Chapter 5
Baby
Naunahan ko ulit gumising ang haring araw. Nagkukuyakoy ang mga paa ko sa ere, ang dalawang kamay ay hawak ang ice cream.
Ang dilim ay naliwanagan, unti-unti at hindi kailangang madaliin. Hinila ni Apollo ang dakilang kabilugan sa himpapawid gamit ang kaniyang gintong kalesa. At habang pinapanood kong kagatin ng liwanag ang dilim ay naniniwala akong mali ang pagkakaintindi ng teacher ko sa Greek Mythology. Hindi mabilis, hindi mabigat at hindi pahirapan sa tuwing hinihila ni Apollo ang araw.
Sa katunayan, ginawa niya ang eksaktong kabaligtaran.
Mula sa kadiliman, sumilip ang gintong sinag ng araw. Nahihiya pa at pasilip-silip. Hanggang sa ang itim ay dahan-dahang naging asul, hindi sinasabuyan pero marahang pinapahiran ng kulay ang itim na papel.
Hindi bata ang araw.
Isa itong dakilang pintor sa pagsapit ng bukang-liwayway at takipsilim. Humalo ang matingkad na ginto, paparami nang paparami at papalaki nang papalaki. Ang asul ay naging magaan, ramdam na ramdam ang kahuli-hulihang lamig ng dumaang gabi na nanggagaling pa sa mga ulap at gugulong pababa sa mga damuhan.
Mas lalo ko lang napatunayan na hindi kayang talunin ng aking mga umaga ang aking mga hapon.
Ang garden sa Santiago General Hospital ay maluwag at tahimik. Nalalatagan ng mga d**o ang lupa. Hitik na hitik ang luntiang halamanan dahil araw-araw ba namang dinidiligan ni Manong Romeo, ang hospital janitor, habang nakikinig sa earphones ng mga kanta ng Aegis. Parang binutas ang garden sa loob ng ospital. Ang natitirang bakanteng lote sa gitna ng mga kwarto at pasilyo. Dito, bukas ang hangin at maraming mga bulaklak.
Ilang metro kwadrado lang ang sakop ng garden kumpara sa kabuuan ng SGH pero sa tingin ko, kahit walang nakikinig na mga pader, ito ang tumatanggap ng pinakamaraming hiling at dasal.
Humuni ang mga insekto sa panibagong umaga. Malamig pa rin sa balat ang iniwang bakas ng gabi. Isa-isa nang pumapasok ang mga nurse at doctor, ang kanilang puting uniform ay parang mga kapa sa ere sa tuwing naglalakad. Naririnig na ang iyak ng mga bata sa pasilyo at naaamoy na rin ang kabubukas na cafeteria.
Tuluyan na akong tumayo mula sa inuupuang damuhan. Sinigurado kong itapon ang tunaw na ice cream sa kulay green na trashcan dahil baka magalit na naman si Manong Romeo.
“Anong ulam, Ate Marie?” tanong ko habang dire-diretsong pumasok sa maliit na cafeteria.
Maliit pero may aircon. Para na rin akong nasa loob ng isang refrigerator sa lamig. Gusto yata ng ospital na magyelo ang mga kumakain dito. At maliit at sobrang lamig na nga ay ang mahal pa ang mga bilihin. Dati ko na ring tanong kung bakit mas madalas magdala ng pagkain ang mga bantay kaysa sa bumili na lang sa ospital. Mas praktikal nga naman talaga dahil sa matabang na nga ay nagyeyelo pa.
Hindi ko alam kung paanong nakakatagal si Ate Marie na magtrabaho rito.
“Giniling na naman? E, ‘di ba, Giniling ang ulam natin kahapon? Aling Marie naman!” buntong-hininga ko nang buksan niya ang malaking kaserola.
Sa loob ng nakasalamin at mahabang estante ay isa-isa niyang binuksan ang mga container. Nakatingin lang ako sa kaniya habang busy siyang mag-prepare ng mga putahe para sa araw na ito. Kahit labag sa loob ko, gusto kong may kumain dito. Para may pagsilbihan siya. Para may kasama siya.
May Giniling na puro hotdog, may sunny-side up egg at bacon para sa breakfast, gulay naman para sa lunch. May nakita rin akong Adobong atay ng manok.
“Isang sunny-side up nga po, Ate Marie,” sabi ko sa tiga-luto, kahera at tiga-silbi na rin ng maliit na cafeteria.
Pwede na siyang magtayo ng resto niya mag-isa. Pero hindi ko alam kung mabibisita ko pa o maaabutan ko kung hindi pa ako patay. Mas mauuna yata akong mamatay kaysa kay Aling Marie. Ang balingkinitang katawan ng matandang dalaga ay nagpapabata sa kaniyang edad na dati ko pang hinuhulaan kung lagpas singkwenta na ba o hindi pa.
Kagaya ng dati, walang narinig si Ate Marie at abala lang sa pag-aayos ng stove.
Ako na ang kumuhang mag-isa ng mga gustong ulam at tamang kanin. Isang itlog, isang hibla ng bacon at isang cup ng kanin. Kumuha na rin ako ng toyo at calamansi dahil nakalimutan na naman ni Ate Marie na bumili ng ketchup.
“Bakit kulang ng isang ice cream dito?” bulong ni Ate Marie nang i-check ang kaniyang ref.
Naupo na lang ako sa isang malayong lamesa kung saan tanaw ang chapel ng ospital. Nagsimula na akong kumain ng masarap na luto ni Ate Marie.
Pagkatapos kong kumain ng breakfast ay naglibot-libot na muna ako sa ospital katulad ng lagi kong ginawa. Suot ang hospital gown at nakayapak, sinisilip-silip ko ang mga pasyente sa ward. Ang mahabang pasilyo ay parang iba’t ibang chapter ng libro dahil bawat kwarto ay may kaniya-kaniyang kwento. May kwartong naglalaman ng natutulog pa ring mga bata, may kwartong iisa lang ang pasyente pero buong pamilya ang nagbabantay at mayroon ding matatandang nag-iisa na lang sa buhay na tanging telebisyon lang ang karamay.
Sa isang paraan, para na rin akong nabuhay sa iba’t ibang tao tuwing dadaan sa mga pasilyong ito pero tuwing aakyat ako sa second floor, limang kwarto pagkatapos ng nurse station ay bumabalik ako sa umpisa.
Ilang buwan na rin matapos akong magising dito sa Santiago General Hospital.
Wala akong kasamang iba, walang kausap at walang magawa. Marami akong mga tanong tungkol sa katawan kong hindi ko maiwan-iwan dahil hanggang ngayon ay non-responsive pa rin at vegetative. Parang lantang gulay lang na nakahiga.
Ilang raw makalipas kong magising, nalaman kong patay na ang pamilya ko. Sina Mama, si Papa, si Adam at si Abby. Lahat sila. Hindi man lang nagpaalam. Kaya pala kahit anong hintay ko na may dumalaw sa akin bukod kay Jade, Kung Mong at ibang classmates ay hindi sila dumating.
Hindi ko rin alam kung ano pang ginagawa ko rito sa lupa bilang isang kaluluwang naliligaw pero ito ang bagay na mas masakit pa kaysa sa pagkamatay nila Mama dahil kahit ang buong mundo ay iniwan na akong mag-isa.
Ang waiting area ay nasa gitna ng reception, emergency room at maternal ward. Sa madaling salita, ito ang nagsisilbing crossing kung saan nagtatagpo-tagpo ang lahat ng mga pasyente, bantay ng pasenyente, doctor, nurse, janitor, dishwasher (na si Aling Marie rin dahil walang ibang staff sa cafeteria) at kahit ang pastor ng maliit na chapel. Ito ang pinakamataong lugar sa ospital na madalas kong binibisita sa nakalipas na tatlong buwan.
“Good morning, doc! Ganda ng shoes mo ngayon, ah!” bati ko sa isang dumaang doktor.
Wala itong narinig at nanatiling subsob ang mukha sa binabasang prescription.
“Magandang umaga, Nurse Colby! Nagbati na ba kayo ng girlfriend mo?” tanong ko naman sa isang nurse na nag-aasikaso sa akin, kapalitan ni Nurse Monica.
Sila ang dalawang nurse na minamando ang mga makina at swero ko sa itaas. Kaso, narinig ko kagabi si Nurse Colby na kaaway ang nobya sa cellphone. Pinaghihinalaan niya itong may kalaguyo. Third party, diumano.
Bukod sa paglilibot sa ospital, naging trabaho ko na ring makiusyoso sa mga buhay ng mga staff at pasyente dahil ano pa bang gagawin ko sa maghapon pagkatapos panoorin ang pag-akyat at paglubog ng araw?
Parang narinig ako ni Nurse Colby nang mahinang napamura sabay bunot sa nagri-ring na cellphone. Nabasag pa nga ito dahil binato niya noong isang gabi naman. Iniwan ko na lang dahil pangit makarinig ng nag-aaway sa umaga o magkaroon ng kaaway sa umaga.
“Hi, Nurse Monica!” Ngumiti ako sa magandang nurse, ang unang nurse na nakita ko noong nagising ako.
Wala rin itong narinig. Dire-diretso na lang ako pero nilagpasan ang isang masungit na doktor. Bukod pa sa laging pasinghal ang mga sagot sa mga katrabaho ay naaapektuhan na rin ang serbisyo sa mga pasyente.
Binelatan ko ang napapanot na doktor, si Doctor Cuevas.
Bukod sa paghihintay sa pagsikat ng araw, breakfast, paglilibot at pakiki-tsismis, ang isa ko pang ginagawa sa maghapon at ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-abang sa Emergency Room. Kung sinong unang papasok. Kung kakilala ko ba ang papasok. Kung saan ang galos, kung saan ang sugat. Kung ano ang diperensiya.
Mas maganda kung gabing maghihintay sa ER dahil mas maraming aksidente. Iba’t iba na rin ang nakikita ko. May simpleng kaso ngunit mayroon ding malubha. Pero sa araw na ito ay parang may pabuya ang langit sa akin.
“Manganganak na ho ang misis ko! Doc! Tulong!” buhat-buhat ng matangkad na mister ang kaniyang asawang namimilipit sa sakit, ang sayang suot ay basang-basa na sa pumutok na patubigan.
“Hayop ka talaga, Cyrus! Hayop ka!!!” Sumisigaw ang manganganak na buntis, sinasapak-sapak ang asawa.
“Sorry! Sorry! Mahal na mahal kita! Sorry!”
Napaawang ang bibig ko, napatayo sa gitna ng waiting area. Tulala akong nanonood.
Dali-daling umaksyon ang mga nurse at pinahiga ang misis sa isang stretcher. Wala pang ilang segundo ay humahagibis na ito paalis papunta sa Delivery Room. Naiwan ang mister na si Cyrus, tulala pa rin at namumutla.
Dahan-dahan, nagtungo ako sa isa sa mga puting bench sa ilalim ng hagdanan. Ilang minuto lang ay dumating na ang mga kamag-anak ng mag-asawa. Parang nahimasmasan na si Cyrus. Pagkatapos aluin ng mga barkada ay naupo na ito sa aking tabi.
Maraming tato si Cyrus. Matangkad. Mestizo. Habang tinitingnan ko itong mabuti ay kitang-kita ko ang pag-aalala hindi lang para sa asawa pero para na rin sa anak.
Ilang minutong pagtitiis, ilang mga sigaw ng kaniyang misis. Ilang kape, ilang mura at ilang pabalik-balik na paglalakad. Pagkatapos ng lahat ng ito ay lumabas ang mga doktor at ngumiti. Hindi ko alam kung ano ang pinag-usapan nila pero napaluhod si Cyrus sa tuwa, nangingilid ang mga luha.
Nagsigawan ang mga kamag-anak at barkada ni Cyrus sa saya. Nakakalimutan ang mga problema dahil sa panibagong miyembro ng pamilya. Nagpalakpakan ang mga tao sa waiting area at nakipagkamay sa mister.
“Tatay na ako! Tatay na ako!” naiiyak na sigaw ni Cyrus. “Tatay na ako?!”
“Congratulations, sir! Congratulations sa inyo ni ma’am!”
“Nairaos din, pre! Ilang taon din kayong naghintay ni Paula. Nabigay na rin sa wakas!”
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. Hindi ko alam kung mapapansin niya dahil halos lahat ng tao ngayon sa waiting area ay masaya para sa kaniya. Pero ayos lang. Dahil napangiti niya rin ako.
Sa aking gilid ay may nakatayong pumapalakpak din sa tuwa. Nilingon ako nito atsaka dinuro si Cyrus.
“Ang saya talaga kapag may baby, ‘di ba? Gusto ko na rin tuloy magka-baby!” Sumisingkit ang mga mata nito sa tuwa.
“Oo nga, e! Ang saya siguro!” sagot ko sabay ngiti kay Cyrus.
“Masaya talaga! Kaso maingay sa gabi!” halakhak niya sabay palakpak ulit.
Tumango ako habang nakangiti.
Habang wala sa sariling pumapalakpak ay parang binuhusan ako ng yelo. Naglaho ang saya at napalitan ng gulat. Tumayo ang mga balahibo ko at muling nilingon ang binatang pumipito-pito pa. Ngumisi ito sa akin.
Nalaglag ang panga ko.
Nakikita niya ako. At naririnig. At kinakausap.