Bumilang si Quin ng hanggang sampu sa isip habang hindi pa rin makapaniwalang nakatingin kay Pio. Nang umabot na sa sampu ang bilang n’ya ay pabalik naman ang ginawa n’yang pagbibilang pero wala pa rin. Tahimik pa rin si Pio at nananatiling walang emosyon ang pagmumukha! Napatingin na s’ya kina Robie at Fred na kapwa nakanganga rin habang pinapanood si Pio sa madalas na pwesto nito sa kiosk, iyon ay sa tapat n’ya. Nang ibalik n’ya ang tingin dito ay wala pa rin itong imik kaya napasinghap na s’ya.
“Diyos ko, Pio! Magugunaw na ba talaga ang mundo bukas?” bulalas na n’ya dahil sa tanang buhay n’ya ay hindi n’ya kailanman nakitang tumahimik si Pio! Hindi naman s’ya naniniwala sa himala pero mukhang gusto ng magbago ng pananaw n’ya ngayon. Pio was never the silent type. Minsan ay kahit na wala ng sense ang sinasabi nito ay sige pa rin ito sa pagsasalita at pang aasar. Pakiramdam yata nito ay magkakasakit ito kung mananahimik ito sa isang tabi kaya naman gulat na gulat sila habang pinapanood itong diretsong diretso ang upo at walang emosyon sa mukha.
“Hoy, Pio! Anong nangyari sa’yo? Don’t tell me…” si Robie na eksaherada pang napatakip ng palad sa bibig kaya sabay sila ni Fred na napatingin sa gawi nito.
“Ano?” tanong ni Fred na nakatingin na rin kay Robie.
“Nakabuntis ka? Hindi mo na hugot?” eksaherada pa ring tanong nito kaya napasinghap na rin s’ya at nalaglag ang panga habang nakatingin kay Pio. Umiling lang si Pio kaya pare pareho na silang napasapo sa bibig habang hindi pa rin makapaniwala na nakatitig dito. Nang mag angat ng tingin si Pio sa kanila ay nagsalubong ang mga kilay nito.
“What?” iritadong tanong lang nito sa kanila kaya lalo silang napanganga nagkatinginan habang sabay sabay na nag sign of the cross.
“Holy cow…” halos panabay nilang usal.
Naglalabas na sila ng kanya kanyang baon nang magsalita si Robie.
“Wala kang baon, Pio?” tanong nito kaya napatingin na rin s’ya kay Pio na wala ngang dala na kahit na ano. Kumunot lalo ang noo n’ya dahil mukhang hindi lang basta nag iinarte ang loko loko n’yang kapitbahay. She’s thinking that maybe something really happened to him this morning. Tinagilid n’ya ang ulo at nanlaki ang mga mata nang maalala n’ya ang magarang kotse na nakaparada sa harapan ng gate nina Pio kaninang umaga. Dahil doon ay wala sa sariling napatitig s’ya kay Pio. Walang ibang pwedeng maging dahilan ng pagiging gano’n nito kung hindi ang dahilan kung bakit ito naging sobrang babaero; ang nanay nito.
“Kumain lang kayo d’yan. Don’t mind me. Wala akong gana...”
Napatigil ito sa pagsasalita at napatingin sa tupperware na inilapag n’ya sa harapan nito. Napalunok s’ya nang mag angat ng tingin si Pio sa kanya at seryosong tinitigan s’ya. Napakurap kurap s’ya at agad tumikhim. Nalingunan n’ya sina Robie at Fred na kapwa natigil ang pagsubo sana ng kinakain at halos hindi gumalaw na nakatingin sa kanilang dalawa.
“Ano ‘yan?” tanong ni Pio nang makabawi sa ginawa n’yang paglapag ng tupperware ng pagkain sa harapan nito. Kay Marco sana iyon pero hindi tinanggap nito kaya kaysa masayang ay ibinigay na lang n’ya kay Pio tutal ay wala naman itong baon.
“Pagkain. Mukha bang bomba ‘yan?” nakataas ang kilay na pambabara n’ya dito. Sa totoo lang ay hindi na s’ya komportable dahil sa ginagawang paninitig nito sa kanya. Kaya lang ay nailapag na n’ya kaya hindi na n’ya magawang bawiin at baka magmukha lang s’yang tanga na magbibigay pagkatapos ay babawiin rin!
“Alam kong pagkain ‘yan. Pero bakit mo ko binibigyan n’yan?” tanong pa nito. Even the way he talked to her and the way he asked her was quite different. Hindi n’ya maintindihan pero parang malayong malayo iyon sa Pio na siraulo at mapang asar na araw-araw n’yang nakakasalamuha. There was something about his stares that was making her feel really uncomfortable. Sa inis n’ya ay pinandilatan n’ya ito at inabot ang tupperware na ibinigay n’ya dito pero pinigilan nito ang kamay n’ya. Nanlaki ang mga mata n’ya nang maramdaman ang paglapat ng mainit at malaking kamay nito sa ibabaw ng palad n’ya.
“A-akin na kung ayaw mo! Ang dami dami mo pang satsat d’yan ikaw na nga ang binibigyan!” nag-iinit ang mga pisnging bulalas n’ya. Kung para saan ang pag iinit ng mga pisngi n’ya ay hindi n’ya alam. Malamang ay dahil sa inis dahil sa pag kwestyon pa nito sa pagbibigay n’ya ng pagkain dito. Pakiramdam din n’ya ay sinisilihan s’ya sa pwet dahil lang sa kamay nitong nakapatong ngayon sa ibabaw ng kamay n’ya! “Akin na nga sabi!” ulit pa n’ya na hindi na masalubong ang tingin nito. Umiling si Pio at hinawi ang kamay n’ya at saka inilapit ng todo sa harapan nito ang tupperware at saka binuksan iyon.
“Bigla akong nagutom…” mahinang sabi pa nito habang binubuksan iyon. Napalunok s’ya at agad na nag iwas ng tingin nang makita n’ya ang pagkalaglag ng panga nito nang makita marahil ang platings na ginawa n’ya doon na puro naka korteng puso pati ang pagkakalagay ng kanin! Agad na nag iwas s’ya ng tingin dito nang makita n’yang nag angat ito ng tingin sa kanya.
“Wow, Quin! Happy Valentines!” buska ni Robie nang makita ang nasa tupperware. Napakamot s’ya sa pisngi at napangiwi.
“Kay Marco kasi sana ‘yan… kaso lang… tinanggihan…” nakangiwing sabi n’ya. Kitang kita n’ya ang pag angat ng tingin ni Pio sa kanya pero hindi n’ya ito tiningnan. Mariing pumikit s’ya at hinintay na ibalik nito ang tupperware sa kanya pero ilang sandali pa ay hindi naman nito iyon ibinalik pero nakatitig pa rin ito sa kanya kaya tumikhim s’ya at tinaasan ito ng kilay.
“Tinitingin tingin mo? Sabihin mo lang kung ayaw mo n’yan at-”
Napatigil s’ya sa gagawin sanang paglilitanya nang ilahad nito ang isang kamay sa harap n’ya. Kunot noong tiningnan n’ya iyon. “Ano?”
“Spoon and fork,” tipid na sagot lang nito kaya tumikhim ulit s’ya at kinuha sa bag ang extra utensils na dala n’ya rin para sana kay Marco. Namilog ang mga mata n’ya nang makita ang nadala n’yang kutsara at tinidor na s’yang ka partner ng ginagamit n’ya. Sinadya talaga n’yang piliin ang design na iyon para couple kahit na ang mga kutsara’t tinidor nila. “Ang bagal,” reklamo ni Pio kaya tinapunan n’ya ito ng masamang tingin bago inabot dito ang kutsara’t tinidor. Laglag ang mga panga nito nang mapatingin doon at kitang kita n’ya ang pagngisi nito ng nakakaloko habang umiiling. Hindi n’ya maiwasang mapatingin kay Pio habang seryosong kinakain ang niluto n’ya. Aminado s’yang hindi s’ya sanay sa kusina dahil sa tanang buhay n’ya ay nakafocus lang s’ya sa pag aaral at nang makapagtrabaho ay sa trabaho naman n’ya ibinuhos ang buong atensyon n’ya. She didn’t have time to learn cooking. Pero sa ilang beses na pag uusap nila ni Marco ay palaging nababanggit nito na gusto nito sa babae ang magaling sa kusina kaya inabot s’ya ng hatinggabi kagabi para lang pag aralang lutuin ang napaka simpleng dish na ‘yon. Tahimik na kumain na rin s’ya pero panaka naka ay sumusulyap sa gawi ni Pio. Nakita n’yang halos maubos nito ang lahat ng laman ng tupperware at may natira na lang na ilang slice ng vegetable omelet kaya lihim na napangiti s’ya. Nakita n’yang inabutan ito ng mineral water ni Fred at umangat ang tingin nang may tumawag dito na co-teacher din nila.
“Thank you for this,” narinig n’ya pang sabi ni Pio at saka nagpaalam na para lapitan ang tumawag dito. Sinundan n’ya pa ito ng tingin habang naglalakad palayo sa kiosk.
“Patikim naman ng omelet! Mukhang sarap na sarap si pare eh!” bulalas ni Fred at tumusok sa ilang slice ng omelet na naiwan ni Pio at agad na isinubo ‘yon. Kumunot ang noo n’ya nang makitang iniluwa kaagad ‘yon ni Fred.
“Why, Godo?” tanong ni Robie habang nakatitig kay Fred.
“Sigurado ka bang vegetable omelet ‘to, Quin? Hindi salt omelet? Napaka alat!” bulalas nito at saka diretsong ininom ang mineral water na dala nito. Napalunok s’ya at agad kinuha ang sariling tinidor at tumusok doon. Napangiwi s’ya nang halos humapdi na ang dila n’ya sa alat no’n! Napamura s’ya sa isip. Paano na lang kung si Marco ang nakakain no’n? Major turn off ‘yon kung sakali! Kinagat n’ya ang ibabang labi. Mukhang kailangan na talaga n’yang bigyan ng sapat na oras ang pagluluto kung gusto n’yang mainlove sa kanya ng todo si Marco!
“Mukhang pati panlasa ni Pio ngayon may aberya din! Ang alat nga, Quin! Baka hiwalayan ka agad ni Marco kapag natikman n’ya ‘to!” bulalas naman ni Robie na tinikman din ang luto n’ya. Kinagat n’ya ang ibabang labi at lalong inisip na kailangan na talagang seryosohin ang pagluluto kung ayaw n’yang maging single na naman!
“Pasok ka muna…” nakangiting alok n’ya kay Marco kinahapunan nang ihatid s’ya nito sa bahay. Umiling naman ito.
“Naalala kong may gagawin pa pala akong lesson plan. Maybe some other time?” nakangiting tanggi naman nito. Dismayado man ay ngumiti pa rin s’ya at hahakbang na sana palapit dito para bigyan ito ng goodbye kiss pero agad na itong bumalik sa kotse kaya napatigil s’ya sa paghakbang at kinawayan na lang din ito nang kumaway ito sa kanya. Pinanood n’ya ang kotse nitong papalayo at nagkibit balikat. Mukhang nagmamadali talaga ito kaya kahit goodbye kiss ay hindi man lang s’ya nabigyan. Ipinagkibit balikat na lang n’ya iyon at pumasok na sa bahay.
Nakasalubong n’ya ang pangalawang kapatid n’yang si Quiel na may hawak hawak na bola na panigurado ay magbabasketball na naman sa court sa labasan kasama si Pio. Tsk!
“Hi, Ate! Nandyan na rin ba si Kuya Pio?” tanong pa nito na tinaasan n’ya lang ng kilay.
“Malay ko sa lalaking ‘yon!” nakairap na sagot n’ya. Nagkamot ito sa batok dahil sanay na naman ito sa kanila ni Pio.
Matapos makapagbihis ay naglibang s’ya saglit sa pag surf sa internet. Napangiti s’ya habang binabago ang relationship status n’ya sa f*******: na noon pa n’ya pangarap na gawin. She added another life event with her current relationship with Marco in her social media account. Ngiting ngiti s’ya habang pinupuntahan ang profile ng nobyo n’ya at sinubukang mag scroll sa timeline nito. She saw one of his recent posts and it was posted almost two weeks ago.
Marco Ayson:
I can do anything just to have you.
She was all smiles while hitting the react button to give it a heart!
Nag scroll din s’ya sa mga friends n’yang online at nangunguna sa listahan si Pio. Napangiwi s’ya at tumaas ang kilay bago pinindot ang profile nito at mag send ng message.
Queen Quin:
Hoy! Ano namang drama mo kanina? Di bagay sa’yo! Lalo kang pumapangit!
Napangisi s’ya nang i-send ang chat n’ya dito na agad naman nitong na-seen. Napangiwi na naman s’ya nang mabasa ang pangalang naka register sa account nito.
Handsome Pio:
None of your business, QUIRINA MATABA LANDIPA.
Nalaglag ang panga n’ya nang mabasa ang reply nitong wala namang ibang laman kung hindi panlalait! Nanggigigil na nagtipa s’ya ng reply dito.
Queen Quin:
Ang kapal talaga ng mukha mong GGSS ka!!!!!!
Agad naman itong nagreply kaya napatawa s’ya.
Handsome Pio:
Ano na namang ibig sabihin n’yan???
Natatawang nagtipa s’ya ng reply para dito.
Queen Quin:
GWAPONG GWAPO SA SARILI!!! :-P
Matapos n’yang i-send iyon ay agad na nag log out na s’ya para hindi na ito makaganti! Napahalakhak s’ya matapos tiklupin ang laptop pero agad ding napatigil nang maalala ang ginawa nitong pagkain sa niluto n’ya kahit na sobrang alat no’n. Napalunok s’ya pero agad ding iwinaksi iyon sa isip at tumayo na para bumaba at tumulong maghanda ng dinner.