Kabanata 3
Singsing
'Yung araw ng interview, iyon din ang araw na sinabi sa 'min ni Miss Darcy kung sinu-sino ang mga nakapasa sa Interview. Halos magtatalon kaming tatlo nila Sela at Ophelia sa sobrang tuwa nang marinig namin ang mga pangalan namin. Pati ang sina Thadeo at Kiel ay natanggap din.
Naiiyak nalang ako sa sobrang kagalakan habang naglalayag kami pauwi sa Isla Lefevre. Para akong ewan na hindi nawawala ang ngiti sa mga labi. Gano'n din ang mga kasama ko. Natatawa na nga kami sa mga itsura namin. Para kaming mga nakangising aso! Sino ba naman kasing hindi matutuwa kung makakapagtrabaho kami sa gano'n karangyang hotel?
I shrugged before looking up at the mixed orange and blue sky. Ang bilis ng oras.. Umaga kaming umalis kanina ngunit dahil sa dami ng aplikante kanina sa Hotel de Louviere ay hapon na kami nakabalik.
"Era! Dahil natanggap tayo! Mag-inom tayo sa 'min! Celebration party lang." Sela said happily.
Naglalakad na kami ngayon sa dalampasigan, pauwi sa sari-sarili naming bahay. Isinasayaw ng hangin ang buhok ko dahil kanina ko pa tinanggal ang pagkakapuyod noon. Habang sina Ophelia at Sela ay nakapuyod pa rin. Parehong itim at tuwid ang buhok ng dalawa. Maganda at morenang silang pareho. Kapag kasama ko sila ay palagi akong nagmumukhang kakaiba. Paano ba naman kasi, kulay brown ang kulay ng wavy at mahaba kong buhok at ang balat ko'y mestiza. I am also taller than them so when we are together, I'm always the first to notice. Lola said that maybe I got my foreign look of my parents. Baka raw foreigner ang mga magulang ko.
"Oo nga, Era! Inom tayo! Minsan lang naman. Baka pwedeng makapag-request kay Lola Tilda ng sinokmani!" kantiyaw naman ni Ophelia.
Patuloy sila sa pagku-kwentuhan tungkol sa naging karanasan sa interview kanina at kung gaano sila kasabik na magtrabaho sa Hotel na iyon. Tawanan sila ng tawanan habang naglalakad kami sa buhanginan.
"Sige, payag ako." sagot ko sa kaninang anyaya ni Sela at Ophelia.
Ngumisi naman ang dalawa sa 'kin. Napailing naman ako sa ngisi nila. Palagi nalang nilang naiisip ang pag-iinom kapag may kung anong magandang nangyari kahit gaano pa iyon ka-big deal. Oo nasa legal age na ako pero minsan nag-aalangan pa rin akong sumama sa kanila sa inuman. Mas matanda silang dalawa sa akin ng dalawang taon kaya baka siguro gan'yan na sila mag-isip.
"Ayos! Mga alas siyete tayo. Magpapaluto ako kay mama ng pulutan." sambit ni Sela. She even raised both of her hands while smiling.
Pagka-uwi ko sa bahay, nadatnan ko sila lola sa sala. She was busy watching her favorite teleserye while sipping on her coffee. She turned to my direction when she heard the squeak of our wooden door.
"Lola.." nagmano ako at umupo sa tabi niya, nakangiti.
Nagtaas naman ng kilay sa 'kin si Lola bago ibinaba sa kahoy na lamesa ang tasa ng kape niya. "Anong problema, apo? Ano'ng nangyari sa lakad niyo?"
Mas lalo naman akong napangiti. "Lola, magpaalam na kayo sa pwesto niyo sa palengke kasi.. Natanggap po ako!" tuwang tuwang sabi ko. Malapad ang ngiti ko at hindi maalis ang tuwa sa mukha ko.
Nanlaki naman ang mga mata ni Lola, kapagkuwan ay ngumiti rin ito. "Talaga? Naku! Maghanda tayo, apo!" gulat na gulat na sambit ni Lola. Niyakap ako ni Lola at hinalikan sa noo.
"Magluto nalang po tayo ng masarap ng ulam bukas, Lola. Nag-aya po kasing uminom si Sela sa kanila ngayon. Gusto rin daw po nila ng sinokmani na gawa niyo. Kaya niyo po bang magluto?"
"Aba s'yempre naman, apo. Ano'ng oras ba ang inuman niyo? Baka naman makihalubilo ka sa mga lalaking naroon ha.."
Tumawa naman ako. "Kami-kami lang po ang iinom mamaya, Lola.. Kaming magbabarkada."
Tumango naman si Lola at tumayo dala ang tasa niyang wala na sigurong laman. "Sige. Kung gano'n, magluluto na ako ng sinokmani."
"Tulungan ko na po kayo."
Habang nagluluto kami ni Lola ng sinokmani ay walang preno ang bibig ko kaka-kwento sa kung anong mga bagay ang nakita ko sa Hotel. Hindi ko lang maiwasang hindi mamangha dahil iyon ang unang pagkakataon na nakatungtong ako sa isang magarbong Hotel. Nang tumuntong ako sa Hotel na iyon kanina ay pakiramdam ko nasa Maynila na ako. Hindi ko alam basta iyon ang naramdaman ko.
"Tapos kahit hindi pa tapos 'yung ibang establisiemento roon, ang ganda pa rin po. Mukhang mayayaman talaga ang may ari ng hotel na iyon. Pero hindi ko pa sila nakikita, La. Ang nakausap kasi namin ay 'yung manager ng Hotel..." kwento ko habang nagdidikdik ng mani na ilalagay sa ibabaw ng sinokmani mamaya.
Humarap naman sa 'kin si Lola, may hawak pa siyang piraso ng kahoy na pang-gatong.
Nameywang ito sa harap ko. "Baka naman taga Maynila ang may ari ng Hotel na iyon, apo. Alam mo naman siguro ang mga ugali ng mga taga Maynila. Makakasarili sila. Iwasan mong makipag-kaibigan o mapalapit sa kanila... Oo, gusto kong sa Maynila ka mag-aral pero ayokong mapalapit ka sa mga tao roon." napabuntong hininga si Lola bago ako tinalukuran upang tingnan iyong niluluto siya.
"Magtatrabaho lang ako roon, Lola. Hindi ko na kailangan ng kaibigan kasi marami na akong kaibigan dito sa Isla.." nagkibit-balikat ako. "Pero, Lola hindi ba ang sabi niyo sa 'kin nakarating na kayo sa Maynila noon? Ano po ba'ng nangyari? Bakit bumalik kayo rito?"
Nilingon ako ni Lola. Sumilay ang isang maliit na ngiti sa labi nito. "Napunta ako roon dahil sa isang pangakong napako lang naman.. Nabigo ako roon, apo."
Matapos banggitin ni Lola 'yon, parang nalaglag ang puso ko. Nakikita ko kasi ang lungkot sa mga mata niya. Hindi ko alam kung ano bagay ang tinutukoy niya pero kung ano man iyon.. Alam kong may isang tao na nanakit kay Lola. Sino naman kaya iyon?
Ayoko na sanang magtanong tungkol sa bagay na iyon ngunit muling nagsalita si Lola.
"Pumunta ako sa Maynila upang sundan ang lalaking mahal ko.. Nangako kasi siya sa 'kin na babalikan niya ako sa lugar na ito. Iaalis niya raw ako rito at magpapakasal kami sa Maynila.. Ngunit lahat ng mga pangakong iyon ay naglaho nang magpasiya akong sundan siya sa Maynila, Apo.. Nalaman ko kasi na nagpakasal na pala siya sa iba.. Kinalimutan na pala niya ang pangako niya sa 'kin.." napapaos na sabi ni Lola. "Iyon ang dahilan kung bakit bumalik na lamang ako rito sa Isla upang ipagpatuloy ang dati kong buhay.. Hanggang sa nakilala ko si Simon.. Siya ang tumupad ng lahat ng pangakong naiwan sa 'kin ng dati kong kasintahan..."
Hindi ko maiwasang hindi maging emosyonal habang nakikita ko ang unti-unting pagtakas ng mga luha sa mga mata ni Lola.. Halata sa mga mata niya ang sakit dulot ng kahapon.. Wala akong ibang nagawa kundi ang yakapin na lamang siya.
Pagkatapos naming magluto at mag-iyakan ni Lola ay naghanda na ako. Naligo at nagsuot lang ako ng komportableng damit. Kapitbahay ko lang naman sina Sela kaya hindi ko na kailangang pumorma pa. Hindi rin naman ako magtatagal doon. Hindi naman kasi ako pala inom. Pumayag lamang ako sa gusto ni Sela dahil magandang i-celebrate ang pagkakatanggap namin lahat sa trabaho.
"Uy, Era! Nandito kana pala!" nakangiting lumapit sa 'kin si Sela. Nakasuot lang ito ng maayos na pangbahay at tsinelas habang bitbit ang isang baso na sa tingin ko'y alak ang laman.Hanep, nagsimula na kaagad kahit wala pa ako.
Nilingon ko ang bahay nila sa likuran niya at napakunot ang noo ko nang may marinig akong ingay. "Kumuha kayo ng videoke?"
Tumawa naman si Sela at tumango bago nilagok ang laman ng baso niya. "Ah, oo. Si Thadeo naman ang sasagot niyan. Hayaan mo na. Masaya nga 'yon, e. Magkakantahan tayo buong magdamag. Teka, 'yan na ba 'yung sinokmani ni Lola Tilda?" tanong niya habang nakatingin sa dala kong malaking tupper ware.
Tumango naman ako. "Oo. Tsaka hindi pala ako pwedeng magtagal ha. Papalaot pa kasi ako sa dagat bukas.. Tsaka sabi rin ni Lola Tilda h'wag akong magtagal."
"Alam ko naman!" humalakhak siya at kinuha sa 'kin ang tupper ware. "Hmm, ang bango! Tara na sa loob, Era! Si Lola Tilda pala ano'ng ginagawa?"
"Patulog na siya nang iwan ko roon." mabilis na sagot ko.
Nang makapasok kami sa loob ng bahay nila ay agad akong binati ng Ina ni Sela. Ang sabi niya masaya raw siya para kay Sela at magtatrabaho na raw ito. Ngayong bakasyon daw kasi ay palagi itong nasa bahay nila at nag iinuman. Minsan lang daw ito tumulong sa taniman nila. Tumango nalang ako at iginiya na ako ni Sela sa kubo sa likod ng bahay nila kung saan ang inuman.
Sa kubo, naroon na sina Ophelia, Thadeo at ang tatlo pa naming kapitbahay na kaedad lang din namin. 'Yung dalawa sa kanila ay 'yung kasama namin kanina sa interview.
"Era, dito ka sa tabi ko!" sigaw ni Ophelia sa 'kin habang papalapit kami ni Sela sa kanila.
Uupo na sana ako roon ngunit hinila ako ni Sela sa kaniyang tabi. "Dito siya sa 'kin. Katabi mo na jowa mo, e. Hmp."
Natawa nalang ako sa naging asal ni Sela. Nagsimula na rin kaming mag inuman at magkwentuhan. 'Yung isang kapitbahay namin na si Kiel ay busy sa pagkanta ngayon. Naghahalinhinan sila ni Ophelia sa pagkanta roon. Hindi maganda ang boses ko kaya hindi na ako sumubok, baka umulan pa. Wala pa naman akong dalang payong.
"Ano pala'ng plano niyo ngayong bakasyon? Magtatrabaho lang ba tayo sa De Louviere? Walang adventures or swimming gano'n?" tanong ni Ophelia matapos lagukin ang laman ng baso niya.
May isang oras na kaming nag iinuman at masasabi kong medyo nakakaramdam na ako ng hilo. Kung makapaglagay kasi si Sela ng alak sa baso ko ay parang gusto niya talaga akong lasingin agad. Mabuti nalang at pasimple kong naitatapon 'yung iba alak nang hindi niya nahahalata. Ayoko talagang malasing, e. Hindi ako makakapalaot sa dagat pagnagpakalasing ako.
"Nasa Isla na tayo, gaga." medyo lasing na sagot ni Sela rito. "Kung gusto mo ng adventure. Mag adventure nalang kayo ni Thadeo sa kwarto! Nakakainis kasi. Lampungan kayo ng lampungan diyan. Mga walang awa sa mga walang jowa!" natatawang bwelta ni Sela kina Thadeo at Ophelia.
Natawa naman ang dalawa. Medyo lasing na rin sila at mapupula na ang mga mukha. Pati 'yung dalawa naming kapitbahay na pakanta kanta kanina ay nakaupo na lamang at parang hindi na kayang itayo ang katawan. Nakiki-kwento na lamang sila.
"Inggit ka?" ngumisi si Ophelia. "Pwede naman kayong mag adventure nitong si Kiel, e. 'Di ba, Kiel?"
"Yuck!" sabay na sigaw nina Kiel at Sela.
Napangiwi naman ako roon ngunit natawa na rin. Kapag nauubusan kami ng pulutan ay agad na naghahatid ang Ina ni Sela. Mukhang nasa kwarto na ang mga kapatid niya dahil hindi ko sila nakikita rito sa bahay nila.
Makalipas ang isa pang oras, lahat kami'y lasing na. Pero mas lasing sila sa 'kin. Dumating ang Ina ni Sela upang ligpitin ang mga kalat namin at dahil makakakilos pa naman ako ay tumulong na ako. Hindi na naman niya ako napigilan kahit na sinasaway niya ako noong una.
"Totoo bang taga Maynila ang may ari ng Hotel na iyon, Era?"
Napatingin ako sa Ina ni Era. Abala ito sa paghuhugas ng pinggan habang ako naman ang nagtatabi ng mga iyon.
Tumango. "Sa tingin ko po. Iyon kasi ang sabi ni Ophelia. Bakit ho?"
"Nag-aalala lang kasi ako kay Sela.. Matagal na kasi niyang gustong umahon sa hirap. Naisip niya na baka kapag nakapag-asawa siya ng mayamang taga Maynila ay maiahon niya na kami sa hirap.." sagot nito. Kitang kita ko ang pag-aalala sa mukha ng Ina ni Sela.
Hindi ko naman alam ang isasagot ko dahil wala naman ako sa posisyon na magsalita ng kung ano tungkol doon. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang sasabihin ko.
"Kilala mo naman si Sela, Era... Mabilis siyang magtiwala." tipid itong ngumiti at pinatay ang gripo. "Ayoko sana na sabihin 'to pero... P'wede bang tingnan tingnan mo si Sela roon, Era? Bantayan mo lang at baka may taga Maynila na kumuha ng loob niya tapos lolokohin lang pala siya huli.. Ayokong matulad ang anak ko sa mga kakilala kong niloko ng mga taga Maynila.. Ayoko lang siyang masaktan.."
"Masasamang tao po ba ang mga taga Maynila?" puno ng kuryosidad na tanong ko.
"Hindi ko nilalahat.. Pero halos lahat sa kanila ay ginagawang laruan ang isang relasiyon.. Mapangmata sila at hindi marunong makuntento sa buhay.." paliwanag niya. "Ang alam ko, may kasanasan rin si Lola Tilda sa isang lalaking taga Maynila. Nabanggit niya na ba 'yon sa 'yo?"
Dahan dahan naman akong tumango. "Opo, niloko raw po siya."
"Totoo 'yon. Saksi ako sa pangyayaring iyon, hija." parang may kakaibang tono ang pananalita ni Aling Shiela ngunit hindi ko na iyon initindi pa.
Maynila.. Ano ba ang itsura ng lugar na iyon? Ang ilan sa mga tao rito sa Isla ay gustong makapunta roon at ang iba naman ay ayaw dahil sa mga kung anu-anong dahilan. Nakakalito.
Naglalakad ako rito sa dalampasigan at tinatanaw ang mga maliliit na alon sa 'di kalayuan. Kakaalis ko lamang sa bahay nila Sela. Gusto ko sanang tumulong sa paghahatid kina Ophelia sa bahay nila pero kaya naman daw nilang maglakad kaya hinayaan ko nalang Pinauwi na rin ako ng Ina ni Sela dahil alam niyang papalaot pa ako sa dagat bukas.
Hinubad ko ang tsinelas ko at dahan dahan akong naupo sa buhanginan. Niyakap ko ang mga tuhod ko habang ang mga paa ko ang paminsan-minsang dinadalaw ng tubig mula sa dagat. Malamig, pero sanay na naman ako sa malamig na tubig galing sa dagat.
Dis oras na ng gabi ngunit heto ako ngayon at tahimik na nakatulala rito. Iniisip ko 'yung tungkol sa mga sinabi sa 'kin ni Lola at ng Ina ni Sela. Parang ang laki ng galit nila sa mga taga Maynila.
Minsan naiisip ko, hindi kaya taga Maynila ang mga tunay kong magulang? Kung gano'n.. Anong klasing tao kaya sila? Masama kaya ang ugali nila tulad ng sabi ng Ina ni Sela? Ano kaya ang dahilan at itinapon nila ako rito sa lugar na 'to? Ayaw ba nila sa 'kin?
Ang daming tanong sa isip ko.. At sa lahat ng tanong na 'yon.. Hindi ko maiwasang hindi malungkot sa maaaring sagot..
Siguro nga ay ayaw nila sa 'kin.. Hindi siguro nila ako kinikilalang anak kaya nila ako iniwan sa lugar na 'to...
Mariin akong napapikit.. At sa pagpikit kong iyon, maraming butil ng luha ang tumakas sa mga mata ko..
Agad kong hinila ang laylayan ng damit ko upang punasan iyon ngunit natigil ako sa ginagawa ko nang may bagay akong biglang maramdaman sa ibabaw ng paa ko.
Yumuko ako para tingnan iyon at napakunot ang noo ko nang makita ang isang kahon.. Dahil buwan lang naman nagsisilbing liwanag rito ay hindi ko makilala ang kulay ng kahong iyon. Hindi na ako nagdalawang isip at mabilis ko na iyong kinuha bago ulit iyon tangayin ng tubig.Binuksan ko iyon at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang laman no'n.
"S-singsing..." napatayo ako at hindi makapaniwalang napatitig sa kahon naglalaman ng singsing. Itinapat ko pa iyon sa liwanag ng buwan upang makita ang itsura noon ngunit napasinghap ako nang may bigla akong marinig na boses.
"T-tulong..."
Namuo ang takot sa buong sistema ko dahil sa boses na iyon ngunit imbis na magtatakbo ako paalis sa dalampasigan ay mas pinili kong hanapin kung saan nanggagaling iyon..
Nagpalakad-lakad ako roon at inikot ang buong dalampasigan mahanap ko lamang ang pinagmumulan ng boses ng iyon. Ganoon na lamang ang kaba ko nang may mapansin akong nakahandusay na tao sa harapan ko. Pana'y ang ubo nito habang nakatalikod sa 'kin.
Agad akong lumapit habang nanginginig ang mga kamay ko dahil sa kaba. "Uy, Mister ano hong nangyari sa inyo?! Ayos lang po ba kayo?!" aligagang tanong ko.
Parang nawala ang pagkalasing sa buong sistema ko dahil nakitang kong kondisyon ng lalaking nasa harapan ko. Nakapikit ang mga mata nito at umaagos ang dugo sa noo.
"Tulong! Tulungan niyo kami!" sumigaw ako ng paulit ulit ngunit dahil nasa dalampasigan ako at walang bahay malapit rito ay mukhang malabong may makarinig sa 'kin.
"Tulong!" sigaw kong muli ngunit wala talaga. Gustuhin ko mang iwanan saglit ang lalaki upang humingi ng tulong sa kabahayan ngunit natatakot akong iwan ito dahil sa malubhang kondisyon nito.
Naiiyak na ako sa sobrang kaba ngunit hindi ngayon ang oras para umiyak. Sinubukan kong i-angat 'yung lalaki at buong lakas ko siyang inakay papunta sa bahay. Pagkarating ko roon sinipa ko 'yong pinto at mula akong sumigaw para tawagin si Lola.
"Apo, bakit ka-- ano'ng nangyari riyan?!" gulat na gulat na tanong ni Lola sa 'kin.
Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. "Lola.. duguan siya.." nangininginig kong sambit.
_________