitna ng ulan at dilim dalawang lalaking hinubog ng inggit at pagsisisi. Bawat suntok ay may kasamang sigaw ng mga taong nasaktan, bawat bagsak ay alaala ng mga panahong hindi na maibabalik.
“Tumigil kayo!” sigaw ni Jam, ngunit nalunod iyon sa dagundong ng kulog.
Sa wakas, bumagsak si Marcus, hindi na bumangon. Humahag0k si Ferox, duguan at basang-basa, ngunit diretso ang tingin kay Jam.
“May anak tayo,” sabi niya, halos pabulong. “Nasaan siya?”
Napahawak si Jam sa dibdib niya, parang pinipigilan ang sarili na tuluyang bumigay. “Nandito. Sa isla.”
Parang tinamaan ng kidlat si Ferox. “Nandito?”
“Tatlong taon ko siyang pinalaking tinatanong kung bakit wala ang ama niya,” sabi ni Jam, bawat salita’y sugat. “Tatlong taon kong sinagot ang tanong na ’yon kahit ako mismo hindi ko alam ang sagot.”
Mula sa likod ng mga puno, lumitaw ang isang batang lalaki dalawang taong gulang, hawig na hawig kay Ferox. Parehong mga mata. Parehong hugis ng labi.
“Papa?” mahinang tanong ng bata, hawak ang palda ni Jam.
Bumagsak sa tuhod si Ferox. Umiyak siya walang tunog, walang lakas.
“Anak ko…”...