WALANG ibang pagpipilian si Fely kundi ang sundi ang utos ni Portia sa kanya. Nakahanap naman siya ng mahaba at matibay na lubid sa storage room ng school kaya maaari niya iyong gamitin para makababa sa balon. Pabilog ang hitsura ng balon. Maihahalintulad niya ito sa balon sa sikat na pelikulang The Ring. Medyo makipot nga lamang iyon na halos kasya lamang ang tatlong tao sa loob. Siksikan pa.
Matapos maitali ang dulo sa katawan ng isang puno ay inilaglag na niya ang lubid sa balon. Narinig niya ang tunog ng nabulabog na tubig. Tiningnan niya si Portia at muli ay nakiusap siya dito. "P-portia, parang awa mo na. Huwag mo naman itong ipagawa sa akin. Isa pa, aanhin mo pa ang camera mo? Sigurado akong sira na iyon dahil sa tubig sa balon."
"Alam mo, ang dami mong reklamo. Susunod ka ba o kakalat bukas na bukas din ang baho mo?!" sabay taas nito ng kilay.
Hindi na siya sumagot. Nagbingi-bingihan na lamang siya sa mga halakhakan nina Portia. Para kay Ruvina kaya niya ito gagawin!
Nahihirapan man ay pinilit pa rin ni Fely na makababa sa balon sa pamamagitan ng lubid. Gumapang ang lamig sa buo niyang katawan nang sumayad na ang kanyang katawan sa tubig. Bago tuluyang lumusong ay tinantiya niya muna ang lalim ng tubig at kahit papaano ay nakaramdam siya ng relief nang makapa ng kanyang talampakan ang lupa.
Hanggang dibdib niya ang tubig. Madilim. Masikip.
"Ano, Teacher Fely, masarap bang mag-swimming? Dapat nag two-piece ka na lang!" boses iyon ni Patricia na sinundan ng tawanan.
Binalewala na lang niya iyon at nag-umpisa na niyang hanapin ang camera ni Portia. Upang makapa ang pinaka-floor ng balon ay kailangan pa niyang sumisid. Marunong naman siyang lumangoy ngunit ang nagpahirap sa kanya ay ang madilim at malabong tubig at ang sikip ng lugar.
Pakiramdam niya ay kinakapos na siya ng hininga. Kailangan na niyang bilisan ang paghahanap sa camera. Isang malaking pagsagap ng hangin ang kanyang ginawa at muli ay sumisid siya sa tubig.
Pakapa-kapa siya sa ilalim ng tubig hanggang sa mahawakan na niya ang bagay na kanyang hinahanap. Umahon na siya sa tubig ngunit hindi niya maiangat ang camera dahil sumabit yata ang nakalagay na key chain doon sa isang sako.
Pinilit niyang alisin ang pagkakasabit ngunit hindi niya magawa.
"Ang tagal naman!" sigaw ni Portia. "One more minute at iiwanan ka na namin!"
"N-nakita ko na!" ganting sigaw niya.
Wala siyang choice kundi ang isama na lang ang sako. Medyo mabigat ang sako dahil bukod na yari ito sa abaka ay may laman pa ito. Sa wari niya ay basura.
Mas naging mahirap ang pag-akyat niya dahil sa may dala pa siya.
"Wow! Wet look!" biro sa kanya ni Emielyn.
"Oh, ano naman iyang dala mo?" tukoy ni Portia sa sako. "Nagdala ka pa ng basura. Sabagay, family mo naman iyan--- basura!"
"Sumabit kasi sa sako 'yong key chain na nasa camera kaya---"
"Enough! Akin na ang camera ko."
Nagtataka si Fely dahil madali niyang natanggal ang pagkakasabit ng camera hindi tulad noong nasa tubig ito.
Iniabot na niya kay Portia ang camera. Tinanggal nito ang key chain at itinapong muli ang camera sa balon. "Bakit mo itinapon ulit?!" gulat na tanong niya.
"Actually, itong key chain lang naman ang importante sa akin. This key chain has thirty genuine diamonds. Sosyal, `di ba?" at pinakita pa nito sa kanya ang key chain.
Iniwan na siya ng mga ito.
Hindi siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan hanggang sa may dalawang tao na lumapit sa kanya. Ang mag-pinsan na sina Jorge at Miggy. Pero ang ipinagtataka niya ay nakasuot na uniform ng isang babae si Miggy.
"B-bakit, nandito pa kayo? Gabi na, ah!" nag-aalala niyang sabi sa dalawa. "At ikaw, Miggy, bakit nakasuot ka ng pambabae?"
"Dahil babae naman po talaga ako," sagot ni Miggy sabay ngiti. "Nakatuwaan ko lang na magsuot ng panlalaki para hindi ako apihin ng mga kaklase ko!" nakalabing dugtong pa nito.
Seryoso na nagsalita si Jorge. "Nakuha mo na pala..." Bahagya pa nitong sinipa ang sako.
"Nakuha ang alin?"
"Iyan," sabay turo sa sako.
Aalis na sana sina Jorge nang pigilan niya ito. Mahigpit niyang hinawakan ito sa braso. "Saglit lang, Jorge! Malakas ang pakiramdam ko na may alam ka. Kung ano man iyon ay wala akong ideya. Pwede bang sabihin mo sa akin kung ano iyon?"
"Basta mag-iingat ka sa mga nakikita mo..." matalinghaga nitong sabi.
Naguguluhan man ay hinayaan na niyang makaalis sina Jorge. Tiningnan niya ang sako. Tila may bumubulong sa kanya na buksan iyon...
HINDI makatulog ng gabing iyon si Bridgette. Bukod sa maalinsangan ay binabagabag ang kanyang isipan. Hanggang ngayon kasi ay palaisipan pa rin sa kanya ang pagkatao ni Tiyang Magda. Nagkamali nga ba siya ng pagsama dito? Masyado nga lang ba siyang nadala sa kabutihang ipinakita noon sa kanya?
Naalala niya iyong photo album. Bumangon siya at kinuha iyon sa ilalim ng kanyang kama. Pagbuklat niya ng unang pahina ng album ay nakita niya ang isang litrato ng isang magandang babae. May nakasulat na pangalan sa ibaba noon na: YSABELLE.
"Ysabelle? Siya iyong hinahanap n'ong babae dati dito..." turan niya sa kanyang sarili. Pero ang sabi ni Tiyang Magda ay walang Ysabelle na nakatira dito. Ngayon ay sigurado na siyang meron nga itong inililihim.
Binuklat niya ulit ang album. May litrato naman na may kasamang babae si Ysabelle sa litrato at hindi siya maaaring magkamali. Ang babaeng kasama ni Ysabelle sa picture ay si Dash--- iyong babaeng nakilala niya nang pauwi na siya sa palengke. Ano ang koneksiyon nito kay Ysabelle at sino nga ba si Ysabelle?
Nagpatuloy siya sa pagbuklat. Puro mga litrato ni Ysabelle at Dash. Napagtanto niya na magkaibigan ang dalawa.
At sa huling pahina ng album ay hindi niya inaasahan ang litratong kanyang makikita...
Picture ni Olivia!
"O-olivia?" hindi makapaniwalang bulalas niya.
Kinuha niya ang litrato at tiningnan ang likod noon. Hindi nga siya nagkamali dahil may dedication na nakasulat doon. "To my cousin, Ysabelle. Hope to see you soon, 'insan! Love, Olivia..." basa niya.
"P-pinsan ni Ysabelle si Olivia?!"
Mukhang kailangan niyang hanapin at kausapin si Dash Soriano. Ito lang ang makakapagbigay ng linaw sa lahat...
ANG malakas na sigaw ni Fely ang pumunit sa katahimikan ng gabi. Nanginginig ang buo niyang katawan nang makita niya na kalansay at bungo ng tao ang laman ng sako na nakuha niya sa balon.
Doon ay biglang sumagi sa isipan niya ang palagi niyang napapanaginipan tungkol kay Ruvina. Lagi itong basang-basa na akala mo ay nakalublob sa tubig. Hindi kaya...
"R-ruvina?" aniya habang nakatingin siya sa buto ng tao na nasa kanyang harapan.
KINABUKASAN ay itinawag agad ni Fely sa mga pulis ang nakita niyang buto ng tao sa balon. Nagsinungaling na lang siya sa mga ito na kinailangan niyang bumaba sa balon dahil nahulog doon ang kanyang bag.
Maraming estudyante na rin ang nag-usyoso sa lugar.
Lumapit si Fely sa isang pulis. "Sir, ano pong gagawin niyo sa mga buto?"
"E-exam-in namin para malaman namin kung paano siya namatay," sagot nito.
"Malalaman din po ba kung babae or lalaki ang bangkay na iyan?"
"Oo naman!"
"Ah, sir... Pwede ko po bang ipa-DNA ang bangkay?" tanong niya na pinayagan naman ng pulis.
Kailangan niyang makakuha ng buhok o laway ng nanay ni Ruvina na si Fatima. Mabuti na lamang at naroon pa ito sa kanyang bahay.
Maya-maya pa ay nagulat ang lahat nang isang grupo ng mga estudyante ang takot na takot na humangos na lumapit sa mga pulis. "M-may patay po kaming nakita sa garden tools room!" sumbong ng isang babaeng estudyante.
"Tara, samahan niyo kami!" ani ng pulis.
Gumapang ang kaba sa dibdib ni Fely. Sino ang patay na nakita sa garden tools room? Masama ang kanyang kutob!
Nakita na lamang niya ang kanyang sarili na papunta sa lugar kung saan sinasabing may nakitang patay.
"SAAN ka pupunta?"
Natigilan sa paglabas ng bahay si Bridgette nang tawagin siya ni Tiyang Magda. "M-mamamalengke lamang po. Ubos na po mga gulay natin," aniya.
Lumapit ito sa kanya. "Pupunta ka ng palengke, wala ka namang pera. Heto..." kinuha niya ang inabot nitong isandaan piso at umalis na siya.
Isa pa iyon sa ipinagtataka niya. Hindi niya alam kung paano nagkakaroon ng pera si Tiyang Magda gayong wala naman itong trabaho. Wala rin siyang alam na negosyo nito o maaaring pagkuhaan ng pera dahil lagi naman itong nasa loob ng bahay. Ang alam lang niya, tuwing Biyernes ay may isang lalaki na laging nagpupunta sa bahay at kinakausap si Tiyang Magda at inaabutan ito ng lalaki ng isang maliit na kahon na kulay pula.
Medyo malayo ang palengke pero mas pinili ni Bridgette na maglakad na lamang. Ang totoo kasi ay nagsinungaling siya kay Tiyang Magda na mamamalengke siya. Balak niya talagang hanapin si Dash upang makausap ito at maliwanagan na siya.
Nag-ikot-ikot siya sa palengke ngunit minalas siyang hindi makita ang hinahanap niyang tao. Dahil sa pagod ay nagtungo muna si Bridgette sa baybaying dagat na nasa likod lang ng palengke.
"Alam kong hinahanap mo ako," isang boses ang kanyang narinig. Pagharap niya sa kanyang likuran ay nakita niyang papalapit sa kanya si Dash.
"Dash!" aniya. "Salamat at nakita ulit kita. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Anong alam mo kay Tiyang Magda at sino si Ysabelle?"
"Anak ni Tiyang Magda si Ysabelle! Si Tiyang Ysabelle ay isa sa mga supremo ng kulto na kinabibilangan niya..."
"K-kulto?"
"Sumasamba siya sa demonyo! At si Ysabelle, tinangka niyang ialay ito kay Satanas kahit na sarili niya itong anak!"
Hindi makapaniwala si Bridgette sa nalaman. "A-ang ibig sabihin, patay na si Ysabelle.
Tumingin muna si Dash sa malayo. Tiningnan siya at saka siya nito sinagot. "Maniniwala ka ba kung sasabihin kong buhay pa rin si Ysabelle?"