Si Aizel ang laman ng isip ko buong araw. Siya at ang mga sinabi niya. Teka… may bago pa ba?
Palabas na ako sa huli kong klase nang may text akong matanggap galing kay Kristian. Binuksan ko ‘yon habang naglalakad palabas sa maingay na hallway.
Hi, Kaydee! Gusto sana kitang ihatid pauwi kaya lang nagpa-make up class yung prof ko :( Darn it. I’m dying to see you! Hope you’re okay… I miss you.
“Sinong ka-text mo?” Napatalon ako sa boses ni Aizel. Kamuntikan ko pang mabitawan ang cellphone ko!
“Anong ginagawa mo rito?!” Ibinulsa ko kaagad ang phone.
‘Di ko na nagawang reply-an si Kristian dahil nanginginig na ang mga kamay ko. Ayoko ngang magtype nang gano’n sa harap nitong si Aizel!
“Hatid-sundo.” Makahulugan siyang ngumisi.
“Sinong may sabing nagpapasundo ako sa ‘yo?” Nilagpasan ko siya pero mabilis siyang nakasunod.
“Sariling gulong ito!”
Kunot-noo ko siyang sinulyapan sa kalituhan. Huh? Ano raw?
“Own will kasi!”
Kutusan ko kaya ‘to? Kailan pa naging gulong ang will? Timang.
Nakakaasar siyang humalakhak sa sarili niyang biro habang sinasabayan ako sa paglalakad. Ako nama’y pilit na sinusupil ang ngiti. ‘Di naman nakakatawa, Cadence, umayos ka!
“Laging kasama, check. Hatid-sundo, check. Inuuwi sa bahay, check. Hmn. Ano pa ba ang kulang?” Pinatunog niya ang daliri saka muling humalakhak. “Halikan? Saan mo gusto? Sa bahay n’yo o sa kwarto ko?”
Letseng bibig ‘yan.
Huminto ako sa paglakad para harapin siya gamit ang pinipekeng blangkong ekspresyon. Tumigil din siya at nilingon akong pabalik. Nagkatitigan kami. Doon mismo sa corridor, sa gitna ng mga nagdadaang estudyante.
May ngising nakapinta sa mukha niya nang balewalang nagpatuloy sa mga pinagsasabi. “Dito? Gusto mo rito? Sigurado ka na ba r’yan? Daming tao rito. But don’t get me wrong, ayos lang sa ‘kin. Ikaw lang naman ang—”
“Nasabi ko na bang kupal ka?” Iritable akong dumaing bago siya tinalikuran at iniwan doon. Mabilis akong naglakad palabas ng building matapos.
Mukhang hindi talaga ako tatantanan nitong si Aizel. Kasi kahit saan ako magpunta, nakabuntot siya! Mas dedicated pa siya sa anino ko! Ano kayang nahithit na d**o nito? Lakas ng tama. May malapit kayang rehab sa labas ng campus para sa mga batang hamog?
“Kupal mo?” Narinig ko ang halakhak niya sa likod ko habang sumusunod sa mabilis kong paglalakad.
Nakalabas na ako ng school ay sumusunod pa rin siya sa akin. May balak ba siyang maging pet ko?
“Opo, Lola, nasa school pa kami. Opo, kasama ko si Cadence…”
Nalingon ko siya nang marinig ko ang pangalan ko. Nasa isang tainga niya ang cellphone nang maaktuhan ko siya.
“Po? Opo, sasama raw siya sa bahay. Opo, hindi raw niya kayang palampasin ang birthday n’yo…” Tumaas ang isang sulok ng labi niya habang pinagmamasdan akong pinanlalakihan siya ng mata. “’Di po namin kasama si Yel eh… aangkas po siya sa motor ko… opo, papunta na kami.”
Nalaglag ang panga ko.
“Tumatalon na nga po rito si Cadence sa excitement, ‘La, kakausapin daw po niya kayo…”
Nataranta ako nang iabot niya sa akin ang phone niya. Tinignan ko ‘yon na para bang hindi ako makapaniwalang may ganoong bagay sa mundo. Hindi ko ‘yon kinuha kaya ni-loud speaker niya.
“Hello? Cadence, anak?” Sinapak ko ang braso niya nang tumawa nang walang tunog. “Anak? Nand’yan ka ba?”
“’La, opo, ‘La, andito po…” masama ang tingin ko kay Aizel habang sinasabi ko ‘yon.
“Nako, anak, naibigay na ba sa ‘yo niyang si Aizel iyong pasalubong ko?”
“Opo, ‘La. Salamat po pala…”
“Pupunta ka nga ba ngayon dito sa bahay? Ayos na ba kayo niyang si Aizel? Nakapag-usap na ba kayo? Pinagalitan ko na ‘yan. Ang sabi ko ‘wag ka nang inaaway. Aba’y hindi na kayo mga bata ah!”
Nagkibit-balikat sa akin ang nakangisi pa ring si Aizel. Maigi niya akong pinagmasdan at hinintay ang sasabihin ko habang bahagyang nagpipilig ng ulo patagilid. Ang phone niyang naka-loud speak ay nanatili sa pagitan namin.
Bahagya akong nanginig nang ilang sandali kaming magpalitan ng tingin.
“Opo…” labas sa ilong ko na lamang sabi.
Mas lalo namang lumaki ang ngisi ni Aizel habang pinagmamasdan pa rin ako.
“Aba’y sige, mabuti naman. Mag-iingat kayong dalawa ha? Sabihin mo kay Aizel magdahan-dahan sa pagmo-motor.”
“Dahan-dahan po, Lola, hindi ko po bibiglain si Cadence...” Isang nakakainis na halakhak at ibinaba na niya ang tawag.
“Tukmol ka!” Hinampas ko kaagad ang braso niya. Napailag lang siya’t natawa sa kadupangang ginawa niya.
Ang kapal-kapal talaga ng balat niya para makuhang gamitin si Lola Aimee laban sa ‘kin! Hindi siya patas maglaro! Pwede ko ba siyang ikiskis dito sa kalsada nang numipis-nipis man lang ang balat niya? Kulugong balat bayawak! Asar!
“Ang dami mong endearment sa ‘kin, pansin mo?”
Tinabig ko siyang palayo nang mapang-asar na humilig palapit sa akin. Umirap ako pagkatapos at tinalikuran na siya.
Dumaan kami sa isang bakeshop para bilhan ng cake si Lola. Simpleng dedication cake lang ‘yon. Halos masapak ko pa nga si Aizel nang makita kong imbes na love, Cadence & Aizel ang ilagay ay Aizel Love Cadence ang ipinasulat niya sa dulo ng ‘Happy birthday, lola Aimee’. Ang baduy ‘di ba?
Kauuwi lang ni Tito nang makarating kami sa bahay nila. Sinalubong ako ng tanong ni Tita tungkol sa nangyari nang isang linggo pero wala akong naisagot. Ayaw din daw kasing sabihin ni Aizel kung ano ang mayroon.
Si Ate Chin ay nandoon din at tahimik kaming pinagmamasdan. Madalas kaming nagkikita pero hindi kami naging close sa isa’t isa. Madalas kasi siyang wala sa bahay nila noon. Kung nandoon man ay hindi naman niya ako kinikibo. Hindi ko alam kung ayaw ba niya sa presensiya ko o talagang hindi lang siya pala-kausap. Nasanay na lang akong makipagtanguan at makipag-ngitian sa kaniya tuwing nagpupunta kami sa bahay nila’t nagkakataong nandoon siya.
“Nasa’n ang kuya mo?” tanong sa akin ni Lola.
“May lakad ang kulapo, ‘La,” si Aizel ang sumagot bago nilagpasan ang nakahalukipkip na si Ate Chin malapit sa hagdan.
Hindi ko alam kung totoo dahil nandoon lang sa bahay si Kuya bago ako pumasok. Saan na naman kaya ‘yon pumunta kung sakali?
Ang malaking bahagi ng pag-uusap namin doon ni Lola ay tungkol sa school. Mula sa kursong kinuha ko, sa mga subjects, sa pasilidad at mga kaklase ko.
“Aba’y may nanliligaw na ba sa ‘yo?” Ngumiti si Lola.
Naramdaman ko ang tingin ni Ate Chin kahit nanonood siya ng TV. Hindi ako agad nakasagot. Lalo na nang umupo si Aizel sa armrest ng pang-isahang sofa’ng inuupuan ko, kaharap ang mahabang sofa’ng inuupuan naman ni Lola at ni Ate Chin.
“Iyong… ano nga ulit ang pangalan noong binatang mukhang hapon na nandito nang nakaraan? Manliligaw mo ba iyon?”
“Ah, si Kristian po…” Nahihiya akong ngumiti kay Lola.
“Kaklase lang niya ‘yon, ‘La.”
Naramdaman ko ang paghilig ng braso ni Aizel sa sandalan ng inuupuan ko. May insektong nangiliti sa sikmura ko nang maramdaman ang presensya at kaunting bigat niya ro’n, malapit sa akin.
Bakit ba dito siya umuupo? May isa pa namang single sofa sa tabi? Kulang na lang leash ah? Isa pa… inis pa rin ako sa kaniya kaya layu-layuan niya lang ako!
Bahagya akong humilig sa mga tuhod ko para lang maiwasan ang braso ni Aizel doon na unti-unti nang dumidikit sa likod ko. Nilingon niya ako. Ramdam ko ang pagkakatagal ng tingin niya sa akin ngunit binalewala ko iyon, kahit nabubuhay ang kaba ko sa hindi maliwanag na dahilan.
“Kaklaseng nangangarap!” Pasinghal na tumawa si Aizel.
Nasulyapan ko ang pagtataas ng kilay ni Ate Chin bago tuluyang itinuon ang pansin sa TV.
Humalakhak si Lola. “Kay pilyo mo talagang bata ka! Baka naman kagaya ka rin noong si Yel? Aba’y hayaan n’yo ngang may manligaw dito kay Cadence! Sinasayang n’yo. Kay gandang bata nito…”
May simpleng hapunan lang silang hinanda para sa birthday ni Lola. Hindi na rin naman daw kasi akma ang paghahanda nang marami ‘pag nagkakaedad na, sabi niya. Isa pa, wala rin naman daw siyang iimbitahan na kaibigan dahil nasa probinsiya halos lahat ang mga kakilala niya. Kaya okay na raw kay Lola ang tradisyonal na hapunang pampamilya. Nahihiya nga ako kasi ako lang ang hindi nila kapamilyang nandito.
“Ikaw, Aizel, dalaga na itong si Cadence, b-inub-ully mo pa! Pinaiyak mo noong isang araw, sabi ng mama mo?” kalahating natatawa’t kalahating nangangaral na sabi ni Tito, papa ni Aizel. Tahimik na napakamot lang sa batok ang huli.
“Kupal.” Tumikhim si Ate Chin.
“Ano, Chin?”
“Wala, ‘Pa. Sabi ko ang kapal. Ang kapal no’ng tiramisu na ginawa ni Mama…” Balewalang nagbalik sila sa pagkain pwera kay Aizel na kunot-noong sinulyapan ang kapatid.
“Nag-alala nga ako rito kay Cadence… buti na lang inihatid siya no’ng si Kristian… ‘yung manliligaw niya. Naku, ‘Pa, kay gwapong bata noon! Ang bait pa! Bagay na bagay sila nitong si Cade—”
“’Di sila bagay, ‘Ma. Walang mata ‘yon,” singit na kumento ni Aizel sa gitna ng lintaya ni Tita.
Umiling lang ang huli na animong nangangarap habang nakangiti at parang hindi narinig ang sinabi ni Aizel.
“Buti pa ‘yung classmate ‘di kupal… kayang manligaw.” Natahimik kaming lahat nang magsalita ulit si Ate Chin. Balewalang nilantakan nito ang tiramisu kahit pa tinatapunan na siya nang masamang tingin ni Aizel.
Hindi ako makasubo sa kinakain ko. Hindi ko alam kung narinig ba ni Ate Chin ang mga pinag-usapan namin ni Aizel nang nakaraan sa loob ng kwarto niya, o kung talagang may alam na siya noon pa man. Nagugulat lang ako sa pagsali niya sa nangyayari. Madalas kasing wala siyang pakialam ‘pag inaaway ako noon ni Aizel. Nakapagtataka.
“Ako nga rin itong nagtataka kung paanong nakalusot kay Yel iyong Kristian!” Humalakhak si Lola Aimee na siyang sinundan ni Tito. Noon lang gumaan nang bahagya ang hangin sa paligid.
“Sandali, sino ba ang kupal, anak?” ‘Di maka-relate na tanong ni Tita. Mas lumakas ang halakhak ni Tito. Takang-taka siyang pinagmasdan ni Tita dahil doon.
“Sino, ‘Ma? Edi ‘yung mga lalaking duwag at puro pagpapaasa sa babae ang kayang gawin. Ayon!” nakatingin si Ate Chin kay Aizel habang sinasabi ito.
Hindi ko na napigilan ang pagkakamangha ko habang pinanonood ang balewalang pagpapatuloy ni Ate Chin sa pagkain. Ang kapatid naman nito’y kunot na ang noo at mukhang malaki ang problema sa dessert na naroon sa sariling pinggan.
Pagkatapos ng hapunan ay may hindi inaasahang bisita ang dumating.
“Hi, Tita!” Bumeso ito sa mama ni Aizel at agad nagmano kay Tito.
“Ylona! Ginabi ka na?”
Ilang palitan ng kumustahan at ngitian ang naganap bago unti-unting namatay ang kasiyahang nabubuhay sa akin kanina.
“Ate Chin! Hello!” Bumeso ito kay Ate Chin na walang imik at ni walang ngiting isinukli.
Napalunok ako. Close ba sila? Paano?