Hindi ko inaasahan na sa araw na bumili lang kami ng prutas, sa araw na na-scam si Psalm at sa araw na nagbibiruan lang kami. Doon pala magsisimula ang pinaka-delikadong gabi ng buhay namin. Pauwi na sana kami. Nasa kotse na. Ako sa passenger seat. Si Psalm ang nagmamaneho. Nakabukas ang bintana. Malamig ang hangin. Tahimik ang paligid. Parang normal. Parang payapa. Hanggang sa may kakaiba. “Lara,” sabi ni Psalm. Biglang naging mababa ang boses. Seryoso. Alert. “May sumusunod sa atin.” Napatingin ako sa side mirror. May itim na sasakyan. Malayo pa. Pero pareho ng direksyon. Pareho ng takbo. Kahit lumiko kami. Lumiko rin sila. “Baka nagkataon lang,” sabi ko. Umiling siya. “Hindi. Pang-ilang beses na ‘yan.” Bigla niyang binilisan. Sumabay ang sasakyan. Mas lumapit.

