MARTINA
Pagkauwi ko galing ng trabaho ay namili pa ako ng mga stocks na pagkain sa bahay. Buti na lang at kahit papaano ay nakakaraos kaming mag-ama sa araw-araw kahit na mahirap ang sitwasyon namin.
Hindi pa rin tuluyang gumagaling sa sakit sa puso si tatay at malaking halaga ang kakailanganin namin para sa operasyon nito. Saan akong kamay ng Diyos kukuha ng milyong pera para mapagamot ang sakit ng Tatay? Palagi na lang tumatakbo sa isipan ko ang sitwasyon ni Tatay at kung paano ko siya matutulungan. Sa huli ay nanghihina lang ako sa katotohanang hindi ko matulungan ang sarili kong magulang dahil sa kahirapan na dinadanas namin ngayon sa buhay.
Bitbit ko ang ilang supot ng mga gulay at prutas na binili ko sa divisoria, pati ang kaunting karne at mga delata ay nakipagsisiksikan ako sa maraming tao. Balak kong dumaan muna sa simbahan ng Quiapo para magdasal bago tuluyang umuwi sa bahay.
Ito na ang nakasanayan kong gawin palagi simula ng magsimula akong magtrabaho. Ang magdasal sa simbahan bago o pagkatapos ng trabaho. Pakiramdam ko ay sa paraang iyon ko nailalabas ang lahat ng hirap ng katawan at kalooban na kinikimkim ko sa bawat araw na nakikipagsapalaran ako sa buhay para sa nag-iisang taong mahalaga sa akin.
Pumuwesto ako sa isang upuan malapit sa pintuan ng simbahan. Tanaw ko ang imahe ng Poong Nazareno. Nakayukyok ito na parang hirap na hirap habang pasan nito ang krus na kahoy sa likuran nito.
Ibinaba ko ang ilang supot ng plastik na bitbit ko mula sa ibaba ng upuang silya at saka ako lumuhod at nag antanda ng krus.
Nagdasal ako ng taimtim habang nakatingin sa imahe ng Poong Nazareno. Pinigil ko ang pagsikdo ng aking emosyon at mapaluha. Pinagsaklob ko ang aking mga daliri sa kamay at napayuko.
Ama, salamat po sa pagkakataon na makausap ko po kayo muli sa pamamagitan ng isang dasal. Gusto ko pong humingi ng tawad sa lahat ng pagkakamali kong nagawa sa buhay, lalo na aking Tatay. Ama, alam nyo po kung gaano ko kagustong mapagamot ang aking Tatay, kaya lang talagang hindi ko po alam kung sa paanong paraan.Siya na lang ang natitira sa akin kaya gusto ko po siyang mapagamot at makasama ng mahaba pang panahon.
Ama, tulungan nyo po sana akong makayanan ang lahat ng pagsubok na dumadating sa aking buhay. Kung hindi ko man po kayanin ang lahat ng ito ay sana ay idulot nyo po na makilala ko ang isang taong makakatulong sa problema ko, nagmamakaawa po ako sa inyo. Alam nyo po kung gaano kahalaga ang pagmamahal ni Tatay para manatili akong matatag sa aking buhay. Nawa Ama, ay idulot nyo na makayanan ko ang lahat ng ito kasama ang aking Tatay. Pusong puso po akong nanalig at nagtitiwala sayo, Ama.
At idinilat ko ang aking mga mata upang muling silayan ang imahe ng Poong Nazareno sa gitna ng altar.
Saglit akong namahinga sa upuan na kinauupuan ko. Tiningnan ko ang ilan sa mga taong nasa loob din ng simbahan ng mga oras na iyon. Katulad ko ay may sari-sarili ring ipinagdarasal ang mga ito. Magroong pansariling intensyon, ang iba ay para sa pamilya at sa mga taong minamahal nila. Pero isa lang ang mahalaga sa lahat, na sa bawat panalangin na ibibubulong mo sa Diyos ay may tamang panahon kung kailan niya ito diringgin. Sa tamang panahon kung kailan nararapat na mangyari ang lahat ayon sa kanyang mga plano sa bawat isa sa atin.
Nang pakiramdam ko ay nanumbalik na muli ang lakas ng aking katawan, puso at isipan mula sa ginawa kong pagdarasal ay nagpasya na akong tumayo para tuluyang umuwi. Isa-isa ko muling binitbit ang mga pinamili kong mga pagkain at naglakad ako palabas sa simbahan.
Naghintay ako ng jeep sa mismong tapat ng simbahan para hindi na ako mahirapan pang maglakad pa. Palinga-linga ako sa kabilang kalsada pati sa gawi ng kalsada kung saan ako nakatayo ng mga oras na iyon ng biglang may humawak sa isa kong braso. Kinabahan ako at atomatiko akong humakbang papalayo sa taong humawak sa akin.
Nang lingunin ko kung sino ang taong iyon ay isang nakangising Warren ang nakita ko. Napabuga na lang ako sa hangin dahil sa ginawa nito.
"Pati ba naman dito Warren, ikaw talaga! Wala ka ang ibang puwedeng puntahan na iba o asarin na ibang tao ng hindi ako ang ginugulo mo?" Inis kong biro sa kanya. Nagulat lang talaga ako at bigla-bigla ay nasa harapan ko na pala ito. Kanina lang ay naghiwalay pa kaming dalawa ng pagtulungan naming isara ang grocery ng tita nito na amo ko, tapos ngayon heto siya at nang-aasar na naman.
"Masyado naman ang gulat mo sa akin. Puwede bang nagkataon lang na nagkita tayo dito? May pinuntahan kasi ako dito malapit sa Morayta kaya naisipan ko ring dumaan dito sa Quiapo, at sakto na nakita naman kitang nag-aabang ng jeep." Depensa nito.
"Naku, kung hindi ko pa alam ay sinusundan mo talaga ako para takutin at inisin. Ano tama ba ako?" Hindi ako naniniwala sa mga palusot nito at kahit papaano ay nakilala ko na rin siya at ang ugali nito sa ilang araw na magkasama kami maghapon sa grocery.
"Tsssk!" Natatawa nitong litanya sa akin. Napaismid din ako sa huli at tinawanan siya.
"Akin na nga yan mga dala mo." At walang ano-ano ay kinuha nito ang mga plastic na bitbit ko at ito na ang nagdala ng mga iyon. Natatawa na lang ako sa mga pinaggagawa nito.
Mabait ito, guwapo at simpatiko. Kaya siguro marami sa mga babaeng bumibili sa grocery ng tiyahin nito ay kusa pang ang mga ito ang humihingi ng cellphone number nito. Ang gagawin naman ng mokong ay kunwaring magtytype ng number sa cellphone ng mga babaeng humihingi dito, at sa huli ay sasabihin nito sa akin na...
"Ano? Ikaw hindi mo ba hihingin ang cellphone number ko?" Saka ito ngingiti ng nakakaloko at kita pa ang mababaw na biloy sa pisngi nito kapag tumatawa.
"Ako? Hihingin ang number mo? Hindi na uy, marami akong cellphone number, hindi ko kailangan ang number mo nuh!" Saka ito iihit na naman ng tawa.
Palagi na lang ganoon ang senaryo nilang dalawa sa grocery na pinagtratrabahuhan ko. Kaya hindi na natahimik ang mundo ko simula ng ito ang pinagbantay ni Madam Cora habang nasa probinsiya ito.
"Teka nga pala." bigla kong naalala at nilingon ko siya.
"Ano yun?" Namumuwalan pa ito sa siomai na kinakain. Huminto muna kasi sila sa isang siomai stand at nagmiryenda. Libre naman daw nito kaya pumayag na rin ako ng magyaya ito.
"Hindi ba ang sabi mo kanina noong bago tayo maghiwalay ay uuwi ka na kamu diretso sa bahay nyo? Oh bakit ngayon ay nasa galaan ka pa?" takang tanong ko sa kanya.
"Galaan talaga?" Naiiling nitong sagot sa akin. "Hindi ba ang sabi ko sayo may pinuntahan pa ako sa gawing Morayta kanina kaya napadpad ako sa Quiapo.
"Hoy, lukohin mo ang lelang mo. Sino ang pupuntahan mo sa Morayta eh ikaw nga ang may sabi na first time mo dito sa Manila? Sige nga." Muntik pa itong masamid at maibuga ang ininum na gulaman nito dahil sa sinabi ko.
Kumuha muna ito ng ilang tissue at nagpahid ng labi saka muling nagsalita.
"Sinabi ko ba talaga sayo na first time ko na makarating dito sa Manila?" Hindi makapaniwala nitong balik na tanong sa akin. Nahuhuli ito sa sariling kalokohan nito. Natatawa na lang ako sa hitsura nito.
Kahit na simpleng plain tshirt at maong pants lang ang suot nito at sneakers ay lumilitaw pa rin ang taglay nitong kaguwapuhan na hindi pangkaraniwan sa ibang lalake na nakilala ko.
"Oo kaya...kaya huwag ka ng magpalusot at hindi ka lulusot!" Natatawa kong lintanya sa kanya. Pareho kaming nagtawanan sa huli. Napakamot pa ito sa ulo na parang suko na at wala ng iba pang maisasagot sa akin.
Nagulat ako ng sinabi ni Warren ma ihahatid daw niya ako hanggang sa bahay. Ang buong akala ko ay pagkamiryenda naming dalawa ay uuwi na rin ito, pero nagkamali ako ng akala.
"Kaya ko namang umuwi mag-isa. Saka maaga pa oh." Turo ko sa langit na medyo nag-aagaw na ang dilim at liwanag pero mas nangingibabaw pa rin ang mga ilaw sa kalsada na galing sa mga nagdaraang mga sasakyan.
"Kahit na, ihahatid pa rin kita. Tapos ihatid mo rin a ko pagkahatid ko sayo.."
"Ha?" Natatawa kong tanong sa kanya at inirapan ko pa siya pagkatapos na habang nakangiti.
"Maghatiran kako tayong dalawa kung gusto mo."
"Sira! "
"Ikaw naman kasi, sabi ko ng ihahatid na kita ayaw mo naman."
"Bahala ka nga." Pagsuko ko sa kanya at nakita ko ang biglang pag-aliwalas ng mukha nito ng marinig nito na payag na ako na magpahatid sa kanya sa mismong bahay namin.
Ito muli ang nagbitbit ng mga pinamili kong pagkain na stocks sa bahay namin. Nag-abang na rin kami ng pampasaherong jeep pagkatapos.
Kulang kalahating oras lang ang binayahe namin at nakarating na rin kami sa bahay. Naabutan pa namin si Tatay na nagdidilig ng mga halaman nito na nakatanim sa maliliit na paso.
"Oh, anak."
"Mano po Tay." Nagmano agad ako pagkabukas ko ng maliit naming gate na bakal at saka ko niluwangan ang bukas nito para makapasok si Warren.
"May kasama po ako Tay." Nahihiya ko pang sabi kay tatay. Ito kasi ang unang beses na may nakasama akong lalake sa pag-uwi sa bahay namin kaya tiyak kong iba ang iniisip ni tatay ng mga oras na iyon.
Katulad ng ginawa ko ay nagmano rin si Warren kay tatay. Pinag-isa nito ang mga supot na bitbit nito para mahawakan ang isang kamay ni Tatay.
Nakita ko pang nakatitig si tatay kay Warren habang nagmamano ito.
"Magandang gabi po."
"Magandang gabi naman."
"Ah...Tay, siya po pala si Warren...pamankin po siya ni Madam Cora. Umuwi po kasi si madam sa probinsiya kaya si Warre muna ang inutusan niya na makasama ko po sa grocery." Nakita kong napatango-tango ito pagkatapos kong magpaliwanag. Nagpalitan naman kami ng tingin ni Warren.
"Warren, pasok ka pala," paanyaya ko sa kanya kahit na medyo masikip ang bahay namin at hindi gaanong kagandahan.
"Sige," at sumunod naman ito sa akin habang si Tatay ay nakangiti lang na nakamasid sa aming dalawa.
"Ano pa lang gusto mong inumin? Softdrinks? Juice? May maiinom pa kami sa ref, ikukuha kita." Akma ko ng bubuksan ang ref ng sumagot ito.
"Coffee na lang Tin." Request niya sa akin habang ibinababa nito isa-isa sa maliit namin mesa ang kanina pa nitong bitbit na mga supot ng pagkain.
"Okay sige, upo ka muna dun sa luma naming upuan sa sala pagtitimpla kita ng kape." Tumango si Warren sa akin at umupo na nga ito sa tinuro kong upuan.
Nagtimpla na rin ako ng milo para kay Tatay, at dalawang kape para sa amin ni Warren. Bigla ay parang nagustuhan ko rin ng mainit na kape para sa sikmura ko.
"Kape mo." Nakangiti kong ibinaba ang mga tasa ng kape naming dalawa at iniabot ko naman kay Tatay ang tasa ng milo nito."Tay, ito po ang milo mo."
"Salamat anak. Mabuti at naihatid ka ni Warren dito sa bahay natin, marami ka pa naman dalang supot."
"Oo nga po tay, mapilit po kasi ang isa na yan. Sabi kong huwag na akong ihatid pauwi eh."
"Okay lang un Tin, at least ngayon ay alam ko na kung saan ka nakatira hindi ba?" Nangingiti pa nitong sagot sa akin. Hindi nito alinlangan kung kaharap pa namin si Tatay sa sala.
"Tukmol ka talaga. Bakit mo naman kailangang malaman pa ang bahay namin? Para ano, pumunta punta ka rito kahit hindi kita niinvite?" Pang-aasar ko pa sa kanya.
"Puwede rin naman. Magdadala naman ako ng pagkain huwag kang mag-alala kapag pupunta ako dito sa inyo." Suhestiyon pa nito na dahilan ng pagtawa namin ni Tatay.
"Mabuti naman at ala akong ipapakain sayo hanu, lakas mo pa namang kumain." Segunda ko pa sa kanya. Nasa katawan naman kasi nito ang malakas ang appetite. Hindi ito mataba, malaki lang talaga ang katawan nito at matipuno pa dahilan kung bakit kulang ata dito ang isang salang na kanin sa rice cooker kapag kumain.
"Ganun ba, oh sige hayaan mo at dadaihan ko ang bili ng pagkain para may stocks na ako dito sa bahay nyo kapag pumupunta ako dito."
"Sira! Biro lang." Nakangiti kong bawi sa sinabi ko sa kanya. Alam ko naman na hinto ito seryoso sa mga sinasabi nito katulad ko.
Palabiro lang talaga ito at para naman hindi ako mainis sa pag-alalaska nito sa akin ay sinasakyan ko na lang ang mga biro nito. Masaya rin naman itong kausap.
Hindi rin pinauwi ni Tatay si Warren hangga't hindi pa ito nakakain ng hapunan kasama namin. Kaya naman habang nagluluto ako ng hapunan ay magkatabi ang dalawa na nanunuod ng balita sa maliit naming tv sa sala.
Nagluto ako ng sinigang na baboy para sa hapunan namin. Katulad ng inaasahan ko ay malakas talagang kumain si Warren kaya naman sinadya kong dagdagan ang sinaing kong bigas para hindi ito mabitin sa kanin.
Bago pa ito pinauwi ni tatay ay nagkuwentuhan pa ang mga ito saglit. Antok na nga ang pakiramdam ko pero ayaw pa ring pawalan ni tatay si Warren. Minsan lang kasi itong magkaroon ng kahuntahan at palagi lang itong nasa loob ng bahay. Hindi na ito nakakapamasyal sa labas at bawal ito sa mausok na lugar.
"Alis na po ako Mang Antonio. Hayaan nyo po at dadalawin ko kayo ng madalas dito para may makakuwentuhan kayo."Magiliw na pangako ni Warren kay Tatay. Parang bigla ay nag-iba ang ugali nito kapag kaharap si Tatay. Samantalang kapag ako ang kausap nito ay puro kabalastugan ang mga pinagsasabi nito.
"Sige, aasahan ko yan ah." Nakangiti namang sagot ni Tatay. Alangan akong napangiti sa dalawang lalakeng kaharap ko.
"Tin , uwi na ako. Hindi mo ako ihahatid?" Simula naman ng pang-aasar nito sa akin.
"He, umuwi ka na nga at baka ipahabol pa kita sa mga aso namin." Mataray ko namang sagot sa kanya.
"Tay Antonio, tingnan nyo po itong anak ninyo...masyadong matapang."Sumbong nito kay tatay kunwari.
"Tin anak, ikaw naman minsan ka na nga lang makapagdala ng kaibigan dito sa bahay tapos ay ganyan mo pa kausapin." Lihim akong natawa sa sinabi ni tatay, ang buong akala siguro nito ay nag-aaway kami ng totoohanan ni Warren. Nang lingunin ko ulit ang mokong ay nakangisi na ito at parang nang-iinis pa talaga.
Hindi nagtagal ay umalis na rin ito at tumahimik na rin sa bahay namin. Naisip ko na masyaa naman pala itong kasama kahit papaano. Maging si tatay ay napasaya nito kahit sandaling oras pa lang na nagkuwentuhan ang mga ito. At sinarado ko na nga ang maliit naming gate pagkatapos na tuluyan itong mawala sa paningin ko.