Chapter 2

1743 Words
Chapter 2 Pamilya Sa tanghaling iyon ay natalo ang ang volleyball team ni Lucas. Umalis kami sa fields na talunan. Ako, si Flor, ang aking mga classmates, at ang buong blue team. Tanghali man naganap pero bakas na bakas pa rin ang pagkatalo hanggang pag-uwi sa hapon. Pinaka-apektado sa lahat ay ang team ni Lucas. Lalong-lalo na si Lucas. Lumipas ang oras. Ang araw na nakatirik kanina ay kumalma na sa hapon. Matamlay ang field, hindi tulad kanina na puno ng nagsisiksikang mga atleta at manunuod. Ang makapal na usok mula sa mga pares ng paang paulit-ulit na tumatakbo sa buhangin ay naglaho na. Nakikisabay na lang sa pumapaswit na hangin. Pati ang mga vendors sa oval ay isa-isa na ring nawawala. Madalang na lang ang bilang ng mga estudyante. Nagpapahinga sa damuhan, nakikipagkwentuhan sa bleachers, o naglalakad na pauwi. Dahil ikatlong araw na ng Intrams, ito na rin ang huli. Maya-maya lang ay i-a-announce na ang champion. Alam naming lahat na hindi ang blue team iyon. Isa kami ni Flor sa mga naglalakad papuntang gate. Ang malaking building ng school ay tanaw pa rin sa hindi kalayuan. “Ana, si Lucas ba 'yon?” Siniko niya ako bigla. Nag-angat ako ng tingin. Mula sa nagtatanong niyang mukha ay dumapo ang tingin ko sa isang binatang nag-aayos ng bag sa ilalim ng waiting shed. Mag-isa. Nawala ang tensyon sa mga balikat ko nang makita si Lucas. “Siya nga. Kawawa naman...” Binoses ni Flor ang nasa isip ko. Habang papalapit kami ay mas lalo namang nagiging ebidente ang tensyon sa kaniyang mga balikat. Dahil na rin siguro sa pagod. Pagkakadismaya. Parang may salamin sa kaniyang dating masayahing mga mata. Kumikintab pero walang bakas ng luha. “Uy! Lucas! Good game pa rin. Ang galing niyo," may pag-aalinlangang bati ni Flor. Napatigil kaagad si Lucas sa pag-aayos ng bag. Tumango ito pero nang ibaling sa akin ang tingin ay mas inayos ang tayo. “Salamat, Flor...” Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa kaibigan ko. Ngumiti na lang si Flor sabay kaway. Kumaway pabalik si Lucas. Binigyan kong isang maliit na ngiti si Lucas. Kagaya ng nagdidilim na himpapawid, malumanay, magaan, at hindi kailangang isigaw. Ngumiti rin ito pabalik ngunit mas tipid. Tuwing hapon ay ganito lagi ang sistema namin ni Flor. Sabay kaming uuwi na para bang hindi magkasama sa klase o hindi partners sa projects. Kabisado ko ang daan dahil elementary pa lang ay dito na ako nag-aaral at syempre, si Flor na rin ang kaibigan. “Bye! Ingat ka!” kaway niya nang nakarating na kami sa likuan. Mas malapit kasi ang bahay niya sa school. “Bye!” Kumaway ako. Lungkot na lungkot pa rin ako tungkol sa pagkatalo nila Lucas habang naglalakad mag-isa. Nadaanan ko ang isang shop na gawaan ng mga sirang appliances. May TV sa harap, patay-sindi pero nakikita ang palabas. Black and white ang isang tumatawang kerubin. Mukhang pilyong-pilyo sa tuwa. Dumiretso na lang ako sa paglalakad. Ang bayan ng Santiago, kahit gaano pa kalaki at ka-progresibo, ay nagiging maliit sa aking paningin. Siguro, dahil dito na ako pinanganak at lumaki. Bawat sulok at eskinita yata ay natunton ko na. Kahit nakapikit ay kaya kong bumalik sa pinanggalingan. Sa hilaga ay tanaw na tanaw ang mukha ni Jollibee na habang dinadaanan ko ay naamoy ko ang pritong fried chicken. Sa silangan naman, sumisilip ang malaking krus ng simbahang katoliko dahil natatabunan ng iba't ibang mga establisyemento. At sa kanluran, ang matatag na mga bulubunduking nagbabadyang taguan ng haring araw. “Ate! Abby, andito na si Ate! Hello, Ate!” Ang nakasungaw na ulo ni Adam sa bintana ay panay ang galaw. Kahit na naglalakad pa lang ako ay nakaabang na kaagad ang mga ngiti niya. Ilang segundo pa ay sumungaw na rin ang ulo ni Abby, puro icing ang bibig. “Ate Ana! Tara!” “Saan?” tanong ko pabalik. “Dito!” Natawa akong bahagya sabay iling. Hinigpitan ko na lang ang hawak sa bag sabay lakad nang mabilis. Mula sa aspaltong daang nilalakaran, tanaw ko na ang white at brown na mga pader ng bahay. Simple lang at maliit. Nang pinanganak si Adam at Abby ay pinataasan nang kaunti kaya nagkaroon ng second floor kung nasaan ang kwarto ko. Kinakalawang na itim na gate at si Buddy na nakalabas ang dila habang inaantay din ako tuwing papatak na sa hapon ang alas-singko. Sa tabi ng bahay namin, sa bandang kaliwa, nakadikit at nakatayo ang aming resto. Ang mga pader na dating kulay blue ay nagiging lumang green sa katandaan. Sa magkabilang gilid ay pinagkakabitan ng mga pinintahang dahon ng puno ng niyog. Sa harapan naman ay ang mga bilaong dinisenyuhan gamit ang mga kabibe. Pero kahit luma at kahit nasa isang masikip na eskinita ng Santiago, buhay na buhay pa rin ito. Nakikipagsigawan si Jade habang kumukuha ng orders habang si Kuya Mong naman ay walang tigil sa pagpaypay ng ihawan dahil maraming may gusto ng chicken barbeque. Tuwing uuwi ako ay aktibong-aktibo ang mga pakiramdam ko. Unang pagtingin ay ang suking mga customer, unang langhap ay ang masarap na iniihaw, unang pandinig ay ang ingay ng nagkukwentuhang mga tao at ang pinakahuli sa lahat ay ang unang panlasa dahil ang nag-aabang na si Mama ay may hinanda na agad na meryenda para sa akin. Sa labing-pitong taon kong nakatira sa Santiago, ganito lagi ang mga hapon ko. Mabilis, sumisiklab at puno ng kulay. Alam kong mas mahal ko ang umaga pero sa iilang pagkakataon katulad ng araw-araw na pag-uwi ko galing school, nababaliktad ang pag-ibig ko. “Hello, 'nak. Kamusta ang dalaga ko?” salubong ni Mama sabay kuha sa bag ko. Pilit akong ngumiti bago yumakap. Umupo ako sa harap ng mesa. Sa gitna ng mga kumakaing tao ay hindi nakakalimutan ni Mama na ako naman ang pagsilbihan. Isang tasang ice cream kaagad nilapag niya. Natawa ako. Ice cream. Para bang alam ni Mama na malungkot ako bago pa makauwi. “Okay lang, Mama. Kayo? Kamusta ang resto?” tanong ko na lang. Bago pa man makasagot si Mama ay ang naghahabulang si Adam at Abigail na kaagad ang bumangga sa table. Mabilis kong inalalayan ang tasa. “Taya! Ikaw ang taya!” Pilit inaabot ni Abby ang ulo ng Kuya Adam niya. Mas maliit kasi. Maraming nagtataka sa laki ng agwat namin ng dalawa kong kapatid. Sampung taon. Malapit na ako mag-college samantalang sila ay nasa grade two at grade three pa lang. Noon, magulo na talaga ang resto. Pero ngayong dumating ang dalawa, mas gumulo lang lalo. “Mama, oh! Si Kuya! Sobrang daya mo, Kuya!” sigaw ni Abby na mukhang iiyak na. Sumandal na lang ako sa monoblock at nanood. Hinalo-halo ko ang ice cream para matunaw. “Niloloko ka lang niyang Kuya Adam mo, bunso. Ikaw naman, Adam, pataya ka naman sa kapatid mo! Ginugulangan mo, e!” sabat ng nagpapaypay pa ring si Kuya Mong. “Hindi, ah! Siya naman ang taya kasi nag-uunahan kaming makarating kay Ate! Hindi ba, Ate?” Nilingon ako ni Adam, naghahanap ng kakampi. Pinigilan ko ang ngiti. “Ang mabuti pa, maglaro na lang kayo sa labas. Malungkot ang Ate Ana niyo kaya hindi pwedeng guluhin...” Makahulugan ang tingin ni Mama sa akin. Tumaas ang kilay ko. Parang nagpanting ang mga tenga ng mga kapatid ko at biglang lumapit. Yumakap silang dalawa. Amoy-araw. Amoy pawis. Natawa kaagad ako sabay ilag. Pero si Abby, mukhang napapaisip. “Malungkot si Ate Ana kasi natalo sila sa Intrams sabi sa akin ni Betty. Talo ang blue team!” Napahinto ako sa pagsubo. Ito talaga. Baka siya ang nagsabi kay Mama kaya ice cream kaagad ang sinalubong. “Blue team? Ibig sabihin, natalo rin sila Kuya Lucas? Sayang! Idol ko pa naman si Kuya! Kawawa naman!” segunda ni Adam. “Lucas?” pag-uulit ni Jade sa tabi. “Si Lucas nga! Lucas na naman!” si Kuya Mong naman. Nagtinginan silang tatlo nila Mama, pinagkakaisahan ako. Wala akong nagawa. Napabuntong-hininga na lang ako habang kumakain. Hindi sila mapigil. Minsang kumain kasi si Lucas dito. Nagkausap kami tungkol lang sa school. Simula noon ay iniinis na ako ng pamilya ko tungkol kay Lucas. Mukha raw akong kamatis kapag kaharap si Lucas. Hindi naman. Sus. “Anong Lucas ang naririnig ko? Dinala mo nanaman si Lucas dito, Ana?” Lumabas si Papa galing sa kitchen, ang puting apron na may nakasulat na 'Best Dad Ever' ay puro mantsa na. Mas lalo akong nanliit. “Yiiie! Si Ate, crush si Kuya Lucas! Yiiie!” “Si Diaz lang naman pala ang katapat nitong alaga ko, e!” si Kuya Morong at si Jade. “Gwapo naman, 'Tsong! Pagbigyan mo na ang dalaga mo!” “Dalaga na ang anak ko. May boyfriend na!” Sinusundot ni Papa ang tagiliran ko habang si Mama naman ang ngiting-ngiti. Wala akong nagawa. Parang nakakalimutan nilang nagpapatakbo sila ng negosyo dahil simula nang dumating ako ay ako na lang ang pinagtuunan ng pansin. Ako at ang Lucas na natalo noong Intrams. Napanguso na lang ako, natatawa na rin. Hindi kalaunan ay bumalik na kami sa trabaho. Si Papa, ang tiga-luto sa kusina. Si Mama at Jade ang waitress, at si Kuya Mong naman sa labas. Kapag may pagkakataon na wala akong assignments at exams, kagaya nitong Intrams lang ay tumutulong ako. Laging sinasabi ni Papa na balang araw ay ako naman ang magpapatakbo nito. Dapat, katulad nila Lolo at Lola, at lalong-lalo na siya ay bibigyang buhay ko rin ang resto para tumatak sa puso ng mga tiga-Santiago. Kahit may ibang propesyon ay ayos lang basta ay huwag pababayaan ang natitirang iiwan niya sa mundo kapag wala na sila ni Mama. Katulad ng sinabi ko, mas mabilis ang hapon. Parang buhawi lang na dumaan at sa isang iglap ay nagbabayad na ang huling customer namin. Pagod na pagod akong naupo sa lamesa, pinapanood si Kuya Mong na kakatapos lang mag-mop ng sahig. Si Jade naman ay nakaalis na. May tensyon sa mga balikat ko dahil nagyaya pang makipaglaro sina Adam at Abby kanina. Kinukulit kasi akong makipag-taguan. “Alis na ako, 'Tsang! Magandang-gabi na lang ho!” Sumaludo si Kuya Mong kay Mama na nag-aayos ng mga tissue. “Sige, Mong. Ingat ka. Maraming masasamang loob ngayon.” “Sila ang mag-ingat sa'kin, 'Tsang!” pabirong sigaw ni Kuya Mong bago umalis. Tinulungan ko na si Mama sa pag-aayos ng issue. Ang sunod ko namang ginawa ay ang ipasok ang mga naurungan sa kitchen. Muntik pa akong mapatid dahil naglalaro ang dalawa sa sahig. Pagkatapos ay hinarap ko si Papa. “Pa! Psst!” Nilingon niya habang nagpupunas ng mga plato. Suot pa rin niya ang paboritong apron. Araw-araw ay ganito ang siste. Walang kapagurang pagtatrabaho para sa pamilya. “Love you!” kindat ko sabay alis. “Love you too, anak ko!” malakas niyang sigaw kaya naman pati si Mama ay natawa. Naiwan ang ngiti sa mga labi ko habang nagtatrabaho. Ihahanda ko na sana ang kandado dahil malapit na kaming umalis. Lumalalim na rin ang gabi. Parang binuhusan ako ng yelo nang makita ang isang patalim na nakatutok sa aking tiyan. Dahan-dahan akong napaatras habang isa-isang pumapasok ang mga nakaitim na maskara. “Walang sisigaw kung ayaw niyong may mangyaring masama! Taas ang kamay!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD