Bakit ganito? Bakit hindi ako mapalagay? Para akong nangutang nang malaking halaga at hindi alam paano ‘yon babayaran! s**t. Dinaig ko pa ang may LBM sa maya’t mayang pag-ikot ng sikmura ko… para akong masusuka sa kaba.
Kuyom ang magkabilang kamao sa ere, tumulala ako sa kawalan at halos magpapadyak—hindi ko pa lang alam kung para sa masayang gigil o takot na gigil ‘yon.
Sandali, bakit ba ako napa-praning? Para umamin lang naman ako kay Aizel na gusto ko siya—na gustong-gusto ko siya noon pa! Pero bakit parang away ‘yong nangyari kanina? Nakakahiya. Hindi naman ako sa kaniya galit kundi sa sarili ko pero parang… ugh.
‘Yong totoo? Proud ako sa sarili ko at naiinis at the same time. Proud dahil sa wakas, matapos ang halos ilang light years, nasabi ko rin. Pero nakakainis dahil hindi man lang ako nag-isip bago ko ‘yon ginawa.
Alam ko namang maraming consequences ‘yon… maraming kumplikasyon ang maaaring mabuo’t makasira sa mga bagay na matagal na niyang iniingatan. Mga bagay na mahalaga sa kaniya. At ayoko n’on. Iyon ang malaking hadlang sa akin noon pa man.
Eh gaga ka pala, bakit ka pa umamin? Ngayon nababaliw ka mag-isa’t kinakausap mo ang sarili mo? Luka-luka.
“Cadence…”
Napatalon ako mula sa pagkakaupo sa kama pagkarinig sa boses ni Kuya sa labas ng pinto. Ang totoo kinabahan ako. Iniisip ko na baka nagkausap na sila ni Aizel at sinabi niya kay Kuya ang tungkol sa nangyari kanina.
“Kuya…” Dinungaw ko siya mula sa maliit na siwang pagkabukas ko sa pinto, kinakabahan sa sadya niya.
“O? Kumain ka na ba? Kanina ka pa r’yan sa kwarto mo ah. May kausap ka ‘no?”
Sinimangutan ko kaagad siya nang pinanliitan ako ng mata. “Wala!”
Hindi na talaga siya magbabago. Kung may consistent mang bagay sa mundo, siya ang pinakamagandang halimbawa n’on.
Kaiisip ko magmula pa kanina ay hindi ko na napansing gutom na pala ako. Kaya sumama ako kay Kuya pababa. Nang nasa hagdan na kami ay walang pasubaling nanginig ang mga tuhod ko dahil sa bigla niyang sinabi.
“Nandito nga pala si Aizel… dito yata matutulog.”
Para akong binanlian ng tubig galing sa ref nang sa isang iglap ay manigas ako sa kinatatayuan ko.
Sanay na akong nandito si Aizel… pero hindi ngayong umamin na ako sa kaniya. Oh no.
“Bakit? Para kang nakakita ng kambing sa ilalim ng dagat d’yan.”
Ni hindi ko nagawang ngumiti sa biro niya. Hindi ko na nga maihakbang ang mga paa ko, paano pa akong ngingiti? Bakit ba kasi umamin ako kanina? Pwede bang pakiulit? Kahit do’n lang sa puntong nasabi ko ang hindi dapat sabihin? Pwede ba?
Napailing na lang si Kuya sa pagkakatigil ko bago ako balewalain para magdiretso sa kusina.
“’Alangya. Tapos ka nang kumain? Pusang gala, pare! ‘Di mo man lang ako hinintay?! Nasaan ang konsiderasyon?!”
Nanginginig pa rin ang mga tuhod ko nang dahan-dahan akong humakbang muli pababa, rinig ko ang tawanan nilang dalawa.
“Gutom ako! Para ka kasing naglalakad sa buwan!”
Literal na bumilis ang kalabog ng puso ko pagkarinig sa boses ni Aizel. ‘Yong tipong hindi ko alam kung paano ko ipoporma ang mukha ko dahil sa sobrang kaba? ‘Yong hindi ko mawari kung saang direksyon ako titingin o tutungo para lang itago ang ilang na may kahalong kaba.
“Cadence! Tara, kumain na! Sariling sikap ‘tong si Aizel.”
Napatalon ako sa tawag ni Kuya. Para akong lumulutang nang naghahadali kong tinungo ang kusina. Hindi ko na nilingon pa ang salang kasalukuyang inookupa ni Aizel.
Tinapa.
Pinangsasandok ko na lang ang kutsara ko ay nanginginig pa ako. Mabuti na lang at masyadong okupado si Kuya sa pagkain niya kaya’t hindi niya ako napapansin. At mabuti na lang talagang tapos nang kumain si Aizel nang hindi ko na siya nakasabay… pero gusto ko siyang makasabay… gusto kong makita ‘yong pagkain niya na parang walang kakilala… gusto kong—ugh!
Marahas akong umiling, tila ginigising ang sarili. Ano ba, Cadence?!
“Painom!”
Nabitawan kong bigla ang kutsara ko, na siyang bumuo nang kaunting ingay matapos iyong bumagsak sa babasaging plato. Saglit na napahinto sa pagkain si Kuya at napasulyap sa akin bago binalingan ang nakikiinom na si Aizel.
“Nahiya ka pa’t nagpaalam!” Tumawa si Kuya at saka muling nagpatuloy sa pagkain.
Pilit kong iniiwas ang tingin ko kay Aizel na naro’n sa gilid ng lamesa, hawak ang basong ininuman niya. Tapos na siyang uminom pero hindi ko alam kung bakit hindi pa rin siya lumalayas.
Kinumbinsi ko ang sariling ituon ang buong atensyon sa pagkain kong halos mahimay ko na ang lahat ng sangkap. Hindi ako praning pero sa totoo lang, halos maramdaman ko na ang pagtinging ginagawa sa akin ni Aizel—kung magkakaroon man ng sense of touch ang pagtingin—kahit pa hindi ko siya tinatapunan ng tingin.
Anong gusto niyang iparating? Hindi ko maintindihan dahil wala naman siyang sinabi sa akin kanina! Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya tungkol sa akin o kung iniisip nga ba niya ako, dahil sa pag-amin ko. Kahit pa alam kong isang hamak na bata lang naman ang tingin niya sa akin.
“’Wag mong tunawin ng tingin ang pagkain. Tiyan ang gamit d’yang pantunaw. Maraming bata sa lansangan ang nagugutom…”
Nanigas na ako nang mapagtanto kong para sa akin ang sinabi niya. At sa puntong ‘yon, sa katunayan lang, gusto ko nang tumayo para umakyat at magkulong na lang sa kwarto ko—habang nagsisisi dahil hindi ko siya nakasama at nakausap man lang.
Kaya ayon ako’t naglakas-loob na tapunan siya ng tingin… nang unti-unti… habang pinakikiramdaman ang mabilis sa pagtakbo kong puso.
Nag-half smile siya sa akin nang magtama ang linya ng mga mata namin.
Muntik ko nang masapo ang dibdib ko. Kung may sakit lang ako sa puso ay baka namatay na ako kanina pa. Hindi naman siya sobrang gwapo o sobrang cute katulad ng mga anime na gusto ko pero… kakaiba. Para akong hinahanapan ng paliwanag kung hanggang saan o kung may katapusan nga ba ang universe—sa tuwing tinatanong ko ang sarili ko kung bakit at paano akong nahulog nang ganito sa kaniya.
“Huy, paslit! Kumain ka lang nang kumain nang magkalaman ka naman! Mahihiyang tumabi sa ‘yo ang tingting!” entrada ni Kuya na panay pa rin ang kain.
“Hindi na ako bata.” Nakita ko kung paanong naglaho ang kaunting ngiti ni Aizel nang sabihin ko ‘yon habang tuon sa kaniya ang tingin. Sabay baling ko sa kapatid. “Matanda ka lang, Kuya!” Kumain ako nang mabilis matapos, iniisip na baka ayaw ni Aizel sa mga mapapayat kaya palagi niya akong binibigyan ng candy.
“Hindi na nga raw siya bata pero puro anime ang nakikita ko sa kwarto niya,” malakas na bulong ni Kuya kay Aizel.
Sinulyapan ko ang huli at naabutang hapyaw na nakangiti ngunit sa kawalan nakatingin. Ano kayang iniisip niya?
Inirapan ko ang tumatawa kong kapatid bago ako tumayo para iligpit na ang pinagkainan ko.
Tumunog ang teleponong nasa sala. Ako na sana ang sasagot para makatakas na ako pero nagsenyas si Kuya na siya na lang. Nagkatinginan tuloy kami ni Aizel nang makaalis ito at maiwan kaming dalawa.
Awkward.
Paalis na sana ako para umiwas na lang pero…
“’Yung kanina…”
Nag-umpisa agad ang kaba ko. Sinubukan kong tignan siya direkta sa mata pero wala pa yatang dalawang segundo’y naiilang na ako. Kaya’t mas pinili kong magbaba na lang ng tingin sa lapag.
“Ayokong…”
Ayaw mong ano? Ayaw mo sa akin? Ayaw mong malaman ni Kuya kaya itago natin? Anong ayaw mo?
“Cadence, ayokong ilagay sa alanganin ang lahat. Ayokong magsugal ng mga bagay na matagal kong iningatan…”
Sa loob nang halos apat na taon, ngayon ko lang narinig na ganito kaseryoso ang boses niya. Ngayon ko lang siya narinig na magbigkas ng mga salitang malayo sa mga kalokohang alam niya. At ngayon lang din ako nasaktan nang ganito kalala. Ang kaninang kaba sa dibdib ko ay napalitan ng paninikip.
“Bata ka pa… para sa akin. Siguro hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon, pero ayaw kong masaktan ka. Hindi ako worth it, Cadence…”
Nag-angat ako ng tingin pero hanggang sa ilalim ng labi lang niya ang kinaya ko. Hindi ko kasi siya kayang titigan diretso sa mga mata ngayong parang sinasaksak ang dibdib ko.
“Baka nasanay ka lang dahil lagi akong nandito… baka naguguluhan ka lang sa nararamdaman mo…”
Gusto kong pigilan ngunit nag-umpisa nang manlabo ang paningin ko. Para bang gusto ko na lang mawala sa harapan niya sa kahit na anong paraan. Pwede bang lumubog na lang ako ngayon dito sa kinatatayuan ko?
“I’m sorry. Pero sana bigyan mo pa rin ako nang kahit kaunting parte ng buhay mo… para maging kaibigan.”
Tila nagbara ang nanunuyo kong lalamunan nang wala akong nasabi at nanatili lang ang tuon sa baba niya.
“Siraulo talaga ‘tong sina Luis! Nag-aya pa ngang uminom? Dito raw sa bahay? Mga tarantadong kulugo ‘yon, gagawin pang beer house dito. Ayos lang sana kung matitino silang malasing kaya lang hindi!”
Bahagyang lumayo sa akin si Aizel pagkabalik ni Kuya sa kusina. Hindi ko naintindihan ang sinabi nito dahil okupado ang buong pagkatao ko ng sakit at mga salitang binitiwan ni Aizel.
“Bakit daw nag-aayang uminom?” Bumaling siya kay Kuya.
“Basted si gago!” anito sabay tawa.
Para naman akong hinampas bigla ng paddle sa likod nang halos kapusin ako ng hininga. Hindi naman para sa ‘kin ‘yon pero pakiramdam ko ako ang pinagtatawanan niya kasi nabasted ako ngayon-ngayon lang. Ang ironic.
“Akyat na ‘ko.” Tuon ang tingin sa sahig, nag-umpisa akong maglakad paalis ng kusina, paakyat para sa kwarto ko.
“Good night…” halos pabulong niyang mutawi.
Paakyat na lang ako ng hagdan ay muntikan pa akong madapa dahil sa panlalabo ng paningin, panlalabong dala nang pamumuo ng luha.
Sinubukan kong iwasan siya ulit. Ilang beses ko ring sinabi sa sarili kong ‘wag na siyang isipin. Pero paano ko ‘yon magagawa kung sa bawat araw na lang na ginawa ng Diyos ay ganito ang eksena namin…
“Cadence, patimpla naman ng juice para sa mga kulugo na ‘to. Baka mahiya man lang sila sa pagtambay dito halos araw-araw,” tahasang utos sa akin ni Kuya.
“Oy, brad, sobra ka! Kami na nga itong ume-effort para magkaroon ka man lang kahit kaunting kaligayahan sa buhay! Kami pa pala ang dapat magkaroon ng kahihiyan? How dare you mader pader?!” natatawang angal ni Luis habang nakaturo sa kaibigan.
“Hoy, kulugo tigilan mo! Sinong may sabing napapaligaya n’yo ‘ko?” Tumawa si Kuya bago pabirong tinapik palayo ang braso ni Luis na nakaturo sa kaniya.
“Bakit, ano bang hinahanap mong kaligayahan? Babae? Kailan ka ba huling nakipag—”
“Tangina mo, Luis, manahimik ka! Nandito si Cadence!” Kahit natatawa ay hindi pa rin napigilan ni Miguel ang sariling batuhin ng throwpillow si Luis. Natahimik ang huli at painosente akong pinagmasdan at nginitian matapos.
Nawala ang kaunting tawa ko matapos mahagip ng paningin ko ang bahagyang nakatawang si Aizel, na siyang nahuli kong nakatingin sa akin. Ang biglang paglundag ng puso ko ay walang pasabi dahil lang do’n. Halos mataranta, dali-dali akong tumalikod at nagtungo sa kusina para gawin na lang ang pinapagawa ni Kuya.
“Tulungan na kita…”
Literal naman akong napalundag sa gulat sa bigla niyang pagsulpot sa gilid ko. Ngumiti siya sa akin nang bahagya, marahil sa nakitang reaksyon ko.
“Uh, ’di. Kaya ko na ‘to.” Ni hindi ako makatingin sa kaniya dahil sa sobra-sobrang kaba. Kamuntikan ko pang malaglag ang babasaging pitsel dahil sa panginginig ng mga kamay ko. Buti na lang… buti na lang nasalo niya… kaya lang… nandoon pa rin ang kamay ko kaya…
“K-Kaya ko na.” Parang napaso kong binawi ang kamay ko mula sa pitsel. Sinulyapan ko siya para makita ko ang reaksyon niya.
“Tulungan na nga kita. Sayang ‘tong pitsel n’yo, baka mabasag pa.”
Halos magwala ang puso ko nang nginitian na naman niya ako. Kainis.
Tapos isang beses pa…
“Grabe, ang lakas ng ulan ‘no?” Nagulat ako nang sumilong siyang bigla sa payong ko. Nagpupunas pa siya ng panyo sa braso kasi nabasa yata siya…
“May baon ka bang jacket? Baka lamigin ka…”
Gusto kong sumagot sa tanong niya pero… napipi ako dahil sa kaba. Bakit ba bigla-bigla na lang siyang sumusulpot? Bigla-bigla na lang niya akong pinapakaba!
Namilog ang mga mata ko nang hawakan niya ang kamay kong nakahawak sa payong. Napatigil ako sa paglakad kaya’t gano’n din siya. Nagtataka niya akong nilingon sa ilalim ng payong, sa tabi niya. Nang saktong nagtama ang mga mata namin ay noon ko naramdaman ang kakaibang pagpintig ng puso ko.
Bakit ba ganito ko siya kagusto? At paano niya nasabing nasanay lang ako na lagi siyang narito kung ganito na lang akong kabahan dahil sa kaniya?
“Uh, ako na maghahawak. Tumatama kasi sa ulo ko… ‘tsaka baka mangawit ka.”
Hindi naman siya ngumingiti pero ‘yong mukha niya kasi… mukhang parang laging nakangiti kahit hindi naman. ‘Yong tipong napakaamo.
“Cadence? Okay ka lang?”
Mamula-mula ako nang sa wakas ay alisin ko ang kamay ko mula ro’n sa payong. Sabi ko nga hindi naman talaga niya gustong hawakan ang kamay ko. Baliw ka talaga, Cadence!
Mabagal ang lakad niya at sinasaway niya ako ‘pag binibilisan ko ang paglakad ko.
“Dahan-dahan ka ngang maglakad. Baka madulas ka sa daan!”
Parang gusto kong ngumiti pero hindi ko magawa dahil baka isipin niyang nababaliw na ‘ko rito. Kung ‘di pa man ako hibang sa kaniya!
Pero paano ko ba makakalimutan ang nararamdaman ko sa kaniya kung ganito?
Hinatid niya ako sa building ko. Nagtataka nga ako kasi wala siyang payong tapos ako pa ang inihatid niya. ‘Di ba dapat siya ang inihatid ko? Tapos ayaw pa niyang umalis hangga’t hindi ako umaakyat. Ang kulit talaga.
Para akong tangang ngumingiti habang tinatahak ang hagdan patungo sa second floor. Nakarating na ako sa corridor doon nang silipin ko siya sa baba. Pero nagtaka ako nang makita siyang nagtutungo sa building nila at… may hawak-hawak siyang payong.
Ako ba ang naguguluhan sa nararamdaman ko o ikaw talaga itong magulo, Aizel? Hindi kita maintindihan. Are you doing this because you care for me? Wala ba akong dapat asahang ibang motibo mo bukod doon?
At ang pinaka hindi ko makalimutan ay ang nangyari nitong nakaraang araw lang.
Pinilt ako ni Kuya na manood ng movie sa sala kasama si Aizel. Madalas nga kasi siyang nandito sa bahay kahit wala ang ibang kabarkada nila. So… ang nakakainis kong kapatid ay bigla-bigla na lang lumayas. May naiwan daw siyang napakaimportanteng bagay kina Luis na kailangan niyang mabalikan ora mismo. Sa lahat naman ng oras, noon pa talaga. Hindi ko alam kung nananadya ba si Kuya o ano.
Kaya iyon… naiwan kaming dalawa ni Aizel. Kaming dalawa lang… sa buong bahay… siya at ako… lang.
“Ano… akyat na ‘ko.” Hindi ko siya nilingon ni inantay pa ang isasagot niya. Tumayo na ako kaagad at nagmartsa patungo sa hagdan pero…
“Cadence!”
Kumalabog ang dibdib ko sa tawag niya. ‘Yong tawag na para bang gustong-gusto niya akong kausapin…
Humugot ako ng isang malalim na hininga bago siya unti-unting hinarap. Naninibago pa rin talaga ako ‘pag nakikita ko siyang ganitong seryoso. Hindi kasi siya ganito sa tuwing kasama nila ni Kuya ang mga kabarkada nila. Ibang-iba siya ro’n sa Aizel na makulit at puro tawa lang.
Bumuka ang bibig niya’t tipong magsasalita na pero napahinto siya na para bang hindi sigurado sa sasabihin.
“Bakit?” Lakas-loob kong tinitigan ang maamo niyang mga mata. Namungay ito at mas lalong nanlambot nang tumitig siyang pabalik sa akin.
“I’m… I’m sorry… kung nasaktan kita sa mga nasabi ko.”
Bakit ka nagso-sorry? Babawiin mo ba ang mga ‘yon?
“Pero, Cadence, ‘wag mo naman akong tratuhing ganito… nahihirapan na ako.”
Napalitan ng kalituhan ang tinging itinapon ko sa kaniya. Bahagya kong ikinunot ang noo para lang hindi niya makita kung paano akong kabahan sa simpleng pagpapalitan namin ng tingin.
Pagkahakbang niyang palapit sa akin ay halos mapahakbang ako paakyat ng hagdan. Ang kaba ko ay dumoble sa pagliit ng distansiya sa pagitan naming dalawa.
Sa namamaos na boses ay sinabi niya ito matapos, “Ayoko ng pakiramdam ‘pag iniiwasan mo ako… parang… parang may kulang sa araw ko ‘pag hindi kita nakakausap… o ni hindi man lang nakikita…”
Huh?
“Aizel…” Anong sinasabi mo? “Hindi ko maintindihan.”
Ang mabilis na pagkalabog ng dibdib ko’y agarang napalitan ng dahilan. Naiinis ako. Bakit siya ganito?
Ang sabi niya bata pa ako para sa kaniya. Na baka hindi ako sigurado at naguguluhan lang ako sa nararamdaman ko.
He already drew the line between us. Bakit niya sasabihin ang ganito sa akin ngayon? Is he purposely giving me mixed signals to confuse me more?
“Please.” Pumikit ako nang mariin. Ayaw kong makipagtalo sa kaniya lalo nang makipaglaro. Kaya, “Tama na.”
Pumihit ako at tinalikuran siya para umakyat na. Pero laking gulat ko nang walang kahirap-hirap niyang hinigit ang kaliwang braso ko pabalik, paharap sa kaniya.
Diretso ang tingin niya sa akin nang sinabi ito matapos, “Naiintindihan ko—hindi ka na bata. But can’t you take me as a friend? Bakit mo ako iniiwasan? Pwede bang ganito na lang? Pwede bang istranghero na lang akong bigla sa ‘yo? Pwede bang gano’n, Cadence?”
“Hindi mo naiintindihan,” linaw ko kasabay ng pag-iling. “I can’t be just friends with you.”
Binalot kami ng katahimikan. Pako ang tingin sa isa’t isa, bumalatay ang halong gulat at lito sa bahagyang namimilog niyang mga mata. Para bang bigla siyang naligaw sa usapan o ano.
Nanghina agad ang mga tuhod ko at parang gusto kong bawiin ang nasabi. Pero hindi… iyon ang totoo at tama iyon. Sigurado ako sa nararamdaman ko at hindi ako naguguluhan tulad ng sinabi niya.
Hinugot ko ang lahat ng lakas ng loob na mayroon ako at matapang na sinabi sa kaniya ang sunod na mga salita matapos.
“Gusto kita, Aizel. At hindi ko kayang maging kaibigan mo lang. Kaya pwede bang ibigay mo na lang sa ‘kin ‘to? At please lang… kung wala kang ibang motibo, ‘wag mo akong paasahin,” halos ipakiusap ko iyon sa kaniya.
Wala siyang ibang nasabi at nanatili lang ang parehong ekspresyon habang tuon sa mukha ko ang tingin.
Nang matantong wala na siyang sasabihin ay dahan-dahan kong binawi ang braso ko at tinalikuran siya para magdiretso na sa taas.
Isang linggo ko siyang hindi nakita pagkatapos noon.
Alam mo ‘yong pakiramdam na kada oras, walang pumalyang minutong hindi siya ang laman ng isip mo? Na kaunti na lang mabubulok na ‘yong utak mo kasi siya lang ang umiikot nang paulit-ulit doon? ‘Yong isang kalabit na lang tatakbo ka na sa lugar kung saan alam mong nandoon siya, dahil para kang nanghihina at ang makita siya ang tanging paraan para mabawi mo ang lakas mo? Nakakabaliw. Sobrang nakakabaliw siyang isipin.