LESSON 02- New Teacher, New Fear

1734 Words
FOURTH year. Section A. Iyon ang nakasulat sa nakasaradong pintuan ng classroom kung saan magtuturo si Fely. Kinakabahan siya ng mga oras na iyon dahil wala siyang ideya kung ano ba ang ugali ng mga magiging bago niyang mga estudyante. Huminga siya ng malalim. Inisip na lang ni Fely na pare-parehas lang naman ang mga mag-aaral. Makukulit, pasaway at may iba naman na mababait din. "Kaya ko ito. Para kay Ruvina," aniya sa kanyang sarili. Hinawakan niya ang seradura at pinihit iyon. Itinulak niya ang pintuan at sumalubong sa kanya ang ingay ng mga teenagers na nasa loob. Lahat ay abala sa kani-kanilang "business" at hindi napansin ang kanyang presensiya. May nag-uumpukan at nag-uusap. May mga ilan na nakasubsob sa desk at may nakapasak na earphones sa tenga. May ilan naman na naghaharutan at ang akala yata sa classroom ay playground kung maghabulan. Napailing siya at pumasok na sa loob. Pumwesto si Fely sa unahan at inilapag ang dalang bag sa ibabaw ng table. "Class..." aniya upang makuha ang atensiyon ng mga ito. Walang pumansin sa kanya. Tumikhim siya. "Class!" sinadya niyang lakasan ang boses. "Hoy, may teacher na!" Isang estudyanteng lalaki ang sumigaw. Kanya-kanyang balikan at ayos ng upuan ang mga ito. Ngumiti siya. "Good morning, class. I am your adviser for this whole school year. My name is Miss Felicity Natividad but you can call me Teacher Fely. I am twenty-seven years old and its nice to see you, guys!" pagpapakilala niya. Isang babae ang tumayo. Maganda ito at maputi. Medyo chinita at kulay brown ang buhok. Mataray ang pagkakangiti nito. "Welcome to 4-A, Teacher Fely. By the way, I am the class president." "Class president? Hindi pa tayo nagbobotohan, diba? First day of school pa lang," aniya. Tumawa iyong babae. "Alam ko. My name is Portia Wellington. A self-proclaimed class president ng 4-A. My last name sounds familiar, right? Half of the share of this school is owned by my parents!" at umupo na ito. Hindi malaman ni Fely ang sasabihin sa kanyang narinig mula sa estudyanteng nagpakilalang si Portia. "O-okey. Lets start the roll call..." sabi na lang niya. PAGSAPIT ng break time ay pumunta na sina Portia kasama ang kanyang mga kabarkada sa canteen ng school. Lahat ng nakakasalubong nila ay umiiwas sa kanila. Tila isa silang mga hari at reyna na binibigyan ng daan. Umupo na sila sa pwesto nila. Walang ibang nangangahas na gumamit ng table na iyon sa canteen kundi sila lang. Walo silang lahat sa grupo. Iniiwasan. Kinakatakutan. Ganyan ang lahat ng estudyante sa kanila. "Anong gusto mong i-order ko sa'yo, Portia?" tanong sa kanya ni Ren Pao Valdez. Si Renz ay ang masugid niyang suitor since third year pa lang sila pero dahil iba ang gusto niya ay hindi siya nagkaroon ng espesyal na pagtingin. Hanggang kabarkada lang ito para sa kanya. Isa lang ang lalaking itinitibok ng kanyang puso at iyon ay ang tahimik at misteryoso nilang classmate na si Patrick Sicabalo. "Just fries and soda," aniya sabay ngiti kay Renz. Sinundan ni Portia ng tingin ang papalayong si Renz. Ayos na rin naman na hanggang ngayon ay nililigawan pa rin siya nito dahil may utusan siya, taga-dala ng kung anu-ano at alalay. Lahat silang walo sa grupo ay puro anak-mayaman. Kilala ang kanilang mga apelyido. Sinasala at talagang pinipili niya ang lahat ng kanyang magiging kaibigan. Isa-isa na ring nag-order ang iba pa niyang kasama at naiwan siyang mag-isa sa table. "So, what can you say sa new teacher natin?" tanong ni Patricia Mendoza sa kanya pagkabalik ng mga ito. Si Patricia ang kikay sa kanilang grupo. Masayahin ito at tila walang problema sa buhay. Kumagat si Portia sa piraso ng fries na isinawsaw niya sa catsup. Kumuha ng tissue at pinahid ang catsup sa gilid ng kanyang labi. "Nothing special. Katulad din siya ng iba na hindi tayo matatagalan. I'll give her one month then after that siya na mismo ang magmamakaawa sa OIC ng school na ilipat na siya!" Inilabas ni Yvette Penano ang laptop nito. "Wait, nasaan nga pala ang iba? Bakit apat lang tayo?" Si Yvette naman ay umaaktong kanang kamay niya. Anak ito ng isang congressman. "As usual, first day of school syndrome," sabat ni Renz. "Sigurado ako, bukas pa papasok ang mga iyon. Anyway, after this punta tayo sa rooftop. Lets puff some smoke!" Nangingiti na nagkatinginan silang apat sa sinabi ni Renz. FOURTH YEAR STUDENT, NAWAWALA! Nanginginig ang mga kamay ni Fely habang hawak ang isang lumang dyaryo na nahalungkat niya sa newspaper section sa library. Nasa shelf na iyon lahat ng mga balitang naka-imprinta na tungkol sa Wellington High School. "Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan si Ruvina Reyes, disi-sais anyos..." mahinang basa niya sa unang parte ng naturang balita. Reyes ang apelyido ni Ruvina dahil ang ginagamit nitong apelyido ay sa ama nito. Naluluha na dumaloy sa kanyang isipan ang huling beses na nakausap niya ang kanyang stepsister... Kumakain sila noon ng hapunan nang tumawag si Ruvina sa kanyang cellphone. "Hello, Ruvina. Oh, bakit hindi ka---" "Ate, tulungan mo ako! Papatayin niya ako! Ateee!!!" ang nagpa-panic na boses ng kanyang kapatid ang pumutol sa kanyang sasabihin. Napatayo siya sa kanyang kinauupuan. "Ruvina! Anong nangyayari?! 'Asan ka?!" kinakabahang tanong niya. "Ate, tulu---" naputol ang pagsasalita nito. Nakarinig siya ng tila malaking bato na bumagsak sa semento. Katahimikan. "R-ruvina? Hello..." pero hanggang sa naputol na ang linya ay wala na siyang narinig. Kinabukasan, nang pumunta sila sa school nito ay nakita nila ang duguan at basag nitong cellphone sa locker room para sa mga babae. Simula noon ay wala na silang narinig pa tungkol kay Ruvina. Tila isa itong bulang naglaho sa hangin. Hanggang sa tanggapin na lamang nila na wala na ito. Na patay na ito... Hindi na tinapos pa ni Fely ang pagbabasa ng article na iyon. Ibinalik niya ang dyaryo sa shelf. Sa totoo lang, wala siyang ideya kung saan siya magsisimula sa paghahanap sa katawan ni Ruvina. Umalis na sa harap ng shelf na iyon si Fely. Pagliko niya sa isang shelf ay isang estudyanteng lalaking maraming dalang aklat ang kanyang nabangga. Kumalat sa sahig ang mga aklat na dala nito. Awtomatikong tinulungan niya ito na pulutin ang mga aklat. "I'm sorry. Hindi ka ba nasaktan?" tanong niya at nagtama ang kanilang mga mata ngunit agad din siyang umiwas ng tingin dahil tila nakakapaso ang titig nito. "Okey lang po ako, Teacher Fely," sagot ng estudyante. Kapwa na sila nakatayo. "Kilala mo ako?" "Oo naman po. Kayo po ang adviser namin. Ako po si Patrick Sicabalo, isa sa students niyo sa 4-A." Tumango siya. "Gan'on ba? Anyway, I have to go. Next time, be careful," at hinawakan niya ito sa balikat nito bago lumakad palayo. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang tawagin siya ni Patrick. "Teacher Fely!" Tumigil siya at nilingon ito. "Ano 'yon?" "Thank you po..." Napangiti siya. "Welcome..." PAGLABAS ni Fely sa library ay hindi sinasadyang napatingin siya sa isang three-storey building na nasa likuran lang ng silid-aklatan. May nakita siyang apat na estudyanteng nasa rooftop noon. Hindi niya alam ngunit kinukulit siya ng kanyang kuryusidad na alamin ang ginagawa ng mga iyon doon. Nakita na lang niya ang kanyang sarili na naglalakad paakyat sa rooftop. Pagdating niya sa itaas ay nagulat siya nang makita niyang apat na estudyante ang naninigarilyo doon! Hindi siya maaaring magkamali. Estudyante niya ang tatlong babaeng at isang lalaking nakikita niya. Natatandaan niya ang mga mukha ng mga ito lalo na iyong babaeng kulay brown ang buhok! Malalaki ang mga hakbang na tinungo niya ang kinaroroonan ng mga ito. "Anong ginagawa niyo?!" Kitang-kita ni Fely ang gulat sa mukha ng apat nang makita siya. Mabilis na itinapon ng mga ito ang mga hawak na sigarilyo. "What are you doing here?!" ganting tanong ni Portia. Natatandaan niya ang pangalan nito. "Kayo ang dapat kong tanungin niyan. Hindi ba't bawal sa inyo ang manigarilyo?" mataas ang boses na turan niya. "This is our territory at tresspassing ka dito!" sabi noong isang babae na kasama ni Portia. Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa pananagot ng mga ito sa kanya. "Ipapaalam ko ito sa guidance counselor para maturuan kayo ng leksyon! Bumaba na kayo at sumunod sa akin sa office!" Pagkasabi niya noon ay tumalikod na siya. Mukhang marami pa siyang hindi nalalaman sa ugali ng mga estudyante niya. Labis na nagulat si Fely nang bigla na lamang siyang hawakan ni Portia sa kanyang braso nang mahigpit. "Walang magagawa ang pagsusumbong mo, Teacher Fely! Mapapahiya ka lang. Hindi mo pa kami kilala!" nanlilisik ang mga mata nito. "Napakawalang-galang mo! Teacher mo ako, Portia. Wala akong pakialam kung sino o ano ka sa eskwelahang ito. Nagkamali kayo kaya dapat lang na disiplinahin kayo. Kung nasanay ka sa dati niyong guro na sinusunod kayo, ibahin niyo ako!" sinabayan niya ang tapang ng tingin nito. "Kung nasanay ka rin sa dati mong estudyante na nagpapauto sa iyo, ibahin mo kami!" at marahas na binitiwan ni Portia ang kanyang braso. Nanginginig sa sobrang galit na sinundan na lamang niya ng tingin ang papalayong grupo nina Portia. Namumula ang parte ng kanyang braso na hinawakan ni Portia. Tanda ng mahigpit nitong pagkakapisil doon! ALAS-SAIS na ng hapon at apat na guro na lamang silang natitira sa faculty room. "Fely, hindi ka pa ba uuwi?" tanong ng isa sa co-teachers niya. Nakita niya na nagliligpit na ng mga gamit ang tatlong guro na kasama niya. "Mamaya pa siguro. Tatapusin ko muna itong pag che-check ng quiz," aniya. "Okey. Paalis na kami. Ingat ka dito at maraming multo dito!" Napatawa siya. "Tinatakot niyo ba ako?" "Well, ikaw na ang magdiscover kung totoo ang sinasabi namin!" at umalis na nga ang mga ito. Nang mapag-isa si Fely ay yumakap sa kanya ang labis na katahimikan. Tanging ang ugong ng aircon ang naririnig niya. Matatapos na siya sa pagchecheck nang mapansin niyang biglang nabuhay ang ilaw sa loob ng girl's locker room. Kitang-kita niya kasi katapat lang ng faculty ang locker room. Mga sampung metro siguro ang layo nito. Tatayo na sana siya upang pumunta doon para tingnan kung may tao pa doon nang biglang mamatay muli ang ilaw. "Baka umalis na kung sino man ang nand'on," aniya sa kanyang sarili. Pagkaupo naman niya ay nabuhay muli ang ilaw doon. Hindi niya alam pero unti-unti ay bumangon ang kilabot sa kanyang katawan nang mag-umpisang magpatay-sindi ang ilaw sa loob ng girl's locker room!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD