Line I
Ayon sa Euclidean Geometry, parallel lines do not intersect. They are always the same distance apart and also pointing at the same direction but they will never meet. Pero kung ang parallel lines na ito ay ihahalintulad sa dalawang taong nabubuhay sa isang bilog na mundo o tinatawag na sphere, then the two parallel lines will intersect at some point if extended. Na siyang pinatunayan ng ilang mathematician sa mahigit kumulang daang taon. Tinawag nila itong, Non-Euclidean Geometry.
Sa tinagal at hinaba nang pag-extend ng dalawang parallel lines na ito, at some point, dumating din ang intersection.
“Anak ka ng! Anong ginagawa mo sa kapatid kong tukmol ka?!”
Napalingon sa amin ang tukmol—este, lalaking kasama ni Cadence na huling-huli sa aktong hawak ang kamay niya. Diretso ang namimilog nitong mga mata sa mukha nang nag-aalburutong kasama ko, kaya’t agad nitong nabitiwan ang kamay nang nabigla ring si Cadence.
Nahagip ako ng tingin ng huli kaya’t nginitian ko siya kahit pa pinanlalakihan na niya ako ng mata, matapos matantong gagawa na naman ng kumosyon ang kuya niya.
“Cadence!” Sabay silang patalong napatayo ng lalaking kasama niya sa sigaw ng taong kasama ko.
“Uh… h-hello po, Kuya—”
“Anong hine-hello mo riyan?! Kailan pa kita naging kapatid para tawagin akong Kuya?!”
Isang singhap ang hindi napakawalan ng lalaki pagkaatras sa takot matapos itong mabugahan ng apoy ni master. Parang may luha pa ngang namuo sa gilid nang namimilog na mga mata.
“Uhm, C-Cadence…” Alanganin nitong binalingan ang nakabusangot nang si Cadence matapos. Hindi ko malaman kung magpaalam ba ito, manghihingi ng tulong o ano.
“Nililigawan mo ba ‘tong kapatid ko nang hindi ko alam?! Huh? Gusto mong makatikim ng mag-anak na sapak sa magkabilang bato mo?!”
Pagkaamba ni master ay hindi na nakapagpaalam pa ang lalaki matapos magkandarapang tumakbo paalis.
“Kuya, ano ba naman? Nagpatulong lang sa ’kin ‘yung tao! Nag-thank you lang o!” Sabay kaming napalingon sa nagsalitang si Cadence nang imaniobra niya ang hawak na ballpen na may ulo ni Domo sa dulo.
“Ah nag-thank you lang? Kaya kailangan holding hands?!”
“Anong—”
“Lubayan mo lang ako, Cadence! Hindi ko sinabing makipaglandian ka sa kalsada. Ka-babae mong tao sumasama ka sa lalaki sa kung saan-saan? Magte-thank you lang dapat dito pa sa walang taong court? Sa labas ng campus? Punyeta! Sa tingin mo paanong hindi ako magagalit eh ‘yung kupal din na ‘yon ang nakita kong may kasamang babae papasok sa motel?!
“Tapos makikita ko kayo ritong dalawang magkahawak kamay? Paano kung hindi ka namin nakita? Paano kung dinala ka n’on sa kung saan? Paano kung pinagsamantalahan ka n’on? Paano, ha?! Sarili mo lang ang iniisip mo!”
Luh, nakita raw niyang papunta ng motel? Paano niya nakita? Nag-motel siguro ang kulapong ito. Itinikom ko ang mga labi ko para pigilan ang tawa ko nang panlakihan ako ng mata ni Cadence.
Muli niyang pinagtuunan ang kapatid at sa buong boses ay sinigaw ito, “Paano, Kuya? Paano napaka-OA mo! Pwede ba? Kaya ko ang sarili ko! Hindi ako tanga! Alam ko kung ano ang pinagkaiba ng court sa motel!”
Bahagyang namilog ang mga mata ko sa pagsinghal niya. Kadalasan kasing tahimik lang siya ‘pag ganitong sinisermunan siya ng kuya niya. Nakapagtatakang ngayon ay para siyang bulkan na sasabog ano mang oras. Ito na yata ‘yong tinatawag nilang puberty. Parang medyo late na ang kay Cadence pero… hmn.
“Anong sinabi mo?”
Mas lalong namilog ang mga mata ko sa pangalawang beses na pagkakagulat, ngayon nama’y dahil sa seryosong boses ng kuya niya. Ang isang ‘yan naman ay ganiyan ‘pag mananapak na. Takot ko lang na masapak niya ng wala sa oras ang kapatid niya kaya umepal na ako.
“Yel, hatid na lang natin si Cadence.” Masyado ka kasing pakialamero kaya ka nasabihang OA.
Biruin mo ba namang lahat ng lalaking lumalapit sa kapatid niya ay binubugahan ng apoy na parang dragong bangag. Hindi man lang niya naisip na pinagmumukha niyang tanga ang kapatid niya tuwing ginagawa niya ‘yon. Idagdag pa ang kahihiyan sa tuwing sisigawan niya si Cadence. Kung ‘di ko lang kaibigan ‘to, matagal ko na ‘tong na-jombag eh. Kadalasan kasi ang advance ng isip sa puntong nagiging irrational na. OA nga namang tunay.
“Isa ka pa!”
Sa pangatlong beses ulit ay nagulat ako pagkatulak sa aking bigla ni Cadence. Ano ginawa ko rito?
“Tantanan n’yo na ‘ko ng kaibigan mong ‘yan!” At pagkatapos niya akong sigawan ay mabilis niya kaming tinalikuran at nilayasan ng kuya niyang tinawag niyang ‘Kaibigan mong yan’.
Mukhang galit na nga talaga siya. At ang maganda rito ay pati ako’y nadamay.
Pagkabuga ng hininga ay natapik ko nang wala sa oras ang natahimik sa tabi kong si Yel.
“’Lika na oy. Ano pa?”
“Tae. Hatid mo nga ‘yong paslit na ‘yon. Una na ako sa kabilang court. Siguraduhin mo lang na wala nang lamang lupang lalapit do’n. Ge!”
Magrereklamo pa sana ako kaya lang nilayasan na rin ako ng walangya. Letseng magkapatid ito.
“Ye—Cadence!” Natanga pa ako kung sino ang tatawagin ko sa dalawa. Hirap talagang maging sidekick.
Ayun ako. Parang eng-eng na hinahabol ang isang babae. Parang ‘yong mga mag-irog na may LQ na away-bati. Bakit kasi sadyang moody monster ang mga babae. Malambing ngayon, mamaya nangangalmot na. Sasabihing okay lang sila pero ‘yong luha nanggigilid na. At ang pinakamatindi, magtatanong sa ‘yo pero ang gustong isagot mo ay ‘yong gusto nila, ‘pag hindi, magagalit at magtatampo. Gulo eh, saan ba lulugar?
“Cadence, sandali, let me explain! Please naman, hear me out!” Habol ko pa rin sa kaniya, kahit panay bangga na ang inabot ko sa mga taong naglalakad sa sidewalk. “Ayusin natin ‘to! Kausapin mo ako, please! H’wag ka namang ganito o! Please, Cadence! Alam mong hindi ko kayang mabuhay nang wa—Aray!” Nasapo ko ang noo ko nang may palad na walang pasintabing naligaw doon.
“Kupal! Tumahimik ka nga! Sinong nagsabing pwede mo akong sundan, ha?!”
Habang hilot ang noo ay bahagya akong napangiwi sa pagsasalubong ng mga kilay niya sa iritasyon. At least ‘di ba? Huminto siya—ibig sabihin effective ang drama ko.
“Grabe—kalian ako naging kupal? Sobrang bait ko ah? Mahihiya sa akin ang mga santo!” Pinagdikit ko ang mga palad sabay inosenteng ngiti matapos.
“Ano na naman ang kailangan mo? Gugwardyahan mo na naman ako? Mukha ba akong sanggol na gumagapang?!”
Sa bawat bigkas niya ng mga salita’y unti-unting napapawi ang ngiti ko dahil sa lakas. Nakakapanibago lang kasi kadalasa’y tahimik ang batang ito. Minsan nga hindi ko pa marinig ang boses sa hina. Mukhang napuno talaga siya sa kuya niya ngayon. Talaga naman.
“Ihahatid na po kita, mada’am. Baka—”
“Hindi! Bumalik ka na ro’n sa kaibigan mo! Magsama kayong dalawa’t ‘wag n’yo na akong guluhin! Kainis!”
Magsasalita pa lang sana ako pero tumalikod na kaagad siya. Napabuntonghininga ako habang pinagmamasdan ang palayo niyang likuran sa dagat ng mga taong naglalakad.
Walang galang sa nakatatanda ang batang ito ah. Ang tigas ng ulo.
Binilisan ko ang ginagawang paglakad para lang maabutan siya. Ang mga poste ng ilaw sa kalsada ay isa-isa nang nagbubukas sa paglubog ng araw.
“Anong sabi mo? Hatid na kita? Sige na nga, maliit na bagay.” Magsasalita pa sana siya pero inunahan ko na. “’Di, okay lang. Okay lang talaga, Cadence. Don’t mention it!”
“Sinabi ko ng—”
“Ano ka ba naman, para namang hindi ko kababata ang kuya mo. Okay lang talaga sa akin, ‘wag ka nang mahiya—maryosep.” Umiling pa ako nang wala ‘yon bago ko inabot ang tuktok ng ulo niya sabay gulo sa buhok niya.
Panay ang reklamo niya kaya sinabayan ko siya nang pagkanta. Kalaunan ay napagod na yata’t pinakinggan na lang ang pang-kanal international kong bosesan. Ayaw niya akong kausapin kaya pinunan ko na lang ng kung ano-anung kwento ang ilang minutong lakad namin matapos. Hanggang sa tuluyan nang binalot ng dilim ang paligid nang makarating kami sa harap ng bahay nila.
“’Uy o!” Iniabot ko sa kaniya ang isang Chupachups na nakapa ko sa bulsa ng suot na itim na pantalon. May tinatago pala ‘kong treasure rito. Ilang linggo na kaya ‘yong lollipop na ‘yon sa bulsa ko?
Tinanggap niya ‘yon bago ako sinimangutan.
“’O bakit nakabusangot ka pa rin d’yan? ‘Yung kuya mo? Nako, hayaan mo na ‘yon. Isipin mo na lang na hanggang ngayon mapait pa rin siya sa first love niya, kaya hindi siya magka-jowa’t damay-damay na ito.” Ngumiti ako nang makita ang kaunting ngiti niya.
“Hindi na ako bata… college na nga ako. Gusto ko lang naman na magkaroon ng kaibigan… kaya hindi ko maintindihan si Kuya. Hindi ba pwedeng maging magkaibigan ang opposite gender? Bakit naman kayong dalawa?” nguso niyang tinawanan ko lang. Pero natigilan ako bigla nang matanto ko ang ibig niyang sabihin.
“Hoy, bakit napunta sa gender ang usapan? Tunay akong lalaki!” Awang ang mga labi, hindi ko malaman kung matatawa ba ako o ano. “Marunong ka nang mag-asar ah.” Ang pabiro kong pagsimangot ay umani ng tawa mula sa kaniya.
Mabait na bata naman ‘yang si Cadence, matigas nga lang talaga ang ulo minsan. Kanino pa ba magmamana kundi sa kuya niya. Mas malala ang isang iyon kung patigasan lang ng ulo ang pag-uusapan.
“Sa wakas! May bagong labas na ulit! Ang tagal kong hinintay part three nito ah,” mukhang high na anunsyo ni Miguel pagkapasok ko sa sala nina Yel.
“Gago, may part three pa?! ‘Di na ‘ko umaasang may kasunod pa ‘yung naunang dalawa! Tae, patingin nga,” daing naman nang galing sa kusinang si Luis.
“Paborito mo ‘yang babaeng ‘yan ano? Basta Asian, pinapatos mo agad. Taena, may bago bang position?” Dumungaw si Ken sa phone na hawak ni Miguel.
“Ayon! Pucha! Ang aga ng c****x! Tangina, isa pa.” Humagalpak ng tawa si Miguel habang tutok ang atensyon sa phone niyang may nakapasak na earphone.
Ayun sila’t nagsiksikan sa sofa at sabay-sabay na tumutok sa screen ng phone ni Miguel.
“Anong meron?” Sabay-sabay din silang napatalon sa biglaan kong pagsasalita.
“’Langya ka, Aizel! ‘Kaw lang pa lang kutong lupa ka. ‘Kala ko kung sino! Lintek!” bungad na sigaw sa akin ni Miguel.
“Maka-kutong lupa, brad ah. Tirisin kita riyan eh,” angal ko habang nauupo sa sofa.
“Manahimik ka na nga lang diyan, Zel! Manood ka na lang din!” Binatukan ako ni Luis. Tinampal ko lang ang walangya bago nakidungaw sa pinapanood nila.
Napapakunot-noo akong alanganing napangisi. Ang mga walang modong ito, nanonood na naman ng p**n. Tirik na tirik ang araw ah. Imbes na magsimba dahil Sunday, gumagawa na naman ng bagong kasalanan.
“Kumain na ba kayo? Naliligo pa si Kuya sa taas.”
Pare-pareho kaming napatalon sa biglaang pagsulpot ni Cadence. Sigurado akong mukhang guilty ang mga pagmumukha naming apat sa gulat. Nadamay pa tuloy ako, ‘langya.
Inosente siyang kumurap sa reaksyon namin. “Okay lang kayo?”
“Uy, Cadence! ‘Kaw pala.” Binatukan ni Ken ang nagsalitang si Luis. Samantalang natahimik lang kaming dalawa ni Miguel.
“Gumaganda ka ah.”
Kumunot ang noo ko nang makitang nakangisi si Luis kay Cadence. Isama pa ang tingin ng dalawa pang ugok sa legs niya, gayong naka-shorts lang siya. Kaya pala tahimik ang dalawang ito may iba nang pinapanood. Pusang gala. Aba.
Nagtaasang bigla ang mga balahibo ko sa batok nang maalala ang pinapanood nila kanina, na lalong lumalala ‘pag natatamaan ng tingin ko si Cadence. Ayokong isipin nila ang iniisip ko ngayon pero alam kong iyon nga ang iniisip nila! Langya. Nakakairita.
Nakita kong namumula pa rin ang pisngi niya sa pagbating ginawa ni Luis. Sandali, crush niya kaya si Luis? Bakit siya nagba-blush? Ugh! Nakakainsulto talaga.
“Mga mata n’yo oy! Dukutin ko ‘yan eh.” Pinagbabatukan ko isa-isa ang tatlo bago ako tumayo para lapitan si Cadence.
“Siraulo!” Tumatawang inihagis sa akin ni Miguel ang isang throw pillow.
Alam na alam ko talaga ang iniisip ng mga gagong ‘to.
Pagkasapo sa isang braso ni Cadence ay marahan ko siyang hinila patungo sa kusina nila.
“Tulungan na kitang paghandaan ng makakain ang mga walangya.”
Nanatili siyang tahimik at namumula pa rin ang pisngi nang malingunan ko. Hindi ko na napigilan ang sariling itanong ito matapos, “Crush mo ba si Luis?”
Namimilog ang mga mata, lumipad patungo sa akin ang tingin niya. “Huh?”
“Crush mo ‘yon? Di mo ba alam—” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang rumagasa sa akin ang ilang mga bagay. Kunot-noo akong tumitig sa kaniya.
Paano ‘pag nalaman ‘to ni Yel? Paano kung patulan siya ni Luis at maging sila? Paano kung saktan lang siya ng ugok na ‘yon at magkasira-sira kaming lima? Paano kung magkagulo sila ng kuya niya? Paano kung… paano ‘pag…
“H-Hindi ko siya crush ‘no!” Pulang-pula pa rin ang pisngi niya kaya’t hindi niya ako nakumbinsi.
“Naiirita ako,” bigla kong nasabi.
“Ha?”
“Magpalit ka nga ng pants, naiirita ako!”
Nalaglag ang panga niya sa naimutawi ko. Para naman akong natulos sa kinatatayuan nang matanto ang nasabi.
Sandali, bakit gano’n? Bakit parang tunog nang-iinsulto ako? Nampusang gala, parang naging kasalanan pa niya ah? Ba’t pa ba kasi ako nakialam?
Binalot kami ng ilang sandaling katahimikan.
Napapikit naman ako nang mariin at parang gusto kong bawiin o linawin ang nasabi. Ngunit bago ko pa man magawa ay natahimik na ako nang magsalita siya.
“Grabe ka! Masama bang magsuot ng shorts? Isa pa, wala naman akong barya sa hita ah?!” Kunot-noo at mangiyak-ngiyak, tinulak niya ako nang malakas mula sa dibdib bago siya nagmartsa patakbo sa taas.
Ilang araw ang lumipas nang hindi ko nakikita si Cadence. ‘Di ko nga alam kung pinagtataguan ba ako ng batang ‘yon o naiinis pa rin sa akin. Kasi naman, hindi niya ako naiintindihan. Hindi niya alam kung ano ang iniisip ng mga lalaki. At ayoko ring malaman niya.
Papunta kami ni Gale sa boarding house niya nang maaninag kong naglalakad si Cadence pasalubong sa direksyon namin, sa loob ng campus. Magkahawak-kamay kami nito nang mapahinto ako ng lakad dahil huminto rin si Cadence. Kahit malayo pa siya’y natanaw kong sa amin siya nakatingin.
“Bakit, Aizel?” Kumunot nang bahagya ang noo ni Gale sa pagkakatigil ko.
Imbes na sagutin ito ay nanatiling nakatuon ang tingin ko kay Cadence. Tipong maglalakad na ako ulit para lapitan siya pero bigla siyang tumalikod. Mabilis niyang tinunton muli ang daang dinaanan niya matapos.
Anong nangyari do’n?
“Aizel? May problema ba? Sino bang tinitignan mo?”
Bahagya ko itong nginitian. “Gale, pwede una ka na? Sunod na lang ako. May… dadaanan lang ako.” Sabay sulyap sa medyo lumalayo nang si Cadence.
“Huh? Ano ‘yon? Sama na lang ako.” Ngumuso siya.
Umiling ako at mas nilakihan ang ngiti. “Una ka na lang. Susunod ako, promise.”
Mabilis ko itong pinatakan ng halik sa pisngi bago tinalikuran. Pagkaayos ng dalang bag sa balikat ay tinakbo ko ang daang tinahak ni Cadence matapos. Malayo na siya.
“Oy, paslit!”
Napahinto siya agad sa paglalakad, ang ibang estudyante namang naglalakad ay napalingon sa akin. Palapit na sana ako sa kaniya nang bigla siyang maglakad ulit. Tumakbo na ako nang bumilis din ang lakad niya. Naro’n kami sa mahabang lane sa gilid ng Engineering building.
Napakamot ako sa gilid ng ulo. Ano bang nangyayari sa batang ito at iniiwasan yata talaga ako?
“Cadence!” Hinarangan ko ang daraanan niya kaya’t napahinto siya sa mabilis na paglakad. “Bakit mo ako tinatakbuhan?”
Hindi nag-aangat ng tingin sa akin, hinawi niya ako paalis pero hindi ako nagpaawat. Muli ko siyang hinarangan sa daraanan niya.
“Patingin nga ng mukha mo! May malaki ka sigurong pimples ‘no? Bakit ayaw mong magpakita sa akin?”
Patuloy pa rin siya sa pag-iwas ng tingin sa akin. Ang mahabang unat at itim niyang buhok ay halos tumabon na sa gilid ng mukha niya. May ilan na ring nagdaraang estudyante ang napapasulyap sa amin.
“Lumayas ka nga riyan! ‘Wag mo akong kausapin!” Hinawi na naman niya ako pero ngayon ay hinuli ko na ang braso niya kaya natigilan siya. Sinalubong ako ng galit niyang mga mata pagkaangat niya sa akin ng tingin. “Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yong hindi na ako bata?! ‘Wag mo akong tawaging paslit!” Sabay tabas ng kamay ko sa braso niya.
Napaurong naman ako sa sigaw niya at agad sumuko, bahagyang nakataas ang magkabilang palad. “Okay! Sorry! Bakit ka galit?”
Para akong sinuntok bigla sa sikmura nang makita ang pamumuo ng luha sa mga mata niya.
“Cadence… bakit…”
“Bakit? Kasi ganito lang ang tingin mo sa ‘kin! Kasi ito lang ako sa ‘yo! Ikaw ang dapat kong tanungin ng bakit!”
Nalaglag ang panga ko sa kalituhan. Anong ibig niyang sabihin? Minamaliit ko ba siya? Mukha ba akong nagmamayabang? Kalian at paano niya ‘yon nasabi?
“Palagi mong ipinapamukha sa akin na isa lang akong hamak na bata!”
Dahan-dahan kong ibinaba ang mga kamay habang tulalang pinagmamasdan ang pagtulo ng luha sa magkabilang pisngi niya. Guilty ako sa pag-iyak niya pero hindi ko siya maintindihan. May pinatutunguhan ang sinasabi niya pero ayokong magtungo kami ro’n. Ayokong isipin na ro’n nga tutungo ang mga sinasabi niyang ito ngayon.
“Nakakairita ka rin alam mo ‘yon?! Nakakainis ang kakulitan mo! Mapilit ka! Palagi ka lang nakangiti! Masyado kang mabait! Sobra ka kung magparaya! Sa madaling salita—sobrang nakakapikon ka!”
Marahas niyang pinunasan ang luha niya kahit panay ang tulo niyon. Matalim ang itinapon niyang tingin sa akin matapos.
“Ikaw ang gusto ni Yna at hindi si Kuya ‘di ba? Alam kong gusto mo rin siya pero bakit nagparaya ka? Bakit kailangan mong maging mabait sa akin? Bakit kailangan mong sundin ang lahat ng sinasabi ni Kuya? Bakit? Kasi hanggang ngayon sinisisi mo pa rin ang sarili mo sa nangyari dati? Kung iniisip mong bata pa ako noon at hindi ko naiintindihan ang nangyayari, pwes mali ka.”
Parang isang malaking ligaw na bulalakaw ang biglang tumama sa akin sa sinabi niya. Tonong-tono ang lahat, walang pumalyang nota.
Tama siya. Si Yna, ang sabihin na nating first love ni Yel, na siyang unang babae ring yumanig sa mundo ko. Gusto ko siya, gusto rin naman niya ako. Ang kaso, gusto rin siya ni Yel. Nagparaya ako kahit dapat ako ang lumaban. Nagalit sa akin si Yna dahil duwag ako. Hindi ko naman siya masisisi. Inisip ko na lang na ang lahat ng ‘yon ay imahinasyong bata lang. Mga bata pa naman talaga kami noon. Seventeen? Hindi ko inisip na pagmamahal ‘yon.
Iniwasan at kinalimutan ko si Yna, dahil hindi pa rin naman ako handang mabaliw sa isang babae ng mga panahong ‘yon. At oo, inaamin kong para sa akin ay laro lang ang mga gano’ng bagay. Kahit pa totoong nagustuhan ko si Yna.
Siguro nakulangan lang ako sa dahilan para bigyan ng pagkakataong mangyari kaming dalawa. Kasi nakikita kong gustong-gusto siya ni Yel. At alam kong ang magiging kapalit ‘pag sumubok ako ay ang pagkakaibigan naming dalawa.
Pero hindi ko rin inisip na may mangyayaring makagunaw mundo sa pagbilang ng ilang araw.
Umalingawngaw noon sa buong probinsiya namin ang balita tungkol sa pagkakaaksidente ni Yna mula sa rumaragasang ilog. Ang ilog kung saan dapat kami magkikita, sakaling nakapagdesisyon akong bigyan kaming dalawa ng pagkakataon.
Sinabi ko na sa kaniyang hindi ako pupunta dahil buo na ang desisyon ko. Hindi ko naman inisip na ganoon siya kaseryoso sa aming dalawa para maghintay pa rin doon sa wala.
Ako lang ang nakakaalam kung bakit siya nando’n kaya gustong-gusto kong sisihin ang sarili ko sa pagkamatay niya. Napuno ako ng panghihinayang at walang gabing hindi ko siya napapanaginipan. Halos araw-araw kahit gising ako, para akong binabangungot ng konsensiya ko.
Tama naman. Alam ko namang kasalanan ko. Kung walang Aizel, walang Yna’ng naghinhintay doon. Walang Yel na masasaktan. Ang kaso nandito ako. Kung sana wala na lang.
“Apat na taon na ang lumipas. Sa tingin mo bata pa rin ako? Sa tingin mo gano’n ako ka-tanga para hindi makita ang mga ginagawa mo? Nagsusunod-sunuran ka kay Kuya! At mali, alam nating pareho ‘yon!”
Nang muling magtama ang tingin namin ay para muli akong sinikmuraan dahil sa nakita kong sakit sa mga mata niya. At kahit gaano ko kagustong gumalaw para tahanin siya ay wala akong ibang nagawa kundi ang tumayo ro’n.
“Anong gusto mong gawin ko?”
Ang tagal niya akong tinitigan habang pinagmamasdan ko ang pagtahan niya.
“Aizel.”
Nahigit ko ang hininga nang tawagin niya ako sa pangalan ko lang. Ngayon ko lang unti-unting nakikitang hindi na nga pala siya ang dating Cadence—iyong uhugin, laging nanghihingi ng candy at lalampa-lampang nagpapapasan sa akin. Hindi na siya ‘yong dating batang bigyan ko lang ng Chupachups ay magtatatalon na sa tuwa. Hindi na siya bata ngayon…
Humakbang siyang palapit sa akin at matapang akong tinitigan diretso sa mga mata. Sabay buong-loob na sabing, “Gusto kita.”
Panandaliang nagbara ang pandinig ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko maintindihan kung bakit tila may bombang nalaglag at sumabog sa dibdib ko. Maraming bagay ang pumasok sa isip ko. Sa dami, wala na akong naimutawi ni isa.
“Gustong-gusto kita, Aizel.”