KABANATA 4

1936 Words
RED  Pagkatapos magdilig ng mga halaman ni Gio sa hardin ay naglakad na siya papasok sa loob ng bahay.  " Hijo, tumawag nga pala si Henric kanina habang nagdidilig ka. Ipinaalala niya na sasamahan mo raw siya sa foundation mamayang hapon. Hindi mo raw kasi sinasagot ang mga tawag niya. " bungad ni Manang Gresha sa binata nang makarating ito sa kusina.  Naghahanda na si Manang Gresha ng almusal habang si Mang Ramon naman ay marahil naglilinis ng kotse. Ang paglilinis ng kotse ay nakagawian ng gawin ni Mang Ramon tuwing umaga.  " Sige po Manang, salamat. "  Hindi naman nakakalimutan ni Gio na sasamahan niya si Henric mamaya sa isang foundation dahil halos minu-minuto itong nagtetext at tumatawag sa kanya. Kulang na lang ay pumunta si Henric sa bahay niya para lamang ipaalala ang tungkol sa foundation.  " Maupo ka na at tatawagin ko lamang si Ramon para makakain na tayo. "  PAGKATAPOS nilang kumain ay napagdesisyonan ni Gio na mag-jogging. Ipapasyal niya na rin ang aso niyang si Luna dahil matagal na itong hindi nakakalabas.  Nagpaalam na siya kay Manang na mag-jojogging muna at binilin sa matanda na kung muling tatawag si Henric ay pakisabi na pupunta siya at sasamahan ito.  Inayos muna ni Gio ang collar at dog leash ni Luna bago nagsimulang tumakbo. Hindi naman gaanong malayo ang parkeng pinuntahan nila mula sa bahay dahil halos tatlong kanto lamang ang layo. Maraming mga bata ang naglalaro sa parke at may mga matatanda namang nakaupo lamang sa mga benches na nasa gilid at nagkukwentuhan.  May mga kabataan ding nagbabasa ng libro sa may ilalim ng puno. Samantalang ang mga magkasintahan naman ay naglalakad habang magkahawak-kamay.  May mga pamilya ring nakaupo sa mga nakalatag na tela at nag-aabutan ng mga pagkain na galing sa basket.  Noon ay hindi lamang si Luna ang kasama ni Gio kapag pumupunta sa parke. Kasama rin niya noon ang minamahal at naging isa na rin sila sa mga katulad ng mga matatanda na nakaupo lamang sa mga benches at nagkukwentuhan.  Kung minsan ay katulad ng mga kabataang nagbabasa ng libro sa ilalim ng mga puno. Naglalakad din sila noon ng magkahawak-kamay at kung minsan pa nga ay kumukuha ng mga litrato. Naranasan na rin nilang maglatag ng tela at magpicnic katulad ng isang pamilya.  Nabalik sa reyalidad si Gio nang bigla na lamang tumahol ang asong si Luna at kumawala sa hawak niya. Tumakbo ito papalayo sa kanya. Tatawagin at susundan na sana niya ito nang may bumangga sa kanyang likuran.  Nilingon niya ito at napansin na isa itong batang lalaki.  Sa tingin ni Gio ay nasa anim na taong gulang lamang ang batang lalaki na mayroong itim na itim na buhok, singkit na mga mata at mapupulang mga labi. Nakahawak ang bata sa kanyang noo habang ang kanang kamay naman ay may hawak na pulang rosas.  Tatanungin na sana ni Gio ang lagay ng batang lalaki nang mag-angat ito ng tingin sa kanya. Nakatitig lamang ang bata sa kanya at parang may malalim na iniisip.  " Hey kid, are you okay? "  Hindi sinagot ng batang lalaki ang tanong ni Gio sa halip ay itinaas nito ang hawak na bulaklak. Napakunot naman ang noo ng binata nang dahil sa ginawa ng batang lalaki.  " Pinabibigay po sa inyo. " saad ng batang lalaki habang nakataas ang kamay na may hawak na pulang rosas.  " For me? Are you sure? " nagtatakang tanong ni Gio sa batang lalaki dahil malaki ang posibilidad na nagkamali lamang ito.  " Opo, sabi po nung nagpapabigay na sa inyo ko ito iabot. " pagpupumilit pa rin ng bata kaya walang nagawa ang binata kung hindi tanggapin na lamang iyon.  " Sino ba ang nagpapabigay nito sa akin? " tanong ng binata habang nakatingin sa bata.  " Hindi ko po kilala. Bilin niya rin po sa akin na huwag kong sabihin sa inyo kung ano ang kanyang itsura. " sagot ng bata at bahagyang umiling.  Tatanungin pa sanang muli ni Gio ang bata nang bigla itong tawagin ng isang babae. Marahil ito ang nakatatandang kapatid ng batang lalaki.  " Ikaw talagang bata ka! Sinabi ko na sayong huwag na huwag kang makikipag-usap sa mga taong hindi mo naman kilala! Hindi ka talaga nakikinig! "  Tinignan muna ng masama ng babae si Gio bago inakay ang bata palayo sa binata.  Napatingin na lamang si Gio sa hawak niyang rosas na may mga tinik pala. Nilingon niya ulit ang direksyon ng bata ngunit paglingon niya ay wala na ito at ang babae. Inilibot niya ang tingin sa parke ngunit hindi niya talaga makita ang dalawa.  Inisip ni Gio na hindi naman siguro nasugatan ang bata sa mga tinik ng rosas dahil sa pinakadulo naman ng tangkay ito nakahawak. Ang mga tinik naman ng rosas ay malapit sa mismong bulaklak.  Habang nakatitig sa hawak na bulaklak ay naramdaman ni Gio na parang may nakatingin sa kanya kaya muli niyang inilibot ang tingin sa parke. Sa paglibot niya ng tingin ay napagtanto niyang halos lahat ng mga taong naroon ay may mga kanya-kanyang ginagawa.  Napatigil ang tingin niya sa isang puno nang may napansin siyang isang taong nakatayo . Nakasuot ito ng itim na damit na hanggang pulso ang haba, nakaitim na shades at may itim na telang tumatakip sa babang bahagi ng mukha.  Hindi mawari ng binata kung isa itong babae o lalaki dahil hindi nito maaninag ang buong katawan ng estranghero. Ang kaliwang kamay nito ay nakahawak sa puno at nakadungaw lamang ang mukha.  Lalapitan na sana ito ni Gio nang may marinig siyang tahol ng isang aso.  Nawala ang atensyon niya sa puno at napatingin sa aso na malapit sa kanyang kinaroroonan. Muli niyang naalala na kasama niya nga pala si Luna sa pagpunta rito ngunit ito ay nakawala.  Nang ibalik ni Gio ang tingin sa puno upang tignan ang estrangherong kanina ay nandoon ngunit wala na ito roon at bigla na lamang naglaho.  Hindi na lamang niya ito pinansin at nagsimulang naglakad upang hanapin si Luna. Hindi naman gaanong kalakihan ang parke kaya alam niyang mahahanap niya ito agad.  MAKALIPAS ng ilang minuto ay natagpuan na ni Gio si Luna malapit sa tindahan ng ice cream. Ito ang tindahan na lagi nilang binibilihan tuwing pumupunta rito sa parke. Marahil ay naaalala ni Luna na lagi silang bumibili ng ice cream rito pagkatapos mag-jogging.  Nginitian naman si Gio ng tindero nang ito ay mag-angat ng tingin sa kanya. Kilala na siya ng tindero dahil halos linggo-linggo silang nagpupunta rito sa parke. " Hi sir! "  Tinanguan lamang ni Gio ang tindero at mas lalong lumapit doon.  " Sabi ko na nga ba sa inyo itong asong ito eh. Bigla na lang ho kasi itong tumakbo papunta rito at nagpaikot-ikot sa harapan ng tindahan ko. " nakangiting saad ng tindero habang nakatingin kay Luna.  " Nakawala kasi kanina. " maiksing sagot ng binata.  Nilapitan ni Gio si Luna at hinawakang mabuti ang tali nito. Lumapit na muna siya sa isang bench at itinali si Luna rito. Ang pulang rosas naman na hanggang ngayon hawak niya ay inilapag niya na muna sa bench. Bumili si Gio ng ice cream at naupo sa bench kung saan nakatali si Luna at nilaro-laro ang aso habang kinakain ang ice cream.  Nang maubos ni Gio ang ice cream ay inayos na niya ang sarili pati na rin si Luna. Paalis na sana sila ng biglang nagsalita ang tindero.  " Sir, ang ganda ng hawak niyong bulaklak ah. Kaya lang mukhang mapanganib. "  Dahil sa sinabi ng tindero ay muling napatingin si Gio sa rosas na binigay ng batang lalaki kanina.  NANG makarating sa bahay ay tinanggal na agad ni Gio ang tali ni Luna at hinayaan muna itong magtatakbo sa loob ng bahay.  " Hay nako Luna! Huwag ka rito at ako ay naglilinis. " saway ni Manang Gresha sa aso na ngayon ay hinahabol ang walis niyang hawak.  " Gio! " tawag ng matanda sa binata.  Nagtungo naman si Gio sa dining area at nakitang nagwawalis si Manang Gresha ng sahig. Humingi ng paumanhin ang binata kay Manang at agad namang binuhat si Luna at dinala sa loob ng kwarto.  Nang makarating sa loob ng silid ay agad namang ibinaba ni Gio si Luna sa ibabaw ng kama bago nagtungo sa cr upang maligo.  PAGKATAPOS maligo ni Gio ay umupo na siya sa kama at katulad ng lagi niyang ginagawa ay kinuha niya ang picture ng minamahal upang titigan ito at kausapin.  " Hi love. Nagpunta kami kanina ni Luna sa parke. " pagkausap ni Gio sa litrato ng minamahal at nagsimula ng ikwento ang nangyari sa parke kanina.  Habang nagkukwento ang binata ay tsaka lamang nito naalala ang pulang rosas na ibinigay ng batang lalaki sa kanya kanina. Hindi niya ito iniwanan sa parke kanina kahit na sinabi ng tindero na mukhang mapanganib ang rosas na bigay sa kanya ng batang lalaki. Sa halip ay dinala niya pa rin ito pauwi at ipinatong kanina sa mesa malapit sa salamin.  Kinuha ni Gio ang pulang rosas at muling pinagmasdan. Napaigtad siya sa gulat nang biglang tumahol si Luna na ngayon ay nakahiga na sa kanyang tabi kaya hindi sinasadyang nadampi ang kanyang daliri sa tinik ng mga rosas. Agad niya itong nabitawan at hinayaang mahulog sa sahig.  " s**t! " napamura na lamang si Gio nang tuluyang umagos ang dugo mula sa kanyang daliri patungo sa kanyang palad.  Agad siyang tumayo at nagtungo sa loob ng cr upang ito ay hugasan. Pagkatapos hugasan ang buong kamay ay binuksan niya ang cabinet kung saan nakalagay ang first aid kit at naghanap ng alcohol at bulak. Ngunit pagbukas niya rito ay wala siyang mahanap na bulak at napansin ding ubos na ang alcohol na nasa bote. Dahil dito ay iniwan na muna niya si Luna sa loob ng kwarto at nagpunta sa kusina.  Nang makarating sa kusina ay agad niyang tinanong si Manang Gresha kung saan nakalagay ang alcohol at bulak.  Napatingin ang matanda sa binata at nang mapansin ang dumudugong daliri ng binata ay agad nitong kinuha ang alcohol at bulak.  Pagkakuha ng alcohol at bulak ay ang matanda na rin ang nagpresintang gumamot sa sugat ng binata.  " Ano ba kasi ang nangyari Gio? Bakit ka naman nagkasugat? " nag-aalalang tanong ni Manang Gresha habang patuloy na dinadampian ng bulak na basa ng alcohol ang sugat sa daliri ni Gio.  " Natinik lamang po ako sa rosas. " sagot ni Gio kay Manang Gresha.  " Rosas? Diba inaalisan naman natin ng mga tinik ang mga rosas na pinipitas natin mula sa hardin bago natin ilagay ang mga ito sa plorera? " nagtatakang tanong ni Manang Gresha at nag-angat ng tingin sa binata.  " May batang nag-abot po kasi sakin kanina ng pulang rosas sa parke. " paliwanag ng binata sa matanda.  " Pulang rosas na may tinik? Mabuti at hindi nasugatan ang bata. "  Nang matapos si Manang Gresha sa paggagamot ng sugat ng binata ay itinabi na nito ang alcohol at bulak sa cabinet. Nagpasalamat naman si Gio sa matandang babae at sinundan ito papuntang kusina. Kumuha ang binata ng isang basong tubig at pagkatapos nito ay nagpasya na si Gio na magtungo sa kanyang silid.  Pagbukas niya ng pintuan ay nabitawan ni Gio ang hawak na baso. Nanlaki ang kanyang mga mata at pinagpawisan nang makita ang asong si Luna, na nakahiga sa kama habang nababalot ng pulang likido.  Magmula sa kama ay umaagos ang pulang likido patungo sa sahig kung saan naroon ang natumbang picture frame na may litrato ng minamahal.  Ang picture frame na hawak lamang kanina ng binata, ngayon ay nababalot na ng pulang likido.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD